Raven's POV
Malakas ang kabang nararamdaman ko habang tinatahak ang daan palabas ng Celestino University. Mag-isa lang ako dahil hindi ako nagpaalam kila Nathaniel na mauuna akong umuwi. Ayokong munang makita sila. Hindi ako kumportable. Mas lalo akong kinakabahan sa tuwing magkakasama kaming apat. Pakiramdam ko kasi ay nasa panganib ang buhay namin kapag ganon.
Nasabi ko na rin naman kay Hannah ang bagay na natuklasan ko. Kaya ayos na siguro 'yon. Siya na ang bahalang magsabi kila Nathaniel at Rebecca. Kasi hindi ko talaga kayang sabihin sa kanila. Nanunumbalik sa isipan ko ang mga bagay na nasaksihan ko.
Nakakakilabot.
Natigilan ako sa aking paglalakad nang makakita ako ng hindi pamilyar na tao sa kalagitnaan ng daan. Hindi pamilyar ang taong ito sakin. Sa hindi malamang dahilan, bigla na lamang ako kinabahan. Masama ang kutob ko sa taong ito.
Nanlaki bigla ang mga mata ko nang makitang may kumislap na bagay na hawak niya sa kaliwang kamay niya.
Isang kutsilyo.
Nathaniel's POV
Nakahiga ako sa kama ko at iniisip ang mga kaibigan ko habang nakatingin sa kisame. Hindi ko maiwasang mag-alala para sa kalagayan nila. Maraming mga bagay na kaming natuklasan sa Celestino University. Alam ko kahit hindi nila iyon sabihin sakin. Dahil nababasa ko sa mga mata nila tuwing pinag-uusapan namin ang paaralang iyon. Gustuhin man naming hindi na pumasok ay hindi maaari. Sapagkat alam naming may kabayaran oras na labagin namin ang batas ng paaralan.
Ang mga buhay namin.
"Nathaniel! Bumaba ka na rito!"
Tahimik lang ako habang naririnig ang pagtawag sakin ng mama ko. Ayoko munang kumain kasama sila dahil may malalim akong iniisip ngayon. Baka makadistract ko lang sila kapag kumain na sa hapag-kainan.
Ayokong magalit na naman sakin si Papa.
Nang hindi ko na marinig ang pagtawag ni mama, bumangon ako sa pagkakahiga at pinagmasdan naman ang litrato naming apat na magkakaibigan na nakapatong sa lamesang nasa tabi ng kama ko. Sa lahat ng naging kaibigan ko, silang tatlo lang ang bukod tanging nakatagal sa pagiging paranoid ko. Kung anu-anong bagay ang naiisip ko na hindi nila maintindihan o kung minsa'y pinaniniwalaan. Pero sa bandang huli, napapatunayan ko parati na tama ngang talaga ako.
Tumayo ako't sumilip sa bintana. Kalulubog pa lamang ng araw. Bigla sumagi sa isip ko si Raven kung nakauwi ba siya ng ligtas sa bahay nila o kung may nangyari na bang masama sa kanya. Sana mali ang naiisip ko.
Binuksan ko ang bintana at isang malamig na hangin ang naramdaman ko. Isa lang ang parati kong naiisip sa tuwing nakararamdam ako ng ganito. Masama ito. May panganib na parating.
May mapapahamak.
"Nasa panganib ang isa sa kanila."
Hannah's POV
Kinakabahan at takot na takot ako habang isang di kilalang tao ang humahabol saming dalawa ni Raven dito gubat. May hawak siyang kutsilyo at alam kong para iyon sa amin. Hindi ko maisip kung sino siya at kung anong motibo niya at balak niya kaming patayin. Nasisiraan na siya. Marahil ganon nga.
"Wag kang mag-alala. Makakatakas rin tayo sa kanya." nakangiting sambit sakin ni Raven habang patuloy lang kami sa pagtakbo.
Magkahawak kami ng kamay at nagugustuhan ko ito. Nagkaroon naman ako bigla ng lakas ng loob at determinasyon dahil don. Kailangan naming makatakas anoman ang mangyari sa taong ito. Ayoko pang mamatay. Naging mas mabilis ang pagtakbo naming dalawa sa taong iyon hanggang sa hindi na namin siya matanaw na sumusunod samin.
Nakahinga kami bigla ng maluwag.
Huminto kami sa pagtakbo at nagpahinga muna sa sanga ng isang malaking puno. Napairap ako nang makitang hawak ko pa rin ang kamay ni Raven. Bigla ko tuloy itong binitawan. Baka kasi lumaki na naman ang ulo niya. Nakakairita.
"Sa ngayon, ligtas na rin tayo." sabi ko sa kanya habang hinihingal.
Nagulat na lamang ako nang may kumuha sa kanya na isang malaking nilalang. Mabilis ang mga pangyayari. Hindi ko namalayan ang sandaling iyon. Nakakabigla. Napasigaw na lang ako at napaiyak nang mapagtantong wala na sila.
"RAVEEEEEN!"
Napadilat ako bigla dahil sa isang masamang panaginip. Nakasakay ako sa bus at ngayon, hindi ko na alam kung nasaan na ba ako. Ang sakit ng ulo ko. Hindi mawala sa isip ko ang panaginip kong iyon. Parang totoong-totoo. Pero imposible. Sapagkat wala naman ako sa gubat ngayon.
"Ligtas kaya siya?"
Napatanong ako bigla sa sarili ko nang makakita ng isang insidente ng banggaan sa may bintana sa tabi ko. Ang mga pangyayari, hindi mo iyon inaasahan. Biglaan lang. Ang kamatayan mo, wala kang alam kung kailan at kung papaano ang mangyayari. Wala kang alam sa kung anong kahahantungan ng buhay mo.
Si Kamatayan ang magdedesisyon.
Raven's POV
Hingal na hingal ako habang nagtatago sa likod ng malaking puno. Kailangan kong matakasan anoman ang mangyari ang taong iyon. Mukhang balak niya akong patayin base sa nakikita ko sa kanyang inasta kanina nang makita niya ko sa diretsong daanan.
Hindi mawaglit sa isipan ko ang ekspresyon ng mukha niya kanina. Galit na galit. Nang sugurin niya ko'y wala na akong ibang naisip kungdi ang makatakbo kaya heto ako ngayon. Sa kagubatan malapit sa paaralan namin ako napadad. Wala na rin akong pagpipilian dahil batid kong dito ko lang siya matatakasan. Marami akong pwedeng pagtaguan at malaki ang tiyansang makaligtas ako sa kanya.
Nabitawan ko bigla ang armas na ginawa ko nang may humawak sakin sa may kwelyo. Iniangat niya ako't itinapat sa mukha niya. Gulat na gulat ako nang makitang isa pala siyang higante. Bukod sa malaki ang pangangatawan niya, mayroon siyang dalawang ulo. Nanlilisik ang mga mata niya nang subukan kong makipagtitigan sa kanya. Hindi ko naman maiwasang kabahan habang pinagmamasdan ang duguan niyang punit-punit na kasuotan. Ayokong takutin ang sarili ko subalit batid kong dugo iyon ng mga nabiktima niya. Isa lang ang sumagi sa isipan ko.
Katapusan ko na ba?
Napapikit ako nang humikab siya sa harapan ko. Napaka-baho ng hininga niya. Hindi ko maintindihan kung anong nangyari at biglang sumakit ang ulo ko hanggang sa bigla akong antukin at tuluyan na akong nawalan ng malay.
Delikado ito.
Nagising ako nang makarinig ako ng malakas na pagsigaw. Bigla akong kinabahan. Bakit napaka-dilim ng paligid? Wala akong ibang makita. Hindi ko alam kung saan ako dinala ng higanteng halimaw na iyon. Pero isa lang ang masasabi ko sa lugar kung saan naroon ako ngayon. Ayoko dito. Ang alingasaw ng amoy. Amoy patay na daga o kung ano. Basta ang baho. Kahit sino siguro hindi tatagal na manatili dito.
Nasaan na ba kasi ako?
Sinubukan kong gumalaw. Napamura ako nang mapagtantong nakagapos ang dalawang kamay at mga paa ko.
Sh*t.
"Tulong! Tulungan niyo ko!" sigaw ko.
Hindi ako sigurado ngunit batid kong hindi lang ako ang tao sa lugar na ito. Nakarinig ako ng pagbahing kanina. Hindi ako ang may gawa non. Ibang tao. Napaisip tuloy ako. Paano ang naging pwesto namin? Bakit parang hindi ko maramdaman ang mga kasama kong bihag dito?
Nakakainis.
"Wag kang maingay. Baka magising siya."
Napalingon ako sa kanan ko nang marinig kong may nagsalitang babae. Pamilyar sakin ang boses niya. Ngunit hindi ko sigurado kung siya nga 'yon.
"Sinong siya? Sinong magigising?" nagtatakang tanong ko.
"Ang halimaw. Baka kumain na naman siya sa isa sa mga bihag niya. Bago ka lang diba? Baka pag-interesan ka niya."
Kinilabutan ako sa naging sagot niya. Hindi maaari. Hindi ako pwedeng mamatay. May kailangan pa akong gawin at tapusin. Hindi dito matatapos ang buhay ko. Hindi sa kamay ng halimaw na iyon. Kailangan kong makaalis dito.
Kailangan kong makaisip ng paraan.
"Bakit ba niya tayo dinala rito?" tanong ko kahit na alam ko naman ang kasagutan. Baka sakali lang na may iba pa siyang paggagamitan samin. Baka maging daan iyon upang makatakas kami dito.
"Para gawing pagkain niya. Kaya pwede ba, wag kayong maingay. Dahil baka kayo na ang sunod na kainin niya."
Napalingon ako sa kaliwa ko nang isang lalaki naman ang magsalita. Sa tono ng pananalita niya, tila naiinis na siya sakin at sa babaeng kausap ko. Napabuntong hininga na lang ako. Sana walang mangyaring masama. Medyo napalakas kasi ang boses niya. Kinabahan na naman tuloy ako.
Napapikit ako nang may liwanag na tumapat sa mukha ko. Nagmasid ako sa paligid. Nasa isang silid pala kami ngayon. Nasa labing-dalawa kami nang bilangin ko kaming lahat. Ang bilis ng pintig ng puso ko. Takot na takot ako sa mga sandaling ito.
"Wag kayong titingin sa mga mata niya anoman ang mangyari." rinig kong sabi ng babaeng nakausap ko kanina.
"Bakit? Ano bang mangyayari?" tanong ko kahit di tumitingin sa direksyon niya. Nakapako lang ang tingin ko sa bukas na pintuan. Kitang-kita ko mula rito ang anino ng higante. Hind ko maiwasang kilabutan.
"Basta. Kapag tumingin ka kasi sa mga mata niya ay---"
Nanlaki ang mga mata ko nang makitang kinuha ng halimaw ang babaeng kausap ko lang kanina. Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko. May ganito pala talagang nilalang? Nakakatakot.
"Wag! Bitiwan mo siya!" sigaw ko sa halimaw habang pilit na kumakawala sa pagkakagapos.
Nginitian lang ako ng halimaw bago niya kinain ng buo ang babae. Kitang-kita ko kung paanong nginuya pa niya ito na parang chewing gum.
Nakakadiri.