NATULALA sa narinig si Merisa. Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang maging reaksyon o kung ano ang dapat niyang sabihin. Hindi na niya namalayan ang paglayo sa kanya ni Seiji maging ang pagkuha nito ng damit na kanyang ipapasuot. Pati ang ginawang pagbihis nito ay hindi niya rin nakita. Tanging itim lang ang nakikita niya sa buong paligid niya.
"Mamahalin mo pa ba ang isang tulad ko kahit isa akong bampira?"
Biglang lumiwanag ang buong paligid niya kaya nakita niya ang kaharap. Napatitig siya sa mukha nito. Napakaguwapo talaga ni Seiji sa damit ng Kuya Markin niya. Kitang-kita ng dalawa niyang mata ang matingkad na kulay pula na mata nito. Pati ang pangil nito ay nakikita niya rin. Hindi naging kabawasan sa kaguwapuhan nito ang kulay ng dalawang mata pati ang pangil nito. Sa katunayan, mas nadagdagan ang pagiging Vampire looks nito. Pakiramdam niya ay si Edward Cullen ang nasa harapan niya. Naalala niya tuloy ang mga scene sa Twilight.
Bumuka ang kanyang bibig pero walang boses na lumabas. Para bang umatras ang dila niya. Napapikit siya ng mariin at huminga ng malalim. Kailangan niyang kumalma dahil sa puso niyang nagwawala. Kailangan niyang makapag-isip ng matino para masagot ang tanong ni Seiji. Kailangan niyang magsalita para masagot nito lahat ng katanungan na tumatakbo sa kanyang isipan.
Idinilat niya ang kanyang dalawang mata na agad niyang pinagsisihan. Mas lalong bumilis ang t***k ng kanyang puso. Para bang aatakihin siya sa puso dahil sa pagtitig sa kanya ni Seiji.
"Mukhang hindi mo ako tanggap. Naiintindihan ko." malungkot na sabi ni Seiji na napababa nang tingin.
Nang makita niya ang malungkot nitong mukha parang may kung ano na tumusok sa kanyang puso. Naguguluhan na siya sa kanyang nararamdaman. Naninibago siya sa kanyang puso.
"Nakakapagtaka talaga," sa wakas ay nakapagsalita na siya habang nakatingin lang kay Seiji na ilang pulgada ang layo sa kanya.
Nag-angat ito nang tingin at pinagmasdan lang siya. Parang nagtaasan ang balahibo niya sa katawan dahil sa pagpasada nang tingin nito sa kanya. Nagwala na naman ang kanyang puso kaya napahawak siya sa kanyang dibdib gamit ang dalawang kamay.
"Nakakapagtaka talaga," ulit niya. Nakita niya sa mukha ni Seiji ang pag-aalala na mabilis na lumapit sa kanya.
"Ayos ka lang ba? May masakit ba?" tanong nito sa kanya na humawak pa sa magkabilang balikat niya.
Napapikit si Merisa sa kakaibang kuryenteng dumaloy sa kanyang katawan nang hawakan siya nito. Pagdilat niya ay sinalubong siya ng mga mata nito. Kahit kulay dugo ito, hindi siya nakaramdam ng takot. Parang nakadagdag pa nga ito sa kaguwapuhan ng kaharap. Ang mga mata nito ay parang kumikinang-kinang sa kanyang paningin.
Nababasa mo ang inner voice ko di ba? Pero bakit mo pa ako tinatanong kung ayos lang ba ako? tanong niya sa isipan.
Hinintay niyang magsalita ito pero nanatiling nakatitig ito sa kanya. Para bang isa siyang libro na naka-sealed pa na pilit nitong binabasa ang laman.
"Di ba? Nakakabasa ka ng isip ng tao? Hindi mo ba nabasa ang gusto kong itanong sa'yo?" tanong niya na puno ng pagtataka.
Kumunot ang noo nito. "May pagkakataon na kaya kong mabasa ang nasa isip mo. Pero madalas ay hindi ko mabasa ito. Kaya kita tinatanong para malaman ko." seryoso nitong sagot sa kanya.
"Ha?" parang nabingi yata siya. "Kung ganoon hindi mo nababasa ang mga nasa isip ko ngayon?" tanong niya.
Tiningnan siya nito at tumango. Inilapit nito ang mukha sa kanya hanggang sa magka-level nalang sila.
"Gusto kong malaman lahat ng nasa isip mo pero bakit hindi ko magawa? Ikaw lang ang taong hindi ko mabasa ang nasa isip kahit gustuhin ko man," malungkot nitong saad na biglang pumikit.
Napalunok siya dahil sa ginawa nitong pagpikit lalo na nang mapatingin siya sa mapula nitong labi.
Oh, Lord anong klaseng tukso ito? Puwede bang magkasala ako? Kahit ngayon lang hayaan ninyo akong makapagnakaw. Makapagnakaw ng halik kay Seiji. sabi niya sa isip. Nang gagawa na siya ng move para nakawan ito ay bigla nalang ito nagmulat ng mata.
"Gusto kong malaman ang sagot mo. Kaya mo ba akong mahalin?" seryosong tanong nito.
Hindi siya tumingin sa mga mata nito. "Alam mo Seiji nagtataka talaga ako," pag-amin niya sa nararamdaman.
"Nagtataka saan?" tanong nito sa kanya.
"Alam ko kasing sa akin itong puso ko. Pero bakit ganoon? Sa akin nga ito pero sa'yo tumitibok." this time ay tumingin na siya sa mga mata nito.
Nakita niyang naguluhan ito sa sinabi niya. Kunsabagay, maging siya na may-ari ng puso ay naguguluhan sa nararamdaman nito. Napalabi nalang siya. Nakita niya na tila nahihirapan ito kaya bahagya itong tumayo ng tuwid. Kaya hanggang dibdib na naman siya nito.
"Kahit na hindi pa tayo matagal na magkakilala. Para bang ang isang araw sa akin ay linggo na sa dami ng nangyayari." sabi niya na ngumiti ng tipid.
Nakatitig lang ito sa kanya at nakikinig lang sa sinasabi niya. Huminga siya ng malalim para humugot ng lakas ng loob. Dahil nakakahiya itong sasabihin niya ngayon lalo na't babae siya.
"Kahit sino ka pa at kahit ano ka pa o kahit bampira ka pa na nauuhaw sa dugo." she pause. "Gusto kong malaman mo na mahal kita Seiji kahit kailan lang tayo nagkita. Sa pag-ibig naman di ba? Hindi sinusukat kung gaano kayo katagal na magkakilala. Dahil wala naman sinusukat na oras o araw ang love, tama ba ako?" natawa pa siya sa sinabi niya. "Nabasa ko lang sa libro na ang pag-ibig ay walang pinipiling tao, lugar at oras. Tulad ngayon, mahal kita at masaya ako na boyfriend kita kahit wala namang ligawan na naganap." napasimangot pa siya. Gusto niyang maranasan kung paano maligawan at maharana ng isang Seiji.
Nagitla siya nang hapitin siya nito at niyakap ng mahigpit. Para siyang papatayin nito---papatayin sa kilig.
"Gusto kong makilala mo ang parents ko para maikasal ka na sa akin." sabi nito habang yakap siya nito.
"K-kasal?" parang may bumara sa lalamunan niya.
Gusto niyang maranasan kung paano ligawan at haranahin tapos ang gusto ni Seiji ay makasal na sa kanya. Bigla siyang kinabahan dahil may nabasa siya sa libro na lahat ng bagay na mabilis nakuha ay mabilis din mawala. Parang 'di niya gustong mangyari iyon sa kanya o sa kanila ni Seiji.
"Para wala na talagang makakakuha sa'yo." sagot nito nang tingnan na siya.
"Pero gusto ko munang ma-experience kung paano ligawan at haranahin. Hindi ba puwedeng doon muna tayo magsimula?" suggestion niya.
Hindi naman sa ayaw niyang maikasal pero si Seiji ang first boyfriend niya.
"Bakit si Daddy hindi naman nanligaw kay Mom pero naging sila at ako ang naging bunga." sagot nito.
Napasimangot siya. "Sila 'yon at hindi tayo. Pangalan nila at pangalan natin magkaiba na. Love story pa kaya?" napanguso siya matapos sabihin iyon.
Tumango ito. "Si Daddy ang tao at si Mom ang bampira. Ikaw naman ang tao at ako naman ang bampira. Magkaiba nga." pagsang-ayon nito.
Ang Mom niya ang bampira at Daddy niya ang tao? Bakit lagi nalang sinasabi ni Seiji ang vampire thingy? Siguro mahilig siya sa vampire stories. naisip niya.
"Ipapakilala kita sa kanila." sabi ni Seiji na humawak sa kanang kamay niya.
Napasinghap siya nang makita ang buong paligid. Napailing siya at makailang ulit na pumikit pero walang nagbago sa nakita niya.
"Nasaan tayo?" naguguluhang tanong niya.
"Nasa bahay namin at nandito tayo kuwarto ko." sagot nito.
Nagpatangay lang siya sa paghila nito sa kanya papunta sa pinto.
"Paano tayo nakarating dito? Nasa kuwarto tayo ni Kuya Kin kanina, ah!" naguguluhang tanong niya.
"Bampira ako kaya madali sa akin na makapunta sa ibang lugar. Namana ko ang kakayahang ito kay Mom," sabi nito na binuksan na ang pinto.
"Ginamit mo rin ba ang kakayahan na 'yan kaya tayo napunta sa rooftop?" tanong niya nang makalabas na sila ng kuwarto nito.
"Oo, pero limitado lang ang paggamit nito dahil madali akong manghihina." sagot nito.
Hindi na siya nagtanong kay Seiji. Tiningnan niya lang ang nilalakaran nila.
"Kanina ka pa hinahanap ng Mom mo,"
May narinig siyang may baritonong boses na nasa harapan ni Seiji. Hindi niya makita ang mukha ng nagsalita dahil nasa likuran siya ni Seiji.
"Daddy I want you to meet my girlfriend. Marisa Rose Lee Llorca." pagkasabi ni Seiji non ay umalis ito sa harapan niya.
Nanlaki ang mga mata ni Marisa. Para bang nakakita siya ng artista na sikat sa South Korea. Napatingin siya kay Seiji na mukhang proud na proud sa kanya. Nahihiya siyang tumingin sa lalaking nasa harapan niya na tinawag na Daddy ni Seiji.
"Ah, eh, nice to meet you Kuya." nahihiyang sabi niya.
Tumawa ang lalaking kaharap na mabilis na nakalapit sa kanya. Tiningnan siya nito at parang gusto niyang maglaho.
"Don't call me Kuya, tawagin mo na lang akong Daddy tutal 'di ka na papakawalan ng anak ko," ngiting sabi nito.
"Daddy?" patanong pang tawag niya.
Tumawa na naman ito sa kanya. "Masyado ba akong guwapo para 'di magmukhang Daddy?" natatawa pang sabi ng kaharap.
"Daddy!" saway ni Seiji.
Ngayon niya lang napansin na pula rin ang mata ng Daddy ni Seiji. Singkit ang mata, matangos ang ilong at makapal ang kilay. May pangil din ito. Namana nga ni Seiji ang physical features ng Daddy nito. Pero sa kanyang paningin parang mas matanda lang ng tatlo o apat na taon ito sa kanya. Hindi niya maintindihan paano naging Daddy ito ni Seiji? Kung titingnan parang magkapatid lang ito.
"Seiji anak buti nakauwi ka na. Sehun tapos mo na bang basahin 'yung aklat na pinapabasa ko sa'yo?"
Biglang gumilid ang Daddy ni Seiji kaya nakita niya ang babaeng may maganda at mahabang buhok. Nang nasa harapan niya na ito ay nakita niya ang mapula nitong labi at kulay itim na mata.
"Reiku hindi ko pa tapos basahin. Nakakahilo magbasa at nakakadugo dahil ang lalim ng tagalog," sagot ng Daddy ni Seiji. Tumingin ito sa kanya at ngumiti. "Girlfriend ng anak natin," ngiting sabi nito.
Parang nanliit si Merisa nang makita ang Mom ni Seiji. Ngayon lang siya nakakita ng babaeng walang make-up pero sobrang ganda.
"Kung ganoon ikaw ang babaeng laging tumatawag sa anak ko? Ang babaeng pinuntahan niya habang nagsasanay kami noong nakaraan na bilog ang buwan?" sabi nito na humawak sa dalawang kamay niya. "Masaya akong makita at makilala ka." ngumiti pa ito sa kanya.