Katahimikan lang ang bumabalot sa pagitan naming tatlo habang binabaybay namin ang daan patungo sa Building B, sa room mismo nila Erich. Yung kasama pala kasi naming teacher ngayon ay ang subject teacher nila ngayong oras bago maglunch kaso nga lang ay late na ito kaya nga nagmamadali na kami ngayon sa paglalakad.
Magkatabi kaming naglalakad ni Larren habang nasa unahan naman si Ma'am Velasquez. Todo iwas ako sa pagdidikit ng mga balat namin dahil sa takot na baka makuryente na naman ako katulad ng nangyari kanina. Hindi ko alam kung napapansin nya 'yon kasi tahimik lang din sya at nakatingin lang sa dinaraanan namin. Kung bakit ba naman kasi may kung anong sumanib sa kamay ko para punasan yung chocolate sa gilid ng labi nya kanina. Iyan tuloy ay nagkaka-ilangan kami ngayon!
Ganoon lang ang naging ganap namin sa likod hanggang sa marating namin ang room nila Erich. Agad na pumasok si Ma'am at sumunod kaming dalawa ni Larren para ilagay sa desk nya ang mga hawak naming folders habang palingon-lingon ako sa paligid na unti-unting humuhupa ang ingay dahil na rin siguro sa pagdating ng teacher nila.
"I'm deeply sorry for my tardiness, class. Pina-xerox ko pa kasi itong hardcopy ng topic nyo from last week na hindi ko nagawan ng powerpoint dahil sa sakit ko. Please, stay in your proper seats para ma-idistribute ko ito ng maayos" maayos na pagpapaliwanag ni Ma'am Velasquez habang inaayos sa lamesa ang mga folders. Ako naman ay kinuha ang pagkakataong nasa loob kami ng room para hanapin sila Erich at Venus na ngayon pala ay naniningkit ang mga matang nililipat-lipat ang tingin saming dalawa ni Larren.
Ngumiti ako ng nakakaloko sa kanila at pasimpleng sinulyapan si Larren na walang kamalay-malay habang nililibot lang ang tingin sa kabuuan ng classroom. Nakita ko naman kung paanong ngumiti din ng pilya si Venus at itinaas pa ng bahagya ang kanyang nakakuyom na kamao habang bumibigkas ng salita ang bibig nito na sigurado akong 'Go, landi' ang ibig sabihin. Nang ilipat ko naman ang tingin ko kay Erich ay umirap lang ito kahit pa nakita ko ang munting ngiti nito sa labi. Hays, tipikal na protective pero supportive na tita s***h bestfriend.
Parehas ko na lang silang kinindatan at kinawayan bago maglakad para sundan ang papalabas nang sila Ma'am Velasquez. Nang marating na namin ang tapat ng pinto ay parehas naming hinarap ni Larren ang teacher bago ngumiti at bahagyang yumuko.
"Mauna na po kami, Ma'am" sabi ko ngunit sumalubong lang sa aking tingin ang nakangiting teacher habang palipat-lipat ang tingin sa aming dalawa.
"Nawa'y pagpalain kayo ng Panginoon dahil sa kabaitan nyo" sabi nito na lalo naming ikinangiti.
"Available ako kung maghahanap kayo ng ninang sa kasal in the future, ha?"
Parang biglang tinangay ng hangin ang ngiti ko at parehas pa kaming naubo ni Larren dahil sa idinugtong na salita ni Ma'am Velasquez. Halos tumalikod na ako sa kanya para lang hindi nya makita ang biglaang pamumula ng aking mukha dulot ng kahihiyan samantalang sya naman ay tumingin na lang sa ibang gawi habang hinihilot ang lalamunan mula sa biglaang pag-ubo. Bakit naman biglang nanggugulat si Ma'am?! Ano na lang ang iisipin ni Larren dahil dyan?!
"Naku, ang cute nyo talagang dalawa. Oh sya, mauuna na ko sa loob at magkaklase pa ko. Maraming salamat ulit, ha?" sabi ulit ni Ma'am nang mahalata sigurong walang makapagsalita sa pagitan namin ni Larren. Tumalikod na ito at binuksang muli ang pinto para makapasok pero hindi nakatakas sa pandinig ko ang paghugot nya ng isang buntong-hininga bago bumulong.
"Hays, sana all"
Nang maisarado na ang pinto sa harap namin ay tila estatwa pa rin kaming nanatili sa aming pwesto. Walang nagsasalita, walang kumikilos, parehas na nagpapakiramdaman. Sigurado akong kung totoo ang kasabihan na may dumadaang mga anghel kapag natatahimik ang paligid, baka isang mahabang linya ang dumaan sa amin ngayon kaya't napakatagal ng katahimikan.
Umihip ang tahimik na hangin sa hallway dahilan para mapabuntong-hininga na lang ako't mapatingin sa malinis na paligid. May mga klase pa rin kasi ang mga estudyanteng nasa floor na ito kaya't walang nagkalat na mga tao bukod sa aming dalawa. Nakadagdag tuloy iyon sa awkwardness na nararamdaman ko dahil sa realization na kaming dalawa na lang ang magkasama ngayon.
Umiwas na lang ako ng tingin at nagsimulang maglakad sa daan na patungo sa gymnasium. Baka kasi kung ano na lang ang ginagawa ng dalawang kumag doon sa halip na maglinis. Naramdaman ko naman na sumunod na rin sa likod ko si Larren kaya hindi pa rin mawala sa pagkatao ko ang tensyon at hiya lalo na kapag naaalala ko ang mga sinabi ni Ma'am Velasquez kanina. Magpapasalamat na lang kasi sya samin, bakit kailangang mag-iwan pa ng ganoong awkwardness sa pagitan namin ni Larren? Konsiderasyon naman po, oh!
Pero on the other side, nakakakilig lang na mukha palang may something sa amin ni Larren sa mata ng ibang tao. Sa sinabi ni Ma'am na tungkol sa kasal in the future at yung sinabi nyang cute daw kaming dalawa, halatang hindi lang magkaibigan ang tingin nya samin. Napansin nya kaya yung spark? Yung kakaibang chemistry naming dalawa ni Larren? Yung mga tinginan, ganon? Yung ngitian namin? Napansin nya kaya? Kung ganoon, mukha talaga kaming couple sa harap ng ibang tao?!
Napangiti ako sa naisip at napayuko upang itago ito. Naiimagine ko pa lang na may mga chismosang magkakalat ng rumor na kami na talaga ni Larren ay natutuwa na ko! Tapos kunyari, kapag nalaman ko ang mga chismis na kumakalat ay tatanggi ako like 'Respetuhin nyo naman ang privacy namin'.
Impit akong napatili sa kalooban ko dahil sa kagaguhang pumasok sa isip ko at napailing na lang. Masyado na kong nilalamon ng sistema ng pinaghalong imagination at w*****d kaya puro ganito na ang naiisip ko. Malayo na sa reyalidad. Sino ba naman ako para patulan ng isang Larren? Pero dahil ganyan daw ang mindset ko, unexpected daw na magcoconfess sakin si Larren tapos ako, dahil iniisip ko na hindi talaga sya magkakagusto sakin, syempre magugulat daw ako't tatakbo papalayo kaya hahabulin nya ko. Para maganda ang moment, sakto raw na biglang uulan at mababasa kami sa gitna ng school field kaya may mga estudyanteng mapapatingin samin pero wala raw kaming pakialam. He grabbed my wrist and pulled me in his arms to put me in a warm hug before saying 'Don't ever run away from me, baby'.
"Ay, baby!"
Napahiyaw ako nang biglang dumulas ang aking sapatos sa medyo basang sahig dahilan para ma-out of balance ako. Napapikit ako nang maramdaman ang nalalapit kong pagbagsak ngunit sa halip na malamig na tiles ang sumalubong sakin ay isang braso ang pumalupot sa aking baywang at isang kamay ang humawak sa aking pulso.
Dahan-dahan akong nagmulat ng mga mata at sumalubong sa aking paningin ang mukha ni Larren. Nakayuko sya sakin samantalang ako'y nakatingin lang sa mga mata nya habang unti-unting kumukuyom ang aking isang kamay na nasa aking dibdib.
Heto na naman ang puso kong tila pinapamahayan ng kung anu-anong klase ng hayop dahil sa kakaiba nitong pagdagundong. Kakaiba na naman ang paghuhuramentado nito at muli kong naramdaman ang kaba na nararanasan ko lang sa tuwing nagdidikit, nagkakatitigan, at nagkakangitian ni Larren. Sino pa nga ba ang effortless na may kayang magpakaba sakin ng ganito kahit pa wala syang ginagawa?
"Hoy!"
Napakurap-kurap ako't tuluyang nabalik sa huwisyo nang makarinig ng sigaw na tila malapit lang sa kinaroroonan namin.
Agad akong umayos ng tayo, ganoon din si Larren na biglang tumikhim at tumingin sa kung sino man ang nanira sa moment naming dalawa. Napakunot din tuloy ang noo ko habang inaayos ang medyo nagulong t-shirt at tinignan ang dalawang bulto ng tao na papalapit na sa amin. Hindi ko tuloy maiwasang mapairap nang tuluyang makalapit sa pwesto namin si Paulo at Mark na may hawak pang tig-isang walis. Minsan, ang sarap na lang talaga nilang tuktukan sa noo dahil sa mga paninira nila ng moment ng ibang tao eh.
"Saan kayo pupunta? Papunta na rin sana talaga kami sa gym, eh" narinig kong sabi ni Larren ngunit nang balingan ko ng tingin ang dalawa ay napataas na lang ang isa kong kilay dahil sa titig na ipinupukol ng mga ito.
Hindi man sila nagsasalita ay ramdam ko pa rin ang pang-aasar nila dahil sa paniningkit ng kanilang mga mata habang palipat-lipat ang tingin sa aming dalawa ni Larren. Pinipigilan pa nila ang mga sarili na matawa pero kalaunan ay sumabog rin ang tawa nilang dalawa dahilan para mapa-irap ako at mapa-iling.
Ang pagpula ng aking mukha ay pinilit kong itago sa pamamagitan ng pagtataray at mabilis na dumaan na lang sa gitna nila kahit patuloy pa rin ang kanilang pagtawa at pang-aasar. Dumiretso na lang agad ako sa gymnasium na malapit na lang pala sa pwesto namin kanina at pumasok sa maliit na stockroom para kumuha ng mop dahil plano kong idoble-linis ang gym. Halata naman kasing hindi matino ang pagkakalinis ng dalawang iyon rito kaya't mas maganda kung tutulungan na lang namin sila para hindi naman nila madagdagan ang sakit ng ulo na ginawa nila kanina kay Sir.
"Pati pinto ng stockroom, nakakalimutan pang isara" bulong ko sa sarili habang kumukuha ng isang malapad na mop sa mga nakahilerang kagamitang panglinis.
Nang makalabas ako sa stockroom ay hindi ko muna naisara ang pinto at isinandal muna sa aking tyan ang handle ng mop upang maiayos ang aking nakalugay at nakakairitang buhok. Yumuko ako at sa tulong ng ang aking mga daliri ay agad kong inipon ang aking buhok upang maiayos ito sa isang messy bun gamit ang manipis na pamusod na nakasuot sa aking kanang pulso. Nang matapos ay umayos na akong muli ng tayo upang masimulan na ang paglalampaso ngunit isang presensya sa aking tabi ang nagpalingon sa akin.
"Selena" muling nangunot ang noo ko dahil kay Paulo ngunit nakatuon lang ang pansin nito sa pag-kuha ng kung anong gamit sa stockroom habang nakatayo lang ako sa bungad ng pinto nito.
"Bakit na naman ba?" kunot noong tanong ko dahil kapag naiisip ko ang ginawa nilang pang-aasar kanina ay umiinit lang ang mukha ko kaya idadaan ko na lang sa ganito para naman hindi masyadong halata na gustong gusto ko.
Narinig ko ang pagbuntong hininga nya bago tuluyang lumabas ng stockroom habang may hawak nang bola. Nagulat pa ako na seryoso na pala sya ngayon kaya ang kaninang gatla sa aking noo ay inalis ko at taimtim syang sinundan ng tingin.
Gumilid ako upang maisara nya ang pinto ngunit naroon pa rin ang mga titig kong may halong pagtataka na sa tingin ko naman ay napapansin nya rin. Hindi ko na nga pinapansin ang ingay na ginagawa nila Mark at Larren sa hindi kalayuan dahil sa kagustuhan kong matapos na ang gustong sabihin nitong si Paulo, eh. Mukha kasing seryoso talaga ang nais nyang ipahayag na hindi ko naman alam kung ano.
"May pag-asa pa kaya kami ni Kenya?" sabi nito kaya't nagtaas naman ako ng isang kilay sa kanya, naghihintay pa rin sa kung anong idudugtong nya dahil sa postura nyang nakayuko habang marahang iniikot-ikot sa mga kamay ang bola ay halatang may gusto pa syang sabihin.
"Tulungan mo kaya ako?" mahina nitong bigkas bago ako bigyan ng isang malalim na tingin.
Natigilan ako't napatitig sa kanya dahil ngayon ko lang sya nakitang ganito. Talaga naman kasing hindi halata sa mukha nya na magseseryoso sya sa isang babae kaya't hindi ko naisip na talagang seryoso pala sya kay Kenya at hinahangad nya pa itong muli.
Bilang isang babae ay hindi ko maiwasang mapangiti para kay Kenya na tinuring ko na rin na kaibigan sa nakalipas na mga linggo. Kung tutulungan ko si Paulo ay malakas ang tyansa na makasaksi pa ako ng isang love story na mala-w*****d tapos ako yung supportive friend na makakatuluyan naman yung kaibigan ng leading man which is si Larren. Hala! Ang landi ko!
Napangiti akong lalo ngunit natigilan din agad nang may pumasok sa isip ko. Sa mga story kasi ay kung sino pa yung tumutulong sa lalaki ay sya pang nahuhulog dito. So, paano ako?
Nanlaki ang mga mata ko at marahas na umiling. Hindi pwedeng mangyari iyon! Masisira ang love story namin ni Larren! Tsaka kung seryoso pala talaga si Paulo kay Kenya, pagtyagaan nyang mag-isa ang puso nito! Bahala sya dyan!
Tumikhim ako at tumingin sa kanya para tumanggi ngunit biglang nangunot ang noo nya habang nakatingin sa akin. Umayos sya ng tayo at pinaikot sa isang daliri ang bola habang lumilingon sa pwesto nila Larren.
"I'll take that as a yes" simple nitong sambit dahilan para manlaki ang mga mata ko.
"Anong--wala pa nga akong sinasagot--hoy!" hindi nya man lang pinakinggan ang sinasabi ko dahil naglakad na sya papalayo para lumapit kila Mark. Nakita ko ang pagpasa nya ng bola rito at doon na yata nagsimula ang laro nilang nagpaingay lang sa buong gymnasium dahil sa mga spikes na nagmumula sa kani-kanilang mga sapatos.
Kailan pa naging yes ang hindi pagsagot? Ah, siguro naniniwala sya sa 'Silence means yes'? Hindi kaya totoo yon!
Napairap ako't napatingin sa mop na hawak ko. Ano pa ngayon ang gagawin ko rito kung hindi naman ako makakapag-mop ng maayos dahil sa mga unggoy na naglalaro na yon? Napabuntong hininga na lang tuloy ako't muling bumaling sa katabing pinto ng stockroom na hindi rin pala isinara ng siraulong Paulo.
Napailing-iling na lang ako nang pumasok ako sa loob upang isauli ang mop. Pati ang mga ginamit nilang walis ay hindi pa nakuhang ibalik ng maayos sa tamang kinalalagyan. Ibang klase talaga.
Sa huli ay ako na lang din ang nagsalansan ng mga walis at mop na nagamit nila ngunit nang aksidente kong mahawakan ang gilid ng maalikabok na mga shelves na kinalalagyan naman ng mga kagamitan sa sports ay tila may kung anong gumapang sa aking kamay dahilan para agad akong mapahiyaw. Ikinawag ko ang aking kamay nang maramdaman pa rin ang gumagapang rito at hindi ko mapigilan ang patuloy na pagtalon dahilan para ma-out of balance ako't mapasandal sa medyo nakabukas na pinto ng stockroom. Tuluyan itong sumara at nilamon ng kadiliman ang buong silid ngunit nakahinga ako ng maluwag nang mawala na ang gumagapang kanina sa kamay ko. Punyetang ipis o gagamba na yon, panira ng buhay.
Bumuntong hininga ako at pinagpagan ang aking sarili. Ikinawag ko pang ulit ang mga kamay ko't pinagpagan ko din ang aking mga braso para masigurong wala na sakin yung gumagapang na yon. Kahinaan ko pa naman yung mga ganoon lalo na at hindi ko pa nakikita.
Nang matapos kong ayusin ang sarili ay pinihit ko na ang seradula ng pinto ngunit sa kasamaang palad, hindi ito nagbubukas. Ilang beses ko pa itong pinihit, inikot, hinila, at tinulak ngunit wala pa rin. Doon ako nagsimulang kabahan, hindi dahil sa takot sa dilim kundi dahil sa takot na baka nandito lang sa tabi-tabi yung gumapang sa kamay ko kanina. Yawa, baka maghiganti sakin yon!
Ilang segundo akong natahimik habang nag-iisip ng paraan. Madilim at medyo masikip pa naman rito kaya't naiirita na rin ako. Idagdag pa ang maalikabok na paligid kaya naman sigurado akong paglabas ko'y puro agiw na ang suot ko.
Ilang sandali pa'y tumaas ang mga balahibo ko nang makaramdam na naman ng kung anong gumagapang sa aking braso. Dahil doon ay nagtatalon na naman ako, naghihiyaw, at kinalampag na rin ang pinto ng stockroom. Wala na kong pakialam kung masira ko pa ito. Ang mahalaga na lang sa akin ngayon ay maalis ang kung anong hayop na patuloy na gumagapang sa braso ko, paakyat sa aking leeg.
"Tulong! May ahas! Ahas! Yawaaaa!"
|||||
SELENAPHILE