Hannah's POV
Matamlay lang akong naglalakad palabas ng Celestino University. Nang bigla na lamang akong makaramdam ng kakaiba. Pakiramdam ko ay maraming nakatingin sa akin. Ngunit nang magmasid ako sa paligid, tanging ako na lamang ang bukod tanging estudyante. Nauna na kasing umuwi ang tatlo kong kaibigan. Paalam nila sa akin ay may mga mahahalaga silang aasikasuhin. Hindi lang sa bahay pati na rin sa iba pang bagay.
"Hannah."
Napahinto ako sa aking paglalakad nang may tumawag sa aking pangalan. Kinilabutan ako bigla. Sino 'yon? Waaah! Minumulto ata ako! At teka, bakit hindi ako magalaw? Bwisit. Anong nangyayari sakin?
Napapikit ako bigla nang makarinig ako ng mga yabag na papalapit sa kinatatayuan ko. Biglang lumamig ang paligid. Nagtaasan ang lahat ng balahibo ko sa katawan.
"Alam kong nakita mo kami nung araw na iyon... mas maiging manahimik ka na lang sa kung anomang natuklasan mo. 'Yon ay kung ayaw mong maging pagkain namin. Hahaha."
Pagdilat ko'y nanginginig na ang buo kong katawan. Imposible. Alam kong walang nakapansin sa akin na pumasok ako sa silid na iyon. Nakakakilabot ang boses ng taong 'yon. Lalong-lalo na ang pagtawa niya. Echo ng echo sa tenga ko.
Kumaripas ako ng takbo nang makumpirma kong nakakagalaw na ulit ako. Ngunit bago iyon ay may napansin akong taong nakatingin sa akin sa likod ng malaking puno. Pamilyar sakin ang mukha niya. Ngunit...
Sino kaya siya?
Rebecca's POV
Nagsimula na ang klase ngunit wala pa rin ang aming guro. Samantalang, nakasalubong ko pa ito kanina nung paakyat ako ng 3rd floor. Tapos hindi pala siya papasok? Pambihira. Nakakabagot tuloy. Ayoko pa naman ng ganito.
"Rebecca, hindi maganda yang naiisip mo."
Napatingin ako bigla kay Larry. Paano niya? Hays. Baka naman nagbibiro lang siya sa sinabi niya. Pero hindi eh. Ang dami kong napapansing kakaiba sa kany nitong mga nakaraang araw.. Medyo naguguluhan tuloy ako.
"Huh? Anong pinagsasasabi mo?"
Hindi ko siya maintintihan sa totoo lang. Hindi ko alam kung nababasa niya ba ang isip ko o kung ano. Pero alan niyo ba, gustong-gusto ko lumabas ng classroom ngayon. Gusto kong maglakad-lakad. Gusto kong libutin muli ang school na ito ngunit alam kong bawal. Dahil oras ng klase ngayon. Oras na mahuli ako, batid kong may nakaabang na sa akin na parusa. Which is ayaw kong mangyari sakin. Ayokong magka-record sa guidance or sa principal's office man lang. Kahit na, lapitin ako ng mga problema. Ayokong bawasan ni daddy ang allowance ko.
"Alam kong gusto mo nang lumabas ng klase."
Natahimik ako sa sinabi niya. Alam niya nga ang tumatakbo sa isip ko. At mukhang kanina pa niya ako napapansin. Sandali ko siyang tinitigan upang tumigil na siya sa nakakairita niyang pagtawa. Ang kaso, kinindatan naman niya ako. Pambihira.
May sayad talaga ang lalaking ito.
"Manghuhula ka ba?" pinagtawanan niya lang ang tanong ko. Sarap batukan nito. Kinakausap ng maayos tapos ganyan.
"Hindi. Kanina ko pa kasi napapansin na tingin ng tingin sa labas ng classroom. Kaya naisip ko, nababagot ka dito at gusto mong lumabas. Tama?" ngumiti siya ng nakakaloko. Hay nako. Nagpapa-cute na naman siya. Pero aaminin ko, bagay naman sa kanya. Kakapalan ko na ang mukha ko pero piling ko may gusto sakin ang isang 'to. Akala niya siguro hindi ko napapansin. Dahil sa lahat ng babae sa klase namin, ay ako lang ang kinakausap niya. Weird, diba?
"Oo. Tama ka. Pero alam kong bawal." nakabusangot kong sabi. Nakakatamad ang araw na ito para sakin. Hindi gaya nung mga nakaraang araw na palaging may guro sa klase, ginagahan ako. Ngayon, pakiramdam ko aantukin ako sa sobrang bored. As in. Inaantok na nga ako ngayon eh.
"Huy. Hikab ka ng hikab." bulong niya sakin habang nakatingin sa mga kaklase naming nag-iingay.
"Eh sa inaantok ako eh. Gusto ko talagang lumabas. Letche." itinungo ko ang ulo ko sa desk. Hanggang sa hindi ko namalayang unti-unti na akong nakakatulog.
Masama ito.
Nathaniel's POV
Lumabas na ako ng klase nang tumunog na ang bell. Recess na. Sa wakas, makakakain na rin ako. Kanina pa ako gutom na gutom. Sa katunayan, hindi ako nakakain ng almusal kanina kaya ganito na lamang ang p*******t ng aking sikmura. Para itong pinipilipit dahil sa sobrang sakit.
Kailangan ko na agad makakain!
"May problema ba, Nathaniel?"
Lumapit sa akin ang kaklase kong si Amber. Isa siya sa mga naging ka-close ko agad nang magsimula na ang pasukan. Kasalukuyan siyang nakatingin sa akin ngayon at bakas sa kanyang pagmumukha ang pag-aalala.
Dahil kaya ito sakin?
"S-sumasakit yung tiyan ko. Sige. Magbabanyo muna ako."
Nagpaalam na ako sa kanya't dumiretso na ako sa cr habang nakahawak sa tiyan ko. Hindi ko mapigilan ang sobrang p*******t. Masama ito. Ayokong magkasakit. Ayokong mag-alala sakin ang pamilya ko. Kaya sana mawala na ito kaagad.
Pumasok ako sa isa sa mga cubicle.
"Hindi ako sigurado sa nakita ko pare, pero parang totoo talaga. Nakita ko yung kaklase natin sa library e nasa classroom lang siya kanina pa."
"May nakita rin ako kanina. Babaeng nakasuot ng kulay itim. Buhaghag ang buhok niya at masama siyang nakatingin sakin. Kinikilabutan ako."
"Tapos kanina, nung sumilip ako sa bintana, may nakita akong kamay na nakataas doon sa lupa sa labas. Hindi kapani-paniwala pero totoo. Hindi ako maaaring magkamali sa nakita ko."
Hindi ko maiwasang kilabutan habang pinapakinggan ang usapan ng tatlong estudyante. Alam kong tatlo sila. Iba-ibang klaseng boses kasi ang narinig ko kaya alam ko.
Hindi ako makapaniwala sa mga sinabi nila. Marami ngang kababalaghan sa paaralan na ito na hindi maipaliwanag ng kahit na sino. Nakaramdam ako bigla ng kilabot. Pakiramdam ko tulo'y may nakatingin sakin. Kahit na imposibleng mangyari 'yon dahil nasa loob ako ng cubicle.
Nakarinig ako ng pagbukas at pagsara ng pinto. Mukhang lumabas na ang tatlong estudyante na iyon. Ibig sabihin, ako na lang mag-isa ngayon rito? Sh*t. Ayoko ng ganito. Kaya naman, tinapos ko na agad ang ginagawa ko at madaling lumabas ng cubicle.
Napatigil ako nang tumingin ako sa salamin. Biglang hindi ako makagalaw. Weird. Para kasing may iba pang tao bukod sakin. Sigurado ako. Hindi lang ako yung tao rito ngayon. Dahil bago ako lumabas ng cubicle ay nakakita ako ng anino sa awang sa baba. Sigurado ako sa nakita ko.
May kasama ako rito.
Nanalamin muna ako sandali bago naghugas ng kamay. Hindi talaga ako kumportable ngayon. Kung anu-ano na lang ang nalaman at natuklasan ko. Isama mo pa ang kakaibang nangyayari sakin 'yon. Nakakatakot talaga. Alam kong lalaki ako pero natatakot rin ako siyempre. Kahit sino naman siguro. Naalala ko bigla yung sinabi sakin dati.
"Matakot ka sa buhay. Wag lang sa patay."
Palabas na sana ako nang makarinig ako ng yabag. Tama nga ako. Hindi lang ako ang tao rito. Isinawalang bahala ko na lamang iyon at tuluyan nang lumabas. Ayokong takutin pa ang sarili ko. Matatakutin pa naman ako. Pero mukhang kailangan ko na yatang masanay ngayon. Dahil balot ang paaralan na ito ng kababalaghan.
Kailangan kong harapin ang aking kinatatakutan.