Mayumi PoV
Kasalukuyang kinakain ng dilim ang buong paligid. Tanging ilaw lamang sa Mansyon ni Heneral Cuenco ang nakikita sa madilim na gabi. Mga tugtugin ng tamboritas ang nadidinig sa buong loob ng Mansyon liban sa mga kutsara't tinidor dahil kasalukuyang kumakain ang mga panauhin sa kanilang tahanan.
Ito ang gabi ng pagsasaya na kalimitang isinasagawa ng mga mahaharlikang pamilya ng San Sebastian. Isa ang pamilya Salvador sa mayayamang pamilyang nagsasagawa nito bago ang mismong araw ng kapistahan. Halos maglinyang langgam ang mga tao sa labas ng Mansyon sa sobrang daming panauhin ang dumalo.
Iba't ibang mukha ang matatanaw sa labas ng Mansyon ng pamilya Salvador. Mga bata't matanda na kalimitang nakapag-aral sa Europa at Estados Unidos. May mga estudyante din sa labas na kasalukuyang nakukuwentuhan. Ang mga prayle naman ay walang sawang kumakain sa hapag kasama ang mga matataas na opisyales sa bayan ng San Sebastian. Kabilang doon si Padre Lusyo, si Heneral Cuenco na ama ni Mayumi at ang Gobernador Heneral na si Gobernador Temotheo. Naroroon din ang mga Guwardiya Sibil kabilang si Santiago ang tenyente ng hukbong sandtahan ng bayan ng San Sebastian.
Si Mayumi't Deday naman ay naroroon pa sa kanilang silid. Kasalukuyan pa rin silang pumipili ng kanilang susuotin upang maging desente sila tingnan sa mga mata ng kanilang mga panauhin.
"Ano ba ang 'yong susuotin dito, Señorita?" usisa ni Deday kay Mayumi na pawang naguguluhan sa isusuot ng dalaga dahil medyo may kaartihan ang dalaga sa kaniyang damit na susuotin.
Hinalungkay-halungkay pa ni Mayumi ang laman ng kaniyang aparador dahil hinahanap niya ang kaniyang damit.
"Nasaan na ba kasi iyon?"
Patuloy pa rin niyang hinahanap ang kaniyang damit. Humakbang naman si Deday papalapit sa kaniya at tinulungan na nga nito siyang maghanap.
"Maupo ka muna roon, Señorita." Itinuro pa ni Deday ang kama ni Mayumi. "Ako na ang maghahanap sa nawawala mong blusa."
Ipinagpatuloy ni Deday ang paghahanap sa damit ni Mayumi habang ang dalaga nama'y pinanunuod lang siya.
"Kunh ako ang papipiliin mas nanaisin ko na lamang ang payak na kasiyahan," wika ni Mayumi.
Napalingon si Deday kay Mayumi. "Ano ang ibig n'yong sabihin, Señorita?"
Huminga nang malalim si Mayumi bago niya ibinuka ang kaniyang bibig. "Ayaw ko ng ganito. Hindi ako sanay sa marangyang salu-salong ito."
Tumayo naman si Deday at lumapit ito kay Mayumi.
"Ngunit nais ng 'yong Ama ang salu-salong ito." Napahawak pa ito sa likod ng dalaga. "Pagbigyan mo na ang ibig ng iyong Ama. Isa pa nais din ito ng mga matataas na opisyales sa kwartel," dagdag pa ng matanda.
"Hindi ko talaga nais ang ganito. Isang salu-salo kaharap ng mga opisyales? Ayaw ko ng ganito!" Napayuko na lamang siya at napahawak sa kaniyang nuo.
"Señorita, ngayong gabi lamang ito pagbigyan mo na." Umupo si Deday sa tabi ni Mayumi. Nanatili pa rin ang pagkalapat ng kamay nito sa likod ng dalaga.
"Magtapat ka nga sa akin, Señorita dahil ba ito sa iyong kasintahan?"
Muling ibinalik ni Mayumi ang tingin niya kay Deday. Itinaas baba niya ang kaniyang ulo dahil hindi niya maipagkakaila ang pangungulila niya sa kaniyang kasintahan.
"Kung naririto lang sana siya, marahil ay isasayaw ka niya," ani Deday, at ipinasandal ang ulo ng dalaga sa balikat nito.
"Huwag ka nang magdaramdam, Señorita narito naman ako ha?" nakangiting tanong ng matanda habang pinagmamasdan ang mukha ni Mayumi.
"Mayumiii?"
Noo'y isang boses ang kanilang nadinig. Nagmula iyon sa labas ng silid ng dalaga. Dali-daling kinalas ni Deday ang pagkakayakap nito kay Mayumi.
"Ang itang mo Señorita...?"
"Ang itang nga iyon," tugon ni Mayumi. Dali-dali na siyang lumapit sa pinto ng kaniyang silid upang kausapin ang kaniyang Ama.
"Matagal pa ba iyan anak? Naghihintay na ang mga panauhin natin sa labas, nais ka na nilang makita," wika ng kaniyang Ama na si Heneral Cuenco.
"Malapit na po ito Itang. Susunod na lamang kami ni Deday," tugon naman niya.
"Sige, sumunod na lamang kayo't hindi na makapaghihintay ang mga panauhin natin sa labas," nagmamadaling wika ng kaniyang Ama.
Dinig pa niya ang mga tapak nito pababa sa hagdan ng kaniyang silid. Lumapit muli sa harap niya si Deday.
"Kailangan na ho nating makita ang susuotin mo," nag-aalalang sambit ng matanda.
Hinanap na nila ang damit ni Mayumi sa buong silid nito't maya-maya pa ay natagpuan din nila ang susuotin ng dalaga sa isang lumang aparador ng dalaga. Nakasalansan ito sa mga tumpok pa ng mga damit ni Mayumi kaya hindi agad ito makikita. Mabilis na itong kinuha ni Deday dahil siya ang nakakita nito roon.
"Suotin mo na ho ito baka bumalik nanaman ang 'yong Itang," ani Deday habang inaabot nito kay Mayumi ang blusa.
Pinatalikod niya ang dalaga upang matulungan niya itong maisuot ang blusang iyon. Saktong-sakto lamang sa katawan ni Mayumi ang kasuotang iyon. Nagmistula tuloy siyang desente kung tingnan. Mahahalintulad siya sa mga kababaihan sa England dahil ang kasuotang iyon ay kalimitang isinusuot ng kababaihan sa Europa. Matapos na tulungan ni Deday si Mayumi sa pagsuot ng kasuotan nito ay ipinapunta naman niya iyo sa tapat ng salaming kahoy.
"Napakaganda mo Señorita. Tiyak na maglalaway ang mga mata ng mga kalalakihan sa iyo," nakangiting biro pa ng matanda kay Mayumi.
Nagsipalakpakan naman ang mga tainga ni Mayumi sa kaniyang nadinig. Gumuhit pa ang matamis na ngiti sa kaniyang mukha. Batid niyang binobola nanaman siya ng matanda kaya hinayaan na lamang niya itong magsalita.
Sinuklay-suklay pa ni Deday ang kaniyang mahahabang itim na itim na buhok. Kumikintab ang bawat hibla nito kapag natatamaan iyon ng ilaw ng lampara.
"Kung ako'y magiging isang ginoo, señoriya tiyak na mabibighani ako sa taglay mong kagandahan," ani Deday habang sinusuklay nito ang kaniyang buhok.
"Tama na nga ang pagbibigay mo sa akin ng gantimpalang salita pagkat lalong tumataba ang puso ko," nakagiting wika niya habang pinagmamasdan niya ang kaniyang mukha sa salamin.
"Totoo naman ang sinasabi ko sa iyo," singit ni Deday.
Lumingon si Mayumi sa likod niya at tiningnan din niya ang mukha ng matanda.
"Kapwa tayo maganda," wika niya dahilan upang pareho silang mapangiti.
"Magmadali na tayo, Señorita."
Inilapag na ni Deday sa mesa ang ginamit nitong panuklay sa buhok ng dalaga. Dali-dali na ring nag-ayos ang matanda upang maging desente rin itong tingnan sa harap ng mga tao.
Matapos ang ilang saglit ay lumabas na rin sila sa silid at bumaba na sa hagdan. Bumugad agad sa kanilang mga mata ang mga mukha ng kanilang panauhin. Iba't ibang mukha ang naroroon. Matatanda at mga bata. May mga babaeng kasing-edad lang ni Mayumi na nakaupo sa marangyang silya. May mga binata rin sa loob ng Mansyon na kasalukuyang umiinom ng mamahaling alak na lulan pa sa Europa.
Lumapit na si Deday at Mayumi kay Heneral Cuenco ang Ama ng dalaga. Kasalukuyan din itong nakikipag-usap sa matandang prayle na si Padre Lusyo habang nag-iinom ang mga ito ng alak. Hindi kaagad napansin ni Heneral Cuenco ang paglapit ng kaniyang anak hanggang sa tapikin pa ang kaniyang likod. Napalingon naman si Heneral Cuenco sa likod nito at noo'y nakita na niya si Deday at Mayumi. Nakita din ni Padre Lusyo si Mayumi kaya bumilog ang mga mata nito at biglang gumuhit ang ngiti nito sa mukha.
"Tulad ng ganda ng gabi ang kagandahan ng anak mo Senyor," ani Padre Lusyo habang sinisiyasat nito si Mayumi.
Nagpasalamat naman ang dalaga dahil sa sinabi ni Padre Lusyo sa kaniya.
"Dati-rati'y isa ka lamang musmusing bata, ngunit ito ka na ngayon," hindi makapaniwalang sambit ng matandang prayle sa nakikita nitong gandang taglay ng dalaga.
"Ang mabuti pa anak ay maupo ka muna," wika naman ni Heneral Cuenco kay Mayumi sabay turo sa silyang nasa harap nila.
"Ikaw rin padre samahan mo sina Mayumi na maupo."
"Gracias senyor! Gracias," ani Padre Lusyo at napaupo na ito sa tabi ng dalaga.
Umalis muna si Heneral Cuenco sa kanilang usapan at nagpunta ito sa mga Guwardiya Sibil na kasalukuyang umiimom ng alak.
Ilang na ilang naman si Mayumi sa harap ng napakarami nilang panauhin. Pakiramdam niya nasa kaniya lamang nakamasid ang mga mata ng mga tao sa paligid. Umusog unti siya sa tabi ni Deday upang makausap niya ito ng palihim. Unti-unti pa niyang inilapit ang kaniyang bibig sa tainga ng matandang babae.
"Tila naninibago ako sa ating mga panauhin," aniya.
"Anong ibig mong sabihin, Señorita?"
"Pagmasdan mo mga mata nila'y sa akin lamang nakatingin," sagot naman niya habang pinagmamasdan ang mga tao sa paligid.
Muli pa niyang ibinalik ang pagkalapit ng kaniyang bibig sa tainga ni Deday.
"Naninibago rin ako kay Padre Lusyo. Pagmasdan mo siya't kanina pang masid nang masid sa aking dibdib."
Bumilog ang mga mata ni Deday sa sinabi ng dalaga kaya tiningnan din nito si Padre Lusyo sa tabi ng dalaga. Naaktuhan nga ni Deday ang mga mata ng prayle na nakatingin ito sa dibdib ng dalaga na tila naglalaway.
"Ibig n'yo ba Señorita na magpalit tayo ng kinauupuan?" tanong ni Deday.
Tumango-tango naman si Mayumi kaya nagpalit na sila ni Deday ng kinauupuan. Hindi na mapagmasdan ni Padre Lusyo ang dibdib ng dalaga dahil natakpan na ito ni Deday. Natabunan ito sa tabang taglay ng matandang babae kaya tumingin na lamang ang prayle sa ibang mga kababaihan sa paligid.
Mga ilang saglit pa ay tumahimik na ang mga tao dahil tumungo na si Heneral Cuenco sa gitna ng nagkukumpulang mga panauhin. Tumungga muna ito ng alak bago ito nagsimulang magsalita.
"Maraming salamat sapagkat pinaunlakan ninyo ang aking paanyaya na pumunta sa simpleng salo-salong ito," wika ni Heneral Cuenco habang iniikot-ikot nito ang paningin nito sa mga taong nasa paligid.
"Bagama't bukas pa man ang araw ng kapistahan ay tila ngayon na ipinagdiriwang dahil sa mga ngiting inyong ipinapakita. Ang gabing ito'y iniaalay ko rin sa aking anak na si Mayumi." Itinuro pa ni Heneral Cuenco si Mayumi kaya pinagtinginan lalo ng mga tao si Mayumi. Lumakad-lakad pa ang Heneral. "Sa atin ang gabing ito. Magsaya tayo. Nariyan ang iba't ibang tugtugin na maari nating masayaw," ani Heneral sabay turo sa grupo ng mga musikero sa gilid ng Mansyon.
"Uminom pa tayo ng maraming alak. Kaya sa mga panauhing naririto ngayon, para sa inyo ang gabing ito!" wika nito bago ito umalis sa gitna ng mga nagkukumpulang mga tao.
Mga ilang saglit pa'y nagsimula nang magsipagtugtog ang mga musikero sa gilid ng Mansyon. Lumapit naman ang mga kalalakihan sa mga kababaihang kasalukuyang nakaupo upang anyayahan ang mga itong sumayaw sa gitna.
Si Mayumi naman ay patingin-tingin lamang sa mga sumasayaw sa kaniyang harapan. Naiilang pa rin siya sa mga taong nasa paligid lalo na sa binatang patuloy siyang pinagmamasdan. Natatanaw pa niya ang isang lalaking may katangkaran na tinitingnan din siya. Batid niya na ang lalaking iyon ay mistiso dahil matangos ang ilong nito at kulay itim din ang buhok. Medyo masingkit ang mga mata kaya hindi nga siya nagkakamali na may lahi itong kastila't Pilipino tulad niya.
Mga ilang sandali pa'y humakbang na ang lalaki patungo sa kaniyang kinauupuan kaya lalo siyang nailang. Gusto niyang kumubli sa malapad na katawan ni Deday ngunit pinipilit ni Deday na hayaan na lamang na lumapit ang lalaki. Maya-maya pa ay nakalapit na nang tuluyan ang lalaki sa kaniyang harapan.
Pinagmasdan muna siya nito bago pa ibinuka ng lalaki ang sarili nitong mga palad.
"Maari ba kitang maisayaw?" tanong nito sa kaniya.
Tumingin muna siya sa mukha ni Deday at kitang-kita niya na tumango-tango na lamang ang matandang babae. Ayaw sana niyang pumayag dahil naiilang siya ngunit napilitan na siya nang bigla siyang tinulak ni Deday papalapit sa lalaki.
Napilitan na siyang hawakan ang kamay ng lalaki Naramdaman niya ang panlalamig sa buo niyang pangangatawan dahil hindi niya kilala ngayon ang lalaking may hawak ng kaniyang kamay. Gumuhit din ang kaunting pawis sa likod niya dala na rin ng sobrang pagkailang dahil patuloy pa rin siyang pinagtitinginan ng mga tao sa paligid.
Humakbang na sila patungo sa gitna ng Mansyon kung saan kasalukuyang sumasayaw din ang mga kababaihan at kalalakihan. Tumigil na ang lalaki sa paglalakad at napaharap na ito sa kaniya. Nakita na niya nang malapitan ang mukha ng lalaki kaya lalong kumabog nang mabilis ang kaniyang dibdib. Nginitian lamang siya nito bago nitong hinawakan ang kaniyang baywang. Bigla siyang nakaramdam ng pagkainis nang higpitan pa nito ang pagkakahawak nito sa kaniyang baywang.
Gusto niyang tadyakan ang lalaking iyon upang lumayo ngunit hindi niya maaring gawin dahil siguradong mapapahiya ang kaniyang Ama sa harap ng maraming tao. Hindi lang ang kaniyang Ama ang mapapahiya pati na rin ang buo nilang pamilya. Tiniis na lamang niya ang pagkainis na kaniyang nararamdaman. Hinawakan na lamang din niya ang balikat ng lalaki at nag-umpisa na silang sumayaw.
"Maari ko bang malaman ang 'yong pangalan?" usisa ng lalaki sa kaniya.
Dala na rin ng sobra niyang pagkainis sa lakaki ay hindi niya ito tiningnan at pinagbingi-bingihan na lamang niya ito. Nang mapansin ng lalaki na tila hindi nakikinig si Mayumi ay inilapit pa nito ang bibig nito sa tainga ng dalaga.
"Napakaganda mo ngaying gabi," wika ng lalaki
Hindi niya muling pinansin ang lalaki at nanatiling nakatingin ang kaniyang mga mata sa katabi nilang mga sumasayaw rin.
Maya-maya pa ay naramdaman niya na tila gumagapang na ang kamay ng lalaking iyon patungo sa maumbok niyang puwet. Hindi na siya makapagpigil kaya bigla niyang nilapatan ng malakas na sampal ang mukha ng lalaki.
"Bastos!" usal niya na halos umusok ang butas ng kaniyang ilong
Tumakbo siya paalis sa lalaki at tumungo siya sa labas ng kanilang Mansyon nang hindi napapansin ng kaniyang Ama. Hinanap niya sa labas si Deday ngunit hindi niya ito matagpuan doon. Hanggang sa makita niya ang isang lampara na nakapatong sa isang mesa. Kinuha niya ito at nagmamadali siyang umalis sa kanilang Mansyon. Sa sobrang kalasingan ay hindi siya napansin ng mga Guwardiya na lumabas.
Dali-dali siyang tumakbo patungo sa kakahuyan at doon niya ibinuhos ang sama ng kaniyang loob.