HALIYAH ISABELLE’S POV
Mainit ang sikat ng araw nang makarating kami sa palengke. Iba ang amoy rito.... halo-halong preskong gulay, isda, karne, at ang maingay na tawaran ng mga mamimili at tindera.
Matagal-tagal na rin simula nang huli akong makalabas nang ganito.
“Sigurado ka ba talagang okay lang na lumabas ka?” tanong na naman ni Mari habang sinusuri ang mga kamatis sa harapan niya. “Paano kung bigla kayong magkita ni Samuel dito? Eh sobrang bukas pa naman ng lugar na ’to.”
Napailing ako habang pumipili ng talong. “Mari, ang daming tao dito,” sagot ko na may maliit na ngiti. “Sa dami ng tao, sobrang baba ng tyansa na magtagpo landas namin.”
“Pero hindi imposible,” singit ni Tessa, bahagyang kinakabahan ang boses.
Saglit akong natahimik.
Hindi dahil natakot ako.
Kundi dahil alam kong tama sila... hindi imposible. Pero hindi rin ako pwedeng mabuhay sa takot.
“Kung sakaling magkita man kami,” mahinahon kong sagot habang inilalagay ang mga napiling gulay sa basket, “hindi naman niya ako kayang saktan sa gitna ng ganitong karaming tao.”
Sinubukan kong panatilihing matatag ang tono ko.
Hindi ko alam kung kanino ko mas gustong patunayan iyon—sa kanila o sa sarili ko.
Lumipat kami sa kabilang pwesto para bumili ng repolyo at sibuyas. Simpleng mga pagkain lang. Pang-ulam naming tatlo. Pang-luto para sa mga kasambahay at workers.
Hindi naman kami ang namimili para sa mga amo. May sariling supplier ang mansion para sa kanila.
At itong pinamimili namin ngayon ah para lang sa amin na mga empleyado.
Habang naglalakad kami, bahagyang dumampi ang hangin sa mukha ko. Ang ingay ng paligid, ang mga tawanan, tawaran ng mga presyo ng produkto at ang walang tigil na pagbusina ng mga sasakyan, motor at tricycle.
Walang malamig na titig.
Walang mapanghusgang salita.
Walang presensyang nagpapabigat sa dibdib ko.
“Ngumiti ka na naman,” puna ni Mari bigla.
“Ha?”
“Kanina ka pa may maliit na ngiti. Ibig sabihin ba okay ka na talaga?” Tanong niya.
Napatingin ako sa kanya.
Hindi ko alam kung okay na ba talaga ako.
Pero sa sandaling iyon... sa gitna ng ingay at normal na buhay sa palengk ay mas magaan ang pakiramdam ko.
“Siguro,” sagot ko, marahang ngumiti ulit.
Hindi dahil nakalimutan ko ang nangyari.
Kundi dahil ayokong hayaang kontrolin ako nito.
At kung sakaling magtagpo man kami ni Samuel ngayon ay tiyak akong hindi niya magagawa ang iniisip ko... dahil masyadong maraming tao at bukod doon ay may kasama ako.
“Alam n’yo, kumain muna kaya tayo?” bigla niyang aya, parang may biglang naisip. “Libre ko.”
Agad napalingon si Mari sa kanya. “Ha? Totoo ba ‘yan? Hindi ka nilalagnat?”
“Hoy!” kunwaring inis na sagot ni Tessa, pero nakangiti. “May sweldo din naman ako, ano. Tsaka minsan lang ‘to. Para maiba naman.”
“Game!” mabilis na sagot ni Mari na parang kanina pa naghihintay ng ganung imbitasyon.
Napatingin sila pareho sa akin.
“Ano?” tanong ni Tessa. “Huwag mong sabihing tatanggi ka pa.”
Napabuntong-hininga ako nang mahina, pero may kasamang ngiti. “Wala naman na akong ibang choice, dahil mukhang nakapagdesisyon na kayong dalawa."
“Correct!” sabay nilang sagot.
At bago pa ako tuluyang makapag-isip, hinila na ako ni Mari papunta sa maliit na karenderya sa gilid ng palengke.
Simple lang ang pwesto... may ilang plastik na mesa, electric fan na paikot-ikot ang ulo, at maingay na tunog ng kawali mula sa kusina sa likod. Amoy pritong isda at bagong saing na kanin ang bumungad sa amin.
“Tatlong rice! Isang adobo, isang ginisang monggo, tsaka fried chicken!” sigaw ni Tessa sa nagtitinda na parang sanay na sanay.
“Uy, sosyal. May fried chicken pa,” bulong ko.
“Libre ko nga eh,” taas-noong sagot niya.
Umupo kami sa bakanteng mesa sa may gilid. Inilapag namin ang mga pinamili sa tabi ng mga paa namin.
Habang hinihintay ang pagkain, napatingin ako sa paligid.
May mga tricycle driver na kumakain sa kabilang mesa. May mag-ina na naghahati sa isang order ng ulam. May mga estudyanteng nagtatawanan habang umiinom ng softdrinks.
Panay ang tawanan naming tatlo, at mas tumindi pa iyon nang biglang tumayo si Tessa mula sa kanyang pagkakaupo. Sinundan namin ito ng tingin ni Mari, at parehong laglag ang aming panga... nang makita namin siyang lumapit sa isa sa mga tindiero niyong karenderya.
Makalipas ang ilang minuto ay naglakad na ito pabalik sa lamesa. Pilya ang ngisi sa labi. Binalingan niya kaming dalawa ni Mari... at kasabay niyon at ipinakita niya sa akin ang kanyang cellphone.
"Hanep ka talaga," napapailing na komento ni Mari, hindi makapaniwala na ginawa talaga nito ang sinabi niya kanina na hihingin niya ang number niyong poging tindero.
Mayabang na umirap si Tessa, umayos ng upo at ibinulsa ang cellphone.
"Ayaw kong maging matandang dalaga. Kay nag-first move ako..." paliwanag niya na ikinatawa ko.
Malakas siyang hinampas ni Mari, tuloy ay nagbangayan na naman silang dalawa hanggang sa natapos na kaming kumain. At nagdesisyon na umuwi na.
*A FEW HOURS LATER....*
Tahimik kaming tatlo nang makabalik sa mansion.
Para bang pagdaan namin sa malaking gate, kusang nawala ang ingay ng palengke sa tenga ko. Napalitan iyon ng pamilyar na katahimikan. Mabigat. At pakiramdam mo na laging may mga mata na nakatutok sa 'yo.
“Ingat sa mga itlog,” paalala ko kay Tessa habang inilalabas namin ang mga pinamili.
“Ako na dito sa bigas,” sabi ni Mari, buhat ang isang supot papasok ng service kitchen.
Isa-isa naming inayos ang mga gulay sa maliit naming storage. Inilagay ko ang repolyo at talong sa kahon, inayos ang mga sibuyas at bawang sa basket na para lang talaga sa amin.
Simpleng bagay.
Pero may kakaibang saya sa pag-aayos ng mga iyon... parang patunay na may maliit kaming mundo dito sa loob ng napakalaking mansion.
“Uy, ang dami nating nabili,” masayang sabi ni Tessa. “Kasya na ‘to hanggang--”
Naputol ang sasabihin niya nang may marinig kaming mabibigat na yabag papalapit.
Hindi iyon katulad ng yabag ng mga kasambahay.
Sabay-sabay kaming napalingon sa direksyong iyon. At aming natanaw ang Iang matangkad na lalaki ang huminto sa bungad ng kusina. Maayos ang suot... itim na pantalon, puting polo, at coat na may logo ng mansion. Kilala ko ang itsura ng uniporme.
Isa siya sa mga personal driver ng pamilya.
Bahagyang tumikhim ito. At sa isang iglap, sabay-sabay kaming natahimik.
“Haliyah?” tawag niya, diretso ang tingin sa akin.
Naramdaman ko ang biglang pagbigat ng dibdib ko.
“Ano po ‘yon?” mahinahon kong sagot.
“Pinapapunta ka ni Sir Azra sa opisina niya.”
Parang may malamig na tubig na ibinuhos sa akin.
“Ngayon?” mahinang tanong ko.
Tumango siya. “Kanina ka pa niya hinahanap.”
Nagkatinginan kami ni Mari at Tessa. Kita ko ang pag-aalala sa mga mata nila.
“Bakit ka raw hinahanap?” bulong ni Mari sa tabi ko.
Wala akong maisagot, kasi hindi ko naman alam.
Bumalik sa isip ko ang eksena sa kusina.
Iyong malakas pagsampal ko sa kanya. Iyong mga masasakit ma salitang binitawan niya.
Nilunok ko ang kaba na unti-unting umaakyat sa lalamunan ko.
“Sige po,” sagot ko sa driver. “Pupunta na ako.”
Tumango ito at tumalikod na.
Ilang segundo akong nakatayo roon, parang nakapako ang mga paa ko sa sahig.
“Haliyah…” mahinang tawag ni Tessa.
Pinilit kong ngumiti. “Okay lang. Baka may iuutos lang.”
Pero kahit ako, hindi kumbinsido sa sarili kong paliwanag.
Pinunasan ko ang mga kamay ko sa apron ko at dahan-dahang humakbang palabas ng kusina.
Habang naglalakad ako sa mahabang hallway papunta sa opisina niya, bawat hakbang ay parang mas lalong bumibigat.
Kanina pa niya ako hinahanap.
Huminto ako sa harap ng pinto ng opisina niya.
Malaki iyon. Madilim ang kahoy. Parang mismong presensya niya... matigas, malamig, at hindi basta-basta nababasag.
Mahina akong kumatok.
At pagkatapos ay naghintay ako ng ilang segundo upang bigyan niya ako ng permiso upang pumasok... ngunit wala akong narinig mula sa kanyam
Walang sumagot.
Tanging ang mahinang ugong ng air-conditioning mula sa loob ang naririnig ko.
Nilunok ko ang kaba at muling kumatok, bahagyang mas malakas kaysa kanina.
“Sir…?” mahinang tawag ko.
Wala pa rin.
Napabuntong-hininga ako nang malalim. Baka nasa loob lang at hindi ako narinig. O baka sadya niya lang akong pinaghihintay.
Dahan-dahan kong hinawakan ang door handle. Malamig ang bakal sa palad ko.
Itutulak ko na sana iyon papasok nang, biglang umalingawngaw ang isang pamilyar na boses mula sa likuran ko.
“Hinahanap mo ba si Azra?”
Nanigas ako.
Parang may biglang humila sa sikmura ko.
Dahan-dahan kong binitawan ang door handle at mabilis na hinarap ang kaliwang direksyon kung saan nanggaling ang boses.
At doon ko siya nakita.
Nakatayo sa may dulo ng hallway.
Nakasuot ng itim na long sleeves na nakatiklop hanggang siko, at maayos na pantalon. Relaxed ang tindig niya, pero may kakaibang bigat ang presensya niya.
Si Sir Havoc.
Nakatingin siya sa akin—hindi malamig, pero hindi rin mainit. Parang sinusuri niya kung ano ang dahilan kung bakit ako nasa harap ng opisina ng kapatid niya.
“A-ah… pinapapunta po ako ni Sir Azra,” sagot ko, pilit pinapantay ang boses ko.
Bahagyang umangat ang isang kilay niya.
“Talaga?” tanong niya, may bahagyang kurba sa labi na hindi ko mawari kung ngiti ba iyon o babala.
Lumunok ako.
“O-opo. Kanina pa raw po niya ako hinahanap.”
Saglit siyang natahimik.
Ang hallway ay biglang naging mas tahimik kaysa kanina. Kinakabahan ako sa presensya ni sir Havoc, ngunit hindi kasing tindi ng kaba na nararamdaman ko kapag si sir Azra ang nasa harapan ko.
“Wala siya sa loob,” sabi ni Sir Havoc, kaswal ang tono pero may kung anong lalim. “Lumabas siya ilang minuto lang ang nakalipas bago ka dumating rito."
Parang may gumaan sa dibdib ko.
Pero kasabay nito, may kung anong pagdududa.
“Kung gano’n…” mahina kong sabi, “babalik na lang po ako sa kusina.”
Akma na sana akong hahakbang paalis nang muli siyang nagsalita.
“Bakit ka niya hinahanap, Haliyah?”
TO BE CONTINUED.....