Nathaniel's POV
Ang araw na ito'y sadyang kakaiba. Hindi ko maintindihan kung bakit may pasok pa rin kami. Samantalang, araw ng mga patay ngayon. Sa pagkakaalam ko, dapat holiday ngayon. Subalit sadyang may sayad yata ang may-ari ng Celestino University dahil walang holiday-holiday. Nakakabadtrip. Sabado at linggo lang tuloy ang nagiging pahinga naming mga estudyante. Mali rin pala. Dahil kung tutuusin, araw-araw na impyerno ang mga buhay namin dahil sa paaralang iyon.
Gusto ko na matapos ang taong ito.
Kinakabahan ako sa di malamang dahilan habang tinatahak ang daan papasok ng Celestino University. Nakamasid lamang ako sa paligid. Pakiramdam ko kasi'y may nakamasid sakin. Maraming matang nakatingin sakin. Alam kong hindi iyon ang iba pang estudyanteng kasabayan ko. Kasi hindi naman nila ako kilala. Ramdam ko talagang may kung sinong pinagmamasdan ang bawat kilos ko. Hindi ako sigurado pero tila may taong nakatago sa likod ng malaking puno sa gilid ng diretsong daanan. Madilim ang parteng iyon kung kaya't hindi ko mabatid kung sino.
Binilisan ko pa ang paglalakad.
Nahinto ako sa aking paglalakad nang makarinig ako ng isang malakas na pagsigaw. Batid kong narinig rin iyon ng iba pang estudyante dahil nagsitigil rin sila. Tila pamilyar ang boses sakin nang marinig ko ito. Parang boses ni...
"Rebecca! Hannah! Nathaniel! Tulong! Tulungan niyo ko!"
Boses iyon ni Raven!
Natulala nalang ko nang matuklasang boses pala ng kaibigan kong si Raven ang naririnig ko. Dalawang linggo na siya nawawala at walang nakakaalam kung nasaan na siya. Namuo ang luha sa kaliwang mata ko sa kaiisip kung ano bang nangyari sa kanya.
Kasalanan ko ito.
Nagpalinga-linga ako sa paligid upang hanapin siya. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang ika-ika siyang naglalakad palabas sa tila kagubatan sa may gilid ng diretsong daanan.
Anong ginagawa niya doon?
Napatakbo ako bigla dahil sa pag-aalala sa aking kaibigan nang makita ko ang kalagayan niya. Malayong-malayo sa Raven na kilala ko. Madungis siya ngayon at duguan ang unipormeng suot niya. May kaunting punit ito at ano 'tong sugat na nakikita ko sa braso niya? Parang kinagat. Mas lalong sumakit ang ulo ko kakaisip sa kung ano nga bang nangyari sa kanya.
"Raven, anong nangyari sayo?! Bakit dalawang linggo kang nawala?!" natatarantang tanong ko sa kanya habang inaalalayaan ko siyang tumayo dahil sugatan siya.
"Umalis na tayo dito! Bago pa mahuli ang lahat."
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Hindi pwede. Hindi maaaring umalis lang kami rito nang basta-basta. Alam kong may magiging malaking kabayaran oras na umalis kami nang hindi pa natatapos ang pasukan. Nasa batas iyon ng paaralan. Nabasa ko iyon nung araw na nag-enroll kami.
Imposible ang sinasabi niya.
"Look oh. Ang dungis ng campus lover natin. Nakakadiri."
"Kawawa naman ang baby ko. Ano kayang nangyari sa kanya?"
"Hindi niyo ba nakikita? Kinakarma na siya sa mga ginagawa niya sa inyo."
"Mga tanga talaga kayo. Paano niyo nagustuhan ang ganyang klase ng lalaki? Nakakasuka."
Hindi ko maiwasan ang mainis habang pinakikinggan ang mga bulungan ng mga estudyanteng dumaraan. Mga bwisit sila. Wala silang alam sa kung anong nangyayari. Hindi nila alam na nasa panganib ang buhay naming lahat. Mga inutil.
"Wag mo na silang patulan pre. Ayos lang yan. Wala kasi silang kaalam-alam sa nangyayari." rinig kong sabi ni Raven. Dahil doon, kahit papaano'y gumaan ang pakiramdam ko.
Hinintay lang naming dalawa ni Raven na kami ang matira sa daan para makapag-usap kami ng maayos. Ayokong marinig ng kahit na sino ang pag-uusapan namin. Dahil bukod sa baka sabihan kami ng nag-iimbento, ay baka isumbong pa kami sa principal na si Mr. Celestino.
"Ano ba talagang nangyari sa'yo Raven?"
Akmang sasagutin na sana niya ako nang makita kong tila nagulat siya. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang papalapit pala sa kinatatayuan namin si Mr. Celestino. Bwisit. Bakit ngayon pa?
Sh*t.
"Anong nangyari? Bakit duguan ang kasama mo? Halika't dadalhin kita sa clinic." sabi nito bago hawakan si Raven sa kanang braso.
Nakipagtitigan ako kay Raven.
"Ayoko po. Hindi na po kailangan. Uuwi na lang po kami." sabi ni Raven habang sinusubukang alisin ang pagkakahawak ni Mr. Celestino sa braso niya.
Nabigla nalang kami nang makitang biglang mag-iba ang aura ni Mr. Celestino. Ibang-iba. Bigla akong kinilabutan sa di malamang dahilan at batid kong iyon rin ang nararamdaman ni Raven sa mga sandaling ito.
"Walang uuwi hangga't hindi natatapos ang araw na ito. Maliwanag ba?" sabi nito saming dalawa habang nakatitig sa aming mga mata.
Nakakatakot siya.
"S-sige po. H-hindi na po kami uuwi." sabi ni Raven sabay tingin sakin.
Tumango ako dahil ayoko siyang iwan. Bukod doon, nakapasok na sina Rebecca at Hannah. Kailangang ligtas kaming makauwing apat ngayong araw na ito.
Nararamdaman kong may hindi magandang mangyayari.
"Ganon ba? Halika't hayaan mong dalhin kita sa clinic." sabi ni Mr. Celestino kasabay ang isang pagngisi.
Ano bang pinaplano niya?
Raven's POV
Nasa clinic na ako ngayon. Hindi gaya kanina, hindi ko na kasama ang kaibigan kong si Nathaniel. Pinauna na kasi siya ng principal na si Mr. Celestino sa klase dahil class hour na. Halos mapamura naman ako dahil doon. Maku-kwento ko na sana kay Nathaniel ang nangyari sakin sa loob ng dalawang linggong pagkawala ko ngunit naudlot pa.
Kamalasan.
Kasalukuyang nililinis ni Nurse Tan ang mga sugat ko. Hindi ko maiwasang kabahan habang pinagmamasdan siya. May kakaiba rin sa kanya. Ayokong mag-isip ng hindi maganda pero hindi kaya lahat ng mga tao dito ay maligno? Pwera lang saming mga estudyante?
Natatakot ako para saming lahat dito.
Napatingin ako bigla sa kisame. Tumatakbo pa rin sa isip ko ang mga nangyari bago ako nakaalis sa nakakasukang lugar na iyon. Puno ng mga bangkay at halimaw. Kami ang ginagawa nilang pagkain. Hindi ko mapigilang maluha habang isa-isa kaming nauubos sa loob ng silid na iyon. Mabuti na lang at may tumulong samin.
Hinding-hindi ko siya makakalimutan.
-FLASHBACK-
Maliwanag ang kabuuan ng silid dahil nakabukas ang pintuan. Tandang-tanda ko pa na isa-isa naming kinakalagan ang aming mga sarili dahil parating na ang mga halimaw. Mga nasa lima na lamang kaming natitira dahil ang iba'y nakain na.
Diring-diri kami sa tuwing nagsisitalsikan sa mga uniporme namin ang dugo ng kapwa namin mag-aaral. Nakakapangsisi. Wala man lang kaming nagawa para iligtas sila. Ang tanging tumatakbo na lamang sa isip ko nang mga sandaling iyon ay katapusan na namin. Hanggang sa isang pamilyar na tao ang pumasok sa loob ng silid.
"M-miss Alvarez?"
Halos himatayin kami sa gulat nang makita namin siya. Oo. Si Miss Alvarez. Ngayon ko lang siya ulit nakita. Ang dami niyang ipinagbago. Kung dati'y tao siya, ngayo'y batid kong isa na lang siyang malamig na bangkay. Iba na ang kulay ng kanyang balat at ang ang ilang parte ng katawan niya'y naaagnas na.
Nakakakilabot siya.
"B-bakit ganyan ang kalagayan mo? P-patay ka na?" takot na takot na sambit ni Andrea.
"Imposible. Alam kong patay ka na." gulat naman na sambit ni Harold.
Nginitian lang kami ni Miss Alvarez at isa-isa na niya kaming kinalagan. Nang mga sandaling iyon, napatunayan kong mali ang iniisip ko dati tungkol sa kanya. Hindi talaga siya masama. Napasailalim lang siya ng kapangyarihan ng sinasabi nilang amo sa Celestino University.
Hindi ko pa rin ito kilala hanggang ngayon.
Nang matapos na kaming kalagan ni Miss Alvarez, ay dinala niya kami malayo sa nakakadiring lugar na iyon. Nalingat lang kami saglit at pagtingin namin sa kinatatayuan niya'y bigla na lamang siyang naglaho na parang bula.
Tila hinigop siya pailalim ng lupa.
"Mabuti't ligtas na rin tayo." nakangiting sabi ni Charm.
Napasigaw bigla si Andrea nang makita mismo naming may humila sa paa ni charm pailalim sa lupa.
Imposible!
Hanggang dito ba naman?!
"Takbo!"
Wala na kaming ibang nagawa kungdi ang kumaripas ng takbo. Kailangan naming makalayo rito anoman ang mangyari. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang isa-isang hinihila pailalim ng lupa ang mga kasama ko hanggang sa kami na lang ni Andrea ang natira.
Nakalayo kaming dalawa at may naaninag akong liwanag sa di kalayuan. Nakahinga ako nang maluwag dahil ligtas na rin kami kahit papaano. Dalawa na lang kaming natira. Kailangang malaman ng iba ang nangyari samin. Ngunit, patungo na sana kami sa liwanag nang mapansin kong may mali.
"Andrea!"
Nawawala siya.
-END OF FLASHBACK-
Napatingin ako bigla kay Nurse Tan nang makaramdam ako ng kaba. Tila may ginagawa siyang kakaiba sa sugat ko.
"Ano pong ginagawa niyo?" nagtatakang tanong ko.
"Iniihipan ko lang. Para naman, hindi mahapdi kapag nilagyan ko na ng lunas."
Hindi ako kumbinsido sa naging sagot niya. Alam kong may iba siyang ginawa kanina. Sa kasamaang palad, hindi ko 'to nakita sapagkat may inaalala akong mga pangyayari. Nakaligtas na ako. Pero nawawala pa rin si Andrea.
Ano bang nangyari sa kanya?
"Matulog ka na muna."
Narinig ko ang mahinang magtawa ni Nurse Tan matapos niyang magsalita. Naramdaman kong may itinurok siya sakin at unti-unti akong inantok.
Nasa panganib na naman ba ako?
Rebecca's POV
Sinisisi ko ang sarili ko sa pagkawala ng kaibigan kong si Raven. Dalawang linggo na ang nakalipas at hanggang ngayo'y wala pa rin akong balita kung anong nangyari sa kanya. Kinakabahan ako. Hindi kaya, patay na siya? Hindi kaya kinain na siya ng mga maligno?
Hindi ito maaari.
"Ms. Soriano! Nakikinig ka ba?!"
Napatingin ako bigla sa harap nang marinig ang boses ni Mrs. Hilda. Nakataas ang kilay nito sakin. Kinilabutan ako nang makitang ngumisi siya. Sa akin na nakapako ang tingin ng mga kaklase ko. Ayoko ng ganito. Kung anu-anong bagay na naman tuloy ang naiisip ko.
Nakakairita.
"S-sorry ma'am. Hindi na po mauulit." mapagkumbabang sabi ko rito bago ako tumungo.
Ayokong pinagtitinginan ng lahat.
Hannah's POV
Matapos kong magpaalam kay Mr. dela Costa ay lumabas na ako ng klase. Hindi ako mapakali. May kung anong pumipilit sakin para lumabas. Hindi ko naman kailangan magbanyo at wala naman akong kukunin sa library o kung ano pa man.
Sumakit tuloy bigla ang ulo ko.
Naglakad ako papunta sa cafeteria. Siguro'y kailangan ko lang uminom ng tubig. Tama. Siguro nga uhaw lang itong nararamdaman ko.
"Nakapasok na kaya si Raven? Kamusta na kaya siya?" nag-aalalang tanong ko habang naglalakad.
Hindi pa rin mawaglit sa isip ko si Raven. Kamusta na kaya siya? Anong nangyari sa kanya sa loob ng dalawang linggo? Bakit siya nawala? Patay na ba siya? Kinain na ba siya ng maligno?
Hindi pwede!
Napahinto ako saglit sa paglalakad nang sandaling makarinig ako ng pag-uusap. Hinanap ko sa paligid kung saan nanggagaling ang pag-uusap na narinig ko at dali-dali akong nagtago upang pakinggan ang pag-uusap nila.
Kilala ko sila.
"Hindi na ako makapag-hintay. Nasasabik na akong paglaruan sila."
Napairap ako sa narinig ko. Sinasabi ko na nga ba. Sinungaling siya. Inaakala ng lahat na mabait siya subalit isa iyong malaking kasinungalingan. Demonyo siya. Gusto ko siyang patayin para mawala na siya at matigil na ang pakikipaglaro niya saming mga mag-aaral.
"Wag kang masyadong magmadali. Dahil, oras na tumunog na ang bell, ay magsisimula na rin ang inihanda nating laro sa kanilang lahat. Hahaha."
Isa pa siya!
Mga walanghiya sila!
"Gustong-gusto ko na silang makitang nahihirapan."
"Gustong-gusto ko naman silang makitang makipaglaban para sa mga buhay nila."
Wala na akong narinig pa na usapan pagkatapos non. Sumilip ako sa silid kung saan sila nag-usap. Wala na sila agad. Nawala sila nang hindi ko man lang napapansin.
Nakakapagtaka.
"Anong mangyayari kapag tumunog na ang bell? Sinong makikipaglaban? Ano bang pinaplano nila?" sunod-sunod na tanong ko sa aking sarili habang pilit na inuunawa ang mga katagang sinabi nila kanina.
Kailangan ko itong sabihin sa iba.
Nurse Tan's POV
Nakita kong malapit nang magising ang estudyanteng si Raven mula sa kanyang pagkakatulog. Tinigil ko agad ang ginagawa kong pagdila sa dugong lumalabas mula sa sugat niya.
Napaka-sarap ng dugo niya. Sayang nga lang dahil nagising na siya agad. Hahanap-hanapin ko ito mamaya kapag nakabalik na siya sa klase niya sapagkat kaunting sandali na lang at magsisimula na ang kakaibang laro.
Kailangang makuha ko si Raven mamaya.
"Sa wakas at gising ka na." nakangiting sabi ko sa kanya.
Umiwas siya sakin ng tingin. Tsk. Mukhang may alam siya sa pagkatao ko. Nakakainis. Masama ito. Hindi ko madaling mabibilog ang ulo niya dahil mukhang matalino ang isang ito.
Sayang naman.
"Maaari na ba akong bumalik sa klase ko?"
"Maaari na. Ngunit bago ka bumalik sa klase mo'y kumuha ka muna ng uniporme kay Miss Lala pagkatapos ay maligo ka. Dalawang linggo kang walang ligo. Napaka-dumi mo na."
Medyo naasar yata siya sa sinabi ko dahil kumunot ang noo niya.
Nakakatawa.
"Ganon ba? Sige aalis na ako" sabi niya bago bumangon sa pagkakahiga.
Lumapit ako sa kanya at nilagyan ng band aid ang sugat na dinidilaan ko kanina. Sigurado akong hindi niya napansin ang ginawa ko kanina dahil mahimbing ang tulog niya.
Mabuti kung ganon.
"Maraming salamat." sabi niya sakin bago lumabas ng clinic.
Magkikita naman ulit kami mamaya.
Nathaniel's POV
Nang matapos na sa pagtuturo ang gurong si Miss Montiverde ay lumabas na siya ng klase namin. Sa wakas. Recess na namin matapos ang klaseng ito. Kailangan kong makausap si Raven at makita sina Hannah. May importante kaming kailangang pag-usapan.
Habang nakaupo pa rin sa pwesto ko, aksidente ko namang napakinggan ang usapan ng ilan sa mga kaklase ko.
"Grabe. Hanggang ngayon, natatakot pa rin ako kay Miss Montiverde." sabi ni Ian.
"Ako naman kay Mr. Lacsima at kay Mrs. Hilda." sabi naman ni Rocky.
"Ikaw Paula? Kanino ka natatakot?" tanong ni Bill.
"Takot ako sa mga maligno. Lalong-lalo na sa mga kakaibang nilalang." sagot ni Paula.
"Ang layo ng sagot mo." singit ni Alexandra.
Natahimik ang buong klase nang tumunog na ang bell. Nakita kong malapad ang ngiti ng mga kaklase ko. Mukhang gutom na rin sila gaya ko. Nakaligtaan ko na naman kasing mag-almusal.
Paulit-ulit na lang.
"Sa wakas. Makakakain na rin ako. Gutom na gutom na ko eh." sabi ng kaklase kong si George habang nakahawak sa malaki niyang tiyan.
Akmang lalabas na sana kami ng aming klase patungo sa cafeteria, nang bilang may magsulputan na mga maligno sa pintuan namin. Gayon rin sa may bintana.
Napaatras kami lahat dahil sa sobrang takot at gulat.
"Humanda kayo! Wag niyo hayaang patayin kayo ng mga chakang maligno na yan!" matapang na sabi ng bading na kaklase kong si Ven.
Dahil sa kaklase naming iyon, ay nagkanya-kanya kaming handa para sa paglaban sa mga maligno. Naghanap kami ng maaaring magamit na pang paslang sa mga maligno. Ang ilan ay kumuha ng lapis, gunting, payong, at kung anu-ano pa na sa loob lang ng bag namin matatagpuan.
Ang kinuha ko'y ang mga barahang laruan ko na nakatago sa lihim na bulsa sa loob ng bag ko. Hindi gaya ng normal na baraha, ang baraha ko'y matalim at nakakasugat. Bibihira ko itong laruin o ilabas dahil alam kong baka makuha ito sa akin ng kung sino.
At ngayon ang tamang oras para gamitin ko ito.
Nang sandaling handa na kaming lahat, ay saktong nagsilusob na ang mga maligno upang atakihin kami. Napangisi ako dahil doon.
Dali-dali ko naman hinagisan ng baraha ang unang malignong umatake sakin.
Isang tiyanak.
"Wag niyo hayaang makain nila kayo!" sigaw ko sa mga kaklase ko habang hinahagisan ng baraha ang iba pang maligno.
Puro tiyanak lang naman ang umatake samin. Ang masama nga lang ay ang dami nila. Lagpas sampu sila ngayon at nadadagdagan pa.
"Nathaniel! Sa likod mo!"
Napaikot ako bigla dahil sa sigaw ni Alexandra. Nanlaki naman ang mga mata ko nang makitang dalawang tiyanak ang tumalon papunta sakin. Hinanda ko agad ang barahang hawak ko at sabay ko itong ibinato sa mga maligno.
Simula na ng kakaibang laro.