HINDI alam ni Sienna na nakatakda ring mawala sa buhay niya si Mike. Isang gabi ay panay ang halik nito sa kanya. Malambing si Mike pero nang oras na iyon, extra ang lambing nito.
“Sa wakas, Sienna, makakasal na rin tayo.” Hawak nila ang aprubadong lisensya ng kasal. Nagawan iyon ng paraan ni Mama Sylvia kahit na pareho silang menor de edad.
“Nakokonsiyensiya ako. Wala pang isang buwang namamatay ang Mama,” aniya.
“Hindi na natin kailangang patagalin. Mas mahirap namang nandiyan na ang baby, eh, hindi pa tayo kasal. Ayoko namang maging illegitimate ang anak ko.”
Tumungo siya. Kaya nga nagsawalang-kibo na lang siya. Ganoon din ang katwiran ni Mama Sylvia. Ayaw nitong lumabas na illegitimate ang apo.
“Sweet, kailangang lumabas ako ngayong gabi,” paalam ni Mike.
“Saan ka pupunta?”
“Nabalitaan ng barkada ang kasal natin. Nangangantiyaw. Magpainom naman daw ako.” Binuntutan nito ng tawa ang sinabi.
Kilala niya ang barkada ni Mike. Maykaya rin ang mga ito tulad ng kasintahan. At hindi siya nag-aalala sa gastusin kung hindi sa hindi maipaliwanag na kabang dumagan sa dibdib niya.
“Ingat ka,” ang tanging nasabi niya.
“Siyempre naman,” ani Mike. Matagal ang mariing halik na iniwan nito sa kanya. Nakalabas na ito ng pintuan ay panay pa ang kaway nito sa kanya. At habang lumiliit ang tingin niya rito ay lalo namang lumalakas ang kabog ng kanyang dibdib.
Nanalangin siya. Hiniling niya sa Diyos na sana ay ingatan Nito si Mike. Sa huli ay puro hagulgol na lang ang nagawa niya.
Balisa siya buong magdamag. Hindi niya makuhang matulog. Nang may pumaradang kotse sa tapat ng bahay nila, siya na ang nagbukas ng ilaw. Parang inaasahan na niyang mangyayari ang ganoon.
Pakiwari niya ay sasabog na sa lakas ng tambol ang kanyang dibdib. Halos mangalog ang mga tuhod niya sa pagmamadaling buksan ang gate.
“Ariel?” Nangangatal na siya.
“Sienna, si Mike...” Iyon lang ang narinig niya at pinagdimlan na siya ng paningin. Nang magising siya ay nasa ospital na siya. Nakabantay sa kanya si Mama Sylvia.
“Hija,” tawag nito.
“Si Mike ho?”
Lumunok ito na tila pinipigil humulagpos ang emosyon. “N-nasa ICU.”
Ipinaliwanag sa kanya ni Mama Sylvia ang nangyari. Nagkaroon ng gulo sa bar na pinuntahan ni Mike kasama ang barkada nito. Anak ng isang politiko ang nagpasikat. Nagpaputok ito ng baril nang mapikon sa isang waiter. Si Mike ang malas na tinamaan ng bala. Tinamaan ito sa tiyan.
Tinipon niya ang lakas at pinuntahan ito sa ICU sa kabila ng bilin ng doktor na huwag itong gambalain. Hinawakan niya ito sa kamay at kinausap. “Mike, please, live. Nandito kami ng baby natin. Kaya mo iyan,” hagulgol niya.
Maagap siyang inilayo ni Mama Sylvia roon. Pilit siyang ina-assure na may pag-asa pa si Mike.
Mike had a strong fighting spirit. Naroon ang will rito na mabuhay pa. Kitang-kita iyon ng mga doktor sa kabila ng grabeng pinsala na tinamo nito. Ngunit hindi na nakaya ng pisikal na katawan ni Mike. Eksaktong isang linggo nang dalhin ito sa ospital, binawian ito ng buhay.
PARANG mababaliw si Sienna sa magkasunod na masakit na pangyayaring iyon. Subalit inalalayan siya ni Mama Sylvia. Ini-appoint nito ang sarili bilang tagapag-alaga niya.
Buwan-buwan ay sinasamahan siya nitong magpunta sa OB-GYN para sa prenatal check up niya. At kumuha pa ito ng isang espesyalista para matulugan siyang makabawi sa depression na dinaranas niya.
Para siyang isang robot. Tumatawa ngunit walang taginting. Nauunawaan na niya ngayon kung bakit naging matamlay ang mama niya nang mamatay ang papa niya. At higit pa roon ang pakiramdam niya. Wala na siyang ganang mabuhay. Gusto na niyang sumunod kay Mike.
Iniiyakan siya ni Mama Sylvia kapag sinasabi niya iyon.
“You’re pregnant, hija. Masama sa iyo ang mag-isip ng ganyan. And please, try to live a normal life again. Nandito pa kami. Tayo ngayon ang pamilya. Nasa tiyan mo ang alaala ni Mike sa atin. Gusto mo bang mawala rin sa iyo ang anak mo?”
“Siya ang malas,” buong-kapaitang wika niya na ikinapanghilakbot ni Mama Sylvia. “Mula nang malaman kong buntis ako, nagkasunud-sunod na ang kamalasang inabot ko—natin.”
“Don’t say that, Sienna,” buong-pang-unawang wika nito. “Always remember that the coming of your baby is still a blessing. Anuman ang sirkumstansyang naging kaakibat ng pagdating niya sa mundo.”
Hindi na niya kinontra ang sinabi nito.
“ARIEL...!” Impit ang daing na lumabas sa lalamunan ni Sienna. Alas-siyete pa lang ng gabi ay nararamdaman na niya ang p*******t ng tiyan. Ngunit hindi niya iyon pinansin. Sa isang linggo pa ang due niya at may ilang araw na rin ang ganoong pagsalakay ng sakit. Biglang hihilab, ngunit mawawala rin.
Binitiwan ni Ariel ang remote control ng component. Mula nang lumagpas sa ikawalong buwan ang ipinagbubuntis niya ay kasama na niya si Ariel na natutulog sa bahay. Mag-isa na lamang siyang nakatira sa bahay nila mula nang mamatay ang kanyang ina. Inaya naman siya ni Mama Sylvia na sa bahay nito sa White Plains na lamang siya tumira, ngunit tumanggi siya. Para sa kanya, wala nang silbi pa na tumira siya roon kung wala rin lang si Mike. Ngunit sa delikadong sitwasyon niya ngayon ay para siyang nagsisisi. Kung pumayag lang siya na sa White Plains tumira ay may mag-aasikaso sana sa kanya.
Ngunit matigas pa rin siya.
“Manganganak ka na?” Tingin niya ay una pang aatakihin ng nerbiyos si Ariel kaysa sa kanya.
“Siguro.” Napangiwi siya nang masundan ang paghilab.
Hindi malaman ni Ariel kung ano ang unang gagawin. Humakbang ito para lapitan siya’t alalayan nang mapahinto sa tapat ng telepono.
“Tawagan na natin ang mama.”
“Ikaw na,” aniyang halos mapauklo.
Labinlimang taong gulang noon si Ariel. At kung bago sa kanya ang experience na iyon ay mas lalo rito. Nang makita nito ang dugong umagos sa kanyang binti, kulang na lang ay himatayin ito. Nawalan ng kulay ang mukha nito.
“Sienna, manganganak ka na!” Napalabas ng kuwarto ang katulong. Ito lang ang waring nasa tamang huwisyo. “Hoy, Ariel, tumawag ka ng ambulansya!”
Muntik nang nabitawan ni Ariel ang telepono.
“Ang mama, nakausap mo ba?” tanong niya.
“Hindi pa. Teka, sandali! Sino ba’ng uunahin!” Balik na naman ito sa pag-dial sa telepono.
“Ako na’ng tatawag. Maring, iyong gamit sa itaas, pakikuha mo.” Siya na ang tumawag sa biyenan. “`Ma? Dinudugo na ako!”
Sinundo siya ng isang ambulansya. Nasa delivery room na siya nang danasin ang matitinding hilab. At sa gitna ng pagle-labor niya ay wala siyang ibang tinawag kundi ang pangalan ni Mike.
Desisyon ng doktora at ni Mama Sylvia na paanakin siya through Cesarean section. Nag-aalala ang mga ito sa emotional stability niya lalo at may kahirapang palabasin ang bata sa pamamagitan ng normal delivery.
“Ang anak ko?” On instinct ay ang anak niya ang una niyang hinanap nang magkamalay siya. Nang naramdamang wala ito sa kanyang tabi ay noon lang niya natanto ang kahungkagang hindi maipaliwanag.
Sa isang iglap, bumalik ang kagustuhan niyang mabuhay pa. Iyon ay para sa anak niya.
Napaluha siya nang iabot sa kanya ng nurse ang anak. Hindi pa niya naranasang lumigaya nang ganoon nang madama ang maliit na katawan nito sa kanyang bisig. The baby looked helpless. At parang ito ang nagsasabi na, sa kanya bilang ina, nararapat na manggaling ang proteksyong kailangan nito.
Tama si Mama Sylvia. Kailangan niyang mabuhay para sa kaisa-isang alaalang naiwan sa kanila ni Mike.
And besides, little Mickey was quite an angel.
WALA nang nagawa si Sienna nang paglabas niya ng ospital ay sa White Plains siya iniuwi ni Mama Sylvia. Ito ang personal na nag-asikaso sa kanilang mag-ina.
“Please, Sienna. Practical para sa ating lahat ang ganitong setup. Maaalagaan ko kayo nang husto at hindi pa malayo sa akin ang apo ko.”
“Sayang naman ho ang bahay namin,” katwiran niya.
“Paupahan mo,” suhestiyon nito. “At kung iniintindi mo ang katulong ninyo, puwede naman siya rito.”
Ganoon nga ang ginawa niya. Nang may umupa sa bahay ay ibinigay niya sa biyenan ang renta, ngunit hindi nito tinanggap.
“Itago mo na lang iyan, Sienna. Magagamit ninyo iyang mag-ina pagdating ng panahon.”
Isinama niya ang halagang iyon sa perang tinanggap sa bangko nang mamatay ang kanyang mama. Lahat, pati ang pera ng kanyang papa ay pinagsama-sama niya at inilaan sa trust fund ni Mickey.
Wala siyang naging problema pagdating sa pera dahil sagot ni Mama Sylvia ang lahat ng pangangailangan nilang mag-ina. Tuloy ay lumaki sa karangyaan ang anak, although hindi niya nagustuhan iyon.
Naglalakad na si Mickey nang banggitin sa kanya ni Mama Sylvia ang tungkol sa pag-aaral niya.
“Bakit hindi ka uli mag-enrol, Sienna? Sayang naman kung hindi mo ipagpapatuloy ang kurso mo.”
Reluctant na kaagad siya. “Wala hong mag-aalaga kay Mickey.”
“Ano bang wala? Wala naman akong ginagawa rito sa bahay. At saka hindi naman makakabigat sa gastusin kung sakaling kailangang ikuha siya ng tagapag-alaga. Pag-isipan mo, Sienna. Iba rin iyong makatapos ka. At huwag mong isipin na para iyon sa sarili mo. Ang isipin mo na kaya ka nagpupursigeng makatapos ay dahil kay Mickey.”
Iyon ang magic word. Para na rin kay Mickey. `Pag sinabi ng babae na ganoon, madali na siyang mapahinuhod.
Bago nag-graduate ng kinder school si Mickey, hawak na rin niya ang sariling diploma. Hindi rin naman siya nakapagtrabaho pagka-graduate.
“Masyado pang bata si Mickey. Kailangan pa niya ng kalinga mo.” Tuwina ay iyon ang sinasabi ni Mama Sylvia sa kanya lalo at nakikita siya nitong seryosong tumitingin sa mga classified ads sa mga diyaryo.
Sa ilang taon niyang pakikisama kay Mama Sylvia, natuto na rin siyang sayawan ang gusto nito. Dominante ang matanda. Alam nito kung paano siya mapapahinuhod. Kalaunan ay nagsilbing dekorasyon na lang sa dingding ang kanyang diploma. Hindi na niya naranasang magtrabaho.
At para naman hindi siya mabagot sa bahay ay isinasama siya ni Mama Sylvia sa pag-iikot nito sa mga puwesto ng pawnshop. At kapag panahong kailangan nitong mamili ng mga gemstones sa Hong Kong ay isinasama rin siya nito, at pati na rin si Mickey kung matatapat na wala itong pasok sa eskuwelahan.