STEPHANIE
Piniksi ko ang kamay ko at inirapan siya. Tinuon ko na lang ang atensyon sa pag-aayos ng higaan. Baka kasi may masabi na naman siya kapag hindi ko niligpit ang kama niya, samantalang ako naman ang gumamit nito.
“Maligo ka muna bago ka lumabas ng cabin. Sa cottage tayo mag-aalmusal,” walang emosyon niyang sabi.
Hindi ako sumagot. Nagpatuloy ako sa pag-aayos ng kama. Hindi sinasadyang napatingin ako sa kanya. Namilog ang mata ko nang makita ang hubad niyang katawan. Mabuti na lang ay nakatalikod siya, kaya ang malapad niyang katawan ng nakita ko. In fairness, ang tambok ng pang-upo niya at makinis. Mabilis akong umiwas ng tingin nang lumingon siya. Kung bumaba pa ang mata ko, baka nakita ko na ang tinutukoy niyang raw Italian sausage.
“Sana sa banyo ka na lang nagbihis. Alam mo namang nandito pa ako,” sita ko sa kanya.
“Cabin ko ito, kaya magbibihis ako dito hanggat gusto ko. Don’t pretend you've never seen a naked body before. Maloloko mo lahat, pero hindi ako. So cut the innocent act, Stephanie. Hindi mo mabibilog ang ulo ko katulad ng ginawa mo sa lolo ko.”
Isang malalim at mabigat na buntong-hininga ang pinakawalan ko. Hindi ako sumagot. Pipiliin kong ‘wag nang ipagtanggol ang sarili ko dahil nakatatak na sa utak niya na hindi ako matinong babae dahil lang sa nakita niya ako sa nightclub.
Tahimik kong tinungo ang banyo. Pinihit ko ang dutsa. Kasabay nang pagbuhos ng tubig ay mabilis na tumulo ang luha ko. Naging emosyonal ako. Bigla akong nangulila sa yakap nila. Kapag masama ang loob ko, hinahanap ko agad ang yakap nila dahil sila lang ang magpapagaan sa loob ko. Pero malayo sila sa akin.
Umiiyak na tinapat ko ang sarili sa buhos ng tubig. Napasinghap ako dahil sa lamig nito. Wala akong nagawa kundi yakapin ang sarili ko at pumikit. Nagkunwari na lang ako na yakap ko sila para kahit paano ay mabawasan ang pangungulila ko sa kanila. Maka-graduate lang ako at makapaghanap agad ng maayos na trabaho ay sisikapin kong magkasama-sama kami.
Ilang minuto akong nanatili sa banyo bago lumabas. Kumuha ako ng pormal na damit na gagamitin ko sa interview para magmukha akong presentable sa gagawing panayam ko sa kanya. Pero wala akong pagpipilian kundi pants na naman niya ang isusuot ko. Hindi naman ito mapapansin sa video dahil ipo-focus ko ang angle ng camera sa upper body namin.
Dinampot ko ang salamin ko at sinuot ito. Bago lumabas, nag-charge muna ako ng cellphone dahil kakain pa naman kami ng almusal. Baka kasi nasa kalagitnaan kami ng interview ay bigla na lang itong ma-lowbat. Gusto ko nang tapusin ngayon para wala na akong problema. Alam ko naman na nagtitiis lang siyang makasama ako. Pinagbigyan lang talaga niya ang lolo niya.
Lumabas ako ng cabin at hinanap si Allen. Nakita ko siyang nakaupo sa cottage at nakatanaw sa dalampasigan, kaya hindi niya napansin na palapit ako. Hindi maipinta ang mukha niya. Inip na inip na siguro siya kakahintay sa akin. Nang malapit na ako ay saka siya tumingin sa akin. Tumingin agad ako sa ibang direksyon.
“What took you so long? Ikaw ang mag-i-interview, pero ikaw pa ang pa-importante,” sermon agad niya sa akin.
Hindi ako sumagot. Tinuon ko na lang ang atensyon sa pagkain na nakalatag sa gitna ng mesa. Nakakapagod din makipagtalo.
“Stephanie, kinakausap kita. Ayaw na ayaw kong hindi tumitingin sa akin kapag—”
“Kumain na lang tayo, please?” pakiusap ko at umangat ng tingin sa kanya.
Napatitig siya sa akin ng matagal. I wonder kung napansin ba niya na umiyak ako kahit nakasuot ako ng salamin, kaya titig na titig siya sa akin. Tinuon ko na ang atensyon ko sa pagkain at tahimik na kumain. Habang kumakain, ramdam ko ang titig niya sa akin.
“Pagkatapos ng interview, uuwi na ako. Ituro mo na lang sa akin ang daan paalis sa isla,” basag ko sa katahimikan.
“Dinala kita dito, kaya ako rin dapat ang kasama mo pag-alis sa isla,” matigas niyang saad.
“Sige, pagkatapos ng interview mo,” walang gana kong sagot.
“I decide when I leave—not you, SJ. Bukas ng hapon tayo aalis, sa ayaw at sa gusto mo,” pinal niyang sabi.
Napabuga na lang ako ng hangin sa sobrang frustration. Pinaglihi yata sa sama ng loob ang lalaking ito dahil sobrang mainitin ang ulo. Akala mo ay laging may kaaway.
Pagkatapos kumain, tumayo ako. “May malapit ba dito na tindahan?”
“Sa Della Morte beach pa ang mga tindahan dito. It’ll take fifteen to twenty minutes to get there. Why?”
“Bibili sana ako ng toothbrush.”
Nagtaka ako ng tumayo siya. “May toothbrush sa cabin.” Tumalikod siya sa akin. Tinuon ko ang atensyon sa aming pinagkainan. Iiwan na lang ba ito dito? “Huwag mo nang pakialamanan ‘yan dahil may nagliligpit niyan,” sabi niya, kaya napahinto ako nang akma akong magliligpit.
Sumunod ako sa kanya sa cabin. Pumasok siya sa kwarto, pero nagpaiwan ako sa sala. Makalipas ang ilang sandali, dala na niya ang toothbrush. Inabot niya ito sa akin.
“Make it quick, SJ,” utos niya. Tumango lang ako at walang imik na pumunta sa kwarto.
Nag-toothbrush agad ako. Pagkatapos ay nag-apply ako ng makeup sa mukha para kaaya-aya akong tingnan. Kinuha ko ang mga gagamitin sa interview bago lumabas ng silid. Naabutan ko siyang seryosong nakaupo sa sofa. Nang napansin niya ang presensya ko ay tumingin siya sa akin.
“Tara na,” sabi ko.
Tumayo siya na hindi inaalis sa akin ang mata niya. Ano kaya ang iniisip niya habang nakatitig sa akin?
“Mauna ka na sa cottage. Susunod ako,” sabi niya bago ako talikuran.
Lumabas ako sa cabin at bumalik sa cottage. Wala na ang pinagkainan namin. Habang wala pa siya ay tinuon ko muna ang atensyon sa dalampasigan. Saka ko napansin ang malaking pool sa ibaba ng cottage. Masarap siguro maligo dito lalo na sa gabi.
Lumuhod ako sa upuan at parang bata na pinanood ang payapang karagatan. Paano kaya sila rito kapag umalon ng malakas? Aabot kaya hanggang dito? Sana ‘yong cabin lang ni boy labo ang tangayin kapag nagkaroon ng tsunami. Magdidiwang talaga ako kapag nangyari ‘yon. Masama na ako kung masama, pero masama rin naman ang ugali niya.
Natigilan ako nang may naramdaman ako sa baywang ko. Mayamaya lang ay impit akong napatili nang bigla niya akong binuhat. Mabilis kong pinulupot ang kamay ko sa leeg niya at napatitig na lang ako sa blangko niyang mukha.
“Careful, baka mahulog ka,” kalmado niyang sabi habang maingat akong binaba sa upuan. Biglang nagbago ang mood niya. Ang hirap talaga basahin ang ugali ng lalaking ito. “Magsimula na tayo.”
Prente na siyang umupo sa upuan. Ako naman ay inayos agad ang angle ng cellphone ko. Pinili ko na lang na i-focus sa kanya dahil siya naman ang importante sa interview.
Katulad ng una kong interview sa kanya, pinakilala niya ang sarili at kung ano ang posisyon niya sa kumpanya. Tinanong ko ang dapat na itanong tungkol sa kumpanya. Katulad ng kung ano ang pinakamalaking tagumpay at pagkabigo niya bilang isang CEO, at ano ang natutunan niya mula sa mga ito? Paano niya mapapanatili ang balanse sa pagitan ng trabaho at personal na buhay? Huli ko ng tinanong ang tungkol sa marketing strategy. Kapag may gusto pa akong isingit kahit hindi pa kami tapos sa tanong na sinagot niya ay hindi ako nagdadalawang-isip na itanong. Dagdag points din ito sa grado ko.
Sa totoo lang, habang sinasagot niya ang lahat ng mga katanungan ko ay hindi ko mapigilan ang humanga sa kanya. Bawat sinasabi niya ay nakikinig talaga ako. Dahil alam ko balang araw ay magagamit ko ang lahat ng mga sinabi niya. Aaminin ko, marami akong natutunan sa kanya. Sobrang smooth ng interview. Idagdag pa ang magandang tanawin.
Pagkatapos ng interview, tumayo ako at inabot ang kamay sa kanya. “Thank you for your time today—I’m so grateful for the chance to interview with Caivanos Legacy Corporation. Wishing you and the company continued success and many more blessings, sir.” Inabot niya ang kamay ko. Titig na titig siya sa akin habang magkadaupan ang aming mga palad. Hanggang sa natigilan ako nang naramdaman kong marahan niyang pinisil ang kamay ko.
Binawi ko agad ang kamay ko, saka lumapit sa cellphone ko. Pagdating na lang sa apartment ako mag-i-edit. Mas makapag-concentrate ako roon ng maayos. Nakangiting inayos ko ang gamit ko sa ibabaw ng mesa. Pagkatapos ay tinanaw ko ang dalampasigan. Ngayong tapos na ang interview, wala na akong dapat problemahin. Pagkatapos ng stress ko, deserve ko naman siguro ang magsaya.
“Gusto mo bang maligo sa dagat?” Binalingan ko siya. “Pero mainit. Baka masunog ang balat mo. Mamayang hapon na lang,” dagdag niya pa. Concern naman siya ngayon sa balat ko.
“Maglalakad-lakad na lang ako.”
Dala ang cellphone ko ay pumunta ako sa dalampasigan. Tinanggal ko ang tsinelas na suot ko at nakayapak na naglakad sa buhangin. Tuwang-tuwa ako habang naglalakad sa buhangin. Kumuha agad ako ng larawan na ang background ay ang dagat. Nag-video rin ako.
Binalingan ko si Allen, nakapamulsa siyang nakaharap sa dalampasigan. Pero napansin kong hawak niya ang phone niya at parang kumukuha siya ng larawan. Nang nakita niyang nakatingin ako sa kanya, agad niyang binaba ang phone niya bago siya tumalikod.