STEPHANIE
Pagkatapos ng buong klase, dumiretso na ako sa shop. Nasa locker ako nang may tumawag sa akin. Napangiti ako nang makita ang pangalan niya sa screen ng cellphone ko.
“How are you, bambolina?” Bambolina is an Italian word meaning ‘sweetheart.’ He has Italian blood, kaya may pagkakataon na may naririnig akong Italian na salita mula sa kanya, na kaagad kong tinatanong ang ibig sabihin. Wala naman itong malisya, kaya nasanay na lang din ako.
“I’m okay. How are you?”
“I’m not feeling well,” matamlay nitong saad, kaya bigla akong nag-alala.
“May sakit ka?”
“No. Hindi mo kasi ako tinatawagan. Marami pa naman akong gustong ikwento sa ‘yo.” Bakas ang pagtatampo sa boses niya.
Nakahinga ako ng maluwag. Akala ko ay may sakit siya, kaya nag-alala ako. Umupo muna ako dahil may labinlimang minuto pa akong natitira bago magtrabaho.
“Medyo busy lang ako sa school.”
“Is there something you want? Come on, tell me.”
“May individual project na binigay sa amin.”
“Do you need money? How much?”
Sumimangot ako. Alam niyang hindi ako tumatanggap ng pera galing sa kanya dahil kaya ko naman mag-provide para sa sarili ko. Hindi niya ako obligasyon. Sapat na sa akin na nakaka-bonding ko siya kapag may oras kami sa isa’t isa.
“Hindi ito tungkol sa pera.”
“You’re always turning down my offer, bambolina.” Napahagikgik na lamang ako. Hindi ko na kailangan ipaliwanag dahil alam na niya ang sagot ko. “So, what is it?”
“Kailangan namin mag-conduct ng interview sa isang tao na may posisyon sa isang kumpanya, kaya magiging busy na talaga ako ng dalawang linggo. Sinabi ko sa inyo para maging aware ka. Maghahanap pa ako ng mai-inter—”
“Why look for someone else when you can interview me?"
Napaawang ang labi ko nang marinig ang sinabi nito. Sa totoo lang, siya ang unang sumagi sa isip ko. Pero naisip ko, gusto kong maisumite ang proyekto na mula sa aking pagsisikap. Kaya hindi ko inaasahan na magpe-presenta siya.
Hindi lingid sa kaalaman ko na siya ay may kumpanya dahil iyon ang sabi niya. Hindi ko na inusisa kung anong klaseng kumpanya dahil hindi naman ako mausisa na tao. Ayokong isipin niya na interesado ako sa pag-aari niya, kaya hinahayaan ko siyang lumapit sa akin.
“Sigurado ho kayo?”
“Yes, bambolina. Just tell me when you’re free so I can schedule your appointment.”
Nagsalubong ang kilay ko. Gaano ba siya kaabalang tao at kailangan pa namin ng appointment? Gaano ba kalaki ang kumpanya niya?
“Magpapaalam muna ako sa amo ko. Kapag pumayag siya, bukas na bukas din ang interview.”
“That’s great. Just inform me as soon as possible, okay?”
“Sige, salamat ulit.”
Malutong siyang tumawa sa kabilang linya. “Ako ang dapat na magpasalamat sa ‘yo, hija.”
Gumuhit ang ngiti ko pagkatapos kong makipag-usap sa kanya. Lagi niyang sinasabi na siya raw ang dapat na magpasalamat sa akin, na para bang malaking bagay ng nagawa ko, samantalang hindi lang naman ako ang tao roon.
Lumabas ako sa locker room at nagsimula na akong magtrabaho. Ang ibang customer ay lagi na rito, kaya pamilyar na sa amin ang mga mukha nila. Pagsapit ng uwian, dahil hanggang closing ako, lumapit ako sa amo kong babae na nakaupo sa bakanteng mesa. Nakatuon ito sa ginagawa nito. Napatingin agad siya sa akin nang tumayo ako sa gilid niya.
“Ma’am Theresa, pwede ko po ba kayong makausap?” magalang na tanong ko.
“Sige, hija. Maupo ka muna.”
Umupo ako sa tapat niya. “Baka hindi po ako makakapasok bukas. May interview po kasi ako na—”
“Magre-resign ka na?” gulat na sambit nito. Nanlalaki pa ang mata niya, na para bang nanghihinayang siya kapag nag-resign ako.
Mabilis akong umiling para iparating na mali ang interpretasyon niya sa sinabi ko. “Hindi po. Tungkol po iyon sa project namin sa school. May kakapanayamin po ako bukas, kaya baka hindi po ako makapasok. Pero kapag natapos po ng mas maaga ang interview, papasok na lang po ako,” paliwanag ko. Tila nakahinga naman agad siya ng maluwag nang marinig ang paliwanag ko.
“Akala ko iiwan mo na ako. Isa ka pa naman sa masipag at mapagkakatiwalaang staff ko sa shop, SJ.” Napangiti ako sa sinabi niya. Nakakataba ng puso na marinig na pinagkakatiwalaan niya ako. “Walang problema. Alam mo naman na naka-suporta ako sa ‘yo basta tungkol sa pag-aaral mo ang pinag-uusapan. Kahit sa susunod na araw ka na lang pumasok para makapagpahinga ka. Hindi rin maganda na inaabuso mo ang katawan mo. Bata ka pa, hija. Alagaan mo ang katawan mo,” payo nito sa akin.
“Salamat po, ma’am.”
“No worries, hija.”
Sabay kaming napatingin sa labas ng may dalawang sasakyan na huminto sa harap ng shop. Apo yata niya ang dumating, kaya tumayo na ako. Kilala ko na ang sasakyan ng apo niya na madalas siyang puntahan o kaya sunduin.
“Sige po, aalis na po ako. Maraming salamat po ulit.” Tumalikod na ako at naglakad patungo sa pinto. Nang makasalubong ko si Sir Ark, magalang ko siyang binati.
“Good evening, Sir.”
“Likewise, SJ. Ingat sa pag-uwi,” sabi nito bago ako nilampasan. Kilala niya ang lahat ng staff sa shop dahil madalas din niyang pinupuntahan ang lola niya.
“La, my friend is with me.”
“Papasukin mo.”
“Ayan na siya.”
Napatingin ako sa pinto nang may pumasok na matangkad na lalaki. Hindi ko suot ang salamin ko, kaya blurry ang tingin ko sa mukha nito. Kung hindi ako lalapit, hindi ko makikita ang mukha ng bagong dating.
Nagpatuloy ako sa paglalakad. Hindi ko na rin inabala ang sarili kong tingnan ang lalaki dahil baka kung ano pa ang isipin nito. Magalang ko na lang itong binati. Pero nang dumaan ako sa tabi niya para lampasan siya, bahagyang sumagi ang balikat ko sa braso niya, kaya humingi ako ng pasensya. Hanggang sa nanlaki ang butas ng ilong ko nang nanuot ang perfume niya. Kahit paglabas ko sa shop, langhap ko pa rin ang naiwang amoy niya. In fairness, hindi masakit sa ilong.
Pagdating ko sa apartment na inuupahan ko, nagpadala agad ako ng mensahe kay Sir Don. Sinabi kong puwede na ituloy ang interview bukas pagkatapos ng klase. Habang hinihintay ang sagot niya, nagsulat na ako ng mga tanong. Hindi ko rin kinalimutan ang tungkol sa marketing strategy dahil ito ang pinaka-highlights na topic sa interview. Makalipas ang ilang minuto, nakatanggap na ako ng mensahe mula sa kanya. Binigay agad niya ang pangalan at address ng kumpanya na hahanapin ko. Hanggang sa napangiti ako sa huling mensahe na pinadala niya sa akin.
Make sure you eat before coming, bambolina. Hindi niya nakakalimutang paalalahanan ako. Kaya siguro malapit ang loob ko sa kanya kahit hindi ko siya lubus na kilala dahil nakikita ko sa kanya ang lolo kong namayapa.
Bago pa ako maging emosyonal, pinilig ko na ang ulo ko at muling binalikan ang mga tanong na nakasulat sa papel. Binasa ko ito ulit bago natulog.
Pagpasok ko, tinanong agad ako ni Wella kung may nahanap na ba ako. Sinabi ko ang totoo, kaya nawala ang pag-aalala sa mukha niya. Pagkatapos ng klase, sa banyo ng campus ako nagpalit ng damit. Kailangan ay disente pa rin ang suot ko.
Pinuntahan ko agad ang kumpanya. Pero pagdating ko sa tapat ng gusali, nagdalawang-isip pa akong pumasok sa lobby nang makita ko kung gaano ito kalaki. Hanggang sa nakumbinsi ko ang sarili na ito nga ang kumpanya na tinutukoy ni Sir Don dahil sa malaking logo na CAIVANO LEGACY CORPORATION na nakalagay sa pader malapit sa information desk. Hindi ko inaasahan na ganito pala kalaki ang kumpanya ni Sir Don.
Sinabi ko sa information desk ang pakay ko. Pinaakyat naman agad niya ako sa ika-dalawampung palapag ng gusali. Paglabas ko ng lift, may isang matangkad na babae ang sumalubong sa akin.
“Ikaw ba si Stephanie Jane Dizon?” nakangiti niyang tanong sa akin.
“Ako nga po, ma’am.”
“Let’s go. Hinihintay ka na ni Sir.”
Napuno ako ng excitement sa isiping magkikita ulit kami ni Sir Don. Ilang linggo ko na rin siyang hindi nakikita dahil pareho kaming abala sa kanya-kanya naming buhay.
Huminto kami sa kulay-abong mataas na pinto. Napansin ko na nag-iisa lang itong pinto sa palapag na ito. Binuksan niya ito. Bumungad sa akin ang malawak na opisina.
“Sir, she’s here.”
Napatingin ako sa desk. Nakatalikod ang swivel chair sa amin kung saan may nakaupo.
“You may leave us now.”
I frowned when I heard the deep, commanding voice. Pamilyar na ako sa boses ni Sir Don, kaya alam kong hindi ito ang kanyang boses.
Umalis ang babae at naiwan ako sa loob kasama ng hindi pamilyar na boses. Naalala ko na hindi ko pa pala ito binabati.
“Good afternoon, sir,” pormal na sabi ko. Kailangan kong maging propesyonal sa harap nito.
Ilang sandali pa, dahan-dahang pumihit paharap ang nakaupo sa swivel chair. It wasn’t Sir Don who faced me, but someone younger than he.
“Good afternoon, Miss Dizon.” He greeted me with a blank expression. Those cold eyes felt like they were piercing through my entire being. His intimidating gaze was making me nervous.