STEPHANIE
Pinasadahan niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa. Mayamaya lang ay dumapo ang mata ko sa nameplate na nakalagay sa ibabaw ng office table niya.
Allendrano Caivano, Chief Executive Officer of Caivano Legacy Corporation. Napalunok ako sa nabasa ko. Ibig sabihin, sa kanya ang kumpanyang ito? Parang ang bata pa niya para sa ganito kalaking kumpanya. Kaano-ano kaya niya si Sir Don?
Aaminin ko, habang tinititigan ko siya ng matagal, lalo siyang gumagwapo sa paningin ko. Malakas ang appeal niya. Kung nasa tabi ko sina Wella at Cianne, tiyak akong matutulala sila kapag nakita siya. Medyo nagmukha lang siyang istrikto tingnan dahil sa salamin niya. Pareho yata kaming malabo ang mata.
“Stephanie Jane Dizon, is that right? Let me know if I got that wrong.”
Tumikhim ako para linisin ang tila bumara sa lalamunan ko.
“That’s correct, sir. I’m Stephanie Jane Dizon po, from D’Amico University,” sagot ko.
“How would you like me to address you, Miss Dizon?”
“Kung ano na lang po ang tawag ninyo sa akin, sir.”
Tumango-tango siya. Mayamaya lang ay tumayo na siya. Muntik nang umawang ang labi ko nang napagtanto ko na matangkad pala siyang lalaki. Pwede siyang maging basketball player sa sobrang tangkad niya. Ang ganda pa ng tindig niya—lalaking lalaki.
Nakapamulsa siyang naglakad habang palapit sa akin. Huminto siya hindi kalayuan sa kinatatayuan ko. Sa haba ng biyas niya, isang hakbang lang niya, baka magkadikit na ang aming mga katawan. Kumunot ang noo ko nang nanuot sa ilong ko ang amoy niya. Parang pamilyar ang perfume niya. Hindi ko lang matukoy kung saan ko ito naamoy. Ilang sandali pa ay nilahad niya ang kamay sa harap ko.
“It’s a pleasure to meet you, Miss Dizon,” he said—his voice was gentle, yet still carried an air of authority. Inabot ko ang kamay niya. Malambot at makinis ito; nakakahiyang makipagkamay. “I’ll be the one answering all your questions.” Bago niya bitawan ang kamay ko, naramdaman ko ang pagpisil niya rito.
Naglakad siya, saka prenteng umupo sa couch. Gusto ko sanang itanong kung nasaan si Sir Don dahil ito ang kausap ko, pero hindi ko na ginawa. Baka kung ano pa ang isipin nito. Napansin kong tumaas ang isang kilay niya nang muli siyang tumingin sa akin.
“I’m a very busy person, Miss Dizon. Every moment counts for me, so I don’t like to waste time. Shall we get started, or do you plan to stand there all day?” He spoke firmly but with a professional tone.
“I’m sorry, sir.” Mabilis akong umupo sa couch at isa-isang nilabas ang mga gagamitin ko sa interview. “I need proof that I conducted this interview, sir. Would it be alright with you if I record the entire interview?” sabi ko at nag-angat ng tingin sa kanya. Natigilan ako nang mahuli ko siyang titig na titig sa akin, ngunit walang emosyon.
“Go ahead,” he replied, not even a hint of a smile on his face.
Nilagay ko sa holder ang cellphone ko at inayos ang angle ng phone stand holder para makita ang mukha niya. Pagkatapos, umupo ako at kinuha ang papel kung saan nakasulat ang mga tanong ko. Inayos ko ang salamin sa mata ko.
“Magsisimula na po tayo, sir,” nakangiti na sabi ko para aware siya na simula na ng interview namin. “I’m Stephanie Jane Dizon, from D’Amico University. Pwede po ba kayong magpakilala, sir?”
Tumango siya. “I’m—” Naputol ang sasabihin niya nang tumunog ang cellphone niya. “Excuse me, I need to take this call first.” Wala na akong nagawa nang tumayo siya at pumunta sa tapat ng glass wall para sagutin ang tumatawag sa kanya. Makalipas ang ilang sandali, bumalik siya. “Where were we?”
“Your name and position in the company, sir,” ulit ko sa sinabi ko kanina.
“I am Allendrano Caivano, Chief Executive Officer of Caivano’s Legacy Corporation—and the grandchild of its founder, Amadeo Caivano.”
Nagsalubong ang kilay ko. Amadeo Caivano? Siya kaya si Sir Don? Ang pakilala lang kasi niya sa akin ay Don. Wala akong ideya sa buong pangalan niya.
“May I ask what year Caivano’s Legacy Corporation was established, Sir?”
“It’s been more than a decade already,” he replied, brief and serious. Sana man lang ay ngumiti siya kahit kaunti. Parang napipilitan lang siyang humarap sa akin. Nasaan na ba kasi Sir Don?
“The exact year, sir,” I said to clarify. Kailangan niyang sabihin ito ng buo. O baka hindi niya alam, kaya hindi niya masabi kung kailan ang eksaktong taon itinayo ang kumpanya ng lolo niya? Pambihira, CEO siya ng kumpanya, pero hindi niya alam kung kailan?
“Do I need to repeat myself? I said it’s been over a decade. I’d appreciate it if you respected that answer, Miss Dizon,” he stated firmly.
Napatitig ako sa kanya. Medyo napahiya ako sa sinabi niya. Tama naman siya. After all, ang marketing strategy ng kumpanya ang talagang kailangan naming alamin. Nagkamali yata ako sa pinuntahan kong kumpanya. Hindi. Mali pala ang taong humarap sa akin.
“I'm sorry, sir.” Muli kong tiningnan ang papel na hawak ko. Sa susunod na tanong na lang ako. “How long have you been with the company, sir?” tanong kong muli. Pag-angat ko ng tingin sa kanya, muling tumunog ang telepono niya. Humigpit ang hawak ko sa ballpen sa kamay ko. Paano kami matatapos kung laging may tumatawag sa kanya?
“Miss Dizon,” agaw niya sa atensyon ko. “I need to answer the call again. I told you, I’m a busy person,” he said as he stretched his hand toward his phone.
Peke akong ngumiti. Kailangan ko pa rin maging propesyonal sa harap niya kahit nauubusan na ako ng pasensya. Estudyante lang ako at hindi reporter para magpakita ng hindi magandang ugali sa harap niya. Isa pa, baka makaapekto pa ito sa buong interview namin.
I gave a quick, polite nod. “Take your time, sir—no rush at all.”
Naroon na kami sa dahilan na busy siyang tao, pero mukha namang naabisuhan siya na may interview ngayon dahil halata sa reaksyon niya kanina na inaasahan na niya ang pagdating ko. Kaya sana, nag-cancel muna siya ng mga tawag o kung ano man ang gagawin niya ngayong araw. Hindi naman aabutin ng isang oras ang interview ko sa kanya. Pero dahil laging may tumatawag, lalong tatagal ang interview. Sana naisip niya iyon. Sa kanya na mismo nanggaling na mahalaga ang bawat oras, pero bakit hindi niya ma-apply ngayon?
Muli siyang tumayo at pumunta sa tapat ng glass wall. Napatingin ako sa cellphone ko. Mukhang mauubos ang oras ko sa pag-i-edit ng video. Tatanggalin ko pa kasi ‘yong eksena na sinagot niya ang tumatawag sa kanya.
Tumayo ako at tiningnan ang cellphone ko. Mahaba na ang tinakbo ng video. Ayoko nang mag-edit. Sabihin ko na lang kaya na ulitin namin simula umpisa ang interview? Ang problema ko, mukha siyang bugnutin, kaya baka hindi na niya ako paunlakan.
“Miss Dizon.”
Nagulat ako sa boses niya nang magsalita siya sa likuran ko, kaya napaatras ako. Pero hindi ko akalain na malapit pala siya sa akin, kaya bumangga ako sa matigas na bagay nang pumihit ako paharap sa kanya. Napasinghap na lang ako nang hinapit niya ang baywang ko.
Nasubsob ako sa matigas niyang dibdib, kaya tumama ang salamin ko dito. Nang bahagya akong lumayo sa kanya, hindi na maayos ang pagkakasuot ng salamin sa mata ko. Hindi ako nakahuma nang inayos niya ang salamin sa mata ko. Dahil sa ginawa niya, tiningala ko siya. Saka ko lang napagtanto na hanggang balikat lang niya ako. Ang tangkad pala talaga niya.
“S-sir, pasensya na po, pero puwede po ba natin ulitin ang interview simula umpisa,” walang paligoy-ligoy na sabi ko.
Kumunot ang noo niya, sabay tinapunan ng tingin ang cellphone ko. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya bago muling binalik ang tingin sa akin. Muntik na akong pumikit dahil sumama ang amoy ng perfume niya sa binuga niyang hangin mula sa kanyang ilong.
“Can you wait until my meeting is over?”
Nagsalubong ang kilay ko. “M-meeting po?”
“Yes. I have a meeting today. But I don’t know what time it will end.”
Nag-isip ako ng mabuti. Sa halip na maghintay ako sa kanya, papasok na lang ako sa trabaho ko.
“Pwede po bang sa ibang araw, sir. ‘Yong hindi na po sana kayo busy,” diretsong sabi ko. May ideya na siguro siya sa ibig kong sabihin.
“Give me your number. I’ll call you when I’m free.”
“P-po?”
Tinasaan niya ako ng isang kilay. “Ilang beses ko bang uulitin ang mga sinasabi ko sa ‘yo, Miss Dizon? Imposibleng hindi mo ako narinig. Sobrang lapit ko na sa ‘yo.”
Hmp, Suplado! Saka ko lang napagtanto na hindi pa pala niya ako binibitawan. Nang tinangka kong lumayo, naramdaman kong mas lalo niya akong hinapit sa baywang.
“B-bitawan n’yo na ako, sir,” nauutal na sabi ko.
“Why? Is it because you’d rather have my grandpa holding your waist than me? I’m right, aren’t I?”
Natigilan ako. Si Sir Don ba ang tinutukoy niya?
“Hindi ko alam kung ano ang sinasabi ninyo, sir,” sabi ko at sinubukan ulit siyang itulak, pero lalo lang humigpit ang hapit niya sa akin. Hanggang sa nagtaasan ang balahibo ko sa katawan nang sumilay ang ngisi sa labi niya.
“You’re here because of my grandpa, aren’t you? But sadly, hindi siya ang humarap sa ‘yo, kaya dismayado ka. Anong gayuma ang ginamit mo sa lolo ko at parang ayaw ka na niyang pakawalan?”
Biglang nagpantig ang tainga ko sa narinig ko. Hindi ko nagustuhan ang sinabi niya, kaya tinulak ko na siya ng malakas.
“Aalis na ho ako, sir,” matigas na sabi ko, at isa-isa ko nang nilagay sa bag ko ang mga gamit ko. Pagkatapos, humarap ako sa kanya. “Maghahanap na lang po siguro ako ng iba na willing magpa-interview, ‘yong hindi po ako huhusgahan,” sabi ko bago ko siya talikuran.
Hindi na ako tutuntong sa gusaling ito. I just wasted my time. Ipapaliwanag ko na lang kay Sir Don ang nangyari. Nakakainit ng ulo. Kung apo man siya ni Sir Don, magkaibang-magkaiba ang ugali nilang dalawa.