Chapter 30

1698 Words
Monica’s Point of View SA DINAMI-DAMING tao na dapat kong ma-encounter ngayon ay bakit si Kent pa. Nakakapagtaka lang kung bakit lagi ko siyang nakikita ngayon. Bakit niya ako pinasakay sa sasakyan niya? Bakit niya ako pinahiram ng jacket niya? Ang daming katanungan na pumapasok sa isipan ko. Hindi ko iyon maisagot. Hindi ko iyon maipaliwanag. Bakit parang biglang nagkaroon kami ng closure ni Kent out of nowhere? Sabi ko nga, hindi ko alam. Sinubukan kong gisingin ang sarili ko kung nananaginip ba ako, pero hindi eh. Totoong-totoo na nangyayari ito. Habang bumibiyahe ang sasakyan, sobrang tahimik naming dalawa sa likod. Walang nagsasalita, walang nag-iimikan. Mas niyakap ko pa ang sarili ko gamit ang dalawang braso ko dahil sa lamig. Kahit na nakatakip na sa katawan ko ang jacket na pinahiram niya sa akin, nakakaramdam pa rin ako ng ginaw dahil sa lakas ng air con ng sasakyan niya. Maya-maya, sinubukan kong nakawin siya ng pansin. Nakamasid lang siya sa bintana. Mukhang ang lalim yata ng iniisip niya dahil na rin sa hitsura ng kanyang mukha. Mabilis akong nag-alis ng tingin nang tumingin siya sa akin. Hindi ko na nakita pa ang mukha niya. Pero ibinalik ko naman iyon nang maramdaman kong hindi na siya nakatingin sa akin. Balik na naman sa dati ang postura niya. Napaka-awkward talaga ng sitwasyong ito. Kanina lang ay kaharap ko pa siya sa interview roon sa office niya, ngayon naman ay katabi ko na siya rito sa loob ng sasakyan niya. Napakasakim talaga ng tadhana. Bakit lagi kaming pinagtatagpo ng lalaking ito? But in fairness, ang sweet ng lalaking ito sa puntong pinahiram niya ako ng jacket niya. Kahit nakakahiya ay tinanggap ko na lang kasi baka mamatay pa ako sa ginaw. Hindi na rin ako magpapaka-choosy, ’no? Naputol ang pag-iisip ko nang biglang magsalita si Kent. Naibaling ko muli ang tingin sa kanya. This time, nakatingin na ulit siya sa akin. Wala pa ring kabuhay-buhay ang mukha niya ng mga sandaling iyon. “Saan ka nga pala nakatira?” “Ahm… n-nagbo-boarding house lang ako,” sagot ko. Sinabi ko na rin sa kanya ang complete address ng boarding house na tinutuluyan ko at narinig ko na lang na inutusan niya ang kanyang driver na pumunta roon para ihatid ako. Pagkatapos no’n, hindi na siya umimik pa. Bumalik na naman siya sa pagiging tahimik niya. Hindi ko na lang siya pinansin, at makalipas ang ilang minuto ay nakarating na rin kami sa boarding house ko. Sakto naman ang pagtila ng ulan. “So this is where you live?” tanong pa niya sa akin habang nakatingin siya roon sa boarding house. Nasa loob pa kami ng sasakyan. “Oo. Ahm, salamat po pala sa paghatid, Sir Kent,” ani ko habang nakangiti sa kanya. Tumingin naman siya sa akin. “No worries,” sagot naman niya. “Ah, siya nga po pala.” Hinubad ko ’yong jacket niya at saka ko ito ibinigay. “Salamat po pala sa pagpapahiram nito. Isasauli ko na po sa iyo.” Kumaway siya. “No. Just keep it. Baka kailangan mo iyan.” “Pero—” “I said keep it. Marami akong ganyan sa bahay. You don’t have to worry,” putol pa niya sa sasabihin ko. Totoo ba talaga ang sinasabi niya? “Ahm, lalabhan ko na lang po ito saka ko po ito ibabalik sa iyo,” makulit ko pang tugon dahil baka nagbibiro lang siya sa akin na ibinibigay na niya ang jacket niya. “Bahala ka,” tipid na sagot niya at saka siya napasandal sa kanyang kinauupuan. Muli akong nagpaalam kay Kent na bababa na. Nang makababa ako, muli kong kinatok ang salamin ng bintana ng sasakyan niya. Bumaba iyon at nakita ko muli ang walang kabuhay-buhay na hitsura ng kanyang mukha. “What?” tanong pa niya sa akin. “Salamat po ulit sa paghatid. Promise po, ibabalik ko po itong jacket niyo kapag natapos ko na pong labhan.” ’Wag naman sana siyang makulitan sa akin. Pabalik-balik ako sa sinasabi ko, eh. “Ikaw bahala,” iyon na lamang ang sinabi niya at saka niya isinara ang bintana ng sasakyan. Pagkatapos no’n, umandar na ang kotse at umalis na sila sa lugar na kinatatayuan ko. Ewan ko kung ano’ng klaseng saya ang nararamdaman ko sa ngayon. Basta masaya ako kasi nakasama ko si Kent kahit na sa maikling oras man lang. Sinubukan ko pang amuyin ang jacket niya. Ang bango! Sobrang tapang ng amoy ng cologne na ginamit niya pero nakakaadik din naman kung aamoy-amoyin ng matagal. Kung ’wag ko na lang kaya ito labhan at isauli sa kanya? Sabi rin naman niya na akin na lang daw at baka magamit ko pa. Pero hindi puwede. Nakakahiya, eh. Kaya isasauli ko ito. Napabuntong-hininga na lang ako bago ko napagdesisyunan na pumasok na sa loob. Pero hindi pa ako nakakapasok sa gate nang biglang may tumawag sa akin. Si John. “Monica!” Nang tingnan ko siya, doon ko nakita ang pagkakunot ng noo niya dahil sa galit. Hindi ma-drawing ang mukha niya sa inis. May dala-dala pa siyang payong sa kamay niya. “John!? Kanina ka pa ba riyan?” nasabi ko na lang habang papalapit siya sa akin. John’s Point of View “JOHN!? Kanina ka pa ba riyan?” narinig kong tanong ni Monica sa akin habang papalapit ako sa kinatatayuan niya. “Oo. Kanina pa. Mag-usap tayo,” sabi ko. Nakapamewang pa ako habang kaharap siya. Kasagsagan ng alas onse kaninang umaga ay walang tigil ang ulan. Bigla kong naalala si Monica kasi baka walang payong na dala iyon. Hindi ko naman siya matawagan dahil nasa kanya ang cell phone ko. Ipapaalam ko lang sana sa kanya na nasa akin ’yong payong niya. Gusto ko sana siyang sunduin pero huli na ako kasi nakita kong may naghatid sa kanya sa boarding house. Isang kotse na hindi ko kilala kung sino ang sakay. Bigla akong nagtago sa isang poste upang tingnan ang nangyayari kanina. Mukhang masaya pa yata si Monica nang makababa siya sa kotseng iyon. Sino naman ang naghatid sa kanya? Pero hindi ko na kailangang alamin kung sino ’yong naghatid sa kanya. Dahil sa hitsura pa lang ng kotse, kilala ko na kung sino ang kasama ni Monica sa loob niyon. ’Yong chinoy na Kent. Siya ang kasama niya! Nakakainis siya. Bakit magkasama sila? Bakit hinatid siya ng chinoy na Kent na ’yon!? “Bakit? Ano ang pag-uusapan natin?” tanong pa niya sa akin. Napatingin siya sa hawak kong payong at namukhaan naman niyang sa kanya iyon. “Nasa sa iyo pala iyan. Akala ko naiwan ko sa boarding house.” “Oh, ngayon nakalimot ka na matapos mong sumakay sa sasakyang humatid sa iyo,” may pagtatampo kong sabi kay Monica. Napansin ko na naguguluhan na siya sa sinasabi ko. Pero alam ko na alam niya ang ibig kong sabihin kaya napairap siya sa akin pagkatapos. “Eto na naman ba tayo, John? Mag-aaway na naman ba tayo dahil sa pagseselos mo?” “Hindi ako nagseselos!” inis kong sigaw. “Talaga ba!? Eh, bakit ganyan ka maka-react? Bakit mo ako sinisigawan? Nababaliw ka na ba!? Wala naman akong kasalanan sa iyo, ah. Ano bang problema mo?” napasigaw na siya sa akin kaya mas umusbong ang init ko sa tono ng boses niya. Pinakalma ko muna ang sarili ko bago ako nagsalita muli. “Sino ’yong naghatid sa iyo?” mahinahon kong tugon matapos ang ilang segundong pananahimik ko. “Sino!? Sumagot ka!” sabi ko pa nang hindi ko marinig ang sagot niya sa tanong ko. “Oo na! Sasagot na! Si Kent ang kasama ko! Si Kent ang naghatid sa akin! Oh, ano? Masaya ka na? Nasagot ko na ang tanong mo! Naging malinaw na ang sagot ko sa iyo?” hindi na rin napigilan ni Monica ang bugso ng pagka-inis niya sa akin kaya napasigaw na rin siya. “Bakit kasama mo iyon, ha!? Akala ko ba pupunta ka sa interview!” “Hoy, John! Mas lalong tumatagal ang usapang ito, mas dumudumi ang utak mo. Eh, malay ko ba na ang manager at may-ari ng juice bar na iyon ay si Kent. Siya ang nag-interview sa akin. Siya rin ang naghatid sa akin dito kasi aksidenteng nakita niya akong na-stranded sa ulanan no’ng papauwi na sana ako. Wala namang malisya ro’n, ’di ba?” Hindi tuloy ako nakasagot sa sinabi niya kasi totoo nga namang walang malisya ’yong paghatid sa kanya ng chinoy na ’yon. Pero ayoko pa rin ’yong may naghahatid sa kanya ng ibang tao. Baka mapaano pa siya. “Kahit na. Sa susunod, ’wag kang sasakay sa mga sasakyan na nagsasabing ihahatid ka. Iba ang mga tao rito sa siyudad, Monica. Hindi katulad doon sa probinsyang kinalakihan natin. Lalo na’t babae ka. Dapat nag-iingat ka,” “Sobra ka naman kung maka-protekta sa akin. Kaya ko ang sarili ko, John. Ilang ulit ko bang sasabihin sa iyo iyan? Saka wala ka naman sigurong karapatan na pagalitan ako dahil lang sa hinayaan ko ang sarili ko na ihatid ng taong hindi ko kilala. Kaibigan lang kita, hindi kita boyfriend. At sa tono pa lang ng boses mo ay nagseselos ka. Wala ka rin karapatang magselos dahil walang tayo… kung iyan ang iniisip mo,” sagot niya sa akin, saka niya kinuha ang payong na dala ko. “Makapasok na nga. Umiinit ang ulo ko sa iyo.” Sa pangalawang pagkakataon, hindi na nga ako nakapagsalita pa sa sinabi niya. Natameme ako. ’Tapos parang natauhan ako. Tama nga naman siya. Sino ba naman ako para pagsermonan siya sa bagay na dapat niyang alalahanin para hindi siya mapahamak? Kaibigan niya lang ako. Kababata. Wala rin kong karapatan na magselos. Kasi hindi naman niya ako nobyo. Eh, ’di ibig sabihin niyan ay nagseselos nga ako? Ha? Hindi ko alam. Baka? Ang gulo ko rin minsan, ’no! Ang totoo talaga niyan ay pinoprotektahan ko lang siya. Masama ba iyon? Ayokong dumating sa punto na may mangyaring masama sa kanya, lalo na’t nandito kami ngayon nakatira sa siyudad. Wala na ba talaga akong karapatan na protektahan siya kahit kaibigan lang ang posisyon ko sa buhay niya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD