"NAGAGALAK akong makilala ka Merisa." nakangiting sabi ni Reiku na Mommy ni Seiji sa kanya.
Nasa isang kuwarto sila na may maraming libro. Parang isang malaking library ito. Pakiramdam ni Merisa ay nalibot niya na ang buong mundo dahil sa dami ng libro sa kanyang paligid.
"Si Seiji po?" pag-iiba niya ng usapan. Nakakaramdam siya ng pagkailang dahil sa taglay na ganda nito at malakas na karisma.
Parang nakakita siya ng reyna, reyna ng kagandahan. Nakakatawang isipin na iyon ang naiisip niya pero hindi niya mapigilan dahil tunay na maganda ito. Parang ang hirap nitong i-drawing dahil perpekto ang mukha nito ng walang bahid na kapintasan. Tunay na may pinagmanahan nga si Seiji.
"Mamaya ay makikita mo rin siya. Gusto lang kitang makausap ng masinsinan. Dahil ikaw ang kauna-unahang tao na pinaglalaanan niya ng kanyang atensyon," seryoso nitong tugon sa kanya.
"Sa totoo lang po talaga ay kailan ko lang siya nakilala. Nang iniligtas niya ako sa nambu-bully sa akin." nakayukong sabi niya. Parang hindi niya kayang mag-angat ng tingin upang salubungin ang tingin nito.
"Alam mo bang hindi nangangailam si Seiji sa mga ganyang bagay? Dahil wala siyang karapatan na makialam sa buhay ng isang mortal. Kaya nagulat ako nang malaman kong nangialam siya, hindi lang isang beses kundi dalawang beses na." anito sa kanya sa tonong tila natutuwa pero may bahid ng pag-aalala.
Naalala niya nang iniligtas siya ni Seiji mula sa boiled eggs at sa kamatis na gustong ibato sa kanya ng Crazy CHICKS. Nakaramdam siya ng hiya sa Mommy ni Seiji.
"Sorry po dahil hindi ako lumalaban sa mga nambu-bully sa akin. Kaya si Seiji ang nagtatanggol at promoprotekta sa akin." matapos niyang sabihin iyon ay nakagat niya ang ibaba niyang labi.
Kayang-kaya niyang lumaban pero ayaw niyang gamitin ito para makapanakit ng kapwa niya. Hindi naman kasi siya namulat sa karahasan. Dahil pinalaki siyang may takot sa Diyos at maging mapagpatawad sa mga taong nakakagawa sa kanya ng masama.
"Nararamdaman kong may mabuti kang puso at nakikita kong kayang-kaya mong ipagtanggol ang iyong sarili. Pero ayaw mong lumaban dahil ayaw mong makapanakit, hindi ba? Pero tandaan mo, minsan lang kayong mabubuhay kaya dapat pahalagahan mo ang iyong kaligtasan at sarili mo. Hindi ka katulad namin ni Seiji na walang kamatayan. Na kahit gawan pa kami ng masama ay hindi kami mamamatay kumpara sa tulad mong mortal na kay daling kitilin ang buhay."
Napaangat siya ng tingin at tulalang napatingin sa mukha nito. Kung si Seiji ay nage-english, si Reiku naman ay nagtatagalog. Hindi lang simpleng tagalog dahil malalim pa ang tagalog na gamit nito. Parang dinala tuloy siya sa sinaunang panahon.
Kung kanina ay dinala siya sa sinaunang panahon. Ngayon naman ay minumulat siya sa isang katotohanan. Sa katotohanang magkaiba sila ni Seiji. Nung una ay hindi siya naniniwala pero nang ipakita ni Reiku ang tunay nitong anyo na may matingkad na pulang mata at pangil na nakahandang sumipsip ng dugo ay doon na siya naniwala. Mas lalo na nung ipakita pa nito ang taglay nitong kapangyarihan. Hindi niya inakala na totoo ang sinasabi ni Seiji sa kanya, na isa itong bampira at darating ang oras na mauuhaw ito sa dugo ng tao.
"Ngayong alam mo na ang lihim ng pamilya namin. Nasa iyo na kung matatanggap mo ang anak kong si Seiji na maging parte ng buhay mo. O kung gusto mong habang maaga pa ay layuan mo na siya,"
Parang isang sampal ang narinig niya. Pakiramdam niya ay binuhusan siya ng isang baldeng tubig na nagyeyelo sa lamig.
"Kahit maging ano at sino man si Seiji ay matatanggap ko pa rin siya. Kahit na ilang araw pa lang kaming magkakilala ni Seiji ang laki ng impact niya sa buhay ko. Alam ko pong nakakatawa kung sasabihin kong mahal ko na siya. Parang napakaimposible hindi po ba? Pero hindi naman oras at araw ang nagdidikta kung sino ang mamahalin mo kundi ang puso mong makakaramdam ng pag-ibig sa isang tao---I mean sa mamahalin mo kahit bampira pa siya."
Hindi alam ni Merisa kung saan siya nakakuha ng lakas ng loob para masabi iyon. Naramdaman niyang may yumayakap sa kanya. Nagulat siya dahil si Reiku ito.
"Masaya akong nakatagpo ng tamang tao ang anak ko katulad ni Sehun na minahal ako sa kabila ng pagkakaiba namin. Bibigyan kita ng panahon na makapag-isip dahil gusto ni Seiji na maikasal ka sa kanya. Lagi kasing sinasabi sa kanya ni Sehun na kung may mahal siya pakasalan niya na para wala ng break up." natatawang sabi pa nito habang nakatingin ito sa mata niya matapos kumalas sa pagkakayakap sa kanya.
"MERISA!"
Napatigil sa pagbabalik-tanaw si Merisa ng marinig ang boses ni Eighene na kasabay niyang kumakain ngayon sa cafeteria. Kasama nito si Winchille Ann na tinutukoy nitong naging classmate ni Reiku---na sinasabi nitong nakikita sa kanya. Pero kung siya ang tatanungin ay wala pa siya sa kalingkingan ni Reiku.
Bago pa kasi siya lumabas ng kuwarto kung saan sila nag-usap ni Reiku ay natanong niya ito. Kung may nakilala ba siya at nailigtas na Eighene Klainie. Doon niya nalaman na si Reiku na Mommy ni Seiji at Reiku na tinutukoy ni Eighene ay iisa.
"Sorry kung medyo lutang ako, may naalala lang." nahihiya pa niyang sabi.
Ito pa naman ang unang beses na may nakasabay siyang kumain sa cafeteria. At ito rin ang unang beses na nagkaroon siya ng kaibigan sa Hanoka University. Hindi lang isa kundi dalawa pa ang naging kaibigan niya na kasabay niyang kumakain ngayon. Pero imbes na ini-enjoy niyang makakuwentuhan habang kumakain silang tatlo. Tila lumilipad ang isip niya. Nami-miss niya na si Seiji. Ilang araw rin kasi itong hindi nagpakita sa kanya. Ang huli nilang pagkikita ay nung ihatid siya nito sa kanyang bahay gamit ang magara nitong kotse.
"Boyfriend mo 'yon di ba?" nguso ni Eighene na kanyang sinundan.
"Anong ginagawa mo rito, Seiji?" gulat na gulat niyang tanong. Kanina lang ay nami-miss niya ito ngayon ay cool na cool itong naglalakad papalapit sa kinaroroonan niya.
Naiinis tuloy siya dahil pinagtitinginan si Seiji. Siguradong madaragdagan na naman ang magkakagusto rito. Mabuti nalang ay nagbigay ng parang threat si Seiji sa lahat. Kaya wala ng nambu-bully sa kanya at hindi na siya pinag-iinitan ng Crazy CHICKS. Pero pinapatay naman siya sa tingin ng mga ito.
Parang nadagdagan ang kaguwapuhan ni Seiji sa ilang araw nilang hindi pagkikita. Nagpapaguwapo kaya ito sa kanya?
"Gusto ko lang humingi ng papel sa'yo," sagot ni Seiji sa tanong niya.
Hindi man niya inaasahan ang sagot nito ay mabilis siyang sumagot.
"Ha? Papel? Anong papel? One whole? One fourth? One half crosswise? O one half lengthwise?" sunod-sunod na tanong ni Merisa.
Umupo si Seiji sa bakanteng upuan na nasa tabi niya. Ang dalawang kaibigan niya ay nasa kabilang upuan na nasa harapan lang niya. Parang nabingi siya sa katahimikan. Nakakapanibago na ang malapalengkeng cafeteria ay parang Library ngayon.
"Gusto kong humingi ng papel," tumingin si Seiji sa mata niya at hinawakan ang kaliwang pisngi niya gamit ang kanang palad nito. "Papel sa buhay mo Merisa." anito.
Nagwala ang puso niya. Hindi niya inakalang banat ito na nakakakilig talaga. Kulang nalang ay magpaikot-ikot na siya sa sahig.
"Ah, eh, ano," namula ang magkabilang pisngi niya at hindi makatingin kay Seiji. Nahihiya siyang ipakita ang nagmamansanas niyang pisngi.
Hinawakan ni Seiji ang kanang kamay niya nang mabitawan niya ang hawak na kutsara. Dahil sobrang lakas ng presensiya ni Seiji ay nate-tense siya. Daig pa niya ang sasabak sa interview sa kaba at the same time parang nasa roller coaster siya sa sobrang bilis ng t***k ng puso ko.
"Are you okay?" tanong sa kanya ni Seiji.
"Oo dahil nandito ka na," sagot niya sa mahinang tono.
"OMG! daig ko pa ang nanood ng romance movie sa nakikita ko sa inyo Merisa!" tili ni Eighene habang hinahampas-hampas si Winchille.
"Grabe ka naman Klainie, kinikilig ka na nga nananakit ka pa!" reklamo naman ni Winchille na sinasalag ang hampas ni Eighene.
"Na-miss mo ba ako?" tanong ni Seiji sa kanya.
"Sobra," sagot niya.
"Mas sobrang na-miss kita, kaya pinuntahan na kita rito." sagot nito na hinalikan pa ang kanyang buhok. "Merisa, hindi mo pa binibigay 'yung hinihingi kong papel." tila nagtatampo na sabi ni Seiji sa kanya.
Buong lakas siyang nag-angat ng tingin kay Seiji. Makailang ulit siyang napa-clear throat habang sinasalubong ang tingin nito.
"Papel na maging buhay ko, gusto mo ba?" wala sa sariling sabi niya.
Ngumiti si Seiji na nakakatunaw ng puso talaga. Parang natunaw ang buo niyang katawan mas lalo na nung halikan siya nito sa labi sa harap ng dalawang kaibigan niya at mga taong nasa paligid nila.