Chapter 4

2425 Words
Chapter 4: High level curse. "P-pinatay niya ang leader ng walang kahirap-hirap! Halimaw!" Bakas sa mukha ng isang rank 3 na nagsalita ang matinding takot habang humahakbang paatras. Kahit na kasama niya ang buong pwersa ng faction nila at may magiging malaking kabayaran sa faction ang pag-atras sa laban ay kinalimutan niya na ito. Kahit ang iba sa kanila ay ganoon din ang reaksyon. Ang iba pa nga ay bumagsak paupo sa sahig habang umaatras palayo. Nakita nila kung paanong bigla nalang sumulpot ang binata sa harap ng kanilang leader. At matapos gumalaw ang braso nito ay makikitang nabutas na ang likod ng kanilang leader habang may kamay na makikitang bumutas sa likod nito, sa kamay na iyon ay makikita ang isang rank 5 na mana core. Hindi lang siya biglaang sumulpot. Sa napaka ikling oras ay nagawa niyang hanapin ang lokasyon ng mana core ng kanilang leader, kakayahang hindi basta-basta magagawa ng iba ng hindi nagsasanay ng matindi. Maliban nalang kung malayo ang agwat ng lakas ng dalawang panig. "Pinatay niya ang leader ng Lion's Greed ng walang kahirap-hirap?" Matapos lumabas ng binata sa bar ay sumunod sa kanila ang ibang mga nasa loob ng bar para panoorin ang mangyayari. Dahil kahit nasa loob sila kanina ay nararamdaman nila ang malalakas na aurang pinapakawalan ng miyembro ng Lion's Greed. "Nasa panganib ang Lion's Greed ngayon. Halimaw ang binangga nila." Malakas din na wika ng kasama. Kahit na malakas ang Lion's Greed kung ikukumpara sa mga ordinaryong lungsod ay masasabi namang isa lang itong ordinaryong faction dito sa Danger City. Kaya rin sila nilamon ng pagkagahaman matapos malamang may isang tao na mukhang bago sa lungsod ang nakasuot ng rank 5 na armor ay dahil para sa kanila ay magiging malaking tulong ang pagkakaroon ng rank 5 na armor at espada kaya dinala nila ang buong pwersa laban sa dalawa. Ngunit dahil sa pagkagahaman ay imbis na madagdagan ang lakas, lalo lang silang humina dahil sa pagkawala ng kanilang pinaka malakas na miyembro, ang kanilang leader. Itinabi ni Zac sa storage space niya ang mana core ng pinatay niya. Kung alam lang nila na purong pisikal na lakas at bilis lang ang ginamit ni Zac ay siguradong mas matatakot pa sila sa nangyari. Lumuhod ang dalawang rank 5 na agad sinundan ng mga miyembrong nasa likod nila. "P-patawarin niyo po kami sa aming kahangalan! Pakiusap hayaan mo pa kaming mabuhay!" Sabay na pagmamakaawa ng kambal na rank 5. "Ganoon sila kabilis sumuko agad?" Tanong ni Zac sa sarili. Sa mundong ito ay malakas ang ginagalang at nagde-desisyon sa kinabukasan ng mahihina kaya naman normal lang ang naging akto ng dalawang rank 5. Kung hindi mo matatalo ang kalaban dahil sa taas ng agwat ng lakas ay ang magagawa mo lang ay lumuhod at magmakaawa hanggang sa maging dismayado ang kalaban na maisip niyang ni hindi kana karapat-dapat tapusin dahil walang halaga ang pagtapos sa isang walang kwentang tao, o kaya ay i-alok ng mga talunan ang mga kayamanang pag-aari nila na puwedeng ikatuwa ng malakas na kalaban hanggang sa makalimutan nito ang alitan tiyaka sila hahayaang mabuhay. "Kung hindi kayo makakapagbigay sa'kin ng kayamanan o gamit na kasing halaga ng buhay niyo ay tatapusin ko kayo." Malamig na wika ni Zac. Nang makita ng mga miyembro ng Lion's Greed ang mga mata niya ay nanginig sila sa takot, kilala nila ang mga taong may ganoong uri ng mga mata. Mga mata na hindi magdadalawang isip tumapos ng kahit na sino, lalo na sa mga kalaban nito. Naglabas ng mga kayamanan ang bawat isa sa kanila at tinanggap ito lahat ni Shi. Karamihan sa mga ito ay mga ginto na naipon nila, maraming pwedeng mabili sa ginto kaya naman malugod itong tinanggap nila Zac. Bawat kayamanan na pwede niyang makuha sa kanila ay kinuha niya. Naka-ipon sila ng halos tatlong daang libong gold coins at kahit ang mga healing potion, invisible potion at iba pang potion na hindi tataas sa rank 5 ay kinuha nila. Masasabing piniga nila ang lahat ng kayamanan ng mga rank 3 at rank 4 na nasa likod ng dalawang rank 5. Nang makita kung paano piniga nila Zac ang kayamanan ng mga kasama nila ay nakaramdam ng kaba ang dalawa. Inuna nilang kolektahin ang mga kayamanan ng mga nasa likod. Iniwan muna nila ang dalawang rank 5 para maihanda na nila ang kanilang mga ia-alok na kayamanan. "Oo nga pala. Ang storage space ng leader nila." Naalala ni Zac ang tinapos niyang Leader. Kita palang sa bawat kilos nito na siya ang pinuno kaya siguradong malaki ang halaga ng mga gamit nitong nakatabi sa storage space niya. Hinalungkat ni Zac ang katawan ng bangkay at wala naman na siyang nakitang mahalagang gamit. Makalipas ang halos limang minutong panghahalungkat ay nagtungo na siya sa daliri nito at nakita ang dalawang storage space na singsing. Nang tignan ni Zac ang laman nito ay napawika nalang siya. "Napakarami ng naitabi niyang mga gamit." Sa isang singsing ay nakita niya ang isang set ng rank 5 early grade na armor at isang rank 5 early grade na dagger. Ang isang singsing naman ay naglalaman ng siyam na rank 5 healing potion at gabundok na mga gold coins. Kung huhulaan ang bilang ay siguradong nasa limang daang libong gold coins ito lahat-lahat. "Kayo, ano ang maiaalok niya para sa kalayaan ng inyong buhay?" Tanong ni Zac sa kambal. "Wala man kaming maiaalok na armor pero may isang bagay kami na mas mahalaga rito." Wika ng isa sa kambal at naglabas ng isang maliit na boteng may pulang tubig sa loob. Ito ay healing potion at nang makita ito ni Zac ay nagulat siya. Ngayon lang siya nakakita ng ganitong kalidad ng potion at nararamdaman niyang mas maganda ang kalidad nito kumpara sa rank 5 healing potion. "Rank 6 healing potion!" Gulat na sabi ng isa sa mga manonood na nanggaling sa bar. "Hindi ba sabi nila na dalawa na ang buhay mo kapag may rank 6 healing potion ka? Saan nila nakuha ang potion na iyan?" Sabi pa ng isa at bakas sa mukha nito ang matinding pagkainggit. Ang potion na ito ay sobrang mahirap hanapin kahit na dito sa buong Danger City. Lahat ng naninirahan dito ay mga takas na kriminal at halos lahat ay mga adventurer at bandido. Mataas ang prestige ng ng mga Alchemist kaya madalang sa kanila ang mga nagiging kriminal kaya walang Alchemist sa Danger City, kaya naman mahirap ang pag-produce ng mga potion dito at umaasa lang ang Danger City sa pakikipag kalakalan sa mga merchant o tindahan ng ibang lungsod. "Kahit dito sa buong Danger City ay wala kang makikitang nagmamay-ari ng rank 6 na healing potion. Sapat naman na siguro ito para sa buhay namin, 'di ba Ginoo?" Kinakabahang tanong ng naglabas ng potion. Kahit kasi nakita na ni Zac ang potion ay parang hindi ito ganoon natuwa na ikinabahala niya. Kahit ang mga rank 6 kapag inalok nito ay labis na matutuwa, kaya bakit parang wala lang ito sa kaniya? 'Kahit umulit kami sa simula ay mabilis din kaming makakabangon kapag nakuha na namin lahat ng mga kayamanan sa lugar na iyon.' isip ng kalbo. Kahit na i-sakripisyo nila ang lahat ng meron sila ngayon ay ayos lang sa kanila ito dahil sa isang lugar na dating napuntahan nila. Lumapit si Zac at kinuha ang potion sa kamay ng kalbo. Nang kuhanin ito ng binata ay napabuntong ng hinga ang kalbo. Habang sinusuri ni Zac ang potion ay nagsalita ito, "Kung ganoon nga ito kahalaga gaya ng sinasabi mo ay saan niyo naman nakuha ang potion na ito?" Nang marinig ng kambal ang tanong ni Zac ay nanginig ang buong katawan nila sa kaba. Kahit ang pinaka leader nila ay walang alam sa sikretong pinoprotektahan nila. "N-nabili namin iyan sa isang Alchemist sa lungsod ng Greyoga." Balisang sagot ng kalbo. "Tama! Ginugol namin ang lahat ng naipon namin ilang taon na ang nakalipas para sa rank 6 potion na ito. Para mapagaling sana dati sa malubhang sakit ang nakababata naming kapatid. Pero noong naging sapat na ang ginto namin at bumili ng Potion sa Greyoga ay doon naman binawian ng buhay ang aming kapatid. Kaya naiwan sa amin ang Potion na ilang taon naming pinaghirapan." Malungkot na paliwanag ng isa pang kalbo at medyo namumula pa ang kaniyang mga mata na wari'y maiiyak siya nang maalala ang karumal-dumal na sinapit ng nakababata nilang kapatid dati. Napakagaling ng paliwanag nito na siguradong kapag naging scammer sila ay marami silang mabibiktimang tao. Ngunit ang nasa harap nila ay binata na magaling magbasa ng tao, kaya kahit na sila pa ay isang artistang napaka galing umarte o bihasang scammer, hinding-hindi nila maloloko ang binata. 'May pinoprotektahan silang mahalagang bagay.' isip ni Zac nang makitang handang magsinungaling ang dalawa kahit na nasa bingit na sila ng kamatayan. Ano itong bagay na pinoprotektahan nila na kahit umabot sa puntong pwede silang mamatay kapag nahuli sila? Sinakal ni Zac paitaas ang kalbong nag-abot ng potion. "Binigyan ko kayo ng pagkakataon." Wika ni Zac at binutas niya ang ang tiyan ng lalaki gamit ang mga kuko ng daliri niya. Nang hugutin niya ang kamay ay makikita sa pagitan ng mga daliri ang isang mana core. Itinabi ito ni Zac sa storage space niya bago ibinagsak sa sahig ang bangkay ng lalaki. Nang makita sa harap ang kakambal na tinapos ng ganoon lang ay napaatras siya sa takot at tumingin sa binata na para itong isang halimaw. Iginalaw ni Zac ang kanang kamay niya at sasakalin na sana ang natirang pinunong kalbo ng bigla itong magsalita dahil sa pagkadesperado. "Aaminin ko na ang totoo. Kaya pakiusap hayaan mo akong mabuhay!" Nakapikit sa takot ang lalaki nang magsalita siya. Kahit na nakamulat ang mga mata niya at nakikita ang kalaban ay anong silbi nito? Sa huli ay wala rin siyang magagawa kahit na subukan niyang lumaban, kaya hinayaan niya nalang na ang binata ang magdedesisyon sa kaniyang tadhana. "Magsalita ka." Utos ni Zac. "Mas maigi kung mag-uusap tayo sa isang pribado at ligtas na lugar." Suhestiyon ng lalaki at pinagmasdan ang mga manonood sa paligid. "Sumunod ka saamin. Pakawalan lang kita kapag napagusapan na natin ang pinanggalingan ng rank 6 potion ninyo. Kapag sinubukan mo ulit akong lokohin ay hindi na kita bibigyan pa ng isa pang pagkakataon." Pagbabanta ni Zac. Nanginig lalo sa takot ang lalaki ng marinig niya ang mga huling katagang binitawan ng binata. Kahit na nasa panganib siya dati sa pakikipaglaban ay hindi pa siya nakaramdam ng ganito katinding takot. Nalaman niya sa puso niyang may mga tao na hindi talaga niya pwedeng lokohin. Dahil ito ang maaaring tumapos sa mga nalalabi niyang oras sa mundong ito. "Sa ngayon dalin mo muna kami sa sikat na matandang manggagamot." Utos ni Zac sa lalaki. "Masusunod." Ang isa sa mga pinuno ng faction ay parang isang tauhan na agad sumunod sa ipinaguutos ng kaniyang amo. .... Sa isang lublob na lugar at walang mga gusaling nakatayo sa paligid ay may maliit na bahay ang gawa sa kahoy. Sa tapat nito ay may maliit na kahoy na may mga katagang nakasulat na "Matandang manggagamot." Lumakad ang tatlo papunta sa bahay kasama ang isa sa mga dating pinuno ng faction na nagngangalang Leyo. Siya ang bunso sa tatlong magkakapatid at siya rin ang pinaka mahina sa kanila, kaya sa oras na namatay ang mga kapatid ay wala na siyang lakas ng loob para magrebelde at lumaban kay Zac. Kumatok si Zac ng tatlong beses bago binuksan ang pinto at pumasok. Pagpasok niya ay may ilang mahahabang lamesa ang makikita sa paligid at sa bawat lamesa na ito ay may mga boteng naglalaman ng maliliit na hayop gaya ng daga. "Maligayang pagdating. Nais niyo bang magpagamot?" Sumulpot ang matandang babae na may mahabang puro puting buhok na aabot sa bewang. Kulubot na ang mukha nito at marami rin siyang tagyawat sa mukha. Mukhang nasa edad animnapu pataas na ang matanda. "Gusto ko sanang ipatingin ang aking kaibigan dito." Sagot ni Zac at lumingon para senyasan si Shi na ilapit sa matanda ang walang malay na si Kaito. "Ihiga niyo dito ang binata." Wika ng matanda at nagtungo sa gilid kung saan may kamang gawa sa kahoy. Nakahanda na ang kama na ito para sa mga pasiyente niyang nagpapagamot. Nang maihiga na sa kama si Kaito ay hinubad ng matandang babae ang suot nitong damit. Idinikit ng matanda ang palad niya sa dibdib ni Zac at nagliwanag ito ng kaunti. Makalipas ang ilang sandali ay may mga butil ng pawis ang namumuo sa noo ng matanda at bawat paghinga niya ay lumalim ng kaunti. "Imposible! Bakit siya isinumpa ng ganito kataas na uri ng sumpa?" Napahinto ang matanda at napatingin sa grupo ni Zac. Ang sumpa na natuklasan niya sa katawan ni Kaito ay isang napakataas na uri ng sumpa. Ang isa sa tatlong pinaka makapangyarihang organisasyon sa buong Miraven Kingdom lang ang alam niyang makakagawa ng ganito kalalang sumpa. "Bata, sino ang ginalit niyo sa Capital na umabot pa sa puntong ginamitan nila ng high level na sumpa ang kaibigan mo?" Tanong niya sa binata. "Ang Goodman family. May naka-alitan ako sa isang miyembro nila." Ani ng binata. "Goodman family? Hahaha! Iba ka!" Umukit ang pagkamangha sa mukha ng matandang manggagamot matapos marinig ang sagot ni Zac. "Ano naman pala ang gagawin mo ngayong sinumpa nila ang kaibigan mo?" Dagdag pa nito. Nang makita ni Zac ang natutuwang reaksyon ng matandang manggagamot ay bigla siyang napaisip. Siguro ay hindi rin maganda ang relasyon nito sa mga Goodman. "Tatapusin ko sila." At kumalat sa buong bahay ang pagkahayok sa dugo ng binata. Natahimik ang matanda ng maramdaman niya ito. Pakiramdam niya ay hindi tao ang nasa harap, bagkus ay isa itong mabangis na halimaw na makikita sa mga kagubatan. "Oh! Pasensiya na. Hindi ko talaga makontrol ang sarili ko tuwing naaalala ko ang ginawa nila sa'min." Napayuko ang binata na tila pinipilit nitong ikalma ang sarili. "Imposibleng makapaghiganti ka sa mga Goodman. Isa sa mga leader ng Noble faction ang mga Goodman, at ang Noble faction ay kabilang sa tatlong pinakamalakas na organisasyon sa buong Miraven Kingdom. Kahit sa  Royal Clan ay malaking banta ang faction na ito." Wika ng matandang manggagamot. "Tatlong pinaka malakas na organisasyon sa buong Miraven Kingdom? Ano ang pangatlo?" Tanong ni Zac. Kung ang Noble Faction ay isa sa mga ito. Siguradong kasama sa tatlo ang Royal Clan na may proteksyon ng kanilang malakas na Hari. "Ang pangatlong organisasyon ay ang nag-iisang grupo na posibleng makatulong sa'yo para makamit mo ang iyong paghihiganti."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD