STEPHANIE
Simula pag-alis ko sa opisina niya, hindi na naging maganda ang mood ko. Pagdating ko naman sa trabaho, hindi maalis sa isip ko ang sinabi niya. Mabuti at nakapag-focus pa ako sa trabaho ko. Nakauwi na rin ako sa apartment ko ay iniisip ko pa rin ang mga sinabi niya sa akin. Kahit hindi niya diretsong sabihin, alam ko na ang ibig niyang sabihin—binigyan niya ng malisya ang samahan na mayroon kami ni Sir Don.
Nang makausap ko si Sir Don kanina, siya pa ang humingi ng pasensya para sa apo niya. Ang laki talaga ng pagkakaiba ng ugali nilang dalawa. Si Sir Don na rin mismo ang nagkumpirma na apo nga niya ang aroganteng lalaking iyon.
“How did the interview go, bambolina?” tanong ni Sir Don nang tumawag siya sa akin. Kanina, bago ako nag-time in sa trabaho, tumawag siya, pero hindi ko sinagot. Nag-message na lang ako na papasok na ako sa trabaho. Ako na lang ang tumawag sa kanya pag-uwi ko sa apartment.
“Kaano-ano n’yo ho siya?” sa halip ay tanong ko.
“He’s my grandchild. Did he say anything bad?”
Nainis na naman ako ng maalala ko ang panghuhusga sa akin ng lalaking iyon. “Pasensya na Sir Don, pero baka maghanap na lang ako ng ibang mai-interview. Ayokong sabihin ito dahil apo n’yo ho siya, pero hindi ko ho kayang humarap ulit sa kanya,” walang paligoy-ligoy na sabi ko. Mas mabuting alam nito para aware siya na hindi maganda ang unang paghaharap namin ng apo niya. Baka hindi lang din maganda ang maging takbo ng interview. Nakasalalay pa naman sa interview ang grades ko.
“Kung ano man ang sinabi ng apo ko, ako na ang humihingi ng pasensya, bambolina. Give him another shot. Let me handle talking to him.”
“Hindi na ho magbabago ang isip ko, Sir Don. Magiging maayos ang interview ko kung maghahanap ako ng iba.”
“Ano ba ang sinabi niya sa ‘yo?”
Marahas akong napabuntong-hininga. “Binibigyan niya ng malisya ang pagiging malapit ko sa ‘yo,” diretsong sagot ko. Hindi nakaligtas sa pandinig ko ang mahina niyang sipol, na para bang hindi nagulat sa nalaman niya.
“I’m so sorry if my grandchild was rude to you. I hope it didn’t upset you too much.”
Umikot ang mata ko. Natapos ang araw ko na yamot na yamot dahil sa sinabi ng apo niya. Kahit sino ay magagalit o maiinis sa sinabi nito, lalo na kung malinis naman talaga ang intensyon sa lolo niya. Paano naging CEO ang katulad niyang makitid ang utak?
“Maghahanap na lang ako, Sir Don. But still, thank you for offering. Okay na ‘yon sa akin.”
“Are you sure? Para sana hindi ka na mahirapan makiusap sa iba.”
“Hindi nga ako nahirapan, pero hinusgahan naman ho ako ng apo ninyo,” inis na sabi ko, pero malutong lang itong tumawa. Parang tuwang-tuwa pa sa naging tensyon sa pagitan namin ng apo niya.
“O, sige. Kung ayaw mo talaga, hindi na kita pipilitin. If you ever change your mind, I’m only a phone call away, okay?”
“Bakit kasi hindi ikaw ‘yong humarap sa akin kanina?” reklamo ko para iparating na siya talaga ang inaasahan ko na mai-interview ko.
“I had an emergency meeting earlier, so I asked Allen to take over and answer your questions for me.”
Humugot na lang ako ng malalim na buntong-hininga nang marinig ang sinabi nito. Wala akong karapatan magreklamo sa kanya. Alam ko kung hanggang saan lang ang limitasyon ko.
Nawala lang ang inis ko nang marinig ko ang mga boses ng dalawang taong mahalaga sa akin. Kaya natulog akong magaan ang pakiramdam ko. Sila talaga ang gamot ko kapag may bigat akong nararamdaman. Sobrang miss ko na sila.
Pagpasok ko kinabukasan, pinakita ko ang video ng interview ko sa mga kaibigan ko. Si Wella, grabe ang tili nang makita ang interview, kaya hindi na iwasan na pagtitinginan kami ng mga kaklase namin.
“Ay, s**t! Ang pogi naman nito, girl. Ang swerte mo naman!” bulalas nito. Wala siyang pakialam kahit nakatingin na sa amin ang mga kaklase namin. Parang sinadya niyang lakasan para kunin ang atensyon ng mga kaklase namin, partikular ng mga babae.
Hindi ko napigilan ang pag-ikot ng mata ko. Kung pwede ko lang sabihin ang panghuhusga na ginawa sa akin ng CEO na ‘yan, ay ginawa ko na. Pero iniisip ko pa rin ang reputasyon niya, kaya tumahimik na lang ako. Isa pa, apo pa rin siya ng taong naging mabait sa akin at kaibigan ko.
“Hindi na matutuloy ang interview ko sa kanya. Maghahanap na lang ako ng iba.”
Nanlalaki ang mata ni Wella nang tumingin siya sa akin. “Bakit naman? Naumpisahan mo na, o.”
“Exactly, kauumpisa pa lang, kaya pwede pang maghanap. May ilang araw pa naman na natitira. Kaya ko pang maghanap,” katwiran ko. Malaki pa ang kumpiyansa ko sa sarili, na bago ang deadline ng project namin ay may na-interview na ako.
“Ako na lang ang mag-i-interview sa kanya. Hindi pa naman ako nagsisimula.” Sabay kaming napatingin ni Wella sa kaibigan namin na tahimik lang sa gilid. “Gusto mo, palit tayo?” dagdag pa niya.
Malawak akong napangiti. Mabilis akong tumango sa suhestyon niya. Pero nag-aalala ako na baka sungitan siya ng lalaking iyon. Sabagay, kaya na niyang i-handle ‘yon. Hindi ko sinasabi na hindi ko kayang i-handle ang ugali niya— umiiwas lang ako sa posibleng maging tensyon sa pagitan namin, lalo na’t binigyan na niya ng malisya ang relasyon ko sa lolo niya.
“Ulitin mo nga, SJ. Gusto kong marinig ang boses niya. Ang lalim at saka sobrang manly. Bagay sa medyo istrikto niyang mukha,” sabi ni Wella, sabay pindot sa play button. Pero sa tingin ko, hindi ang boses talaga ang pakay niya, kundi ang mukha nito. “Allendrano Caivano, ang cool ng pangalan niya. Bagay na bagay sa kanya. Pati pangalan, pogi. s**t talaga!” sabi niya habang kinikilig.
Umikot na lang ang mata ko sa sinabi nito. Kung alam lang niya na arogante ang apat na mata na iyan. Mahina akong natawa nang napagtanto ko na pareho pala kaming may salamin. ‘Boy labo’ na lang ang itatawag ko sa kanya.
Napahinto ang mata ko sa unahan namin nang makitang nakatingin sa akin si Heide. Mayamaya lang ay ngumiti siya, kaya gumanti rin ako ng ngiti sa kanya. Hindi kami close, kaya nakakapanibago na ngumiti siya sa akin.
Nasa canteen kami nang may tumawag na unknown number sa akin. Ilang beses itong tumawag, pero hindi ko sinasagot. Ako kasi ang tipo ng tao na hindi sumasagot sa hindi naka-rehistro na numero sa cellphone ko.
“Sagutin mo na ‘yan, SJ. Ang sakit na sa tenga!” iritableng wika ni Wella.
“Hindi ko naman kilala ‘yan, kaya bakit ko sasagutin?” nakairap na sabi ko.
“Baka importante,” segunda naman ni Cianne.
“Ako na lang ang sasagot.” Dinampot agad ni Wella ang cellphone ko sa ibabaw ng mesa at agad na dinala sa tapat ng tainga niya. “Sino ka ba? kanina ka pa tawag nang tawag sa kaibigan ko. Ano ba ang kailangan mo sa kan—” Naputol ang sasabihin niya, sabay napatingin sa akin. Nagsalubong ang kilay ko dahil napansin kong napangiwi siya. Mayamaya lang ay inabot na niya sa akin ang telepono ko. “Mukhang galit. Nasigawan ako. Ikaw ang hinahanap.”
Wala akong nagawa kundi kausapin ang nasa kabilang linya.
“Hello?”
“Are you ignoring me on purpose?”
Awtomatikong tumaas ang isang kilay ko nang makilala ko ang boses nito. “And why would I ever do that? Hindi naka-register ang number mo sa cellphone ko, kaya natural lang na hindi ko sagutin. Oo nga pala, kanino mo nakuha ang number ko.”
“It doesn't matter kung kanino ko nakuha ang numero mo. I called to let you know that we can now continue the interview.”
Tumaas ang sulok ng labi ko. Gusto niyang ituloy ang interview para may mahusgahan na naman siya.
“May nahanap na ako, sir. Iba na ang mag-i-interview sa inyo.”
“If it weren’t for my grandfather’s request, I wouldn’t have called you, Miss Dizon. Huwag mong ubusin ang pasensya ko!” matigas niyang sabi, na parang nagbabanta siya.
“So, dapat ba akong magpasalamat dahil tinawagan mo ako? Mahalaga ang oras para sa ‘yo, sir, ‘di ba? Kaya bakit ka nag-aaksaya ng oras sa akin?” pang-iinis ko para siya na mismo ang magsabi kay Sir Don na hindi na niya itutuloy ang interview dahil hindi niya ako kayang i-handle. Hindi siya kawalan. Baka maubusan lang din ako ng pasensya sa kanya.
Pinutol ko na ang pag-uusap namin dahil nagsisimula na namang mamuo ang tensyon sa pagitan naming dalawa. Hindi na rin niya ako tinawagan.
“Si Mr. Pogi ba ‘yon?” kinikilig na tanong ni Wella.
“Oo.”
“Bakit ka niya tinawagan?” segundang tanong ni Cianne.
“Gusto niyang ituloy ang interview, pero ang sabi ko, may nahanap na ako at iba na ang mag-interview sa kanya.”
“Can I get his number? Tatawagan ko siya para sabihin na ako na ang mag-i-interview sa kanya.”
Medyo nagdalawang-isip pa ako na ibigay kay Cianne ang numero ni boy labo, pero kalaunan ay binigay ko na lang. Mabuting abisuhan siya ng mas maaga para alam niyang may ibang mag-i-interview sa kanya.
Pagsapit ng uwian, sabay-sabay kaming lumabas. Malapit na kami sa gate nang napansin namin ang kumpulan. Binilisan namin ang lakad at nakipagsiksikan sa mga kapwa namin estudyante.
“Anong meron?” usisa ko, hanggang sa nakalabas kami ng gate.
“Tangina, bakit may mga gwapo rito?” bulalas ni Wella nang makita ang dalawang lalaking nakatayo sa labas ng magarang sasakyan.
Papasok pa ako sa trabaho ko, kaya hinila ko na ang dalawang kaibigan ko palayo sa gate. Wala akong panahon sa pinagtitinginan nila.
“Miss Stephanie!” Napahinto ako nang marinig ang pangalan ko. Lumingon ako. Nagsalubong ang dalawang kilay ko nang makitang palapit sa akin ang isa sa dalawang lalaking pinagkakaguluhan. “Pinapasundo ka ni boss.”
Sa gilid ng mata ko, napatingin sa akin ang dalawa kong kaibigan.
“May tinakbuhan ka bang utang, SJ?” tanong ni Wella. Tumingin ako sa kanya at mariing umiling.
“Wala akong utang!” mabilis kong sagot. Binalingan ko ang lalaki. “Sinong boss?”
“Malalaman mo na lang kapag naroon na tayo.” Hinawakan niya ako sa braso at pilit na hinihila palayo sa dalawa kong kaibigan. Mahigpit naman akong humawak sa mga kaibigan ko para hindi ako tuluyang makuha ng lalaki.
“Sumama ka na kaya, SJ?” sabi ni Wella, sabay bitaw sa kamay ko. Namilog ang mata ko sa ginawa niya. Hindi ako makapaniwala na ipinagkanulo niya ako.
“Gaga ka, Wella. Kaibigan natin ‘yan!” sita ni Cianne sa kanya.
“Mukha namang mabait ‘yong dalawa. At saka, kung masamang tao ‘yang mga ‘yan, hindi nila kukunin si SJ sa harap ng maraming tao,” katwiran nito. Pinandilatan ko na lang siya ng mata habang naglalakad palayo ako sa kanila. Humanda talaga siya sa akin kapag nagkita kami ulit.
Tinapunan ko ng tingin ang isang lalaki; kausap nito ang guard. Humihingi ng saklolo, na tumingin ako sa guard, pero wala ring saysay dahil mukhang may sinabi sa kanya ang lalaki, kaya parang hinayaan na niyang isama ako ng dalawang lalaki. Kahit ang mga estudyante ng D’Amico ay wala man lang ginawang aksyon para tulungan ako.
“Saan n’yo ba ako dadalhin? Sinong boss ba ang tinutukoy ninyo?” tanong ko sa dalawang lalaking tumangay sa akin. Tinatahak na namin ang daan papunta sa boss nila. Naghintay ako ng sagot, pero ni isa ay walang sumagot sa mga tanong ko.
Makalipas ang ilang minuto, huminto ang sasakyan. Lumabas ang isang lalaki at pinagbuksan ako ng pinto. Paglabas ko, naagaw agad ang atensyon ko ng isang chopper.
“Let’s go, Miss Stephanie,” sabi ng lalaki at nagsimula nang maglakad palapit sa chopper. Nang hindi ako sumunod, tumabi ang isang lalaking kasama nito sa akin.
“Mas mabuting sumunod ka na lang, Miss Stephanie, para hindi na uminit ang ulo ng boss namin.”
Wala akong nagawa kundi sumunod sa lalaki. Dapat kabahan ako dahil hindi ko kilala ang mga lalaking ito at basta na lang ako kinuha sa labas ng campus, pero bakit hindi ko ito maramdaman ngayon?
Ilang sandali lang ay huminto na kami sa harap ng chopper. Binuksan ng lalaki ang pinto. Hanggang sa hindi ako nakahuma nang makita ang lalaking prenteng nakaupo sa loob ng chopper.
“I-ikaw?”