Euan’s POV
Nalaman ko na pinag-uusapan ang pagbisita ni Sharinna sa opisina ko noong nakaraang araw at kumakalat ang mga tsismis na niloko ako ni Sharinna kaya naghiwalay kami. Unang-una sa lahat, hindi tama na pag-usapan nila ang nakaraan namin at mas lalong wala silang karapatan na husgahan ang paghihiwalay namin. Masama ang loob ko kay Sharinna noong naghiwalay kami pero ayaw kong nasasaktan siya.
Umagang-umaga ay ganoon na kaagad ang naririnig ko. Narinig ko rin na si Rose ang nagpakalat ng mga iyon kaya mas lalong uminit ang ulo ko sa pagkukumpara ng mga tao sa kanilang dalawa ni Sharinna. Hindi dapat ipinagkukumpara ang dalawa dahil malayo sila. Minahal ko (o baka nga mahal ko pa) si Sharinna samantalang wala namang espesiyal sa amin ni Rose.
Hindi ko naman dapat papansinin ang mga ganoon dahil hindi naman ako pumapatol sa mga nagiging issue sa opisina. Pag-usapan nila ang gusto nilang pag-usapan pero wala silang makukuhang sagot sa akin. Hindi ko lang maiwasan na mas mainis dahil sa pagiging madaldal ni Rose ngayon na nasa loob ng opisina ko. Hindi ko naman dapat siya kakausapin tungkol sa mga naririnig ko pero sobrang kulit niya kaya napasigaw nalang ako.
Nakita ko ang pagkagulat niya at dahan-dahan akong nilingon.
“Sir Euan, sorry. Bakit ka po ba sumisigaw? You don’t need to shout,” she whispered. She looks confused with my attitude but I didn’t expect her to understand it.
“Puwede ba na huwag kang maingay? Kanina pa ako nabibingi sa kaingayan mo.”
Napatingin naman siya sa ginagawa niya pagkatapos ay ibinalik ang tingin niya sa akin. “What do you mean, Sir? Tungkol naman po sa trabaho ang idinadaldal ko ngayon. Baka nagkakaganiyan ka po dahil sa mga naririnig mong—”
Hindi ko na pinatapos ang pagsasalita niya, alam ko naman na mapag-uusapan namin itong dalawa. “About that, hindi ko maintindihan kung bakit ipinagkukumpara kayong dalawa ni Sharinna.” I looked at her before continuing what I’m saying. “Kitang-kita naman na malaki ang pagkakaiba ninyong dalawa kaya walang dapat ipagkumpara. Honestly, I like how you do your job pero huwag mong bibigyan ng malisya ang closeness natin, Rosaleen.” Palihim kong binabati ang sarili ko sa tamang pagbanggit sa pangalang niya. “Hindi ko gugustuhin na isipin nila na may espesyal na namamagitan sa ating dalawa. In the first place, wala kang alam sa aming dalawa kaya sana huwag kang nagsasalita na parang kilalang-kilala mo ako at si Sharinna.”
Yumuko siya habang nagsasalita ako. Hindi naman siya sumagot sa akin kaya sinabi ko sa kanya na mamaya nalang namin ipagpatuloy ang mga pinag-uusapan namin dahil may meeting akong pupuntahan. Kasama ko nga dapat siya pero sinabi ko na huwag na niya akong samahan. Mahirap na kung sasabihin na naman nila na may espesyal sa pagitan naming dalawa. Baka makarating pa iyon kay Sharinna.
Nakita ko naman na isa-isa niyang kinukuha ang mga papel na nakakalat sa table ko pagkatapos ay lumabas din naman kaagad siya. Hindi na siya nagsalita ng kahit isang salita.
Pagkalabas ni Rosaleen ay nag-ayos na rin ako ng mga kailangan kong dalhin sa meeting. Saglit lang naman ako kaya mabilis akong makababalik sa trabaho. Pinipilit kong itama ang pagtawag ko sa kanya ng Rosaleen kagaya ng tawag ng karamihan sa kanya, baka ang pagiging iba ng tawag ko pa sa kanya ang isa sa mga bagay na bigyan nila ng malisya.
Habang papalabas nga ako sa opisina ko ay nakita ko na nakikipag-usap siya sa ibang katrabaho namin habang nagtatawanan pa. Mukhang hindi naman niya naintindihan ang sinabi ko sa kanya.
Baka nga bukas ay mangulit na naman siya sa akin. Ganiyan ang personality ni Rosaleen, palaging nakangiti, madaldal at masayahin. I’m aware that she likes me. Ilang beses ko na ba iyong sinabi? Marami ang nagbibiro sa kanya na ako ang nililigawan niya, nakangiti siya kapag sinasabi iyon sa kanya pero hindi ganoon ang gusto ko. Although, wala naman mali na i-express ng babae ang feelings para sa lalaking nagugustuhan . . . hindi ko lang talaga tipo sa isang babae na nagpapapansin. Gusto ko ay ako ang nag-e-effort sa kanya. Ilang beses ko na rin ba itong nasabi?
MABILIS NA NATAPOS ANG meeting ko kaya naisip ko na kumain nalang sa karinderya na nasa ibaba lang ng building ng office namin. Namimiss ko na rin ang mga ganitong luto kaya ipinarada ko ang sasakyan ko at humanap ng puwesto. Nabigla pa ako na nakita kong kumakaing mag-isa si Rosaleen. Hindi ko naman inaasahan na kumakain siya sa ganitong lugar. Mukha siyang mayaman at maarte sa pagkain pero napapangiti ako habang pinanonood siyang kumain. Walang ka-arte-arte sa pagkain at malakas din siyang kumain. Naisip ko kaagad ang kapatid kong si Michiko, malakas din kumain ang babaeng iyon.
Nang makabili ako ng pagkain ay lumapit ako sa kanya at umupo sa harap niya. Saktong pag-upo ko naman ay ang siyang pagtayo ni Rosaleen habang hawak ang pinagkainan niya. Tapos na pala siyang kumain pero nakita ko naman na hindi pa siya tapos ngumuya at uminom.
“Okay lang, Rosaleen. Walang ibang table kaya makiki-share nalang ako sa iyo.”
Baka isipin niya na ayaw ko na may kasabay kumain. Madalas na nasusungitan ko siya kapag nagkakasabay kaming kumain dahil kahit kumakain kami ay sobrang daldal pa rin niya.
“Tapos na po ako, Sir. Baka kapag nagtagal pa po ako sa harapan mo ay mabigyan ko pa ng malisya ang closeness natin at baka mabanggit ko ang pangalan ng ex-girlfriend mo. Mahirap na rin na maikumpara sa kanya dahil kulang nalang ay ipakita mo sa akin na nandidiri ka para lang malaman ko na hindi kami dapat ipinagkukumpara ng ex-girlfriend mo. Babalik na po ako sa office, tapos na po ang lunch break ko, Sir Euan.”
Sinundan ko siya ng tingin dahil hindi manlang siya tumingin sa akin habang nagsasalita siya. Ramdam na ramdam ko ang sama ng loob niya sa akin kaya kakausapin ko nalang siya mamaya. Hindi ko naman ginusto na ganoon ang isipin niya pero dahil sa mga ipinagkakalat niya ay iisipin ko na siya ang may kagustuhan na maikumpara silang dalawa ni Sharinna.
Sumama nga kaya talaga ang loob niya dahil sa sinabi ko? Siya naman ang may mali sa aming dalawa.
Hindi ako masyadong nag-enjoy sa pagkain dahil iniisip ko ang mga sinabi ni Rosaleen at iniisip ko kung paano niya iwasan ang mga tingin ko habang sinasabi ang mga salitang iyon. Nakikipagtawanan naman siya kanina, ah? Ayaw ba niya na napagsasabihan ko siya?
Bumalik kaagad ako sa opisina pero dumaan ako sa table ni Rosaleen para sabihin na puntahan niya ako sa opisina ko dahil kailangan naming mag-usap.
Maya maya ay dumating naman siya na hawak ang mga papel na hindi namin natapos kanina. Kaagad niya iyon inilatag at ipinapaliwanag sa akin pero hindi ako nakikinig dahil sinabi ko sa kanya na huminto saglit. Hindi nga siya huminto kaya inulit ko na iba ang gusto kong pag-usapan namin.
“A-ano po iyon, S-Sir Euan?” pagtatanong pa niya sa akin, ramdam ko ang kaba niya.
“Sinabi ko na kailangan natin mag-usap pero titig na titig ka pa rin sa mga papel na iyan. Look at me, Rosaleen,” I demanded.
Tumingin naman siya pero halatang naiilang pa rin kaya hindi siya makatingin nang diretso sa akin. It’s more like she’s staring to something at my back.
“Hindi ko gusto ang pagsagot mo sa akin kanina.”
“Sorry,” she said, yumuko na ulit siya.
“Ano ba ang problema? May problema ka ba sa bahay niyo? Personal problem ba iyan?” pagtatanong ko naman sa kanya.
“Bakit mo po naitanong? Ginagawa ko naman po ang trabaho ko.”
“Nakikita ko naman iyon. Bakit ganoon ang sinabi mo sa akin kanina? Hindi naman ganoon ang ibig kong sabihin sa naging pag-uusap natin kanina.”
Nag-angat siya ng ulo para tumingin sa akin. “Ano po ba ang pag-uusapan natin?” tanong naman niya.
“I want to know your problem. Naaapektuhan na ang trabaho mo.”
Surprisingly, she smirked. Nabigla ako. Ang dami niyang ipinapakitang personality sa akin ngayon.
“Naaapektuhan ang trabaho? Naririnig mo po ba ang sinasabi mo? Dapat ko po bang ipaalala sa iyo na ikaw ang nawawala sa focus sa pagtatrabaho? Maayos naman po ang mga ginagawa ko kanina pero bigla kang nagalit sa akin kahit hindi ko naman alam kung bakit. You even bring up your ex-girlfriend kaya hindi ko alam kung ano ang ikinagagalit mo sa akin. May nalalaman ka pang malisya at something between us samantalang wala akong alam sa lahat ng sinasabi mo.”
She exhaled. “To be honest, sobrang nagulat ako sa sinabi mo kanina. Nasaktan ako to be specific. Sana po ay sinabihan mo ako kung ano ang issue natin kanina para alam ko kung saan nanggagaling ang mga sinabi mo. Wala nga akong alam na may kumakalat na balita sa inyo ni Sharinna, ang babanggitin ko lang sana sa iyo ay ang mga naririnig mong negative comments tungkol sa isang project niyo. Huwag kang mag-alala, kahit ipinapakita ko sa iyo ang admiration ko sa buong pagkatao mo ay hindi ko naman magagawang magkalat ng balita tungkol sa ating dalawa. Mukhang ikaw pa ang nanghusga sa akin. Alam mo po ba kung gaano kasakit ang mga sinabi mo kanina? Kung hindi mo ako naiintindihan, ganiyan din ang naramdaman ko kanina.”
Sasagot na sana ako pero pinigilan niya ako at siya na ulit ang nagsalita.
“Sa sobrang protective mo sa kanya para huwag kong banggitin ang pangalan niya na parang kilala-kilala ko, nakalimutan mo na hindi mo rin ako lubos na kilala pero nakuha mo akong husgahan. Just to be clear, hindi ko naman ipinagpipilitan sa iyo na magustuhan mo ako dahil kung gusto kong maging parte ng buhay mo, matagal ko na iyong ginawa.” Ano ang ibig niyang sabihin?
“Hindi mo ako kilala, Sir Euan. Pero kilalang-kilala ko kayo ni Sharinna. Alam ko kung bakit kayo naghiwalay kaya huwag kang nagbibitiw ng mga salita na naririnig mo lang sa iba. Wala ka naman palang pinagkaiba sa mga nagpapakalat ng tsismis sa opisina na ito pagkatapos ay naniwala ka pa na kaya ko iyon gawin sa iyo. Hindi ko rin alam na ganoon ang pakiramdam mo sa pakikitungo ko sa iyo kaya kikilos na ako nang maayos ngayon.”
Muli niyang kinuha ang mga papel, tumingin sa akin habang nagpupunas ng mga luha pagkatapos ay umalis sa opisina ko.
What the heck?
Nakasalubong niya si Oswald at nakita nito na umiiyak si Rosaleen kaya kaagad na pumasok at lumapit sa akin.
“Hey, Euan. Pinagalitan mo na naman ba si Rosaleen? Bakit umiiyak? Tarantado ka naman. Ano ang ginawa mo?” pagtatanong sa akin ni Oswald.
Tumingin ako sa kanya. Medyo matagal ang pagtitig ko sa kanya bago ako magtanong ng, “Kasalanan ko yata?” Hindi pa ako sigurado dahil masyadong marami ang sinabi niya.
Ang bottom line ng sinabi niya ay nasaktan ko siya sa panghuhusga na ginawa ko kanina at alam niya kung bakit kami naghiwalay ni Sharinna. Hindi ko maintindihan kung doon ako nag-aalala sa mga ganoong dahilan o baka mas nag-aalala ako na nakita kong umiiyak siya?
“Ang gago mo naman. Malamang kasalanan mo iyon. Kayong dalawa lang ang tao rito. Never ko pang nakita na umiyak si Rosaleen sa department ko kaya kung napa-iyak mo siya, siguradong nasaktan mo iyon. Ano ba ang nangyari? Ano na naman ba ang sinabi mo sa kanya?”
Napasabunot ako sa sarili ko.
“Gago, sumobra nga yata ako sa mga nasabi ko sa kanya. Ngayon ko lang siya nakita na ganoon ka-seryoso at ganoong kasama ang loob sa akin.”
“Ngayon mo lang nalaman? Ni hindi ko nga siya napagagalitan noon dahil maayos naman ang trabaho niya. Hindi kita maintindihan kung bakit ang init ng ulo mo sa kanya. Ipaaalala ko lang sa iyo na kahit hindi mo siya nakikita na mahina, babae pa rin siya, Euan. Hindi siya iiyak nang walang dahilan.”
Sinabi ko kay Oswald ang lahat ng iniisip ko tungkol kay Rosaleen noong nakaririnig ako ng tsismis tungkol sa akin pati na rin ang mga sinabi ko sa kanya at sinabi sa akin ni Rosaleen. Hindi ko mabilang kung ilang mura ang inabot ko kay Oswald pero sobrang naiinis siya sa akin. Hindi naman daw tama ang mga sinabi ko kay Rosaleen dahil unang-una sa lahat ay hindi galing kay Rosaleen ang mga issue na naririnig ko.
Sinabi pa niya sa akin na sigurado siya na hindi si Rosaleen ang gagawa ng ganoong bagay dahil sobrang umiiwas ito sa gulo dahil pinahahalagahan niya ang trabaho niya at ayaw niya na masira ang tiwala ng mga boss sa kanya.
“Isa lang ang masasabi ko sa iyo, Euan. Ang gago mo!”