Capitulo Nueve

3041 Words
Nakangiti akong nag-inat ng braso. Ang gaan ng pakiramdam ko ng magising. Siguro ay dahil nailabas ko ang sama ng loob na ilang buwan kong dinamdam kagabi. "Magandang umaga!" Masaya kong bati, pero sa gulat ko ay wala na pala ang mga kasamahan ko dito at ako nalang mag-isa. Tiningnan ko ang wall clock. Malapit na mag alas-sais y media. Napakunot ang noo ko ng makita ang ilan sa aking mga kasamahan na babae na umiiyak sa gilid ng hallway ng madaanan ko. Mas lalong lumakas ang ugong ng mga nag-iiyakan nang marating ko ang sala. Doon ko nakita si Garutay at Blacky na nagyayakapan at nag-iiyakan. Si Butchoy naman ay malungkot lang na nakatitig sa malaking lollipop na hawak. Nanlaki ang mga mata nila Garutay nang makita ako. "Ysa!" Sabay na yumakap sa akin ang dalawang babae at humagulhol sa balikat ko. Nilagay ko ang dalawang kamay sa kanilang mga likod. "Bakit kayo umiiyak, Garutay? Blacky? Bakit umiiyak ang lahat ng mga babae?" Nagtataka kong tanong. Inilibot ko ang tingin sa buong sala at doon nakita ang iba na nagyayakapan pa at tinatahan ang isa't-isa. "K-kasi, kasi, Ysa..." Humagulhol ulit ito at hindi na nasagot ang tanong ko. "Kasi umalis na si Kuya Dane, Ysa," si Butchoy ang sumagot sa tanong ko na sandaling nagpatigil ng aking mundo. "A-ano kamo?" "Umalis na si Kuya Dane. May nakakita sa kaniya na kinuha siya nung mamang lalaki na may magarang kotse, inampon na siya. Sobrang aga nga daw nila umalis at medyo madilim pa daw ang langit." Malungkot nitong pagkukwento. Hindi agad ako nakasagot dahil naging blangko ang utak ko. "Pero b-bakit walang farewell rites na ginawa sa kaniya katulad ng ibang mga umaalis dito at inaampon? 'Tsaka bakit a-ang aga niya umalis n-ni hindi man lang tayo nakapag-paalam..." Naghihina kong saad. Kadalasan ay alam namin kung may aalis ilang linggo bago ito kunin ng mag-aampon, pero bakit si Max... Tahimik lang kami sa hapagkainan at halos walang-imikan ang lahat. Kadalasan sa mga babae ay namumugto ang mga mata, ang mga kasamahan naman ni Max sa basketball ay tahimik rin at halatang malungkot. Kahit hindi sila masyadong pinakikisamahan ni Max—maliban kung nagbabasketball sila—ay may pinagsamahan pa rin ang mga ito at siguradong malungkot sila sa pag-alis nito ng walang paalam. Kahit ilang taon na si Max sa ampunang 'to ay wala sigurong tumubong konsensiya sa kaniya. Hindi niya naisip na may mga taong malulungkot sa biglaan niyang pag-alis. Ilang taon rin silang magkakasama dito, mas matagal pa sa pinagsamahan namin kung tutuusin pero ganun siya kawalang-puso na hindi mag-alala sa kanila...sa amin. Meron pa siya pa— "It hurts seeing you cry, Bella" kuno, pero heto at pinapalungkot niya ako. Pinipigilan ko lang ang sarili kong umiyak kasi iyon ang sabi niya. Tingnan mo, kahit siya walang paki sa akin, heto ako at pinipilit ang sariling huwag gawin ang ayaw niya. Pero siya, kahit sinabihan kong huwag akong iwan ay iniwan pa din ako. Wala kang puso, Maximus. Taong semento ka. "Dahil sa'yo kaya umalis si Dane." Natigil ako sa pagmumuni-muni nang makita si "Tiffany and friends". Siya at ang mga kaibigan niyang pula at namamaga ang mga mata. Parang tinabla pa nila ang iniyak ko kagabi ng sabihin ko kay Max ang nangyari sa buhay ko noon. Pinagkrus ni Tiffany ang mga kamay at nanlilisik ang mga pulang mata sa akin. Nagmukha tuloy itong palakang may pulang mata. "Kayo ang madalas magkasama nitong mga nakaraang buwan dahil kinukulit mo siya. Halata naman kay Dane na ayaw niya sa'yo, pero pilit mong pinagsisiksikan sarili mo sa kaniya. At si Dane bilang si Dane na ayaw ng kinukulit ay hinayaan ka na lang...dahil mabait siya. Ano pang ginawa mo maliban sa pangungulit sa kaniya, ha? Dahil sa kakulitan mo ay umalis nalang siya. Dahil sa'yo kaya siya umalis!" Dinuro ako nito. "Oo nga!" Sabayng sabi ng mga kaibigan niya. Tumayo ako at aalis na sana ng hinila nito ang buhok ko. Ang sakit! Parang matatanggal anit ko sa lakas manabunot nitong babaeng 'to. "Hali ka dito! Hindi pa tayo tapos!" "A-aray, Tiffany! Bitawan mo 'ko!" Nahihirapang daing ko. Nasa medyo maliblib na parte itong bench na inupuan ko at natatabunan ng mga bushes kaya hindi gaanong kita ng marami. At sigurado akong walang ibang saksi sa nangyayaring sabunutan ngayon maliban sa aming mga nandirito at ang mga puno at halaman. Talo ako dahil isa lang ako laban sa kanilang apat. Lalo pa at pinagtutulungan ako ng mga ito ngayon. Hinawakan ako ni Rhea at Larra sa magkabilang kamay habang sabog ang buhok. Si Tiffany naman ay nasa harap ko at nasa gilid niya ang kaniyang kanang kamay na si Stacey. "Napakalandi mo! Akala mo nakalimutan ko na ang ginawa mo noong birthday mo? Na pati ang anak ni Mayor na si Thaddeus ay nilandi mo! Napakakati mo! Lahat nalang ng lalaki dito, pati si Butchoy hindi mo pinalagpas!" Ngumisi ako. "Baliw ka na." "A-ano..." "Ang hilig mong mag-ilusyon!" Umismid ako. "Lahat ng kilos, maski ang paghinga namin ay pinaparatangan mo ng panlalandi. May sira ang tuktok mo, Tiffany. Ipaayos mo na 'yan sa Doktor!" Nanlaki ang mga mata niyang parang nakahithit at binigyan ako ng isang malutong na sampal. "Walang nagsasalita sa akin ng ganiyan!" Asik niya. "Anong tawag mo sa'kin kung ganun? Ang sabihin mo...naiinggit ka lang sa akin, Tiffany..." Ngumisi ako ng nakakaloko. "Aminin mo na, totoo naman, eh." Sarkastikong wika ko sa kaniya. Dahil sa sinabi ko ay pinagtulungan muli ako ng mga ito. Sampal at sabunot ang inabot ko. May mga kaunting galos akong natamo mula sa pananampal at pananabunot ni "Tiffany and company". Ang ha-harass ng mga babaeng 'yon, mga mapanakit—parang si Max. Hindi ko na pinagkaabalahan pang gamutin ang mga sugat ko dahil naaalala ko lang si Max. Noong una ko kasing dating dito siya din 'yong gumamot sa akin. Napabuntong-hininga ako at pumangalumbaba. Narito ako sa hagdan sa pinakaharap na gusali ng ampunan. Dito ko nalang piniling magstand-by para kapag sumulpot na naman si "Tiffany and alipores" ay may CCTV na na makakakita. Pero alam kong hindi lang iyon ang dahilan kung bakit naglalagi ako dito... Baka kasi bigla siyang bumalik, gusto ko ako ang unang makakakita sa kaniya kasi miss ko na siya. Wala namang halos makabuluhang ginagawa si Max sa buong araw noon. Kaya hindi ko alam na pwede ko palang ma-miss ang pagiging tahimik niya. Iyong kinukulit ko siya at kiber lang siya lagi, iyong nauubos na laway ko at nagkandatalsik-talsik pa pero siya nakatanga lang. Iyong halos lumipad na sa ulo ko ang mga kuto na minana ko pa kay Garutay dahil sa sobrang pagka-stress sa poker face ni Max. Iyong nagpapakapilya ako para lang mapasalita siya dahil humahaba lang ang isang salaysay niya kapag galit sa'kin, pinapangaralan pa kasi ako nito na parang anak. At iyong mga masasama niyang titig na namamaso at parang tumutusok na sa kaluluwa ko. Iyong kapag pagmamasdan niya ako ay para niyang binabasa ang kaluluwa ko at tila alam niya ang pinakatago-tago kong mga lihim, baho at pati na ang mga kasalanan ko... Isang araw na ang lumipas mula ng paglisan ni Max na walang paalam. At kahit sabihin ko sa sarili kong ayos lang na wala na siya at na wala na akong magagawa pa roon ay may parte sa akin na nagbabaka-sakaling bumalik siya, na baka nag-shopping lang siya at uuwi rin. Pero hindi, eh. Isang araw na ang nagdaan. Ano? 24 hours nag-shopping si Max, ganoon? Pilit kong sinusupil ang sarili na hindi magalit kay Max, pero kung totoo mang tinuring niya ako ng kaibigan kahit konti lang—kahit mga 0.0001 percent lang—ay dapat nagpasintabi siya na aalis na siya. Hindi iyong mang-iiwan siya sa ere. Ilang beses na ba? Ilang beses na ba ako naiwan ng mga minamahal ko sa buhay ng walang babala? Sana naman ini-inform muna ako diba? Para naman hindi ako nagugulat na para akong magkakaheart attack dahil sa nerbiyos, at hindi iyong parang kinukuha ang isang parte ng pagkatao ko ng walang pasintabi. Sana balaan naman ako, gaya ng; "Uy, chika ko nga pala sa'yo iiwanan ka. Ihanda mo sarili mo, sis." O kaya, "Hulaan mo, girl. Sinech itey na baklita ang magtatravel to a far away landia at iiwan kang nakangangers?" Parang malapit na kasi akong maubos, eh. Una si Nanay, panty nga lang ang naiwan no'n sa bahay, dala-dala ko pa 'yon dito sa ampunan dahil 'yon lang remembrance niya. Tapos si Ate, ang mahal kong ate na sobrang bait at ang dami ng naisakripisyo...ayun at kinuha din sa'kin. Patay na katawan pa niya ang bumuluga sa umaga ko. At ngayon si Max... Si Max na akala ko ay kaibigan ko, si Max na akala ko ay pinalit ng langit kay ate para pagbuhusan ko ng pagmamahal bilang kapatid...iniwan din ako. Hindi nga siguro talaga ako lovable. Iniiwan nalang ako palagi... Bakit ba ang sama mo sa akin buhay? Bakit parang gustong-gusto mo akong inaaway, inaagrabyado, at sinasaktan ng paulit-ulit? Ano bang ginawa ko sa'yo at bakit ang bully mo sa'kin?Isumbong kaya kita sa Prefict of Discipline? Feeling kontrabida ka sa buhay ko. Kapag masaya ako ay inilalayo o kinukuha mo agad sila sa akin. Wala na ba akong karapatang maging masaya? "Ysabelle?" Dagli kong pinunasan ang basang mukha. Naramdaman kong tumabi sa akin sa pagkakaupo dito sa hagdanan si Mother Superior. "P-po?" Pinilit kong hindi mabasag ang boses. Ayokong ipakita sa kaniya na mahina ako. Dahil ang mga taong pinapakitaan ko ng kahinaan ay iniiwan ako. "Bakit ka narito?" Tanong ng Madre. "Wala po. Nakikipagtsismisan lang po ako sa mga langgam. Ayun po, oh. Nag-fa-fall in line pa sila, parang nagfa-flag ceremony. Ang taray nga po, eh." Narinig kong bahagyang humalakhak ang matanda. Heto na naman ang magaang pakiramdam sa tuwing naririnig ko ang tawa ni Mother Superior. "Pilya ka talagang bata ka," aniya sa natatawang boses. "Hindi naman po, slight lang." Nagsenyas pa ako gamit ang mga daliri na nag-ani ng halakhak sa Madreng nasa tabi ko. Tipid lang akong ngumiti. "Alam kong kahit ganiyan ang ipinapakita mo ay malungkot ka din gaya ng mga kasamahan mo. Kung mayroon man ay ikaw ang pinakanaapektuhan sa biglaang pag-alis ni Dane. Pansin kong nagkakalapit kayo noong binata sa mga nakalipas na buwan." Natahimik ako doon. "Bakit po?" Ani ko sa mahinang boses. "Bakit po siya umalis?" Ulit ko. "Kinuha na siya ng tatay niya." Napalingon ako kay Mother Superior na gulat ang hitsura. "Tatay niya po?" Tumango ito at bumuntong-hininga. "Pinatayo ang ampunang ito ni Alexander Aetós II—ang ama ni Dane—at ni Mayor Martin Del Marcial na matalik na kaibigan nito. Ito ay sa kagustuhan ng asawa ni Alexander na si Janine, ang ina ni Dane." Buong nakatuon ang tingin at pandinig ko kay Mother Superior dahil sa mga isinisiwalat nito ngayon sa akin. "Walong taong gulang si Dane ng matayo itong ampunan na pinagtulungan ni Mayor at Alexander. Sobrang hilig ni Janine sa mga bata, matulungin ito at may mabuting puso at dahil din malimit lamang ang ampunan dito sa Las Cosas ay sa tulong ni Mayor, maraming bata ang nakinabang dito at kayo iyon. Palagi din iyong naglalagi rito noon kasama ang anak na si Dane." Ngumiti ito sa akin. Naguguluhan ako ngayon sa kung paano napunta si Max dito. Nasaan ang ama nito na si Ginoong Alexander at bakit ngayon lang nito kinuha si Max? Tumawa ang Madre, siguro ay nakita ang kaguluhang nagaganap sa isip ko at halata ito ngayon sa mukha ko. "Ngayon, namatay si Janine noong sampung-taong gulang na si Dane." Bumalatay ang lungkot sa mukha at boses nito nang magpatuloy. "Stage four na ang cancer ni Janine sa s**o ng malaman ng kaniyang pamilya. Hindi na ito natulungan pa ng medisina at tuluyan na ngang kinuha ang buhay. Masayahin si Dane kapag pumupunta iyon dito kasama ang ina dati, pero tila nawalan din ng buhay ang bata ng mamatay si Janine. Bumalik dito si Dane sa ampunan ng mag-isa, at sa gulat ko ay sinabi nitong gusto niyang manatili at dito manirahan. Kinausap ko ang kaniyang ama tungkol dito. Halos wala na din palang oras si Alexander sa anak at ang sabi ay naglalagi raw sa Maynila ng mahabang panahon, halos isang beses sa isang buwan lang din kung dalawin ang anak dito sa Las Cosas. Mag-isa lang ang unico hijo ng mga Aetós sa kanilang napakalaking tahanan dito, kaya siguro naisipan ng bata na dito na lang manirahan sa ampunan dahil mahal ito ng kaniyang ina. At dito, ay hindi siya mag-iisa dahil may mga kasama siyang mga batang tulad niya." Umiling ito at huminga sandali. "Bakit po limang taon pa ang lumipas bago kinuha ni Ama-ing Alexander Aetós II ang junakis niya na si Maximus Dane Aetós?" Kuryoso kong tanong. Malungkot lang itong ngumiti "Hindi ko din alam, hija. Pero siguro ay parehong nasaktan ang dalawa sa pagkawala ng kanilang ilaw ng tahanan, kaya naging madilim ang buhay ng dalawa at piniling pahilumin ang sakit sa iba't-ibang paraan. Si Alexander ay nagpakalunod sa pagtatrabaho at nakalimutan ang anak, si Max ay piniling gwardiyahan ang puso ng napakataas na tore at hindi matibag-tibag at dito namalagi sa isang lugar na makakapag-paalala sa ina." Kaya pala may susi si Max sa Entertainment House at malayang gawin ang mga gusto niya dito sa ampunan, iyon ay sa kadahilanang sa kanila ito. "Pinili lang ni Dane na huwag ipaalam sa iba na anak siya ng isa sa may-ari nitong ampunan, dahil gusto niyang hindi siya tratuhing mataas ng iba..." Kahit na pinili ni Max ang magpaka low profile ay iba pa rin ang trato ng mga taga rito sa kaniya. Para siyang lider kung ituring dito. Nasa aura na talaga niya iyon at isang tingin mo lang ay malalaman mo agad na Alpha ang lalaking 'to, 'di papatalo. Kaya siguro siya gusto ng karamihan dito, dahil maliban sa gwapo siya ay makikinita mo na malayo ang mararating ng piping lalaking 'to. Na malayo ang mararating niya at may magandang kinabukasan na naghihintay sa kaniya. "...tahimik lang ito at laging nasa sulok, miminsan lang makipag interaksiyon, kadalasan ay kapag nag-ba-basketball lang. Pero nang dumating ka...kita kong unti-unting umaaliwalas ang mukha ni Dane. Hindi ko man siya nakitang ngumingiti pero alam kong nagiging maayos na ito—sa tulong mo, Ysa." Kung alam mo lang Mother Superior... Gwapo 'yun kahit walang emosyon at blangko lang ang mukha parati, pero mas gwapo 'yun kapag ngumingiti o tumatawa. Lihim kong kausap sa Madre. Ang swerte ko pala at nakita ko ang pambihira na ngiti ng isang Maximus Dame Astós, at back to back ang swerte ko dahil narinig ko din ang halakhak niya. Para na din akong nanalo sa lotto noon o kaya ay nakakita ng isang ginto! Napangiwi ako sa mga naisip. Nawala lang si Max ang O.A ko na magsalita, para na akong isa sa mga fangirls niya. Nagsitindigan ang mga balahibo ko sa katawan at medyo nanginig pa. "Pero iniwan niya po ako, hindi pa nagpaalam." Pumlastar ang pag-aalala sa mukha nito ng makitang lumungkot ang aking hitsura. Siguro ay tama nga si Tiffany, kaya umalis si Max ay nakukulitan na siya sa'kin. Pero sana sinabi niya nalang para pabayaan ko na siyang mag-feeling emo. Bahala na kung hindi ko siya pinapansin basta ang importante ay nakikita ko pa rin siya. Basta ba ay nandito pa rin siya... "Ayaw niyang ipaalam, hija. Noong enero pa nais kunin ni Alexander si Dane at dalhin sa Maynila, pero ang binata ang umayaw at humingi pa ng oras, siguro ay dahil nag-aalangan din siyang iwan ka..." Pampalubag-loob nito. Pero hindi niyon naibsan ang bigat na nakadagan sa puso ko. "Pero iniwan pa rin niya ako. Sana naman nagpaalam siya kahit...kahit na aalis siya. Kung tunay na kaibigan niya ako, hindi niya ako iiwan sa ere." Umusog si Mother Superior papalapit sa akin ay hinagod ang likod ko. Hindi ako umiiyak pero nakayuko lang. Tila may pinapasan akong kay bigat sa mga balikat ko kaya sila nakalaylay. "Siguro sa paglaki niyo ay magku-krus ulit ang mga landas niyo, ipagpanalangin natin iyan, hija, hmm..." Itataga ko sa semento. Suntok ang ibubungad ko kay Max kapag nagkita kami ulit. "Bianson, Maria Ysabelle L., With Honors..." Tawag ng aking guro sa akin sa stage. Ngayon natatapos ang aking paglalakbay bilang isang estudyante sa elementarya, at bonus na na kasali ako sa honor list. Ang sarap sa pakiramdam na lumakad sa entablado hawak ang diploma habang sinasabitan ng medalya at panapalakpakan ng madla. Ate, para sa'yo 'to... "Congrats, Ysa!" Bati sa akin ng mga kaibigan ko. "Congrats din sa inyo, Garutay, Blacky at Butchoy! Congrats sa'tin!" Nag-group hug kami at kinuhanan ng mga larawan nina Ate Joy at Minda. "Congrats mga bagets!" "Salamat po!" Sabayng wika namin kay Ate Joy. Habang nagkakasiyahan kami dito sa loob at nagsasalo-salo sa konting handa ng ampunan para aming mga grumaduate ay dumako ang tingin ko sa labas. Alas-tres ng hapon at mainit ang panahon sa labas. Naghuhunihan ang mga ibon at maaliwalas ang sinag ng haring araw. Ganoon ka ganda ang panahon ng biglang bumagsak ang tubig sa langit. Pinagmasdan ko ang patak ng ulan sa mga halaman. Ang butil ng tubig na naiipon sa dahon ng halaman ay nasisinagan ng araw kaya aakalain mong isa iyong kristal na kumikinang. Kay gandang pagmasdan lalo na ng paligid na tila nagniningning sa ganda. Pero ang lungkot sa aking puso dahil sa mga alaalang bumuhos kasama ng ulan ay hindi nawaksi ng magandang paligid. "Ysa..." "Po?" "Heto." Inilahad sa akin ni Mother Superior ang isang kahon na nakabalot. Isang regalo. "Regalo dahil nakatapos ka ng makulay sa elementarya." Tinanggap ko iyon at umusal ng pasasalamat. Binuksan ko ang regalo sa kuwarto at tumambad sa akin ang isang libro na may pamagat na... "Beauty and the Beast" at sa card ay may nakasulat na "See you soon." Napaismid ako roon. Neknek mo, Maximus! May pa "See you soon" ka pang damuho ka! Sa tinagal-tagal ngayon niya lang naisipang magpadala ng sulat. Kaso hindi sulat 'yon, card lang, at sobrang tipid pa ng mensahe. "Tingnan mo lang kapag nagkita tayo ulit, Maximus Dane. Hindi talaga kita papansinin... 'How many is your age' ka sa'kin."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD