Magbubukang liway-way pa lang ay gising na ang mga tao sa San Sebastian dahil abala ang mga ito sa nalalapit na araw ng kapistahan. Bukas na bukas na rin ang kapistahan kaya nagsilabasan na ang mga tao sa kani-kanilang mga bahay.
Abala ang mga prayle sa pag-aayos sa kumbento at punong tanghalan. Si Padre Lusyo ay nangunguna sa pag-utos sa mga Indiong nakikibahagi sa Polo y Serbicio. Ang iba rito ay nagmula pa sa malalayong bayan tulad ng Cavite at Laguna. Ipinadala rito sa San Sebastian upang gumawa ng mga tulay, paaralan, kumbento at iba pang imprastraktura. Ang ibang mga tao ay abala naman sa paglalagay ng mga iba't ibang banderetas sa mga puno.
Ang mga batang Indio ay abala sa paghuhukay ng mga kamoteng kahoy at bagin upang ito ang gawing panghanda nila. Abala naman sina Mayumi at Deday sa paglilinis ng kanilang bahay dahil dito idadaos ang simpleng salo-salo at sayawan. Ang ama naman niya na si Heneral Cuenco ay abala rin sa pagsasanay nito ng mga Guwardiya-Sibil. Galet pa nitong sinisermunan ang mga palpak na Guwardiya na nagsasanay bumaril.
Kasalakuyan silang nasa likod ng kuwartel sa magubat na bahagi. Binabaril nila ang maliliit na bunga ng Acascia ngunit hindi ito matamaan ng ibang mga Guwardiya.
"Mga mangmang!" usal pa nito. "Ilang beses ko bang sasabihin sa inyo na asintahin n'yo ng maayos ang mga bunga!" Tiningnan pa nito ang isang Guwardiya.
"Nakikilala kita," wika ni Heneral Cuenco sabay kuha sa baril na hawak-hawak ng Guwardiya. "Di ba'y isa kang Indio?"
"O-opo, Heneral."
"Estupido! Santiago!?" Lumingon si Heneral Cuenco sa likod nito at hinanap si Santiago ang tenyente ng Hukbong sandatahang ng bayan ng San Sebastian.
"Ba-bakit nakapasok ito sa hanay!?"
"Hindi ko ho alam, Heneral. Baka naman po ipinasok siya ng mga prayleng indio?" tugon ni Santiago at nilapitan ang lalaki.
"Umalis ka sa hanay ngayon din!" ani pa nito.
"O-opo, tenyente," nakayukong sagot naman ng lalaki kay Santiago. "Paumanhin ho."
"Hindi kami kumukuha ng mga mang mang lalo pa't isa kang Indio!" wika ni Heneral Cuenco. "Maari ka nang makaalis." Itinuro pa nito ang daan paalis sa kuwartel.
Nakakayukong umalis ang ang Indio. Hindi na ito tumingin pa sa kanila dahil baka mapag-initan pa ito.
Bumalik na muli sa hanay si Heneral Cuenco at sa likod lamang niya si Santiago na nakatingin din.
"Ipagpatuloy n'yo ang pagsasanay," ani Heneral Cuenco. "Tandaan n"yo babarilin ko sa ulo ang magkakamali."
Takot na takot ang mga Guwardiya sa sinabi ni Heneral Cuenco kaya inayos na ng mga ito ang pag-asinta sa mga bunga ng Acascia.
"Heneral, may telegrama ho kayo mula sa kumandante!"
Isang Guwardiya naman ang dumating sa likod ng kuwartel. Lulan ito ng isang kabayo. Mabilis itong bumaba sa kabayo at iniabot kay Heneral Cuenco ang sulat.
"Telegrama mula sa kumandante?" nagtataka nitong tanong habang kinukuha ang sobreng iniabot ng Guwardiya. "Sino ang tinutukoy mo?"
"Ang kumandante ho ng bayan ng Santa Mesa."
"Hindi ko matatanggap iyan!" Inis nitong iniabot muli ang sobre sa Guwardiya. "Isuli mo sa hangal na kumandanteng iyon ang sulat na iyan!"
"Ngunit Heneral....utos din po ng Gobernador na basahin n'yo iyan," sagot pa ng Guwardiya.
Nag-iba ang itsura ng mukha ni Heneral Cuenco. Hindi niya maaring tanggihan ang utos ng Gobernador dahil mas nakatataas ito sa kaniya. Masakit man sa loob niya ngunit napilitan na siyang kunin muli at basahin ang nilalaman ng sulat.
1895
Heneral Cuenco,
Humanda ka bukas na bukas din. Akala mo ba'y nalilimutan ko na ang ginawa mong pang-iinsulto at pagmamaliit sa akin sa harap ng matataas na opisyalis noong nagdaang araw. Tinitiyak kong mapapahamak ka sa mismong araw ng kapistahan. Ikaw at ang pamilya mo!
Adios!
Inis na pinunit ni Heneral Cuenco ang sulat matapos niyang mabasa ang nilalaman nito.
"Estupido!"
"Bakit ho, Heneral?" Lumapit si Santiago sa harap ni Heneral Cuenco. "Ano po bang nilalaman ng sulat?"
Napangiti na lamang si Heneral Cuenco at dahan-dahan itong tumalikod kay Santiago.
"Tinatakot talaga ako ng hangal na kumandanteng iyon, " tugon nito, at dali-daling bumunot ng rebolber at itinutok niya iyon sa mga bunga ng Acascia.
"Kung away ang hinahanap niya'y giyera ang ibibigay ko sa kaniya," dagdag pa nito sabay kalabit sa gatilyo ng baril dahilan upang umalingangaw ang putok sa paligid.
Nagsipagyukuan ang mga Guwardiya at dahan-dahang lumapit sa kaniyan si Santiago.
"Kalma lang ho, Heneral." Tinapik-tapik nito ang kaniyang braso. "Ang mabuti pa ho siguro'y magpalamig muna kayo. Ako na po munang bahala rito."
"Mabuti nga siguro," sagot naman ni Heneral Cuenco at hinawakan din nito ang balikat ni Santiago.
"Opo, Heneral."
Mabilis na sumakay si Heneral Cuenco sa kabayo nito. Mainit pa rin ang ulo niya dahil hindi niya malimot-lumutan ang laman ng liham na iniabot sa kaniya. Sa pakiramdam niya ay siya ang minamaliit ng kumandante ng bayan ng Santa Mesa.
Mga ilang saglit pa ay narating na niya ang kumbento. Naaktuhan naman niya kaagad si Padre Lusyo na nagsesermon din sa mga Indiong nag-aayos ng entablado para sa nalalapit na dula-dulaan.
"Tila yatang maaga pa't mainit na ang 'yong ulo?" nagtatakang tanong niya, habang dahan-dahang lumalapit sa matandang prayle.
Napalingon naman ang matanda at kaagad siya nitong nakitang papalapit.
"Heneral Cuenco ikaw pala senyor," ani Padre Lusyo. "Kamusta ang araw mo?"
"Huwag n'yo nang tanungin padre."
"Ba-bakit? Dahil nanaman ba iyan sa kumandante?" tanong nito sa kaniya.
"Aba'y tinatakot ba naman ako ng kumandanteng iyon. Hangal talaga siya."
"Huwag mo na isipin iyan, senyor." Napahakbay na lamang si Padre Lusyo kay Heneral Cuenco at itinuro nito ang ginagawang entablado. "Pagmasdan mo ang entablado'y malapit na 'yang matapos."
"Mabuti kung ganoon. Tila yatang ang bilis ngayon gumawa ng mga Indio?"
"Dapat lang! Marapat nilang ayusin ang kanilang pagtatrabaho 'pagkat may garuting nakalaan sa kanila."
Napangiti na lamang si Heneral Cuenco sa sinabi ni Padre Lusyo.
"Hindi pa rin talaga kayo nagbabago." Hinakbayan na lamang din niya si Padre Lusyo na animo'y isa silang mga musmusing bata.
Binulungan siya ng Padre na lumayo muna sila saglit sa mga gumagawa ng entablado nang sila ay makapag-usap ng maayos.
"Kamusta na ang 'yong anak, si Mayumi?" nagtatakang tanong ng matandang prayle.
"Mabuti naman siya," tugon ni Heneral Cuenco at napatingin na lamang ito sa mga Indiong nag-aayos ng entablado. "Kasama niya ngayon si Deday at abala rin sila sa pag-aayos ng Mansyon."
Biglang napangiti si Padre Lusyo at tinapik-tapik nito ang balikat ni Heneral Cuenco.
"Ang balita ko'y may kaunting salo-salo sa inyong tahanan? Tila yatang wala kang nasasabi sa akin?"
"Paumanhin" Ngumiti na lamang si Heneral Cuenco dahil nalimutan niyang anyayahan si Padre Lusyo sa salo-salong gaganapin. "Naging abala lang ako sa pagsasanay sa ating mga sundalo kaya nalimutan kita," paliwanag niya.
"Ayos lang senyor." Hinawakan pa ni Padre Lusyo ang kaniyang mukha. "Huwag kang masyadong magpapagod nang hindi mangulubot ang 'yong mukha," biro ng matandang prayle.
Biglang napahawak si Heneral Cuenco sa kaniyang mukha. Batid niyang nangungulubot na talaga ang kaniyang mukha dahil unti-unti na rin siyang tumatanda.
"Marahil dala na rin ito ng sobrang kapaguran. Gagawin ko ang lahat mapaglingkuran lang ng maayos ang bansang España," aniya.
Mga ilang sandali pa'y bigla na lamang napatingin sila sa isang Indiong nagbubuhat ng tablang kahoy. Napasubsob kasi ito sa lupa dahil sa sobra nitong pagod at dala na rin ng gutom kaya agad nila itong nilapitan.
"Estupido tumayo ka riyan!" Sinipa-sipa ni Heneral Cuenco ang lalaking nakadapa kaya tumingin ito sa kaniya.
"Paumanhin senyor na-nagugutom na ho ka-kasi ako," paliwanag ng lalaki, sabay hawak nito sa talampakan ni Heneral Cuenco.
Dala na rin ng sobrang kainitan ng ulo ni Heneral Cuenco ay napabunot na lamang siya sa kaniyang rebolber at itinutok niya iyon sa ulo ng lalaki.
"Wa-wag po senyor. Ma-may pamilya po ako."
"Hangal ang katulad mo'y hindi na binubuhay pa!"
Kinalabit na ni Heneral Cuenco ang gatilyo ng rebolber dahilan upang sumabog ang ulo ng lalaki. Kumalat ang utak nito sa lupa. Nagsipagtinginan naman sa kanila ang iba pang mga Indiong nagtatrabaho.
"Ayusin n'yo ang pagtatrabaho n'yo kung ayaw n'yong matulad sa kaniya." Itinuro pa ni Heneral Cuenco sa mga Indiong nagtatrabaho ang lalaking binaril niya.
Takot na takot ang mga Indio kaya hindi na sila tumingin pa sa mukha ng Heneral at baka sila naman ang pag-initan nito. Nagtuloy-tuloy na lamang sila sa paghahakot ng mga tabla para maayos ang entablado agad nang sila na ay makauwi sa kani-kanilang mga tahanan.
"Diyos ko po. Ba-bakit mo naman siya binaril sa harap ko?" tanong ni Padre Lusyo.
Napangiti si Heneral Cuenco sa naging reaksyon ni Padre Lusyo sa pagpatay niya sa lalaki.
"Tila yatang hindi ka na sanay na makakita ng bangkay padre?"
"Diyos ko po. Umalis na tayo rito't tumatayo na ang aking mga balahibo sa mga dugong aking nakikita," ani Padre.
Inanyayahan na lamang nito si Heneral Cuenco na pumasok sa loob ng kumbento upang makapag-inom na lamang sila ng tsaa.
Mga ilang sandali lamang ay may biglang dalawang lalaking dumating. Pinuntahan ng mga ito ang mga taong nag-aayos ng entablado.
"Marami-rami ba kayong armas na nakuha?" tanong ng lalaking balbasarado sa mga nag-aayos ng entablado.
"Marami-rami naman ho," tugon ng mga Indiong nag-aayos at kaagad ng mga itong iniabot sa dalawang lalaki ang mga sako.
"Nariyan na po lahat ng rebolber, bala at pampasabog."
"Maraming salamat. Ngunit matanong ko lang. Kamusta naman ang kalagayan n'yo rito?" tanong pa ng lalaking balbasarado.
"Pinahihirapan na ho kami rito ng mga prayle at ng Heneral," sagot ng mga taong nag-aayos ng entablado.
Biglang naagaw pansin ng lalaking balbasarado ang isang lalaking nakahandusay sa lupa.
"A-anong nangyari sa kaniya?" Itinuro ng lalaking balbasarado ang bangkay.
"Binaril ho siya sa ulo ni Heneral Cuenco."
"Ang Heneral na iyon. Marami na siyang pinaslang kaya marapat lamang na buhay naman niya ang kunin," wika ng lalaking balbasarado.
"Ang kapitan?" usisa pa nito.
"Sa kuwartel pa rin ho siya. Ngunit hindi na po namin siyang nakikitang nasa labas."
"Anong ibig n'yong sabihin?"
"Nakita po siya nitong isang araw ni aleng Kura sa labas. Nakatali ho siya sa isang bulok na puno," sagot ng usang lalaking indio.
Lumapit naman ang lalaking balbasarado sa lalaking nagsasalita.
"Anong ginawa sa kaniya!?"
"Hi-hindi ko ho alam. Wa-walang nabanggit si aleng kura sa akin."
Napatalikod na lamang ang lalaking balbasarado.
"Kailangan na talagang itakas ang kapitan. Nanganganib na siya." Muli itong humarap sa mga lalaking nagtatrabaho.
"Magsipaghanda kayo sa mismong araw ng kapistahan," mabilis nitong wika.
Sumakay na ito sa kabayo kasama ang isa pang lalaki at mabilis ang mga itong umalis ng lugar.