Chapter 11

2308 Words
"Feeling ko naman, tama yung sagot natin" "Kaya nga, eh. Si Sir lang talaga siguro yung mali" Napailing-iling na lang ako nang marinig ang usapan ng dalawang bugok sa likod namin ni Larren. Rinig na rinig ko pa ang mga buntong-hininga nila at talagang ramdam ko ang pagtataka't pag-iisip nila kung bakit sila napalabas ni Sir. Saan kaya nila naitago ang mga utak nila at hanggang ngayon ay parang hindi nila mahanap? Heto't magkakasabay naming binabagtas ang daan patungo sa kanya-kanya naming pupuntahan. Pinayagan na rin kasi kaming dalawa ni Larren na lumabas ni Sir sa subject nya na hanggang before lunch dahil sa nasagot namin ng tama ang mga advance topic namin for this day. Bale parang binigyan nya na rin kami ng 1-hour vacant time para gawin ang gusto naming gawin sa buong university. Si Mark at Paulo naman ay pinadiretso na sa gymnasium para ubusin ang isang oras nila sa paglilinis bago maglunch. Kaya nga parang mga pinagbagsakan ng langit at lupa ang dalawa dahil sa hindi nila maipintang mga mukha. Kung hindi ba naman kasi malakas ang loob nilang sumagot ng mali ay baka libre din nilang magagawa ang gusto nila ngayon. Mga kawawang nilalang. "Hayaan nyo na, madali lang naman maglinis ng gym. Para ka lang nagwawalis sa gubat at nagmomop ng dagat" nakangiting sabi ko nang nilingon ko sila sa aking likod dahilan para sabay pa nila akong samaan ng tingin at ambaan ng suntok. Napalingon naman ako sa natatawang si Larren sa tabi ko habang tinitignan din sila Mark. "I-enjoy nyo na lang para hindi nyo mamalayan yung isang oras" sabi nito kaya naman sya ang tinapunan ng matatalim na tingin nung dalawa. "Ano naman ang nakaka-enjoy sa paglilinis?" pabalang na tanong ni Paulo kaya napa-iling na lang ako habang natatawa sa hitsura nilang dalawa. Huminto kami sa paglalakad nang marating na namin ang pagitan ng daan patungo sa cafeteria at ng daan papunta sa gymnasium. Sabay naming hinarap ni Larren ang dalawang nakabusangot na ngayon at halatang mga labag sa loob ang gagawing paglilinis kaya hindi ko na naman napigilan ang matawa. "Tuwang-tuwa ka, no? Masosolo mo kasi si Larren, eh" naninigkit ang mga matang sabi ni Paulo kahit natural na singkit naman na sya kaya nagmukha lang syang nakapikit sa paningin ko. Inirapan ko sya kahit pa naramdaman ko ang biglaang pamumula ng aking mukha para hindi mahalata ni Larren ang pagkakilig ko. Bwisit kasing Paulo na 'to, eh! Hindi marunong magbasa ng sitwasyon! Hindi nya ba nakita na katabi ko si Larren at baka mamaya ay magka-ilangan kami kapag kami na lang dalawa ang magkasama?! "A-Anong masosolo? Syempre, gusto ko rin na kumpleto tayo para mas masaya, no!" gusto ko na lang kaltukan ang sarili ko dahil sa kaplastikan ng sagot ko. Alam ko naman kasi sa sarili kong nagpapasalamat ako dahil wala kaming makakasamang mga asungot ngayon. Pero syempre, kailangan ko ng magandang isasagot para hindi naman mahalata ni Larren na masyado akong masaya dahil masosolo ko sya ngayon at matatawag kong date itong mangyayari. Enebe! Natauhan ako nang pitikin ni Mark ang noo ko dahilan para mapahawak ako sa parteng iyon at samaan sya ng tingin. "Sus, kunyari ka pa. Sige na't magdate na kayo! Pero puntahan nyo rin kami sa gym, ah" sabi nito at inakbayan na si Paulo para sabay na maglakad pero hindi pa man din sila nakakalayo ay muling lumingon saming dalawa ni Larren ang nakakunot-noong si Paulo. "Larren, umayos ka" Nanatili akong tahimik at nakakagat sa aking pang-ibabang labi habang nakatayo kami ni Larren sa harapan ng mga glass shelves na pinaglalagyan ng mga iba't-ibang pagkain sa cafeteria. Kaunti lang ang mga estudyanteng nakikita kong nagpapalakad-lakad sa loob samantalang yung iba ay tahimik na kumakain sa kani-kanilang mga upuan. Iba-iba rin kasi ang schedule ng mga estudyante sa school na ito kaya't sigurado akong mga ibang grade ang nakikita ko ngayon. "Anong gusto mo?" natigilan ako at napalingon kay Larren nang marinig syang nagsalita sa tabi ko. Mabuti na lang ay nakatingin pa rin sya sa mga pagkain kaya't hindi nya napansin ang pagkagulat ko sa tanong nya. Nakakabigla naman kasi sya! "M-Mauna ka nang bumili" sabi ko na lang pero tinignan nya lang ako habang nakanguso bago humarap sa matandang nagtitinda. Bakit ba ang cute nya? Nakakainis. "Dalawa pong slice ng chocolate cake, baked mac, tsaka po softdrinks" muli nya akong tinignan, suot ang nagtatanong na mga mata. "Okay na ba sayo 'yon? O gusto mo din nung spaghetti? Carbonara? Cupcake? Cookies?" halos malunod ako sa mga inaalok nya sakin kaya napangiti na lang ako ng pilit at mabilis na umiling sa mga sinabi nya. "O-Okay na 'yon" sabi ko na lang ngunit ngumuso ulit sya at muling nilibot ang tingin sa mga pagkaing nasa loob ng glass shelf. Napangiti ako nang medyo ilapit nya pa ang kanyang mukha sa salamin at paningkitan ng mata yung isang pagkain na parang tinitignan nya ito ng maigi. Paano nyang nagagawang maging cute sa paningin ko kahit sa simpleng galaw nya lang? Hays, iba na talaga 'to, Selena. Marami akong crush pero ilalagay ko na ba talaga si Larren sa column ng mga main crush ko? Kung dati kasi ay talagang crush ko lang sya, ngayon ay may improvement na dahil sa mas lalo ko syang nakikilala habang tumatagal na nagkakasama kami. Lalo akong nakakakita ng dahilan para mas mahulog sa kanya dahil kung nung una ay napopogian lang talaga ako sa kanya, ngayon ay dumarami na ang dahilan kung bakit ko sya nagugustuhan. Tahimik ko lang syang pinagmamasdan ngunit agad na napalitan ng gulat ang munting ngiti ko sa labi nang higitin nya ako sa bewang gamit ang kanyang kanang kamay dahilan para mapalapit ako sa kanya. Nanlaki ang aking mga mata habang nililingon ko sya sa aking tabi ngunit seryoso lang syang nakatingin sa salamin. Akala ko nga ay hindi nya ako titignan o papansinin ngunit laking pagtataka ko nang seryoso syang tumingin sa kung sino mang nasa kabilang gilid ko. Naroon pa rin ang kunot sa aking noo dahil sa pagtataka nang sundan ko ang tinitignan nya ngunit ang sumalubong lang sa aking paningin ay ang dalawang lalaking nagtutulakan at tila nagmamadaling umalis. Ano naman ang meron sa kanila? Muli kong ibinalik ang tingin ko kay Larren na hanggang ngayon ay sinusundan ng tingin yung dalawang lalaking papalabas na ng cafeteria. Nang makalipas ang ilang sandali ay tsaka nya pa lang ibinaba ang tingin nya sa akin at ngumiti bago bitawan ang aking bewang. Kinuha nya ang pagkain mula kay Manang Tindera at sinenyasan na akong sumunod sa kanya. Hanggang ngayon ay narito pa rin sakin ang pagtataka habang sumusunod sa kanya sa napili nyang pwesto ng mga nakahilerang mid-stool na malapit sa bintana kung saan matatanaw ang gymnasium. Umupo ako sa tabi nya habang inilalagay nya sa tapat ko yung plato ng baked mac, cake, at yung softdrinks pero hindi ko mapigilan ang mapatingin pa rin sa kanya dahil sa nangyari kanina. Kaaway nya ba yung dalawang lalaki kaya ganoon na lang sya kung makatingin doon? Ah! Ang hirap maging chismosa, laging curious! Siguro'y napansin nya ang mata kong nakatingin sa kanya kaya pagkatapos nyang ayusin ang mga pagkain sa harap namin ay lumingon sya sa akin. Sinadya ko talagang ipakita sa kanya ang pagtataka sa mata ko kaya natawa sya ng mahina bago ako abutan ng kutsara't tinidor. "Yung kanina ba? Wala 'yon" bumaba ang tingin nya sa pagkain nya bago muling magsalita. "T-Tumitingin kasi sa hita mo" Tila napunta lahat ng dugo ko sa aking mukha dahilan para mabilis na mag-init at mamula iyon. Nanlalaki ang aking mata nang ibaba ko ang aking tingin sa suot kong palda pero wala namang mali rito. Mas mahaba pa nga ang pagkakagawa ng palda ko kaysa mga palda ng ibang estudyanteng babae na above the knee ang haba. Sa akin kasi ay knee-length naman ang haba kahit papaano kaya paanong pagtitinginan pa ang hita ko? Hindi ko alam kung bakit bigla na lang kumulo ang dugo ko. Kahit talaga anong ka-disentehan ng suot ng isang tao, kung nasa utak na ng iba ang mali, palaging may mababastos. Kahit gaano pa kahaba ang isuot ng babae, kahit gaano pa kabalot ang kanilang mga katawan sa pamamagitan ng pagsuot ng mga damit na makakapagpatago ng kanilang mga balat, meron pa rin talagang mga lalaki na may mahahalay na isip. Paano magkakaroon ng kapanatagan at kalayaan ang mga tao na magsuot ng kung anong gusto nila kung palagi silang may pangamba sa makikita at iisipin sa kanila ng iba, lalo na ng mga taong may mali sa pag-iisip na puro kahalayan lang ang laman. "Hayaan mo na. 'Wag mo nang isipin 'yon. Kung guguluhin ka man nung mga 'yon, magsabi ka lang" natauhan ako nang muling magsalita si Larren na may maliit na ngiti sa kanyang labi na tila pinapanatag ang loob ko. Bumuntong-hininga na lang ako at pinilit na ialis sa aking isipan ang mga iniisip. Baka makabasag lang ako ng pinggan kung aalalahanin ko pa yung dalawang lalaki kanina. Tahimik ko na lang na inumpisahan ang pagkain kahit medyo nawalan ako ng gana dahil sa nalaman. Nahihiya din ako kay Larren dahil sya ang bumili nito kaya kailangan kong ubusin o di kaya naman ay bayaran man lang. "M-Magkano-" "Libre ko yan, wag mo nang pagtangkaang bayaran" agad na pagputol nya sa dapat na sasabihin ko kaya napangiti na lang ako ng alanganin at pinagpatuloy ang pagkain. Mabuti na lang ay masarap yung baked mac kaya medyo nakakatulong ito sakin para huminahon ako. Kapag naaalala ko kasi yung pagmumukha nung dalawang pangit na lalaki kanina ay parang gusto ko silang sundan para bigyan ng tig-isang uppercut sa panga. Sigurado akong junior highschool pa lang ang mga iyon dahil sa suot nilang uniform kaya't lalo akong nabubwisit dahil mas bata pa talaga sakin ang nagkaroon ng lakas ng loob at kakapalan ng mukha para bastusin ako. Kung nalaman ko lang talaga agad ng mas maaga kanina ay baka hindi sila nakalabas ng may buong buto sa katawan. Yung tipong sa kanila ko gagawin yung mga nakikita kong pambubugbog ni Levi kay Eren sa Attack on Titan. Natigilan ako sa pagnguya nang makarinig ng mga pagsutsot mula sa 'di kalayuan. Hindi ko alam kung namamali lang ba ako ng rinig o meron talagang kulang sa pansin na sumusutsot. Nagpalinga-linga ako sa loob ng cafeteria kaso imposible namang mula rito ang narinig ko dahil lahat ng estudyante ay halos may kanya-kanyang ginagawa at kinakausap. Nangunot ang noo ko nang may muli akong narinig kaya't wala sa sariling napatingin ako sa harapan kung saan makikita sa bintana ang dalawang pigura na kumakaway-kaway sa gawi namin. May hawak pa ang mga ito ng mop at walis kaya napalitan ng mahinang tawa ang kaninang kunot sa aking noo. "Tignan mo yung dalawa na 'yon. Imbes na maglinis ay walang ginawa kundi ang maglaro" natatawang sambit ni Larren kaya napa-iling na rin ako habang tinitignan ang dalawang tumatakbo papalapit sa gawi ng bintanang nasa tapat lang ng kinauupuan namin. Malapit lang kasi ang cafeteria sa gymnasium kaya't may pagkakataon na dito nauupo yung ibang nanonood ng mga naglalaro kapag wala nang bakante sa bleachers. Habang ngumunguya ay nakita ko pa kung paano nadapa si Mark kaya't halos maibuga ko yung pagkain sa bibig ko dahil sa pagpigil ng tawa. Si Paulo naman ay talagang tinawanan pa ang kaibigan bago ito tuluyang tulungan. "Pangit talaga ng ugali ni Paulo" natatawang sabi ko habang pinapanood kung paanong humagalpak ng tawa si Paulo habang hinahampas sya ng walis tambo ni Mark. Natawa din naman si Larren habang sumusubo ng cake kaya napatingin ako sa labi nya nang magkaroon ang gilid nito ng kaunting bahid ng chocolate. Hindi ko tuloy malaman kung itataas ko ba ang kamay ko para punasan ito o maghahanap ako ng tissue sa paligid. Bakit ba kasi hindi ako nagdadala ng panyo?! Sayang yung moment na 'to, yawa! Sa huli ay kinalabit ko na lang sya para harapin nya ako bago ko punasan ang gilid ng labi nya na may pag-aalinlangan pa rin sa aking mga mata. Ramdam kong natigilan sya nung sandaling dumampi ang aking dalira sa balat nya kaya't wala din sa sariling natigilan ako't napatitig sa mga mata nyang nakatingin lang din sakin. Heto na naman at parang hinihipnotismo ako't parang hinihigop ng kanyang magagandang kulay tsokolateng mga mata. Hindi ko mapigilan ang lumalabas na maliit na ngiti sa aking bibig ngunit napatingin din agad sa kamay nyang unti-unting humahawak sa aking kamay na nakadampi pa rin sa gilid ng kanyang labi. Tila nakuryente ako sa munting pagkakadikit ng mga balat namin kaya agad akong umayos ng upo at tumikhim habang umiiwas ng tingin sa kanya. Ngayon ko lang naramdaman ang hiya at pag-init ng mukha ko! Kapag nga naman nilamon ka ng kalandian, hays. "S-Sorry, may chocolate kasi" mahinang sabi ko habang yumuyuko at kunyaring hinihiwa yung cake na nasa plato ko pero narinig ko na lang din na tumikhim sya. Habang binabalot kami ng pagka-ilang, napalingon ako sa likod namin nang makarinig ng pagbagsak ng kung anong bagay at ang pagtili ng isang babae. Bumungad sa mga mata ko ang isang guro na aligagang pinupulot ang mga nalaglag na folder habang may mga bitbit din syang gamit kaya agad akong kumilos para tulungan ito. Yumuko ako para pulutin ang mga folder na malapit sa gawi ko at lumapit sa kanya para iabot ito. Nakita ko naman ang ngiti nito sa labi kahit pa puro pawis ang noo kaya't sa halip na isauli yung mga folder ay ngumiti na lang ako sa kanya. "Ihahatid ko na po kayo" sambit ko na lalong ikinangiti nito ngunit napatingin naman kami sa kabilang gilid nya nang biglang lumitaw si Larren at kinuha ang ilang gamit mula sa kanyang mga bisig. "Samahan ko na po kayo" ||||| SELENAPHILE
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD