Chapter 26

1472 Words
FENRIZ'S POV Tanaw-tanaw ko ang mga ulap na tinatakpan ang bilog na buwan mula sa labas ng bintana. Iilang mga bituin lamang ang nagpapakita sa kalangitan. Naroon sa kanila ang paningin ko ngunit para bang nakikita ko roon ang imahe ni Mei. Napakabigat ng pakiramdam ko nang dahil sa pangyayari kanina. Halos buong araw ko siyang hindi nakasama dahil kinailangan niyang pumunta sa punishment room. Gusto kong magtiwala sa sinabi niyang babalik siya. Pero hindi ko maiwasang hindi mangamba! Paano na lang kung hindi na siya makabalik? Paano na lang kung... Iisipin ko pa lang ay nanghihina na ang loob ko! Naiinis din ako kay Dean Chicago! Ano bang klaseng pamumuno ang ginagawa niya dito?! Kung meron lang akong magagawa... Mariin akong napapikit at nagpakawala ng mabigat na hininga. Bukas ba ay babalik na si Mei Mei? Makikita ko bang nasa maayos siyang kalagayan? "Gabi na, bakit 'di ka pa matulog?" Nabaling ang paningin ko kay Freon. Nakahiga na siya sa sariling kama at halatang antok na antok na. Napahilamos ako ng mukha at matamlay ang mga matang tumanaw muli sa labas ng bintana. "Ikaw? Bakit 'di ka natutulog?" Balik kong tanong sa kaniya. Narinig ko ang buntong-hininga niya. "Hinihintay lang kitang matulog. Maaga pa ang klase bukas. Malamang ay todo-todo na naman ang training." "Hindi pa ako dinadalaw ng antok." deretso kong tugon. Nakita ko siyang nahiga sa sariling kama habang nakatagilid at sa akin ang tingin. "Hindi ka dinadalaw ng antok, dahil si Mei ang dumadalaw sa isip mo." "Psh," Sininghalan ko lang siya at hindi na nagsalita pa. Tiningala ko na lang ang mga bituin sa labas ng bintana. Wala akong kagana-gana. Hindi mawala sa isip ko si Mei. Ano na kayang nangyari sa kaniya? Ayos lang ba siya? Nakakain na kaya siya? Nasa kalagitnaan ako ng malalim na pag iisip nang mayroon akong mamatnaan na falling star. Napaintag ako sa gulat at nagmamadaling humanap ng kahilingan. Ipinit ko pa ang mga mata ko habang humiling sa aking isipan. Sana, sana bukas nandito na siya. Malalim akong nagpakawala ng hininga. Mga bata lamang ang mga humihiling sa bituin. Psh! Alam ko namang hindi iyon totoo, pero umaasa pa rin ako. Nang balingan ko si Freon ay nakapikit na ang mga mata niya at humihilik ng mahina. natutulog habang nakanganga ang bibig. Mabigat ang katawan ko na nahiga sa aking kama. Pinilit kong ipikit ang mga mata hanggang sa magdilim ng tuluyan ang lahat. Kinabukasan ay maaga akong nagising. Ito na yata ang pinakamaaga kong gising sa lahat. Nag-ayos ako ng sarili, halos ubusin ko ang pabango sa katawan. Iniisip ko pa lang na nandoon si Mei Mei sa classroom ay hindi na ako mapakali! "Oy! 'Wag kang mang-iwan. Sabay na tayo pumasok!" Sigaw ni Freon. Sumama ang mukha ko. "Ang bagal mong kumilos! Mauuna na ako." "Luh!" Hindi ko talaga siya hinintay. Excited akong pumunta sa kabilang building at pumasok sa classroom. Sana nandoon na siya! Maagang pumapasok si Mei-Mei. Laging siya ang una sa classroom at makikita mo na lang na nagsusulat na siya sa notebook kahit wala namang lectures! Nagmadali ako sa paglalakad. Halos takbo-lakad ang ginawa ko na maging ang maayos kong buhok ay nagugulo na. Tinuloy ko ang pag-akyat sa hagdanan at nagtungo agad ako sa classroom. Halos magkandarapa ako sa pagbukas ng pintuan nito! Ngunit parang gumuho ang mundo ko nang makitang blangko ang classroom. Wala pa ang mga kaklase ko at... wala si Mei. Naghintay ako sa kaniya buong araw. Hindi ako nakinig sa mga tinuturo. Ang minuto ay naging oras na wala siya. Hindi ako sanay na makitang blangko ang upuan niya. Nakakapanlumo! Namimiss ko na siya agad. "Gaya ng pagkakaalam ninyong lahat, sa susunod na araw na ang katapusan," Pagsasalita ni sir Dan. "Nakita ko namang napabuti ninyo ang natutunang kakayahan sa paggamit ng mga sandata at armas, at may ibubuti pa iyon sa araw na malagpasan ninyo ang katapusan na darating at manatiling buhay. Sana'y makikita ko parin ang mga mukhang 'yan sa susunod pang mga araw." Hindi tulad ng ibang mga guro, iba si Sir Dan dahil malapit ang loob niya sa aming mga estudyante. Pakiramdam ko ay kinaaawaan niya ang mga sitwasyon na kinahaharap namin sa loob. Kaya naman kapag tinuturuan niya kami ay 'yung talagang matututunan naming lumaban. Speaking of which, bagaman natuto na akong gumamit ng mga kampilan at pana ay malayo parin ang mga skills ko kumpara sa mga beteranong mga estudyante. Marunong lang ako, pero hindi magaling. Hindi ko pa nga sure kung makakayanan kong kumitil ng buhay. Isa pa, kampante ako buong buwan dahil dumedepende ako kay Mei para sa araw na 'to. "Halika na, Wolfie, kakain na." Pag-aya sa akin ni Freon, kasama na niya sina Eunecia at Wendy sa kaniyang likuran. Tamad akong tumayo, nagsisipaglabasan na rin sa loob ng classroom ang mga kaklase namin. Sabay-sabay kaming naglakad patungo sa canteen nang maramdaman ko si Wendy na tumabi sa akin sa paglalakad. Nang yumuko ako para balingan siya at nakatingala na siya sa akin habang may matamis na ngiti sa labi. "Hi, Fenriz!" Pagbati niya pa. "Hmm." walang gana kong usal. "Kumusta ka? Napapansin ko na kanina ka pa tahimik, hindi ako sanay." Napalabi ako at hindi siya tinugunan. Ang kaaway ni Mei ay kaaway ko rin. "Dahil ba kay Mei?" Nagpakita siya ng simpatya subalit matamis parin ang pagkakangiti sa labi niya. "Huwag kang mag-alala... Ang totoo niyan ay palihim kong inalam kung anong nangyayari sa kaniya sa punishment room, at nalaman kong hindi siya pinarusahan ng husto." Unti-unting nagkaroon ng reaksyon ang mukha ko at may nanlalaking mga matang tumitig sa kaniya, inuusisa kung nagsasabi siya ng totoo. Marahil ay anak siya ni Dean Chicago kaya hindi masyadong nalilimitahan ang mga ginagawa niya dito sa loob. "T-Talaga? Ayos lang ba si Mei? Hindi ba nila siya pinapahirapan?" Naging interesado ako sa usapan. Tumango-tango siya. "Oo! Ang narinig ko pa ay kinulong lang siya sa loob para hindi magkaroon ng komusyon sa pagitan nating mga estudyante. Alam mo na? Maraming galit sa kaniya at sa chismis na pagpatay niya kina Ashlee at Rimmon. Kaya 'wag ka na masyadong mag-alala, dahil paniguradong ayos lang si Mei." Awtomatikong tumaas ang dalawang sulok ng labi ko, parang may tinik na nabunot sa aking lalamunan at nakahinga ako ng maluwag. "Salamat, Wendy!" "Walang anuman, pero sekreto lang natin 'to ah?" Mas lumaki ang ngiti sa labi niya. "Hindi ko dapat 'to sasabihin kahit kanino, pero nag-aalala ako dahil kanina ka pa balisa." Tumango ako, hindi iniintindi ako sinasabi niya. Ang isip ko ay nakatuon sa kaligtasan ni Mei. At least alam ko na ngayon na hindi mabigat ang parusa sa kaniya! "Kung..." ani Wendy. "Kung matagal pang ikukulong si Mei sa punishment room, ako na'ng bahala sa'yo bukas, Fenriz." Natigilan ako sa paglalakad dahil sa sinabi niya. Nauuna sa paglalakad sina Eunecia at Freon kung kaya't nasa malayo na sila. Habang kami ni Wendy ay nakahinto. "Pero hindi ba't may kapares ka na? At ikaw din ang pinoprotektahan." Kunot noo kong tugon. Hindi nawala ang matamis at inosente niyang ngiti. "Oo, pero hindi ibig-sabihin niyon ay hindi ko na kayang protektahan ang sarili ko at maging ang ibang tao." Pilit kong tinago ang reaksyon sa mukha ko dahil sa sinabi niya. Kaya mong protektahan ang ibang tao? Kung gano'n si Mei... May kaya kang gawin noon na hindi mo ginawa? Bagaman naririnig ko lang ang mga usapan tungkol sa pagitan nila Mei, Wendy at Eunecia ay hindi ako sigurado kung anong totoo. Subalit halos lahat ng usapan ay iisa lang ang namumuong ideya. "Kung gano'n... makikipaglaban ka para sa'kin habang may nakikipaglaban para sa'yo?" Tanong ko pa, hindi kilala kung sino ang tao sa likod niya. Malambot siyang tumawa at umiling-iling. "Bakit ko pa kailangang makipaglaban? Kung puwede naman tayong magpahinga sa kuwarto ko habang nangyayari ang katapusan. Walang sinuman ang puwedeng pumasok roon dahil may mga bantay." Sunod-sunod akong naplaunok. Ganoon parin ang panlalaki ng mga mata ko. Ibig-sabihin, habang nagpapatayan ang mga estudyante sa labas, siya ay parang prinsesa na hindi nababahiran ng dugo? Kung gano'n ano pang ginagawa niya rito sa loob?! Nilalabag niya ang batas! SIla ni Dean Chicago!! Masyado ba akong inosente at talagang pinaniniwalaan ang mga rules na nakasulat sa student handbook para magulat ng ganito? "So, anong masasabi mo, Fenriz?" May pag-aasam niya pang tanong sa'kin. Matagal akong tumitig sa kaniya at bumuntong-hininga. "'Wag mo akong alalahanin, Wendy. Kaya ko na ang sarili ko." Nawala ang ngiti niya. "Ha? Pero... Pero baka mapa'no ka! Fenriz---" "Anong ginagawa niyong dalawa?" Napalingon kami kay Freon nang bigla nito kaming binalikan. "Bilisan niyo na sa canteen at mahaba ang pila!" Kaagad akong naglakad papalapit sa kaniya, hindi na nilingon pa si Wendy. Maya-maya'y narinig ko ang pagbulong ni Freon sa aking tainga. "'Wag na 'wag kang dumidikit kay Wendy."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD