“AYOS ka lang, Anton?”
Hindi sinagot ni Anton si Nanay Rosa. Tahimik lamang siya sa pagmamaneho pauwi. Kanina pa siya hindi nagsasalita, mula nang umalis ang babaeng kamukha ni Chenie.
Tiningnan niya sa rearview mirror ang anak na nasa backseat. Hindi mabura ang masayang ngiti sa mga labi nito.
“Dad, Miss Cheryl is very nice,” pagkukuwento nito. “She’s very, very beautiful. Ang bait-bait po talaga niya. Hindi po siya nakulitan sa `kin. Gustung-gusto ko po siya. Dad, bakit po gan’on? Bakit kakaiba `yong nararamdaman ko sa kanya? My heart feels weird. Nami-miss ko na siya kaagad. Gusto ko na uli siyang makita.”
“Ganyan lang ang pakiramdam mo dahil alam mong kamukha siya ng mom mo,” ang sabi ng yaya nito dahil hindi pa rin magawang magsalita ni Anton. “Lilipas din `yan. Sabik ka lang sa ina, anak.” Tumingin si Nanay Rosa sa kanya. “Sabik ka lang sa asawa mo kaya ganyan ang pakiramdam mo. Kanina ay inakala ko rin na muling nabuhay si Chenie. Pero alam natin na imposible nang mangyari iyon.”
He sighed. Oo, kamukha lamang ng babaeng iyon ang kanyang asawa. Hindi maaaring buhay pa si Chenie. She died nine years ago. Kanina, hindi niya naisip iyon dahil masyado siyang namangha sa nakita. Kamukhang-kamukha talaga nito ang kanyang namatay na asawa. Nang igiit nito na hindi ito si Chenie ay bahagya siyang natauhan.
Hindi naisip ni Anton na imposible nang mabuhay pang muli si Chenie. Ang isa pa, tila totoong hindi sila kilala ng babae na ang pangalan ay Cheryl. Kung buhay nga si Chenie, maiintindihan niya kung magkukunwari itong hindi siya nito nakikilala dahil galit ito sa kanya, ngunit hindi nito makakalimutan ang anak nila. Mahal na mahal ni Chenie si Enid. Kung may isang tao na minahal ng asawa niya nang higit pa sa pamilya nito at sa kanya, si Enid iyon. Nakita niya ang kaguluhan sa mga mata ni Cheryl habang nakatingin sa bata. Hindi niya mabasa ang rekognasyon sa mga mata nito. Kahit na ang pinakamahusay na manlilinlang ay hindi iyon magagawa sa pinakamamahal nitong anak.
Ngunit bakit tila pamilyar ang pakiramdam niya habang yakap at hinahagkan niya si Cheryl? Bakit pakiramdam niya ay si Chenie talaga ang yakap at hinahagkan niya? Baka naman kaya ganoon ang nadarama niya ay dahil nasa isip niya ang asawa?
Nayanig nang husto ang mundo ni Anton nang makaharap si Cheryl. Sa ngayon ay naguguluhan pa siya ngunit may isang bagay na sigurado. Aalamin niya ang lahat ng tungkol kay Cheryl Arpilleda. Muli niyang uungkatin ang imbestigasyon sa pagkamatay ng kanyang asawa. Hindi maaaring palagpasin na lamang niya iyon. Sinisiguro niyang hindi iyon ang huling pagkikita nila ni Cheryl.
Siguro, sa kaibuturan ng puso ni Anton ay umaasa pa rin siyang babalik ang kanyang asawa. Umaasa pa rin siya na ito ang asawa niya. Hindi naman kasi madaling pakawalan ang kaisipang iyon lalo na at kamukhang-kamukha talaga ni Cheryl si Chenie. Sa ngayon, tatanggapin muna niyang kamukha lamang nito si Chenie. Habang wala pa siyang nalalaman at napapatunayan ay mananatili itong kamukha lamang upang hindi gaanong umasa ang kanyang anak. He could handle the disappointment in case things wouldn’t turn out to be what he was hoping and expecting. Ayaw niyang pati ang kanyang anak ay madamay pa roon.
Nang makarating sa bahay ay hinayaan niya si Nanay Rosa na asikasuhin ang kanyang anak. Nagtungo siya sa master’s bedroom. Pinakatitigan niya ang life-size portrait ni Chenie sa dingding. Binalikan niya sa kanyang isip ang mukha ni Cheryl. Pinagkumpara niya ang dalawa.
Chenie had a long curly hair while Cheryl had a long brown straight hair. Mas bata ang nasa portrait kaysa sa babaeng nakita niya kanina. Kung buhay pa si Chenie ngayon, ganoon na ganoon ang magiging hitsura nito. Chenie was thin, while Cheryl was full at the right places. Bata pa ang asawa niya noon kaya hindi pa developed nang husto ang katawan nito.
Bukod sa mga iyon, wala nang pagkakaiba ang dalawa. Kung nagkataong buhay pa si Chenie, iisipin niyang may kakambal ang kanyang asawa.
Natigilan si Anton sa naisip. Kakambal? Hindi kaya...?
Ipinilig ni Anton ang ulo. Walang kakambal si Chenie. He spent his youth with her brothers Joshua and Ike. Their family used to be so close to each other. Ang alam niya, nag-iisang anak na babae lamang si Chenie. Prinsesa kung ituring ng mga Augustin. Kaya naman halos patayin rin siya ng mga ito nang mamatay ang kanyang asawa. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya kasundo ang mga dating matatalik niyang kaibigan. Galit pa rin sa kanya ang mga in-law niya. Tinatanggap lang niya ang lahat ng galit ng mga ito dahil kasalanan naman talaga niya ang pagkamatay ni Chenie.
Muli niyang naramdaman ang pagkirot ng mga sugat sa puso niya na hindi na naghilom kahit pa mahabang panahon na ang lumipas. Tila sa bawat paglipas ng araw ay lalong lumalalim ang mga sugat.
“It would be so easy for us to kill you, Anton. I’d love to kill you with my bare hands and I won’t even regret it. But I realized that I don’t wanna give you an easy escape. Pagdudusahan mo ang pagkamatay ng kapatid ko sa bawat araw na natitira sa buhay mo. I’ll make your life miserable. Kahit na iyon na lang ang gawin ko sa natitirang mga taon ng buhay ko.”
Iyon ang galit na galit na sinabi sa kanya ni Ike sa araw ng libing ng kapatid nito. He blazed with anger. Nanginginig ang bayaw sa sobrang galit. Namumula ang mga mata nito mula sa pag-iyak. Hindi niya magawang makasagot noon.
“Hindi kita kailanman mapapatawad. Kahit na ano ang gawin mong pakiusap, hindi ko kailanman ibibigay ang kapatawaran ko. Itaga mo `yan sa bato, Anton. Habang buhay ako, kamumuhian kita. Mapapatawad lamang kita kung maibabalik mo ang buhay ni Chenie.”
Iyon naman ang sinabi sa kanya ni Joshua nang humingi siya ng tawad sa unang anibersaryo ng kamatayan ni Chenie.
Kahit na gaano kagalit ang lahat ng tao sa kanya, hindi niyon mapapantayan ang galit niya sa kanyang sarili. Kahit siya ay nahihirapang patawarin ang kanyang sarili.
He buried his face on his hands. Nag-init ang sulok ng kanyang mga mata. Kahit na ayaw sana ni Anton, binalikan niya ang araw ng pagkamatay ng kanyang asawa.