STEPHANIE
“SJ!” Napalingon ako nang marinig ang pangalan ko. May myopia ako, o tinatawag na nearsightedness, kaya kailangan ko munang titigan kung sino sa mga estudyanteng naglalakad papasok sa gate ng campus ang tumawag sa akin. Hanggang sa malawak akong napangiti nang makitang palapit sa akin si Wella, ang isa sa mga kaibigan ko. “Kanina pa kita tinatawag, bruha ka!” sabi niya habang naghahabol ng kanyang hininga. Humawak pa siya sa braso ko para humugot ng lakas dahil mukhang napagod siya sa paghahabol sa akin.
“Hindi ko kasi narinig.”
“Bulag ka na nga, bingi ka pa!” sermon nito sa akin. Malutong na lang akong natawa sa kanya. Kinuha ko ang salamin ko na nakalagay sa neckline ng damit ko at nilagay sa mata ko.
“Nearsighted lang, hindi bulag,” pagtatama ko sa kanya bago siya inakbayan. Nagpatuloy kami sa paglalakad. Papunta na kami sa unang subject namin.
“Anong plano mo this weekend?” tanong nito.
“Para ka namang laging bago sa akin. Working student ako, ‘di ba? Syempre, papasok ako sa trabaho ko,” pagpapaalala ko sa kanya tungkol sa trabaho ko.
Working student ako sa isang cake and pastries shop. Maswerte ako sa amo ko dahil naiintindihan niya ang sitwasyon ko. Hindi niya ako pinipilit pumasok kapag alam niyang abala ako sa academics ko. Mas inaalala pa niya ang pag-aaral ko, kaysa ang pumasok ako sa shop niya. Pagkatapos ng klase, diretso na ako roon para magtrabaho hanggang makumpleto ko ang walong oras. Minsan ay nagre-request akong mag-overtime para pandagdag sa allowance ko.
“Hindi ka man lang ba magpapahinga? Kahit Linggo para may lakas ka pagpasok mo pagdating ng Lunes.”
Ngumiti ako at umangkla na lang sa braso niya. Hindi na ako sumagot dahil alam na niya ang magiging sagot ko. Sa katulad kong working student, bawal ang magpahinga. Manghihinayang lang ako kapag hindi ako pumasok ng isang araw. Isa pa, hindi naman mabigat ang trabaho sa shop, kaya hindi nakakapagod.
Pagdating sa classroom, siniko ako ni Wella. Pinatulis niya ang nguso at pasimpleng may tinuro. Sinundan ko ang tinuro niya. Napailing ako nang makita si Cianne, ang isa pa naming kaibigan na nakikipag-usap sa dalawang lalaki naming kaklase.
“Ang aga niyang makipagharutan,” puna ni Wella, kaya siniko ko agad siya. Mayamaya lang ay napatingin na siya sa gawi namin si Cianne, kaya kinawayan ko siya. Iniwan niya ang kausap niya at lumapit sa amin ni Wella. Umangkla agad siya sa braso ko.
“Kanina pa kayo?” tanong ni Cianne.
“Kararating lang namin,” nakangiti na sagot ko.
Niyaya ko nang umupo ang dalawa. Hanggang sa napatingin ako sa pintuan nang makita ang pumasok sa classroom. Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa maupo siya sa upuan niya. Lagi akong natutulala tuwing nakikita ko siya. Bilang babae, bihira lang akong humanga sa kapwa ko babae. Una ko pa lang siyang nakita, parang siya ang tipo ng babae na hindi nagpapa-api. Ang lakas ng personalidad niya. Lalo akong humanga sa kanya nang nalaman kong may anak na pala siya, pero hindi niya ito itinago sa amin. Ang mas nakakahanga pa sa kanya ay may mataas na posisyon at anak ng may-ari ng isang malaking kumpanya ang asawa niya, pero hindi niya ito ipinagyabang sa amin.
“Natulala ka na naman. Iisipin ko na talagang may gusto ka sa kanya,” puna ni Wella sa akin. Napansin agad niya na nakatingin ako sa kaklase namin.
Ngumiti ako, ngunit hindi inalis ang mga mata kay Heide. Hindi ko itinago sa kanila ang paghanga ko rito, pero hindi ibig sabihin ay nagkakagusto na ako sa kapwa ko babae. Humahanga lang talaga ako sa kanya.
“Someday, I will also have a CEO boyfriend.”
Pasimple kaming nagkatinginan ni Wella nang marinig ang sinabi ni Cianne. Ngumiti na lang kami, pero alam kong pareho lang ang tumatakbo sa aming isipan.
Sa aming tatlo, si Cianne talaga ang ambisyosa. Ayaw niyang nalalamangan dahil gusto niya ay siya lang ang nakakaangat. Gusto niyang siya lang ang napapansin, lalo na ng mga lalaki. Gandang-ganda rin siya sa sarili niya, lalo na kapag nilalapitan siya ng mga lalaki. Iisipin niya agad na type siya kapag lumalapit ang mga ito sa kanya.
Magkaiba kami ng ugali, kaya hindi ko alam kung paano ko siya nakasundo at naging kaibigan. Nasanay na lang siguro kami ni Wella sa ugali niya. May sinasabi rin ang pamilya ni Cianne, pero kahit hindi niya sabihin, alam kong malaki pa rin ang inggit niya kay Heide, lalo na’t mas lamang ito dahil may asawa itong bilyonaryo.
Mayamaya lang ay dumating na ang professor namin sa marketing, kaya tumahimik ang buong klase. Wala itong dalang gamit, kaya baka hindi ito magtagal sa classroom.
“Class, I’ll make this quick. May meeting kasi kami. May importante lang akong sasabihin bago ko kayo iiwan.” Nagkaroon agad ako ng ideya sa posible nitong sabihin. “May individual project akong ibibigay sa inyo.” Tama ang nasa isip ko.
Natawa ako nang marinig ang daing ng mga kaklase ko. Akala siguro nila ay nakakapag-liwaliw sila. Kahit ako ay nag-expect din, pero mukhang magiging abala na naman kaming lahat, lalo na’t individual project ang ibibigay.
“I would like you to conduct an interview with an individual who holds a specific role within a company. Please provide evidence of the completed interview. It is essential to include the interviewee’s name and job title within the company. Additionally, the interview should cover their marketing strategy. Is that clear?” Prof. Rosales instructed.
“Is a video required, Prof?” one of our classmates asked.
“Yes. Walang gagamit ng voice recorder o tape recorder. Hindi ko tatanggapin kung hindi ko nakikita ang mukha ng in-interview ninyo. Paano ko malalaman kung totoong may in-interview kayo? Prepare your questions well so that the entire interview flows smoothly. Be respectful, especially since you’ll be facing someone important. Act professionally, just like a real reporter. Kung comedian kayo dito sa classroom, please, iwan n’yo muna ang pagiging comedian ninyo bago kayo humarap sa kanila. Hindi lahat ay puwedeng biruin. Please send the completed interview to my email address once it’s finalized.” Sinulat ng professor namin sa whiteboard ang email address niya. “I’m giving you one week,” a statement that took us by surprise.
Muli kong narinig ang reklamo ng mga kaklase ko. One week is not enough, lalo na sa akin na pinapriority ang trabaho kapag araw ng Sabado at Linggo. Maghahanap pa kami ng tao na mai-interview. Hindi naman ganoon kadali iyon, lalo na’t mga estudyante lang kami at hindi naman talaga reporter. Paano kung hindi nila kami paunlakan? Syempre, maghahanap na naman ulit kami. Masyadong maikli ang isang linggo.
“Two weeks na lang po, Prof!” pakiusap ng isa naming kaklase.
“Kapag ginawa kong two weeks, makakasiguro ba ako na maayos ang ibibigay ninyo sa akin?” Sabay-sabay kaming sumagot ng ‘Yes’ sa professor namin. “Alright then, panghahawakan ko ang sinabi ninyo. Tandaan, nakasalalay sa interview ang grades ninyo. Galingan ninyo!” pagpapalakas niya ng loob sa amin.
Paglabas ng professor namin, biglang umingay ang loob ng classroom. Ang iba ay lumabas, dahil mahaba pa ang oras bago ang susunod na subject.
“Ang swerte ni Heide dahil hindi na siya mahihirapan maghanap ng mai-interview niya,” sabi ni Wella.
Napatingin ako kay Heide, na abala sa pakikipag-usap sa katabi nito. Tungkol sa interview yata ang pinag-uusapan nila.
“May kaibigan si Daddy na may-ari ng isang real estate company. Pwede ko siyang ma-interview.” Sabay kaming napatingin ni Wella kay Cianne.
“Bakit hindi na lang ang daddy mo? May kumpanya rin naman kayo, ‘di ba?” tanong ni Wella.
“Oo nga, Cianne. Bakit hindi na lang siya?” segunda ko naman.
“Baka hindi ako seryosohin ni Daddy, kaya ibang tao na lang. Gusto n’yo, kayo na lang ang mag-interview sa kanya.”
Nagkatinginan kami ni Wella. Naawa ako sa itsura nito. Hindi pa kami nagsisimula, pero mukhang stress na siya.
“Ikaw na lang ang mag-interview.” Pinaubaya ko na lang sa kanya para hindi na siya mahirapan mag-isip kung saan siya hahagilap ng mai-interview. Nagliwanag naman agad ang mukha niya, pero bakas pa rin ang pag-aalala.
“Paano ka?”
“Huwag mo na akong intindihin. Mahaba pa ang araw, kaya makakahanap pa ako,” sabi ko na lamang para hindi na siya mag-alala sa akin.