HALIYAH ISABELLE’S POV
Mahigpit kong hinawakan ang supot habang naglalakad papunta sa bahay ng aking mga magulang. May laman itong karne, prutas, at ilang sangkap na binili ko sa palengke kanina.
Mabigat ito, ngunit balewala iyon dahil sobrang gaan naman ng nararamdaman ko para sa araw na ito.
Tahimik akong naglalakad sa walang katao-taong kalsada... Maliban sa mga kotse na nakaparada sa gilid ng daanan.
Huminto ako sa tapat ng bahay Ng mga magulang ko. At maingat na itinulak pabukas ang pintuan... At unang bumungad sa akin ang mukha ng nakababata kong kapatid.
“Ate..." masiglang aniya at mabilis akong nkyakap.
Napangiti ako at marahan na hinaplos ang kanyang buhok.
Ilang sandali pa ay lumabas si Mama, hawak ang isang basahan. At nang makita niya ako ay bitawan niya iyon.
“Haliyah…” pabulong niyang sambit.
At may kung anong kirot sa paraan ng pagtawag niya sa pangalan ko. Parang matagal niya na akong gustong makita, ngunit natatakot siyang hindi na mangyayari iyon.
Lumapit siya sa akin at hinawakan ang aking braso.
“Kumain ka na ba?” iyon agad ang una niyang tanong.
Tumango ako. “Oo, Ma.”
Lalong lumaki ang kanyang ngiti.
Pinapasok niya ako sa loob, at agad kong naramdaman ang init ng bahay. Ibang init ito kumpara sa bahay na tinutuluyan ko ngayon.
Ito ang init ng tahanan.
At nakita si Papa.
Nakaupo siya sa lumang silya, tahimik, at mula sa maliit na tv ay dahan-dahan siyang bumaling sa aking direksyon.
Hindi siya ngumiti.
Hindi rin siya nagsalita.
Ngunit ang kanyang mga mata… puno ng mga tanong na hindi niya masabi-sabi sa akin.
Lumapit ako sa mesa at marahang ibinaba ang mga supot na dala ko mula sa palengke.
“Ano ‘yan?” tanong ni Mama, nang mapansin niya iyon.
“Mga sangkap,” sagot ko.
Napatingin si Papa sa supot, at saka sa akin.
“At para saan?” tanong niya.
Sandali akong natigilan.
Ngunit pilit akong ngumiti.
“Anniversary namin ni Samuel ngayon," tugon ko sa mahinang boses.
At biglang naging tahimik ang buong bahay. animo'y isang sumpa ang pangalan na binanggit ko at ayaw nila iyong marinig.
Tumikhim ako para alisin ang tensyon sa paligid at ipinagpatuloy ang pag-kwento.
“Anim na taon na kaming kasal,” mahina kong dagdag. “At naisip ko na ipagluluto ko siya ng paborito niyang ulam."
Napatingin si Mama sa akin, at unti-unting ngumiti.
“Talaga?” tanong niya, at may bahid ng tuwa sa kanyang boses. “Congratulations, anak…”
Ngunit walang naging reaksyon si Papa sa sinabi ko, maliban na lamang sa malalim niyang pagbuntong-hininga. At pinatay niya ang tb, at ngayon ay nakatuon na sa akin ang buong atensyon nito.
May kung anong bumigat sa dibdib ko.
“Hanggang kailan mo ba balak manatili sa puder ng lalaking iyon?" seryosong tanong nito at hindi ko iyon inasahan.
Napakurap ako.
“Pa--”
“Hindi ka na masaya doon," mariing putol nito sa akin.
Napayuko ako... Sunod-sunod na napalunok bago ito muling tiningnan.
“Maayos na kami,” mahina kong sabi.
Tahimik siyang nakatingin sa akin.
“Hindi ka na niya sinasaktan?” tanong niya.
Napahigpit ang pagkakahawak ko sa supot.... at umiling.
“Hindi na po... ” sagot ko. “Inaayos na namin ang relasyon naming dalawa. At alam ko na babalik din kami ulit sa dati.”
Dahan-dahan kong inilabas ang mga laman ng supot at inilapag sa mesa.
“Magluluto ako ng masarap,” sabi ko, pilit pinananatiling matatag ang aking boses. “Para sa amin.. Para ipagdiwang ang anibersaryo ng aking kasal."
Tahimik si Papa.
Matagal siyang hindi nagsalita.
Tinitigan niya lamang ang mga karne. Ang mga prutas. Ang mga sangkap na ipinakita ko sa kanya.
Parang sinusubukan niyang intindihin kung bakit kailangan kong kumapit sa isang bagay na unti-unti naman akong sinisira.
Ngunit sa huli…
Tumango na lamang siya.
Isang mabigat, tahimik na tango.
Hindi na siya nagsalita.
Hindi na niya ako pinilit.
Tingin ko ay nauunawaan na niya ang desisyon ko at tatanggapin niya iyon ng bukal sa loob niya.
Dahil ang totoo ay hindi pa ako handang umalis.
Hindi pa ako handang pakawalan ang lalaking minamahal ko. At ayaw din umalis lalo pa ngayon at nararamdaman kong magagawa pa naming ayusin ito at maibalik sa dati ang lahat.
~~~~~
Tahimik ang bahay nang makauwi ako.
Marahan kong inilapag ang mga supot sa mesa at isa-isang inilabas ang mga sangkap.
Karne.
Gulay.
Prutas.
At ang mga sangkap para sa paborito niyang spaghetti.
Napangiti ako nang marahan.
Naalala ko kung paano siya ngumiti noon sa unang pagkakataon na ipinagluto ko siya nito.
Sabi niya noon, mas masarap pa raw ito kaysa sa kahit anong pagkain sa mamahaling restaurant.
Napapikit ako sandali, pilit hinahawakan ang alaalang iyon.
At saka ako nagsimulang kumilos.
Hinugasan ko ang mga sangkap, isa-isa. At pagkatapos ay nagsimula na akong hiwain ang mga ito.
Ang tunog ng kutsilyo sa chopping board ang tanging gumagawa ng ingay sa buong bahay.
Maya-maya pa ay inilagay ko ang karne sa kawali, at agad na kumalat ang amoy nito sa hangin. Sumunod ang bawang at sibuyas, at ang pamilyar na amoy ng niluluto ay unti-unting pumuno sa buong kusina.
Mainit.
Tahimik.
Mapayapa.
Para bang bumalik ako sa dating ako.
Habang nagluluto ay hindi ko namalayang nakangiti na pala ako nang magsimula akong haluin ang spaghetti sauce.
Simple lang itom
Ngunit iniluluto ko ito na parang ito ang pinakamahalagang bagay sa mundo.
Ito ang aming ika-anim na anibersaryo.
At gusto kong maging espesyal ang gabing ito para sa aming dalawa.
Matapos kong ilagay ang spaghetti sa isang malinis na lalagyan, ay nagsimula naman akong gumawa ng dessert.
Simple lamang... hiniwang prutas, inayos nang maayos sa isang plato.
Hindi man ito engrande, ngunit ginawa ko ito nang buong puso.
Matapos iyon, tumingin ako sa paligid. Tahimik pa rin ang bahay. Ngunit ngayon, hindi na ito mukhang kulungan.
Kinuha ko ang isang malinis na tela at inayos ang hapag-kainan.
Dahan-dahan.
Maingat.
Parang natatakot akong masira ang sandaling ito.
Naglagay ako ng dalawang plato. Dalawang baso. Dalawang set ng kubyertos.
At sa gitna, inilagay ko ang dessert.
Sandali akong tumigil.
At saka ako lumapit sa sala.
Kumuha ako ng isang maliit na kandila mula sa drawer... isang bagay na matagal nang nakatago at hindi nagamit.
Inilagay ko iyon sa gitna ng lamesa.
"Ayan... maganda na...." nakangiti kong sambit, magkasiklop ang kamay at ramdam na ramdam ang excitement.
At nang maayos ko na ang lahat ay umupo na ako sa silya... nakapatong ang kamay sa ibabaw ng mesa habang hinihintay si Samuel. Paminsan-minsan ay hindi ko mapigilang ayusin ang kubyertos kahit maayos naman na ito.
Tahimik at ang tanging maririnig lang aay ang mahinang tik-tak ng orasan sa dingding.
Bawat segundo ay tila mas mabagal kaysa sa karaniwan..
Ngunit hindi naman ako naiinip, hindi ako napapagod.
Muli akong napatingin ako sa kandila sa gitna ng mesa. Hindi ko pa ito sinisindihan. Gusto kong sabay namin itong gawin. Gusto kong pareho naming simulan ang gabing ito.
kaya kahit matagal ay hihintayin ko siya. At habang iniisip ko pa lamang ang gagawin namin ngayon gabi ay napapangiti ako.
Maya-maya pa ay mabilis ang ginawa kong pagharap sa kay pintuan ng marinig ko ang pagbukas niyon... at agad kong nakita si Samuel.
Nakatayo sa may pintuan, hawak ang isang brown paper bag sa isang kamay.
Huminto siya... At dahan-dahan niyang nilibot ng tingin ang buong bahay.
Mabilis akong tumayo.
At bago pa ako tuluyang makalapit sa kanya, ay naramdaman ko na ang ngiti sa aking mga labi, isang ngiti na hindi ko kailangang pilitin.
Isang ngiti na kusang lumabas.
“Happy anniversary,” mahina kong bati sa kanya.
Tumigil ako sa harap niya, nakatingala sa kanyang mukha.
Sa loob ng ilang segundo, wala siyang sinabi.
Tinitigan niya lamang ako, parang sinusubukang basahin ang bawat parte ng mukha ko.
Hanggang sa dahan-dahan siyang ngumiti.
Pero kakaiba iyon.
Hindi iyon ang ngiti niya na kilala ko, pero iwinaksi ko na lamang iyon sa isipan ko dahil ayaw kong masira ang gabing ito.
“Happy anniversary,” sagot niya rin.
Iniabot niya sa akin ang brown paper bag na hawak niya.
“Para sa’yo.”
Napakurap ako, at agad kong tinanggap iyon.
Bahagyang bumilis ang t***k ng puso ko habang hinahawakan ang bag.
At nang silipin ko iyon.. ay nakata ko iyong logo ng tindahan na nakita ko sa resibo noong nakaraang araw.
“Salamat…” mahina kong sabi, at muling nag-angat sa kanya ng tingin.
Napatingin siya sa likod ko, sa mesa.
“Ikaw ang nagluto nito?” tanong niya.
Tumango ako, bahagyang nahihiya.
“Oo… paborito mo.”
Sandali siyang natahimik.
At muli, may kung anong hindi ko maipaliwanag sa paraan ng pagtitig niya sa akin.
Marahan kong hinawakan ang kanyang kamay upang kunin ang kanyang atensyon. At kaagad naman niya akong tiningnan.
“Halika,” mahina kong aya. “Kumain na tayo.”
Tinanguhan niya lamang ako, at magkahawak kamay kaming lumapit sa lamesa at nagsimulang kumain.
Napangiti ako nang marahan habang pinagmamasdan siya.
Matagal-tagal na rin mula noong huli ko siyang narinig tumawa nang ganito, walang pag-aalinlangan, walang bigat.
“Naalala mo ba,” mahina kong sabi, pinipigilan ang munting tawa, “noong sinunog ko ang unang spaghetti na ginawa ko para sa’yo?”
Napailing siya, bahagyang nakangiti.
“Hindi sinunog,” sagot niya. “Medyo… overcooked lang.”
Napatawa ako.
Siniko ko siya nang mahina.
“Sinungaling," banat ko na ikinatawa niya lalo.
Ngunit sa gitna ng aming tawanan... ay biglang nag-vibrate ang cellphone niya. Dahilan para matigilan kaming dalawa.
Malakas ang tunog ng pag-vibrate ng kanyang telepono sa ibabaw ng mesa.
At halos sabay-sabay kaming napatingin doon. Hindi gumalaw si Samuel.
Hindi rin siya nagsalita.
Unti-unti kong ibinaba ang hawak kong kubyertos habang nakatingin sa telepono niya.
Patuloy itong nag-vibrate.
Malakas at paulit-ulit.
Parang may nagmamadali sa kabilang linya.
Naramdaman ko ang pagbabago ng hangin sa pagitan namin.
At nang maramdaman niya ang tingin ko, dahan-dahan siyang gumalaw.
Kinuha niya ang kanyang telepono.
At sa isang iglap ay pinatay niya ang tawag. At nawala ang ngiti sa kanyang mukha.
Napansin ko iyon.
Ang paraan ng pagkatigil ng kanyang mga mata sa screen.
Ang paraan ng pag-igting ng kanyang panga. Bago pa man ako makapagtanong ay bigla siyang nagslita.
“I told Cyrus not to bother me tonight,” dagdag niya, pilit na kalmado ang boses. “Pero mukhang hindi siya marunong makinig.”
Tumango ako.
Handa nang kalimutan iyon nang bigla itong muling mag-vibrate.. at napalunok ako nang makita ko ang pagpaskil ng inis sa kanyang mga mata.
"Hindi mo ba sasagutin?" marahan kong tanong.
Umiling siya at hindi pinansin ang cellphone. Nagpatuloy siya sa pagsubo ng pagkain hanggang sa naging tahimik ulit ang cellphone niya.
"Baka importante iyon, Samuel..." usal ko.
"No.. don't mind it. It's not that important," matigas niyang sagot.
"Pero---"
"SINABI NG HINDI EH!!!!" biglang sigaw nito, at sa gulat ko ay napatalon ako.
Ngayon at nakaharap na siya sa akin. Nanlilisik ang mga mata sa galit at tuluyang nawala ang mga ngiti at saya na nakita ko sa kanya kanina.
"Bakit ba ang tigas-tigas ng ulo mo? hindi ka ba nakakaintindi?!" muling bulyaw niya.
Agad akong kinabahan, sinubukan ko hawakan ang kamay niya ngunit iniwas niya iyon... at sa sobrang lakas ng pagkakaiwas niya ay tumilapon ang hawak hawak niyang maliit na k*tsilyo.. at tumama sa kaliwa kong pisnge.
"Nakakawala ka talaga ng gana!" dugtong niya, at agad na tumayo mula sa kanyang pagkakaupo.
Hindi man lang siya lumingon.
Hindi man lang niya tinanong kung nasaktan ba ako.
Naiwan akong mag-isa sa hapagkainan.. kinagat ang dila upang pigilan ang sariling umiyak. Unti-unti kong inangat ang aking kamay paakyat sa pisnge ko. At sa mga sandaling lumapat ito sa parte kung saan ako nasugatan ay kumuyom ang palad ko.
Lahat ng pinaghirap ko... lahat ng pag-asa na unti-unting nag-iipon sa loob ko.
Lahat ng iyon ay nawala. Isang maling galaw ko lang ay tuluyang nasira ang dapat sana'y masayang gabi naming dalawa.
TO BE CONTINUED....