Chapter 25

2705 Words
John’s Point of View ALAS SINGKO na ng hapon nang sabay kaming umuwi ni Monica galing SJU. Pagod na pagod kami ng hapong iyon. Pero kahit na pagod ako, masaya naman ako kasi kasama ko ulit siya. “Una na ako,” paalam ni Monica sa akin nang nasa tapat na kami ng boarding house niya. Nginitian ko lang siya’t tumango ng ulo. “Sabay tayo kakain mamaya?” tanong ko pa bago siya makapasok sa gate. Umaktong nag-isip muna siya bago sumagot. “May pagkain ka naman sa boarding house niyo, ’di ba? Siguro hindi na lang muna kasi napagod ako kanina, eh,” matamlay niyang sagot dahil sa kapaguran. Naiintindihan ko naman siya kaya hindi ko na siya pinilit pa. Sa hitsura pa lang niya ay pagod na pagod na siya. Kaya hinayaan ko na lang ang desisyon niyang iyon. “Okay, sige. Bukas ulit? Sabay tayo pumasok?” nasabi ko na lang na ikinangiti naman ni Monica ng tipid. “Sige. Bye.” “Bye.” Hinayaan ko ang sarili ko na tingnan siya na pumasok doon sa boarding house niya bago ako umalis sa lugar na iyon. Gusto ko sana na magkasama ulit kaming dalawa na kumain mamaya pero hindi ko naman siya mapipilit dahil pagod siya. Nang mawala si Monica sa paningin ko, kaagad akong napalingon sa itaas at nagulat ako nang makita ko ang roommate ni Monica na si Chepai na nakangiti habang nakadungay roon sa malaking bintana. Kinawayan pa niya ako at nakapang-aasar na ngiti ang ibinigay niya sa akin pagkatapos. Mukhang kanina pa siya nakamasid sa amin, hindi ko lang nakita. Grabe pa naman kung makapang-asar ito sa amin ni Monica. Wala na lang din akong ginawa roon kundi umalis na upang makauwi na sa tinutuluyang kong boarding house. ’Pagdating ko roon, at pagkapasok ko pa lang sa kuwarto, nadatnan ko na kaagad ang roommate ko na si Dino—isang 3rd year senior college na kumukuha ng Computer Science na kurso. Siya ’yong naging unang kaibigan ko rito sa boarding house. Payat ito at matangkad. Matangos ang ilong at maitim ang barber cut nitong buhok. Simple lang itong manamit katulad ko. Sa sobrang payat nito, kulang na lang ay liparin ito ng hangin. Napansin ko na busy siya roon sa study table niya habang nakatutok ang mga mata niya sa kanyang laptop. “Musta ang first day?” tanong niya sa akin na hindi man lang niya nililingon ang kanyang ulo sa ’kin. Ako naman ay dumaretso roon sa higaan ko at doon ko inilagay ang bag kong kanina ko pa dala-dala. Hinubad ko ang suot kong damit upang makapagpalit. “Ayos lang. Nakakapagod.” “’Yon na ’yon? Wala ka bang chicks na naging kaibigan man lang?” pang-aasar pa niya sa akin. Binalingan niya ako at binigyan niya ako ng ngisi. Natawa ako sa sinabi niya at mahinang sinuntok siya sa braso. “Sira. Wala ’no. Hindi ako katulad mo na babaero.” Tawa lamang ang tugon niya sa sinabi ko. “Talaga lang, ah. Ang hina mo pala, ’Pre. No’ng freshmen pa ako, ang dami kong nakilalang chicks. Kung ’di ako naging friendly noon, baka hindi ko makikilala ang girlfriend ko ngayon.” Mahinang tumawa ulit ako at nagpatuloy sa pagbihis ng damit. Pumunta ako roon sa malaking cabinet na gawa sa kahoy at kumuha ng tshirt na kulay maroon, saka ko ito isinuot pagkatapos. May girlfriend si Dino. Katulad niya ay 3rd year college na rin. Education ang kinukuha nito. Hindi ko lang alam ang pangalan dahil hindi pa naman niya naibabanggit sa akin kung ano ang pangalan ng girlfriend niya. Magti-three years na raw sila nito dahil naging sila noong 1st year college pa sila. Lumapit ako sa kanya at tiningnan ang ginagawa niya. May tinatype siya roon sa keyboard niya na mga code. Hindi ko maintindihan kung ano iyon. Sabi niya noon ay programming daw iyon. “Ano ’yan?” curious kong tanong sa kanya habang nakatingin doon sa laptop ni Dino. Napatingin muna siya sa akin at saka muling ibinaling ang tingin sa laptop upang ipagpatuloy ang ginagawa. “Ah, eto. Wala. Surprise gift ko para kay Jamaica,” saad niya. Doon ko na nalaman ang pangalan ng girlfriend niya. “Jamaica?” Tumango siya. “Oo. Girlfriend ko, Pre. Ginagawan ko siya ng espesyal na laro na siya lang mismo ang makakalaro. Gusto ko kasi na maging masaya siya sa 4th anniversary namin next week kaya pinaghahandaan ko ’to,” pag-amin niya. Patango-tango lang naman ako na nasa likuran niya dahil—oo—inaamin ko na mapapa-sana all na talaga ako sa ginagawa niya. “Ganun ba, Pre.” Naging interested ako sa bagay na iyon. Pagkatapos ay may biglang akong naisip na ideya. Magpagawa rin kaya ako ng laro kay Dino na para rin kay Monica? At saka doon ko na lang sabihin sa laro na gusto ko siya. Alam kong nahihibang na ako. Masyado na akong tanga sa ginagawa ko. Saka imposible rin na mangyari ang iniisip ko kasi sa nakikita ko sa ginagawa ni Dino ay mukhang mahirap ’yong ginagawa niya. Kaya hindi na lang. “Bakit, Pre? Magpapagawa ka?” biglang tanong sa akin ni Dino nang umalis ako sa puwesto ko. Pero napalingon ako nang magtanong siya. Pero ’yon nga, nagdadalawang-isip pa ako kasi baka hindi gumana ’yong ideya kong iyon para sabihin kay Monica na gusto ko siya. Ang sa akin lang ay ’yong masabi ko lang sa kanya iyong totoo kong nararamdaman na hindi harapan. Kasi kung aamin ako kay Monica ng personal, baka unahan na ako ng pagkatorpe ko. Ayokong mangyari ’yon. Kaya ’wag na lang talaga. “Hindi,” sagot ko na lang at saka ako humakbang para makalabas ng kuwarto. Pero muli akong natigilan nang magsalita ulit si Dino sa akin. “Puwede ka naman magpagawa sa akin, ’Pre, para do’n sa chicks mong kasama noong nakaraang araw. Girlfriend mo ’yon?” Ha? Hindi ko siya maintindihan. “Ano’ng chicks ang sinasabi mo?” “Naku! Makakalimutan ka masyado. Hindi mo ba girlfriend ’yong babaeng kasama mo doon sa kubo noon? Kasabay mo pa nga siyang kumain, eh.” Sa puntong iyon, alam ko na kung sino ang tinutukoy ni Dino. Si Monica, wala ng iba. “Ahh. Hindi ko ’yon girlfriend, Pre. Kababata ko ’yon,” sagot ko na lang na para bang hindi ko matanggap sa sarili ko na kababata ko lang si Monica at hindi girlfriend. Kung puwede sana. Dito na kuryusadong napalingon si Dino sa akin habang nakangisi siya ng nakakaloko. “Kababata ba talaga? Eh, no’ng nakita kita na kasama mo siya, iba ang ngiti mo habang kausap siya.” Hindi ako sumagot kasi mabilis kong inalis ang tingin ko sa ibang direksyon dahil sa tingin niya sa akin na hindi ko na matiis tingnan. Naiilang ako dahil totoo ’yong sabi niya sa akin. Masyado lang talaga na halata ako sa ikinikilos ko. “Ano ba kasi ang gustong mong palabasin? Na may gusto ako sa kababata ko?” nasabi ko na lang kay Dino. Hindi tuloy ako mapakali sa kinatatayuan ko kasi feeling ko nasa hot seat ako. “Kahit hindi mo sabihin sa akin, sa galaw mo pa lang, alam kong may gusto ka sa kababata mo,” sagot ni Dino. Napalingon na ako sa kanya at nakita ko na pailing-iling siyang ibinaling ang sarili sa laptop na kaharap. Ano pa nga ba ang magagawa ko? Mukhang alam na ni Dino ang lahat kahit hindi ko pa sinasabi sa kanya. May lahi ba ’to na manghuhula? Wala na rin akong nagawa kundi bumalik doon sa higaan ko at doon ako umupo. Nakapagdesisyon ako na aminin na lang kay Dino ang totoo. Baka may maipapayo siya sa akin pagkatapos. “Halata na ba, Pre?” tanong ko sa kanya. Tumango naman siya bilang sagot. “Oo. Halata na. Bakit hindi mo pa girlfriend, Pre?” “Torpe ako, eh. Hindi ko maamin-amin sa kanya.” “Ang hina mo talaga, Pre. Kailan pa ’yan?” pang-aasar pa niya sa akin na ikinangiwi ko. “Matagal na. No’ng high school pa kaming dalawa. Natigil kami ng ilang taon bago nakapag-aral ng kolehiyo. Ngayon lang kami nakapag-aral ulit. Noong mga panahon na iyon, inamin ko sa sarili ko na may gusto ako sa kanya. ’Di ko nga lang masabi-sabi sa kanya kasi natatakot ako sa posibleng mangyari.” Natawa siya ng mahina. “Naku! Matagal na rin pala. Hindi ka talaga magkaka-girlfriend niyan kapag ang pagiging torpe mo ang paiiralin mo. Kung may gusto ka talaga sa kababata mong iyan, dapat malakas ang loob mo na sabihin sa kanya ang totoo. Sige ka, kapag hindi mo pa sinabi iyan sa kanya, baka maunahan ka pa ng iba. Ikaw lang din ang masasaktan at magsisisi sa huli,” pagbibigay payo ni Dino sa akin. “’Di ko nga alam kung paano sisimulan, eh. Naghahanap pa ako ng tiyempo para masabi ko na sa kanya ang totoo.” “Nasa sa iyo na rin iyan. Pero kung ako sa iyo, hindi ko na patatagalin pa ang nararamdaman ko. Aamin na ako sa kanya at bahala na kung ano ang susunod na mangyayari. Basta maging matatag ka lang sa sagot niya. Wala naman yatang mawawala kapag umamin ka, ’di ba? Sinubukan mo lang.” Naging palaisipan ang sinabi ni Dino sa akin. May point nga naman siya. Na-realize ko nga rin na sobrang tagal ko na palang kinikimkim ang nararamdaman ko para kay Monica. Hindi ko alam kung kailan ko ito ikikimkim pa sa sarili ko. “Salamat, Pre,” sabi ko na lang kay Dino. Pag-iisipan ko na lang muna ang sinabi niya bago ko gawin. Ayokong magpadalos-dalos, eh. “Wala ’yon, Pre.” Aalis na ulit sana ako pero muli kong binalingan si Dino na busy ulit kakapindot doon sa laptop niya. “Siya nga pala, may alam ka ba na puwedeng aplayan na trabaho rito? Kahit part time lang,” sabi ko. Napaisip pa ng malalim si Dino hanggang sa may maalala siya. “Ah, sakto. Eto, may nagbigay sa akin nito.” May kinuha siya sa kanyang bag. Isa itong papel na kaagad naman niyang ibinigay sa akin. “Baka makatulong sa iyo.” Kinuha ko naman ang papel na iyon at binasa ang nakasulat. Nakasaad sa papel na may bagong juice bar daw na itatayo malapit sa SJU at naghahanap daw sila ng service crew. Mukhang ito na yata ang part-time na trabaho na hinahanap namin ni Monica.   KINABUKASAN ay muli kaming magkasama ni Monica na pumasok sa SJU. Alas siyete raw ang unang klase niya. Ako naman ay alas otso. Pero mas minabuti ko na maging maaga na rin para may kasama siya. Saka ihahatid ko na lang siya sa room niya. “May ibinigay nga pala si Dino sa akin na info na may hiring na service crew diyan sa labasan. Bagong tayo na juice bar. Baka puwede tayo mag-apply diyan ngayong Sabado. Okay ba sa iyo?” paglalahad ko kay Monica habang sabay kaming naglalakad sa isang hallway rito sa kanyang department. Naging masaya naman siya sa ibinalita ko dahil willing daw siya na mag-apply bilang isang service crew. Kaya walang padalos-dalos na sumang-ayon siya sa sinabi ko. “Sige. Mag-apply tayo,” iyon na lamang ang sinabi niya sa akin bago siya nagpaalam upang pumasok na roon sa classroom niya. Ako naman ay umalis na roon sa department na iyon at napag-isipang pumunta na lang sa department ko na kung saan doon ang una kong klase mamayang alas otso. Naglalakad ako mag-isa nang mapadaan muli ako sa school ground. Nakita ko ulit ’yong mayamang lalaki na nakita namin ni Monica kahapon. Walang pinagbago sa araw na iyon dahil nagtitilian pa rin ’yong ibang mga babae sa kanya. Napasagitsit ako. Ang o-OA naman no’ng mga babaeng iyon para pagkaguluhan ’yong chinoy na lalaking iyon. Ano bang meron sa kanya at ba’t parang napaka-popyular niya sa university na ito? Kahit si Monica ay napapatulala sa lalaking ’to. Hindi naman gwapo! Sa puntong iyon, hindi siya nag-iisa. Dahil nakita ko na may babaeng payat ang lumapit sa kanya. ’Tapos nakita ko pa kung paano sila magkahawak-kamay na naglakad. Baka naman girlfriend niya ’yon. Siguro. Hinayaan ko na lang sila at nagpatuloy na lang din ako sa paglalakad hanggang sa makarating ako sa department na pupuntahan ko. Nasa kalagitnaan na ako ng paglalakad sa hallway ng biglang may bumangga sa akin sa likod. Kunot-noo akong napatingin sa bumangga sa akin. Isang lalaki ang napansin ko na nakasuot ng checkered red polo na tinernuhan ng puting t-shirt sa ilalim nito, at naka-jeans at sneaker shoes pa ang pang-ibaba nitong suot, ang siyang nakita kong bumangga sa akin. Hindi ito gaanong katangkaran dahil alam kong mas matangkad pa ako sa kanya. Nakasuot din ang lalaki ng transparent eyeglass na bilog ang porma ng lens nito. Tarantang-taranta siya nang lumingon siya sa akin sabay tingin ulit doon sa direksyon na kung saan may hinahanap yata siyang tao na humahabol sa kanya. Napansin ko na may humahabol nga sa kanya kasi may nakita akong tatlong lalaki, na malayo sa kinatatayuan naming dalawa, ang hinahanap siya. Muli siyang nataranta nang makita niya ang mga iyon kaya bigla siyang humarap sa akin at hinawakan ako sa magkabilang-balikat ko. “Hiramin muna kita saglit,” walang pagdadalawang-isip na tugon ng lalaki sabay hila niya sa akin doon sa isang gilid, malapit sa CR ng department. “Ha!? Bakit?” ani ko pa pero mabilis niya akong sinaway. “Ssshhh! ’Wag kang maingay!” Nang dumating sa may hallway ang tatlong lalaking hinahanap siya, doon niya ako biglang itinulak papunta roon sa pader. Napadikit ako roon at kaagad niya akong niyakap ng mahigpit. May ibinubulong pa siya sa akin habang nakayakap siya. “Magkunwari kang mag-jowa tayo. Halikan mo ko sa leeg,” utos pa niya sa akin sa mahinang boses. “T*ngna! Hindi ako bakla!” bulyaw ko pa sa kanya pero hininaan ko ’yong boses ko dahil nakikita ko pa ’yong tatlong lalaki na nag-uusap doon sa hallway. Hindi naman nakikita iyon ng lalaking kasama ko kasi nakatalikod siya sa mga ito. Bale nasa isang gilid lang kami at mukhang hindi naman kami nakikita ng tatlong lalaking naghahanap sa kanya. “Sige na! Nakasalalay buhay ko rito, gago,” mura pa niya sa akin kaya wala na akong ginawa kundi gawin ’yong inuutos niya. Umakto akong hinahalikan siya sa leeg kahit na nasusuka ako sa ginagawa ko. “Nasaan na ’yong gagong ’yon? Nakita niyo ba?” narinig kong sambit no’ng isang lalaki na naghahanap sa kanya. “Wala, boss,” sagot naman ng isa at aksidenteng napalingon ito sa amin. Mas minabuti kong yakapin ang lalaking kasama ko para hindi siya makita ng mga ito. “T*ngna! May mga bakla rito! Tara na!” sabi pa no’ng lalaki kanina nang makita niya kami. Pagkatapos no’n, umalis na silang tatlo sa kinatatayuan nila at doon na rin ako pumiglas sa lalaking kasama ko. Tinulak ko pa siya kasi mukhang wala yatang balak ang kumag na kumalas sa akin. Nagustuhan yata! “Sorry… at salamat,” sabi pa niya sa akin no’ng tingnan niya na wala na sa paningin niya ’yong tatlong lalaking naghahanap sa kanya. “Bakla ka ba?” “Gago! Hindi ako bakla, Bro. Lalaki ako!” singhal pa niya sa akin sabay tingin ulit doon sa direksyon upang makasigurado na wala na talaga ang mga lalaking humahabol sa kanya roon. “Teka? Freshmen ka rito?” Tumango ako. Paano niya nalaman? “Oo. Bakit mo alam?” “Kilala ko ang mukha ng mga tao rito sa SJU. Kapani-panibago ka lang sa akin kaya ko naitanong kung freshmen ka.” “Sino ba ’yong mga lalaking humahabol sa iyo?” tanong ko bigla kasi na-curious ako sa nangyayari. “Mahabang kuwento pero salamat sa iyo,” sagot niya. “By the way, I’m Gian. Nice to meet you, Bro,” pagpapakilala niya sabay lahad ng kanan niyang kamay upang makipag-kamay sa akin. Hindi naman ako nagdalawang-isip na abutin iyon. Nakipag-kamay na lang din ako sa kanya. “Ako nga pala si John. Nice to meet you, too,” pagpapakilala ko naman sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD