Serene
Alam kong minadali ang kasal ko, pero wala akong pakialam. Hindi ko man lubos na kilala ang asawa ko, wala rin naman 'yong halaga sa akin. Kampante akong kaya kong ipagtanggol ang sarili ko kung sakaling may gawin siyang hindi kanais-nais, kaya pumayag akong sumama at manirahan sa kaniya. Sa huli, kasal na kami.
Halos lahat ng kasunduan namin ay patas sa paningin ko, maliban sa isang bagay: ayaw niya sa divorce.
Pagkatapos naming lumabas sa civil registrar, dumiretso kami sa penthouse niya. Sinabihan ko si Enzo na dalhin ang mga damit ko. Alam kong ipapasa niya ito kay Patt, na susunod sa amin gamit ang isa pang sasakyan. Bago pa man ang kasal, sinilip na ni Patt ang background ng asawa ko matapos ipakita sa kaniya ni Enzo ang litrato ni Alex. Habang papunta kami sa venue, nagbigay siya ng ilang pangunahing impormasyon tungkol dito. Napahanga ako, at lalo akong naging kumpiyansa na makukuha ko ang nararapat para sa akin.
"Ano sa tingin mo sa bahay?" tanong ni Alex.
"Sapat na para makatulog nang maayos," sagot ko. Wala na akong idinagdag pa dahil sigurado akong alam na niya kung gaano kaganda ang bahay niya.
"Dito ka na titira. Sabihin mo kung may gusto kang baguhin," alok niya.
"Wala namang kailangang baguhin. Basta may bubong akong matutulugan, ayos na ako," sagot ko nang kaswal. Umupo ako sa sofa, sabik nang tanggalin ang makating damit na suot ko.
"Sino 'yung mga lalaking kasama mo?" tanong ni Alex, kunot-noo.
"Hindi mo ba ako inimbestigahan?" balik-tanong ko.
"Ngayon lang kita nakilala. Wala pa akong oras para gawin 'yon," sagot niya.
"Ako, may alam na ako tungkol sa'yo. Kahit na hindi ko gusto ang ugali mo, pasok ka naman sa pinakaimportanteng requirement at yun ay mayaman ka," sabi ko nang diretso.
"Ano'ng ibig mong sabihin?" tanong niya, habang umupo na rin siya sa sofa sa tapat ko.
"Kailangan ko ng mayamang asawa, at nakatagpo ako ng bilyonaryo. Mukhang sinuwerte ako," sagot ko.
"At paano naman ang ugali?" tanong niya habang hinahaplos ng kaliwang kamay ang kanyang baba.
"Gusto ko ng taong madaling pakisamahan. 'Yung palaging oo nang oo sa akin," sagot ko nang walang pag-aalinlangan.
"Mukhang kabaligtaran ako niyan," sagot niya, titig na titig sa akin.
"Oo nga, napansin ko na," sagot ko, kasabay ang paghalukipkip.
"Pero kinasal ka pa rin sa'kin," aniya, para bang sinusubok ako.
"Mayaman ka, at 'yon lang naman ang mahalaga," sagot ko, at tumango lang siya.
"Ano'ng kailangan mo sa'kin?" tanong niya. Ipinaliwanag ko ang tungkol sa mana ko.
"Ganun ba," sagot niya, pero nahagip ng tingin niya ang cellphone niyang nagvibrate kaya kinuha niya iyon sa mesang nasa pagitan namin kung saan niya ipinatong iyon ng maupo.
"Okay, paakyatin mo na sila," sabi niya sa kausap sa telepono. Sigurado akong sina Enzo at Patt 'yon.
"Parating na 'yung mga kasama mo," aniya, at tumango lang ako. Tumayo siya at pumasok sa kwarto namin habang naghihintay ako ng gamit ko.
Pagbalik niya, nakasuot na siya ng shorts at long-sleeved sweatshirt. Pinagbuksan niya ng pinto sina Enzo at Patt na may dalang mga maleta ko.
"Huwag mong kalimutan ang anniversary party bukas," paalala ni Patt bago sila umalis. Hinawakan ko na ang maleta ko, pero inagaw niya ito at siya na ang naghila.
"Wala akong stay-in maid, pero may dumarating na tagalinis kada dalawang araw," banggit niya habang sinusundan ko siya. Inilapag niya ang maleta ko at akmang bubuksan ito, pero pinigilan ko siya.
"Ako na ang gagawa niyan," sabi ko, kaya hindi niya na ito ginalaw, pero nanatili siyang nasa tabi ko.
"Plano mo ba akong panoorin habang nag-aayos ng gamit?" tanong ko nang may ngiti. "Wala naman akong kukunin dito."
"Mukha ba akong madamot? Wala akong pakialam kung may kunin ka. Asawa kita, at may karapatan ka sa kahit anong pag-aari ko," sagot niya. "Pinili kong manatili rito para panoorin kang mag-ayos ng gamit mo at kung sakaling kailanganin mo ng tulong. Hindi mo naman siguro balak tawagan 'yung dalawa, 'di ba?" patuloy niya, kaya tahimik na lang akong nagpatuloy sa pag-aayos.
Totoo sa sinabi niya, nanatili lang siya roon nang hindi nanghihimasok. Ayoko sanang hingin ang tulong niya, pero hindi ko na lang sinabi.
"Bibili ako ng damit para sa party bukas mamaya," sabi ko.
"Sasama ako," sagot niya, sabay hawak sa kanang braso ko.
"Hindi na kailangan..." ngumiti ako at dahan-dahang binawi ang braso ko mula sa hawak niya. "Sasama sina Patt at Enzo sa akin. Pwede kang magtrabaho o gawin ang mga kailangan mong tapusin," mungkahi ko.
"Paano ang party?" tanong niya.
"Pupunta ako nang mag-isa. Ayoko munang ipaalam kay Lorenzo ang tungkol sa atin," sagot ko, at tumango siya bilang pagsang-ayon.
"Salamat," sabi ko, at kumindat lang siya nang walang emosyon.
Matapos kong mag-ayos, nagpalit ako ng damit at tinawagan si Enzo. Nasa parking lot pa raw sila, hinihintay ako. Kinuha ko ang bag ko, sinabihan si Alex na aalis na ako, at lumabas ng penthouse.
Pinagmaneho ako ni Enzo papunta sa isang sikat na designer boutique. Dahil sa tagal ng pananatili niya rito, nahanap na niya ang lahat ng lugar na kailangan kong kabisaduhin. Abala akong namimili ng gown nang may narinig akong mga pamilyar na boses...