"Ka-kiko narito na po ang mga pinakukuha n'yong mga armas," wika ng lalaking balbasarado sa isa pang lalaking nakaupo habang nagkakape ng sinunog na bigas.
Kinuha naman kaagad ng lalaking nagkakape ang sakong ibinibigay sa kaniya.
"Narito na ba lahat?" usisa nito at tangkang bubuksan na ang sako.
"Nariyan na ho lahat ng ating kailangan. Ang mga baril at bomba," tugon naman ng lalaking balbasarado.
"Maupo ka Lucas." Itinuro pa ni Kiko ang isang silyang kahoy sa kaniyang tabi.
"Mabuti hindi kayo napansin ng mga Guwardiya Sibil?" usisa pa niya sa lalaki.
"Hindi naman ho, ngunit naabutan po naming may pinaslang nanaman ang Heneral."
Biglang nag-iba ang itsura ng mukha ni Kiko sa kaniyang narinig.
"Ang Heneral na iyon. Marami na talaga siyang pinaslang." Napatayo na lamang siya at inilapag niya ang tsaa sa isang kahoy na mesa bago niya tinapunan ng tingin si Lucas.
"Bukas na bukas din isang pagsabog ang magaganap sa kuwartel," ani pa niya. "Iyon ang hudyat ng ating pagsasalakay."
Napatayo si Lucas sa harap ni Kiko.
"Pa-paano po si Kapitan?"
"Huwag kang mag-alala. Sasagipin namin siya kasama pa ang iba nating kasamahan," tugon ni Kiko.
"Ngunit masyado hong malaki ang hanay ng mga Guwardiya Sibil sa kuwartel?" usisa pa ni Lucas.
"Wala kang dapat ipag-aalala sapagkat mga biterano sa labanan ang aking isasama."
"Ganoon ho ba?" Napalapit na lamang si Lucas kay Kiko. "Ano pong gagawin namin?"
Tumalikod si Kiko sa lalaki at kinuha nito ang isang papel na nakaipit sa mga libro at iyon ang ipinakita niya kay Lucas.
"Pagmasdan mo itong mapa sa San Sebastian, malaki ang pag-asa nating maitatakas si Kapitan." Ipinakita pa niya ang lumang mapa kay Lucas at itinuro niya ang isang guhit na mistulang daanan. "Lumusot kayo sa ilog 'pagkat walang mga nagbabantay dito."
"Masusunod ho ka-kiko. Sasakay na lamang kami sa bangka kasama ang ibang hanay," ani Lucas.
"Kapag nakarating na kayo. Dumiretso kayo agad sa kagubatan. Dito mismo." Itinuro pa niya ang guhit na mga puno sa mapang kaniyang ipinapakita kay Lucas. "Dito lamang kayo mag-aabang."
"Opo."
"Hintayin n'yo kaming makalabas sa kuwartel. Kapag nagkataong hindi kami nakalabas matapos ang isang oras lumusob na kayo," dagdag pa ni Kiko.
Napatango-tango na lamang si Lucas sa planong sinsabi ni Kiko.
"Sandali, papasukin mo nga ang iba nating kasamahan." wika ni kiko.
Tumingin pa siya sa labas ng kubo-kubo na kasalukuyang tinutuluyan nila.
Lumabas naman si Lucas at tinawag nito ang mga kasamahan din nilang nagkakape ng sinunog na bigas. Mabilis naman itong nagsipasukan sa kubo.
"Makinig kayong lahat. Mahalagang masagip natin ang buhay ni Kapitan," ani pa ni Lucas habang pinagmamasdan din nito ang mukha ng isa pa nilang kasamahan.
"Alam na rin ng mga taga Kawit ang ating pagsalakay, kaya natitiyak kong magiging matagumpay ang paglusob natin sa San Sebastian."
Lumapit kay Kiko ang isang matangkad na lalaking may hawak na gulok.
"Kung inyong mamarapatin ako na ho ang papaslang sa Heneral. Pupugutan ko siya ng ulo tulad ng ginawa niya sa mag-ina ko," wika ng lalaki, habang tinapik-tapik nito ang hawak-hawak nitong itak.
"Tila ganoon na lamang ang galet mo sa Heneral na iyon?" usisa pa ni Kiko sa lalaking kaniyang kaharap.
"Kung alam n'yo lang ka-kiko kung paano niya pinaslang ang mag-ina ko tiyak maghihimutok ka rin sa galet," wika pa ng lalaki sa kaniya.
Humakbang naman si Kiko sa kinatatayuan ng lalaki at tinapik-tapik niya ang likod nito.
"Kumalma ka lamang. Huwag kang magpadala sa bugso ng iyong damdamin," aniya, sabay abot ng isang tasa ng kape sa lalaki. "Magtsaa ka muna nang uminit ang sikmura mo."
"Salamat kapatid," wika naman ng lalaki.
Muli nang bumalik si Kiko sa kinatatayuan niya kanina at kinuha na niya ang sako sa sahig.
"Narito na ang ating mga armas." Dinukot niya ang loob ng sako at isa-isang ipinakita sa mga kasamahan ang mga baril at pampasabog. " Kunin ninyo itong mga rebolber," dagdag pa niya sabay tingin niya kay Lucas. "Ihanda mo rin ang mga pulbura 'pagkat nakalaan iyan kung kakapusin tayo sa mga bala."
"Ayos na ho ka-kiko."
"Mabuti kung ganoon," tugon pa niya. "Ang mga gulok?" singit pa ni Kiko.
"Ayos na rin po ang lahat ng ating mga gulok," sagot naman ni Lucas.
Tumalikod muli si Kiko at tiningnan niya ang mga bote sa kanilang likod.
"Ihanda n'yo rin iyang mga gasera. Kakailanganin natin iyan sa pangpasabog sa mga kabahayan ng mga Guwardiya Sibil."
Lumapit naman ang kaniyang mga kasamahan sa mga walang lamang botelyang iyon at nilagyan nila iyon ng langis ng mga bapor.
"Tiyak sasabog ang mga Guwardiya Sibil rito," wika pa ng isang lalaki.
Gumuhit pa ang ngiti sa mukha nila habang hawak-hawak ang mga botelya. Batid nilang makagaganti na rin sila matapos nilang maranasan ang pagmamalupit ng mga Guwardiya.
Agad na tinawag naman ni kiko ang isa pang lalaki sa kaniyang harap.
"Diego, magpadala ka ng telegrama sa mga taga Sampalok. Kailangang malaman din nila ang ating pagsalakay."
"Masusunod ho ka-kiko," sambit ni Diego ang pinakabata sa kanila. Mabilis itong lumabas sa kubo at sumakay sa kabayo paalis sa kanilang lugar.