Nanatili lang akong nakatayo roon sa may pinto ng kuwarto na Awit. Hawak-hawak ni Max ang gitara, pero hindi niya ito kinakaskas. Tinititigan lang nito iyon.
"Marunong ka niyan?" Nag-angat ng tingin ang binata sa'kin. Napakurap ako ng tinitigan din ako nito, ni hindi man lang ito nagulat sa presensiya ko. Wala akong nakuhang sagot sa kaniya.
"Ah...alam mo ba 'yung kantang Humanap ka ng panget ni Andrew E.?" Tunog ng mga insektong panggabi na nasa labas lang ang narinig ko. Itong kausap ko, wala, kiber. Para naman akong kumakausap sa semento nito. Napakamot ako sa ulo.
Dahil sa kawalan ng nakukuhang sagot mula sa semento-este tao, ay parang may nagliwanag na bombilya sa utak ko nang may naisip na ideya. Tutal ay mukha lang naman siyang wala at miss ko na ring kumanta...
Kinuha ko ang itim na sombrerong nakapatong sa kalapit na mesa. Ito 'ata 'yung suot ni Max kanina.
"Sa'yo ba'to?" Turo ko sa sombrero. Kiber na naman siya. "Pahiram sandali, ha?"
Sinuot ko 'yun ng pabaliktad at tumikhim. Iginalaw-galaw ko ang mga kamay ko at naglakad paatras at pabalik habang may maangas na hitsura para kumompleto sa gagawin ko.
"Break it down, yow!"
Hinihingal ako ng matapos, pero ni palakpak ay wala akong naani mula sa lalaki.
"Ang tagal ko ng hindi nakakanta, hihi. Alam mo bang paborito namin 'yun ni a-"
"I don't care." Sa hinaba-haba ng kinanta ko, 'yun lang. 'Yun lang ang nakuha ko.
Natigalgal ako doon at natahimik. Ilang segundo ang makalipas ay ibinalik din nito ang tingin sa gitara. Wala na akong maisip na tanong, pero ayoko din namang may patay na hangin sa pagitan namin kaya kung anong maisipan ay isinasaboses ko.
"Alam mo, sikat 'yung kantang 'yun noon."
"No one's asking." Bara niya.
"Share ko lang naman," ani ko sa mahinang boses. Inilagay ko pabalik sa lamesa ang sombrerong hiniram para sa munti kong "concert" kanina.
"Pwede mo ba akong turuang mag-gitara? Matagal ko na kasing gustong matuto niyan." Pangungulit ko kay Max.
"What are you doing here?" Aniya na hindi pinansin ang tanong ko.
Ninerbiyos ako sandali pero pinanatili kong kalmado ang sarili. Tumikhim ako para mawala ang bara sa aking lalamunan. Humakbang ako ng tatlong beses palapit, pinapanatili ang distansiya sa pagitan namin.
"A-ah, nakita kasi kita kanina na pumasok dito. Hindi na kasi ako makatulog kaya naisipan kong... sundan ka."
Nagsalubong ang makapal at maiitim nitong kilay na parang may narinig na hindi siya sang-ayon. Naroon ang disgusto sa mukha niya nang tingnan akong muli.
"Go back. You should sleep, maaga ka pa bukas." Tumayo ito at isinabit ang gitara sa dingding.
"H-hindi ka ba tutugtog? Marunong ka ba niyan?" Ulit kong tanong na hindi niya sinagot kanina.
Sandali itong nanatiling nakatayo sa harap ng gitarang nakasabit bago nakapamulsang naglakad palapit sa'kin. Diretso ang tingin nito sa akin na dahilan ng pagwala ng mga daga sa aking puso.
"None of your business. It's almost midnight, bumalik ka na roon." Puno ng awtoridad ang motono ang boses nitong sagot.
Medyo nanginginig man ay parang may tumutulak sa akin na isatinig ang kuryosidad.
"Uhm... Paano mo nga pala nakuha ang susi dito? Hindi ba't mga tauhan nitong ampunan ang may hawak ng susi dito sa Entertainment House?" Hindi ito sumagot at diretso lang ang tingin sa akin. Iyon yung tingin na nakapanliliit, pero ipinagpatuloy ko pa rin ang pagtatanong.
"Bakit hindi mo kinaskas ang gitara kanina at tinitigan lang? Tumutugtog ka ba?" Pangungulit ko pa. "At bakit gising ka pa ngayon? Hindi ba ay dapat tulog ka na-"
"Curiousity kills the cat, so don't stick your nose where it doesn't belong." Buo at malalim ang boses nitong pumutok sa'kin. Puno iyon ng hindi ko maintindihan na emosyon dahilan ng panginginig ng mga tuhod ko. Walang ano-ano ko ito tinalikuran at lumabas.
Sabog na nililipad ng malamig na hangin ng gabi ang buhok ko habang tumatakbo. Katulad ng nakakatakot na gabing madilim at malamig, ang ekspresiyon at boses ni Max.
Walang tigil at rinig na rinig ko ang dagundong ng puso ko habang hinihingal na naupo sa kama ko.
Bakit ang sungit nung lalaking 'yun? Hindi ba siya pinadede noong baby siya? Bakit malamig ang pakikitungo niya? Pa-cool kid lang 'ata 'yung lalaking 'yun, eh. Pa-choi-choi. Choyens amp.
"Bunso...bunso, gising." Naalimpungatan ako dahil sa boses ni ate. Tss, inaantok pa ako, eh.
Umalingawngaw sa pandinig ko ang malumanay at mabining halakhak ng aking nakatatandang kapatid.
"Gising na Birthday Girl at may surpresa si ate." Humagikhik pa ito.
Papungas-pungas akong bumangon at sandaling tumunganga sa kahoy na pader namin. Naglo-loading pa ang sinabi ni ate sa utak ko. At nang maiproseso ang salitang "surpresa" ay wala pang isang segundo'y nakalabas na ako ng kwarto. Hindi ko na inintindi ang kurtinang pintuan na nabaklas ko dahil sa tindi ng pagwaksi.
Nanlaki ang mga mata kong may muta pa sa nakitang mga nakahanda sa mesa. Lumapit ako dito para pagmasdan ang aming munting handa. May pansit-na nabili 'ata ni ate sa karinderya ni Aling Medring na tag sampung piso-tapos may dalawang binalatan na fudgee bar na nakalagay at pinapagitnaan ang kandila na nakadikit sa plato. Naglaway ako nang makita ang dalawang paa na fried chicken! Tapos may juice din na tang, 'yung paborito kong orange flavor. At may isang saging. May prutas kami ngayon!
Nagningning ang mga mata kong tiningnan ang nakangiti kong Ate Roan at dinamba ng yakap.
"Tenkyu, ate!" Madamdamin kong pasasalamat.
Hinagod nito ang likod ko. "Walang anuman para sa pinakasutil kong bunso." Hinaplos ko ang ilong kong piningot nito.
"Ako lang naman ang bunso mong kapatid ate, eh. Ako lang din ang nag-iisa mong kapatid. Bakit 'pinaka'? 'slight' lang naman ang pagkasutil ko, pero ako ang 'pinaka' maganda. Haha!" Pipingutin sana ako nito ulit sa ilong nang umatras ako. Namewang nalang ito.
"Aba, at 'slight' lang talaga ang pagkasutil mo sa lagay na 'yan, ah?" Nang umamba itong lalapitan ako ay tumalikod ako at nagsimula ng tumakbo sa maliit naming barong-barong.
Humalakhak ako ng makitang hinahabol ako ni Ate. Pinapagitnaan namin ang lamesa kaya hindi niya ako mahuli-huli. May sa daga kaya ako kung tumakbo. Haha!
"Huli ka!" Napatili ako nang mahuli ako ni ate at kiniliti.
"Happy Birthday, bunso. Mahal na mahal ka ni ate."
"Mahal na mahal din kita ate. Abot hanggang Mars ang pagmamahal ko sa'yo!"
"Ikaw talaga." Mahina ako nitong kinurot sa tagiliran saka kami nagtawanan.
Bakas ang saya sa aming mga mukha kahit wala ng mga magulang. Kahit walang handa ngayon sa kaarawan ko, ayos lang basta kasama ko si ate. At dahil may handa, mas lalong ayos. Thank you, Bro!
Iminulat ko ang aking mga mata nang tumama ang sinag ng araw dito. Rinig ko ang mga ibon sa labas. Sandali kong prinoseso ang lahat. Nagsayawan ang mga dahon ng puno sa mahinang hampas ng hangin dahilan ng paglampas ng sinag ng araw dito. Iginalaw ko ang paningin at tumama ito sa katre na nasa ibabaw ko.
Marahan akong bumangon at inilibot ang tingin sa paligid.
Nasaan si ate? Bakit walang nangulit sa akin ngayon na bumangon na dahil may 'surpresa' siyang handa?
Tumingala ako para pigilin ang mga luhang nais kumawala. Ngayon ang unang kaarawan ko na wala si ate. Huminga ako ng malalim at lumunok dahil sa nararamdamang pangangati ay pagbabara ng aking lalamunan.
Kahit ganito ay may kaunting saya pa din akong naramdaman. Masaya ako sa regalo ni ate sa akin. At iyon ay ang mapanaginipan siya at makitang muli na masaya sa huling pagkakataon. Masaya na ako doon. Salamat...
Matapos maligo ay saka ko napansin ang kawalan ng mga tao. Nang magising ako kanina ay ako nalang pala mag-isa sa kuwarto kahit Alas-sais pa. Sabado ngayon at Alas-siyete kami bumabangon 'pag ganitong walang pasok.
Nangunot ang noo kong binabaybay ang hallway papunta sa sala. Kataka-taka ding walang taong nagdadaan o naghahabulan dito sa koridor. Nahinto ako sa paglalakad.
"Nananaginip pa rin ba ako?" Sinampal ko ang kanan kong pisngi para magising, pero pagmulat ay narito pa rin ako sa koridor at nakatayo.
"Hindi kaya ako namaligno? Wala talaga akong makitang tao dito. Nasaan ba sila?" Naglakad akong muli para hanapin ang mga tao nang may marinig akong mahihinang bulong sa may sala.
Paglampas ko sa pader papuntang sala ay napapikit muli ako at napatakip ng tenga dahil sa malakas na sigaw.
"HAPPY BIRTHDAY!!!" Sinundan naman ito ng isang malakas na pag-ihip ng torotot na nagpalabas 'ata ng mga dumi ko sa tenga. Naalala kong hindi pala ako nakapaglinis ng tenga kanina. 'Di bale, mamaya nalang 'pag naghalf-bath ako.
"Happy Birthday, Happy Birthday, Happy Birthday...to you! Happy Birthday, Happy Birthday, Happy Birthday...to you!!!" Pagkanta pa nila. Nagpalakpakan sila pagkatapos at hindi na ako binigyan pa ng pagkakataong makapagpasalamat dahil dinumog nila agad ako ng yakap.
Nagkandangiwi-ngiwi ako dahil sa higpit ng yakap nila isa-isa. Pero pakiramdam ko'y halos mawalan ako ng hininga ng si Butchoy na ang pumisa-este yumakap sa'kin. Buti nalang at inawat ito ni Garutay.
"Hoy, Butchoy, hindi na makahinga si Ysa sa kakapisa mo sa kaniya!" Agad naman ako nitong binitawan at sumimangot.
"Niyakap ko lang naman siya. Pasasalamat dahil maraming pagkain kasi birthday niya." Hindi makapaniwalang suminghap si Garutay.
"Walang hiya talaga, oo. Nagpasalamat ka lang dahil may pagkain, hindi dahil birthday niya. Utot mo Butchoy."
Natatawang inawat ko naman ito. "Tama na Garutay." Tinapik ko ang balikat ni Butchoy at ngumiti sa kaniya. "Kanila Mother Superior ka magpasalamat sila ang naghanda, hindi ako." Lumabi lang ito.
Bumati rin sa akin si Blacky at Garutay at hinandugan din ako ng mainit na yakap.
"Happy Birthday, Ysa." Mapaklang bati ni Tiffany sa'kin. At alam niyo na ang kasunod-mag-e-echo ang mga alipores niya."
"Happy Birthday, Ysa." Naka in-sync nilang bati.
Ayokong pumeke ng ngiti kaya umusal nalang ako ng pasasalamat-at totoo ang pasasalamat ko kahit mukhang peke at labag sa loob. ang pagbati nila.
"Ysabelle." Napalingon kami sa nagsalita.
Papalapit sa amin si Mother Superior, suot-suot ang mahinhin at nakakapang-init ng puso niyang ngiti.
"Maligayang Kaarawan, hija." Niyakap ako nito ng marahan at puno ng pag-iingat. Hindi ko napigilang yakapin ito pabalik. Parang binalot sa saya ang puso ko dahil sa yakap ng Madre. Pakiramdam ko'y niyayakap din ako ngayon ni nanay.
"M-maraming salamat po." Bumitaw ito sa yakap pero nanatiling nakayuko at marahamg hinaplos ang aking ulo.
"Walang anuman."
Natuwa ako sa mga palaro kanina. Panandaliang nawala ang pangungulila ko sa kapatid dahil sa pagpapasaya sa akin ng ampunan. Nawalan ako ng ama, ina at kapatid, pero binigyan naman ako ng isang napakalaking pamilya at iyon ay mga kasamahan ko dito sa ampunan. Syempre kasama si Mother Superior at ang mga ate namin dito. Pati na si Mang Isko na hardinero at tagalinis dito.
Salamat buhay at nag-taympers ka muna ngayon sa pagpapasakit sa'kin.
Habang kumakain ay nabanaag kong may mga bisitang dumating. Pamilyar sa akin ang lalaking ka-edad lang siguro ni tatay. Si Mayor Martin Del Marcial! Kasama din nito ay ang isang batang kasing-tangkad lang ni Max.
Sinalubong ni Mother Superior si Mayor at nagbatian ang mga ito. Malayo sila sa amin at nasa may pintuan papasok dito sa loob kaya hindi ko marinig ang pinag-uusapan nila. Tanging "Magandang umaga" lang naman ang nabasa ko sa labi na inusal ni Mayor.
Napunta ang tingin ko sa dalawang binata malapit din sa pintuan. Doon nag-uusap si Max at ang anak ni Mayor. Nakangiti at minsan ay tumatawa ang anak ni Mayor, pero si Max? Aba'y kiber lang ang taong semento, oy! Baka pinaglihi talaga 'yan sa simento at kay hirap tibagin. Huwag na nating ikumpara si Max sa bato at mas lalong matigas ang bato, tama na ang semento bilang kaunting "consideration" man lang sa tao.
"Ang guwapo talaga ng anak ni Mayor 'no?" Ani Garutay na nasa tabi ko habang pumapapak ng cake. Sa kanan ko ay naroon si Blacky at Butchoy na nag-aagawan pa sa isang stick ng hotdog.
"Kilala mo?" Tanong ko kay Garutay.
"Hmm." Tumango siya habang puno ang bibig ng cake. Nang malunok niya ang cake ay doon lng siya sumagot. "Matalik na kaibigan ni Kuya Dane 'yan. Siya si Thaddeus Arthur Del Marcial, 16, Las Cosas, Philippines!"
Pagtingin kong muli sa kanila Max ay ganun nalang ang panlalaki ng mga mata ko nang makitang papalapit sila dito kasama si Mayor at Mother Superior. Mabilis kong binaling ang tingin sa cake at isinubo ito.
Ilag kasi ako kay Max nitong mga nakaraang araw dahil sa nangyari nitong lunes. Masyado kasing pa-cool kid si Max at "cold" kuno. Tinatakot pa ako sa malamig at mukhang delikado niyang asta noong lunes ng gabi. May pa "Curiousity kills the cat and don't stick your nose where it doesn't belong." Pa siya. Nye nye, utot niya! Ilublob ko siya kamo sa kumukulong tubig para uminit, eh.
"Happy Birthday, Ysabelle." Nabilaukan ako nang may narinig na bumati. Pang-angat ko ng tingin ay nanlaki ang mata ko at tumalikod saka pinunasan ang madungis kong mukha. Naku naman Ysa, oh!
Kyeme akong ngumiti nang hinarap ulit si Mayor. Medyo nahiya pa ako sa inasta kong pagkagulat kuno.
"S-salamat po, Mayor." Nakayuko kong anas. Humalakhak naman si Mayor at hinawakan ang ulo ko.
"Isusunod ko nalang ang regalo ko, hija, ha? Hindi ko alam na may magdidiwang pala ng kaarawan ngayon, e'di sana'y nakapaghanda ako ng regalo."
"A-ah, ayos lang po." Nerbiyos kong sagot.
"Tara doon, Mayor at may kaunti kaming salo-salo." Narinig kong imbita ni Mother Superior dito.
Akala ko'y makakaginhawa na ako pero hindi pa pala.
"Happy Birthday, Ysabelle." Napatalon pa ako na nasa harap ko na pala ang anak ni Mayor. Mas doble ang lapit nito sa akin kumpara kay Mayor kanina. Medyo naduling pa ako sa lapit namin kaya umatras ako ng isang beses.
"Salamat."
Gwapo din ito nang pagmasdan ko. Matangkad tulad ni Max, may clean cut na tupi ng buhok, at gwapo...pero mas gwapo si Max. Pero mas maganda naman ang ngiti ni Thaddeus, 'di hamak. Hindi ko pa naman nakikitang ngumiti si Max kaya wala akong maikokompara sa mala-araw na ngiti ni Thaddeus Arthur.
Naglahad ito ng kamay at ngumiti at sumilay ang mapuputi at pantay na ngipin.
"Hi, I'm Tha-"
"Thaddeus Arthur Del Marcial, 16, Las Cosas, Philippines." Inunahan ko na ito at tinanggap ang kamay niya.
Kinabahan ako ng mawala ang ngiti niya at napalitan ng pagtataka.
"Ah, a-ano kasi, sinabi sa'kin ng kaibigan ko kanina nang makita namin kayo ni Mayor. Hindi ka kasi pamilyar sa'kin, pero sigurado naman akong anak ka ni Mayor dahil para kayong pinagbiyak na bunga." Agap ko. Baka akalain niya stalker niya ako. Namalayan ko nalang na parang pang-Miss Universe pala 'yung pakilala ni Garutay kay Thaddeus, nasunod ko tuloy ng 'di sinasadya.
Tumawa siyang muli. Nakalapat pa rin ang mga kamay namin sa isa't-isa at pagbibitawin ko na sana nang biglang may katawan pumagitna sa amin na nagpabitaw din sa aming mga kamay. Tiningnan ko ang walang modong-si Max?
Nakatagilid ito sa akin kaya kalahati lang ng mukha niya ang nakikita ko. At isa pa, hindi lang malapit ang katawan niya sa'kin. Tinabla pa nito si Thaddeus dahil nakadikit na halos sa hindi pa gaanong namumukol kong dibdib ang braso niya.
Tinanguan nito si Thaddeus at narinig ko lang na humalakhak ang huli. Sumilip ako para makita ang lalaki pero humakbang si Max kaya hindi ako nakasilip. Pagtingin ko'y madilim ang mukha nito at salubong ang kilay na nakatingin sa'kin. Tumikhim ako at umatras.
"Nakaharang k-ka, Max. Nag-uusap pa kami."
"Oh. I didn't see you." Halatang pilit sa kaniyang ang pagsabi no'n. Ni walang emosyon sa pagbigkas niya at monoto lang ang boses. Ang sagwa niyang magpanggap, 'di marunong.
"Huh? Eh, nagshake hands pa nga kami kanina nang pumagitna ka. Tapos nung sumilip ako humarang ka ulit."
"Tss."
"Hahaha. Yeah right, Maximus." Rinig kong natatawang usal ni Thaddeus na parang nang-aasar sa kaibigan.
"Shut up, Del Marcial."
Nag-usap ang dalawa sa matigas na ingles kaya pinili ko nalang na umalis. Hinanap ko sina Butchoy, Garutay at Blacky.
Saan na naman kaya nagsususuot ang mga 'yun?
Malapit ako sa mga lamesa ng pagkain dahil baka naroon sila dahil matakaw si Butchoy. Kung nasaan ang isa, naroon naman lahat. Maliban kanina na iniwan ako ng mga damuho sa dalawang matatangkad na mga lalaking 'yun.
Eksaktong paglapit ko sa may cake ay may pumatid sa'kin kaya ako natumaba at nasapol ang mukha sa cake na may slice na. Narinig ko ang hagikhikan ng mga babae sa malapit habang itinatayo ko ang sarili. Medyo naalog pa ang mesa pero wala namang natapon na ulam. Buti nalang, pwede pa namin 'yang initin bukas dahil marami-rami pa naman.
May naramdaman akong humawak sa bewang ko at inangat ako. Nakapikit lang ako dahil ayokong makita ang mukha ng mga taong pinagtatawan ako dahil sa hitsura ko ngayon. Hindi ko alam kung sino ang nag-angat sa'kin at pumupunas sa mukha kong puno ng icing ngayon.
"Go to your room and fix yourself." Pagbukas ko ng mga mata ay ang walang emosyong mukha ni Max ang bumungad.
"H-ha?" Tanga ko tanong.
"Anong nagyari dito?" Rinig kong tanong ni Mother Superior sa malapit.
"Now." Ayan na naman siya sa mga utos niyang para kang mapapahamak kung hindi susunod.
Kinuha ni Max ang walis, dustpan, balde at mop saka nilinis ang kalat doon. Pansin ko, hilig niya talagang maglinis.
Kahit nag-aalala ako sa sasabihin ni Mother Superior at bangag pa rin sa ginawa ni Max ay umalis na nga ako doon para malinis ang sarili. Ngunit bago pa man ako makapunta sa hallway papuntang kuwarto ay nakita kong kausap ngayon ni Max si Tiffany. Namumula pa ang mga pisngi nito at halatang kinikilig. Naghahagikhikan naman ang mga kaibigan niyang may distansiya mula sa kanila. Binibigyan siguro sila ng privacy. Hindi ko nalang pinag-aksayahan ng oras ang munting romantic scene ng dalawa at lilinisin ko pa ang madungis kong hitsura.
Maayos na dumaan ang mga araw. At katulad ng nakasanayan ay balik sa pagka-kiber si Max. Hindi namamansin at snob. Kala mo kung sinong peymus. Sa kalagitnaan ng pag-di-discuss ni ma'am ay naramdaman kong puputok na ang pantog ko. Itinaas ko ang kaliwang kamay habang hawak ng kanang kamay ko ang may bandang puson kong puno na ng ihi.
"Yes, Ysa. What is the value of "x" in this problem?" Tinuro ni ma'am ang ruler niya sakin at inayos ang kaniyang salamin sa mata.
Anak ng palaka! Natanong pa ako? Eh, gusto ko lang namang umihi!
"Ang value ng "x" po ay depende. Depende kung mahal mo pa at babalikan mo, o hindi na at hahayaan nalang siya bilang aral at parte na nakaraan mo. May I go to the C.R., ma'am?" Dire-diretso kong sagot.
Dahil ihing-ihi na ako ay hindi ko na hinintay pa ang sagot ni ma'am at lumabas na. Umusal nalang akong ng isang "excuse me" habang nagtatatakbo palabas.
Muntik pa akong may makabangga sa lobby pero 'di ko na binalingan pa dahil mas nanghihingi ng atensiyon ang pantog ko ngayon.
Para akong nasa alapaap at lumilipad sa ulap nang mailabas ang tubig na kanina ko pa pinipigilan. Habang naghuhugas ng kamay matapos umihi ay napangiwi ako ng maalala ang sagot ko sa klase kanina.
"Ang corny mo, Ysa. May nalalaman ka pang ang "Ex" ay nye nye nye nye. Eh, "x" na value sa matematika ang tinanong ni ma'am." Napabuntong-hininga ako. "Patay ako nito mamaya. Strikta pa naman 'yung si ma'am-ay bilat ng kabayo!"
Napahawak ako sa dibdib at napaatras nang makita si Max na nakasandal sa labas ng C.R. Tumuwid ito ng tayo nang mamataan ako. Dumako ang tingin ko sa hawak niyang magarang paper bag na may tatak pang National Bookstore.
"M-max... Anong ginagawa mo dito?" Hindi ito sumagot. Bagkus, ay inilahad lang nito ang kaninang hawak na magarang paperbag.
"P-para sa'kin ba?" Nang magsalubong ang kaniyang kilay ay mabilis ko iyong hinablot.
"Hehe, sabi ko nga akin. Pero...para saan 'to?" Sinilip ko ang loob niyon at nakita ang isang librong nababalot pa sa plastic.
"The Great Gatsby?" Basa ko sa malalaking letra sa cover noon.
Namulsa ito. "You should read that kind of books to help you widen your vocabulary," aniya.
"Kung ganun, sana dictionary nalang binigay mo diba?" Kumunot na naman ang noo nito.
"Joke lang. Hihi. Salamat dito, ah? Pero tapos na ang birthday ko. Para saan 'tong regalo?"
Ibinaba nito amg tingin sa paperbag. "Sorry if I gave you my birthday gift so late."
Napanganga ako roon. "A-ay, 'di oy. Ayos lang, ano ka ba. Nang-go-goodtime lang ako." Yumuko ako. "Uhm... Salamat...dito." Pakita ko sa hawak.
Tumango lang ito at umalis na.
"Happy Birthday, Bella." Rinig kung usal niya bago umalis. Pero ang ipinagtataka ko ay kung sino si "Bella". "Ysabelle" ang pangalan ko hindi "Bella". Napatakip ako ng bibig.
May nakikita kaya siyang hindi ko nakikita?