NAGMAMADALING umalis patungo sa office si Matthew. Tinanghali ito ng gising at pati si Sienna ay nataranta sa nag-aapurang kilos nito. Hindi na siya naalalang halikan man lang nito bago umalis.
Nang makaalis ito ay saka siya bumalik sa kuwarto.
Parang namamalikmata pang nakatitig siya sa dalawang guhit sa strip. Pangalawang beses na iyong nangyari sa kanya. At wala ang takot na naramdaman niya noong malaman niyang buntis siya kay Mickey.
Puro katuwaan ang nasa puso niya.
Two days ago ay pumalya ang monthly period niya. Regular na regular siya pagdating sa bagay na iyon at instinct ang nagdidikta sa kanyang magkakaanak na naman siyang muli.
Sa nakaraang mga araw ay excitement ang pumuno sa kanya. Napapansin na iyon ni Matthew at bagama’t gustong magtanong ay hindi naman ginagawa.
Tiniis din niyang sarilinin ang naiisip sa nagdaang dalawang araw. Hindi niya gustong sabihin kay Matthew ang magandang balita hangga’t hindi siya sigurado.
Nagmamadali siyang nagbihis.
Kagaya noon kay Mickey, gusto niyang doktor mismo ang kumumpirma sa kanyang kalagayan bago iyon ipaalam sa asawa.
“CONGRATULATIONS, Sienna.” nakangiting kinamayan siya ng doktor na siya ring doktor niya noon. Natutuwa itong malaman na nakapag-asawa na siya. At pagkuwa ay ang anak naman niya ang kinumusta. “Malaki na siguro ang panganay mo.”
“First year high school,” sagot niya.
“Ganoon na pala katagal? My! Mukha ka pa ring dalaga.” Hinagod siya nito ng tingin.
“Malapit na uling hindi. Malaki akong magbuntis,” aniya. “Paano, Doktora? I can’t stay long. Tutuloy ako sa office.”
“Okay. I’ll see you next month.”
ANG LUWANG ng pagkakangiti sa kanya ni Ariel nang makita siyang paparating. At bago pa siya nakalapit sa mesa nito ay marami pang empleyado ang bumati sa kanya.
“Ma’am Sienna—”
“Ano bang Ma’am?” saway niya. “Sienna lang ay ayos na.”
“Ayaw naming makagalitan ni Sir,” anang isa.
“Oo nga naman. Baka hindi ituloy ang pakain!”
“Nabalitaan namin, Ma’am Sienna, ayaw pala ninyong magpakasal uli. Sayang, iyon pa naman ang hinihintay naming makita. Parang hindi kami makapaniwalang ang tipo ni Sir ang nagpapakasal.”
“Nagawa na,” nagingiting tugon niya. “Excuse me, baka naiinip na si Ariel.”
“Huu! Isa pa iyan,” patuloy pang kantiyaw. “Ayaw ring magpakain kaya sa huwes nagpakasal!” wikang sadyang ipinaabot sa pandinig ni Ariel.
“Gastos lang iyon!” pasigaw namang deklara ni Ariel.
“Mukhang okay lang na mag-ingay, ah?” sabi niya nang makalapit. “Wala ba ang amo?”
“Lumabas lang sandali. Darating na iyon. Wala naman siyang ibang pupuntahang importante. What brings you here?”
Nagkibit siya ng balikat. She wanted to tell Ariel the good news, ngunit gusto niyang sa asawa iyon unang ipaalam.
“I miss him,” sa halip ay sagot niya.
Napangisi si Ariel. “Baka naman over na iyan. Hindi ka naman siguro si Lucy.”
“I’m not the jealous type,” depensa niya.
“You should be, I think. Hindi rin naman katulad ng pasensya ko ang kay Matthew.”
Napangiti siya. “Sa palagay ko ay nag-iisa ka namang talaga. Si Lucy lang ang alam kong ubod nang selosa and yet natatagalan mo.”
“Iyan ang nagagawa ng pag-ibig. Siyangapala, mabuti at hindi naiisip ng dalawang bata na bumalik sa inyo?”
“Hindi ko nga rin alam. Nagtatampo na nga si Matthew kay China. Inaaya na naming umuwi, pero gusto pa kay Mama Sylvia. Okay lang si Mickey dahil nakiusap siya sa aking gusto pa niyang magtagal doon. Pero si China, ewan ko.”
“Magkasundo naman iyong dalawa, nakikita namin.”
“Away-bati, baka iyon ang gusto mong sabihin.”
Sabay silang napatingin sa oras.
“Baka gusto mong magpahinga muna. Umakyat ka sa penthouse,” suhestiyon ni Ariel.
“Hindi pa ako napunta roon.”
Nagitla si Ariel ngunit wala itong sinabi. Hinila nito ang drawer at kinuha ang isang susi ng penthouse. “Madali lang makita iyon. Press the ‘P’ button. There’s only one door when you step out of the elevator.”
“Sige na nga. Gusto ko pa sanang makipag-kuwentuhan pero nananakit na itong balakang ko.”
Napatitig si Ariel. “Ngayon ko lang napansin, you’re blooming. Buntis ka ba?”
Sumimangot siya, ngunit sa huli ay napangiti rin. “Bakit hindi ako makapagtago ng sikreto sa iyo? Si Matthew pa naman sana ang gusto kong unang makaalam.”
“Congrats,” bati nito. “Don’t worry, I won’t spill the news to him. You owe it to him.”
“Oh, thanks. Pakisabi na lang na nasa itaas ako.”
“Of course.”
PAGLABAS ni Sienna ng elevator ay hindi nga siya nahirapang hanapin ang pinto. Bahagya lang iyong nakalihis sa pintuan ng elevator.
Anyo niyang ipapasok ang susi sa keyhole nang mapansing bahagyang nakaawang ang pinto. Marahan niya iyong itinulak at tangka sanang aalamin kung sino ang pangahas sa loob nang mabosesan si Matthew.
“Please, Rowie...”
Natigil siya sa mismong pintuan. Gustuhin man niyang humakbang papasok ay nanginginig ang kanyang mga tuhod para makagawa ng isang hakbang man lang.
Parang namanhid ang kanyang utak. Hindi man lang pumasok sa kanyang isip ang posibilidad na may ugnayan pa ang dalawa. Nang sabihin ni Matthew na pumunta na lang ito sa Amerika matapos makipagkalas sa kanyang asawa ay naniwala siya kaagad.
Hindi niya nabalitaang dumating ang babae. Napailing siya. Paano ba niya malalaman kung sadyang itinatago sa kanya?
“Hindi puwede ang gusto mong mangyari, Rowie. Hindi papayag si Sienna. Malayo ang Amerika. Hindi ko maitatago sa kanya kung gugustuhin ko man na umalis.”
Mariin siyang napapikit at nakagat ang ibabang labi. Pinatatag niya ang tindig at pumihit.
Lihim siyang nagpasalamat at paakyat ang elevator. Hindi siya natagalang maghintay at bumukas iyon. Wala iyong ibang sakay. Pinindot niya ang ‘B’ at minsan pang nagpasalamat na hanggang makarating siya sa basement ay wala nang ibang sumakay.
Gustuhin man niyang mambati kung sakali mang may empleyadong sasakay ay hindi niya magagawa. Masamang-masama ang loob niya para gawin ang kahit na pinakasimpleng pagngiti.
Mabigat ang loob na iminaniobra niya ang kotse. Tinanguan lang niya ang guwardiya at lumisan na.
SAMANTALA, sa itaas ng building.
Hinimas-himas ni Matthew ang sentido. Kanina pa sumasakit ang kanyang ulo. Hindi na nga natuloy ang paglabas niya ng opisina sa pagbabalak na ibili si China ng pasalubong na makakapaglubag sa loob nito para pumayag nang umuwi sa mansyon.
Hindi niya alam kung gaano siya nakatagal na naidlip. At kung hindi pa sa ring ng private line doon ay hindi siya magigising.
Nabigla pa siya nang mabosesan si Rowie. Tiyempo ang pagtawag nito at nandoon siya sa penthouse. Napailing na lang siya nang maalala ang ipinagpipilitan nito.
Naalala niyang tawagan si Ariel. Hindi pa man siya nakakapagsalita ay naunahan na siya ni Ariel.
“Inabutan ka na ba riyan ni Sienna?”
“Si Sienna?” gulat na ulit niya. “Dumating ba siya?”
Nakahimig si Ariel ng hindi maganda. “She was missing you, sabi niya. Ibinigay ko ang susi diyan para diyan ka na lang niya hintayin. Hindi naman siya siguro gagamit ng hagdan para umakyat. She knows what’s good and bad for her.”
“Damn!” mahinang wika ni Matthew. “Connect me to the basement guard.”
Tumalima naman si Ariel.
“Sir, kaaalis lang po,” sabi ng guwardiya.
Muli niyang idinayal ang numero ni Ariel. “I’m going home.” Ibinaba na ni Matthew ang telepono.
He could sense what happened. Tiwala siya sa seguridad ng opisina kaya ugali na niyang hindi mag-lock ng pinto. Natitiyak niyang naringgan ni Sienna ang usapan nila ni Rowie sa telepono at iba ang pumasok sa isip nito.
Dinampot lang niya ang susi ng kotse at umalis na.
HINDI gustong umuwi ni Sienna sa bahay, kahit alinman sa dalawang bahay. Sa halip ay nagtungo siya sa bahay na minana sa mga magulang.
Minsan isang buwan ay pumupunta siya roon para maningil ng upa. At nitong nakaraang tatlong buwan lang siya tumigil. Nag-migrate na sa Australia ang umuupa sa kanyang bahay. At hindi na niya ginustong paupahan iyon muli.
Inihinto niya sa tapat ng gate ang kotse. Hinayaan na niya iyon sa tabing-kalsada sa halip na ipasok pa sa garahe. Bago binuksan ang bahay ay lumigid pa siya.
Noon pa niya napansin ang mga sirang bahagi na kailangang ipa-repair. Hindi lang niya iyon pinansin noon dahil alam niyang hindi naman iyon dahil sa kapabayaan ng tenant.
Nang makapasok ay saka siya nagkalkula kung magkano ang aabutin ng pagpapa-renovate niyon. Iyon ang gusto niyang unahin kaysa maghanap ng bagong uupa roon.
Naisip niyang ilang panahon na lang ay binata na si Mickey. Mag-aasawa ito at gusto niyang ipamana ang bahay at lupang iyon.
Pansamantalang nakalimutan niya ang sama ng loob.
Nalibang siyang isa-isahin ang bawat bahagi ng bahay. Fully- furnished iyon nang paupahan niya kaya ang mga dati nilang gamit ay naroroon pa rin kahit na luma na at mayroon nang ilang sira.
Nakaramdam siya ng hapo. Iyon ang problema niya kapag nagdadalantao. Kaunting kilos lang ay pagod na siya. Pumasok siya sa dating kuwarto, nagpalis ng alikabok at saka nahiga.
WALANG asawang inabutan si Matthew sa Corinthian. At habang papunta siya sa White Plains ay iniisip niya kung ano ang sasabihin kay Mama Sylvia kung magkakataong wala rin doon si Sienna.
Nag-aalala siya sa asawa. First time nitong magtatampo at hindi niya alam kung paano siya makakabawi.
Sinalubong siya ni China. Kadarating lang nito mula sa school at suot pa ang uniporme.
“Where’s mommy?”
Itinago ni Matthew ang pagngiwi. Wala nga roon ang asawa. At hindi na niya alam kung saan ito maaaring magpunta.
“May pinuntahan lang. Magtatagal daw nang kaunti,” pagtatakip niya. “Si Mickey?”
“He’ll be here at six. Maiinip pa ako nang ilang oras.”
May naalala si Matthew. “Iyon naman pala, bakit hindi ka na lang sumamang umuwi sa atin?”
Lumabi ito. “Wala naman doon si Mickey.”
“Mas gusto mo pang makasama si Mickey kaysa sa Daddy? Come on, Chin, we miss you. At isa pa’y nakakahiya na rito.”
Tinablan yata nang kaunti si China. “Wala namang ganoong sinasabi si Lola Sylvia. Pero sige, I’ll go with you. Aakyat ako. I’ll pack my things.”
Tumango siya. At habang ginagawa iyon ay pinuntahan niya si Mama Sylvia.
“Thanks for everything, Mama.”
“Don’t mention it. Masaya nga ako dahil nalilibang ako riyan sa dalawang bata. So, iuuwi mo na si China? Maninibago si Mickey pag-uwi `pag hindi siya dinatnan.”
“I’ll tell China to call him. Kahit naman anong oras niya gustuhin ay puwede siyang sumunod doon.”
“I hope not too soon. Gusto ko pang naririto si Mickey.”
“Kung ano ang gusto niya.”
“Suwerte ang mag-ina sa iyo, Matthew. Tanggap mo pati ang apo ko.”
“Sinabi ko na naman sa inyo noon, mahal ko si Sienna. At saka mahal din naman niya kaming mag-ama.”
“Nasaan nga ba si Sienna, bakit hindi mo kasama?”
Uulitin sana niya ang alibi kay China nang marinig itong tumawag.
“Daddy, I’m ready!” singit ni China.
NANG maalimpungatan si Sienna ay kalat na ang dilim. Disoriented pa siya at nagtataka kung nasaan siya. Ilang sandali na binalikan niya sa isip kung nasaan nga ba siya.
Ikinandado niyang mabuti ang mga pinto at gate saka umalis na. Noon siya nag-iisip kung saan uuwi.
Her heart was telling her to go home to Matthew. Ngunit tuwing iisipin niya ang mga narinig ay sumasakit naman ang loob niya.
Noon niya naisip. Kaya siguro hindi man lang siya ginawaran nito ng goodbye kiss. Tinatabangan na marahil ito sa kanya kaya bumalik ang dating babae sa buhay nito.
Ipinasya niyang kina Mama Sylvia umuwi.
“MAY TAMPUHAN ba kayong mag-asawa?” wala nang ligoy na tanong ni Mama Sylvia kay Sienna nang salubungin siya.
“Wala ho,” kaila niya.
“Magtatakip ka pa ba, hija? Galing dito si Matthew. Inirason na dinalaw lang ang mga bata. Hindi lang ako nagtanong na masyado pero hindi ako naniniwalang iyon lang ang dahilan.”
“Nasaan sila?”
“Umuwi na kasama si China. Si Mickey ay nasa itaas at masama ang loob.”
“Titingnan ko ho muna ang anak ko.”
Tumango lang ito at hinintay siyang matapos umakyat bago kumilos.