Chapter 24

2376 Words
Monica’s Point of View BUONG ARAW akong tahimik sa kinauupuan ko habang nakikinig doon sa speaker na nakatayo sa stage. Kanina pa nagsisimula ang orientation at halos nakatutok ang mata ng mga estudyante roon sa nagsasalita. Gustuhin ko man na mag-focus sa sinasabi ng speaker, hindi ko iyon magawa dahil manaka-nakang tumitingin ako sa katabi ko na si Kent. Tahimik lang siya roon sa upuan niya. Kanina pa siya hindi nagsasalita. Sobrang seryoso rin ng mukha niya. Gusto ko sana siyang kausapin upang pasalamatan ulit siya sa nangyari roon sa palengke, pero inuunahan na ako ng takot at kaba. Sinubukan ko na lang na makinig sa nagsasalita roon sa stage. Pero hindi ko talaga maiwasan na mapatingin sa kanya. Napansin ko rin na may ibang mga babaeng estudyante ang nagbubulungan habang nakatingin sila kay Kent. Wala akong alam kung ano’ng meron. Naalala ko ang ikinuwento ni Chepai sa akin na sikat nga raw itong si Kent dito sa SJU, na kahit mga freshmen ay kilala rin siya. Kaya marahil pinagbubulungan siya ng mga ito ngayon. Saktong magta-tanghalian na nang matapos ang orientation. Pinag-lunch break muna kami ng speaker at saka raw kami bumalik sa Gym ulit dahil magkakaroon daw kami ng tour kasama ang mga coordinators na mga kapwa volunteer senior student lang din ng SJU at ’yong iba naman ay miyembro ng student org ng bawat colleges. Ipapasyal daw kami nila sa university para hindi raw kami maligaw bukas. As usual, sabay kami ni John na kumain ng tanghalian. Pinili namin na kumain sa labas, doon sa may karinderya dahil no’ng tingnan namin ang presyo ng mga pagkain sa canteen ng university, sobrang namahalan kami. Kaya, heto, katapat ko si John ngayon habang nilalantakan niya ang baon niyang kanin kasama ang binili niyang ulam na sabaw na isda. Tahimik lang kaming dalawa roon hanggang sa nagsalita na siya. “Ang tahimik mo yata. May problema ba?” tanong niya. “Wala. May iniisip lang ako,” sagot ko sabay subo sa kutsara na may lamang kanin. “Eh, ’di may problema ka nga kasi may iniisip ka.” Doon na ako napatingin ng seryoso kay John. “Hindi ba puwedeng nag-iisip lang kahit walang problema?” “Talaga lang, ah. Napansin ko na mukhang tuwang-tuwa ka kanina kasi katabi mo siya,” tugon pa ni John na ikinasalubong ko ng kilay. No’ng una ay hindi ko na-gets ang sinabi niya, pero makalipas ang ilang minuto, napagtuunan ko kung sino ang tinutukoy niya. Wala ng iba kundi si Kent. Napairap ako kasi ayan na naman ang pagiging concern niyang kaibigan kuno sa akin kahit na alam kong nagseselos siya sa inaakto niya. “Hindi ko alam na makakatabi ko si Kent. ’Wag kang umakto riyan na para kang jowang nagseselos,” sarkastik kong sagot kay John na mas lalo pang ikinatutok ng mata niya sa akin. Sa titig pa lang niya ay alam kong ayaw niya sa sagot ko sa kanya. Naiinis na rin ako sa ugali niyang ganito. Lahat ng kilos at galaw ko ay pinapakialaman niya. Okay lang naman sa akin na maging concern siya. Pero nagiging OA na siya, eh. Hindi na maganda para sa akin. “Kent? Wow! Ang bilis mo namang nakilala ’yang lalaking ’yan. Alam mo na kaagad ang pangalan niya,” sarkastik din na tugon ni John sa boses na parang nagseselos. Kahit sabihin niya na hindi siya nagseselos, alam kong hindi iyon totoo. Kasi sa tono ng boses pa lang niya ay talagang nagseselos siya. “Hoy! Para ka talagang sira! Pag-aawayin ba talaga natin ito? Ano bang nangyayari sa iyo, John?” Hindi na ako nakapagpigil pa kasi naiinis na talaga ako sa sinasabi niya. Matagal bago siya nakasagot. “Wala. Kalimutan mo na lang ’yon,” sabi pa niya sabay alis ng tingin niya sa akin habang patuloy siyang ngumunguya ng pagkain. “Hindi talaga kita maintindihan paminsan-minsan. ’Wag ka namang ganyan, oh,” malungkot kong saad sa kanya kasi ako ’yong nasasakal sa ginagawa niya. Muli, wala pa rin akong narinig na salita na ibinato niya sa akin. Iniiwasan niya ako at tahimik lang siyang kumakain doon. Hindi ko na rin pinilit ang sarili ko na kausapin siya kasi hindi rin naman niya ako kakausapin, eh. Maya-maya, malapit na akong matapos sa kinakain ko nang magsalita siya. “Sorry,” tipid niyang tugon. Sa pagkakataong iyon, ramdam ko na sincere niyang sinabi iyon sa akin. Kilalang-kilala ko talaga si John. Alam ko kung kailan siya galit at seryoso sa pamamagitan lang ng tono ng boses niya. Napangiwi ako sa sinabi niya. Saka nagkibit-balikat. Wala akong choice kundi ibaba rin ang pride ko kasi ayoko na nag-aaway kami ni John. Siya na nga lang itong kasama ko rito sa siyudad, mag-aaway pa kami. Huwag na lang. “I’m sorry rin,” sagot ko naman sa kanya. “Bakit ka nagso-sorry, eh, ako ’tong may kasalanan sa iyo.” “Gusto ko lang mag-sorry sa iyo. Para naman mawala na ’yang galit mo sa akin. Kumbaga patas lang.” “Kalimutan mo na lang ’yong sinabi ko sa ’yo. Basta mag-iingat ka palagi kapag wala ako sa tabi mo. Lagi mong tatandaan na pinapabantayan ka sa akin ng mga magulang mo kaya responsibilidad kong bantayan ka bilang nakakatanda mong kaibigan.” “Opo, Kuya John,” pang-aasar kong sagot sa kanya. Ngumiti na lang din ako para mawala na itong inis ko sa kababata ko. Ganoon din naman siya pagkatapos. Matapos naming kumain ni John ng tanghalian, napagplanuhan namin na bumalik kaagad sa Gym at doon na lang mag-istambay. Naghintay lang kami ng ilang minuto bago nagsimula muli ang orientation. ’Yon nga lang, parang nalungkot ako bigla ng makita kong wala na si Kent doon sa upuan niya. Hindi ko na siya katabi ngayon. Hinanap ko siya at nagbabaka-sakaling makita ko siya kahit saan, pero nabigo akong mangyari iyon. Napansin ko naman ang sarili ko na parang hindi yata ako maayos habang nakikinig sa discussion. Hindi ako mapalagay. Wala akong ganang makinig kasi inaantok lang ako. Wala nga ba talagang gana o baka wala lang si Kent kaya hindi ko feel ang discussion? Iyon bigla ang lumabas sa isip ko. Kaloka! Bakit parang napaka-big deal yata sa akin na hindi ko na katabi si Kent ngayon? Mabuti pa ’wag ko na lang pagtuunan ng pansin ito. Nakakawala lang ng focus. Pero nasaan na nga ba talaga si Kent? Nakakalungkot naman na wala siya ngayon.   MAKALIPAS ang ilang oras na discussion, pinagbuklod-buklod na kami ng speaker. May lumapit sa akin na coordinator at hindi na ako magugulat na si Jackie ’yong lumapit sa akin dahil nandoon din naman siya no’ng kasagsagan ng orientation. “Hi, Monica! Kasama ka sa group ko, ah. Sure ako na magugustuhan mo ang SJU kapag nag-tour na tayo,” masayang sabi pa niya sa akin habang nakapalupot ang isa niyang kamay roon sa kaliwang braso ko. Mukhang may bago na naman akong kaibigan dito sa SJU, ah. “Sige. Magpapasalamat na ako sa iyo ngayon,” ngiti kong tugon sa kanya at saka naman siya nagpaalam para asikasuhin ’yong mga freshmen na kasama sa team niya. Bale sa isang coordinator ay may sampung freshmen sila na sasali sa group. Kasama na ako sa group ni Jackie at tahimik lang akong nakaupo roon sa mono block chair na in-arrange lang namin ng nakabilog. Umabot kami sa siyam na freshmen sa team ni Jackie at naghahanap pa siya isa. Dahil magkasama sa column ang mga freshmen na kumuha ng Secondary Education at Business Management, naghalo-halo na kami sa group namin. Mas mabuti raw iyon para marami kaming makilala, sabi pa ni Jackie. Kasama ko pa rin ’yong nerd na lalaking katabi ko kanina. Apat na lalaki at limang babae ang nasa team ni Jackie, kasama na ako sa limang babae na iyon. Habang naghihintay ako na makumpleto ang grupo, napatingin ako hindi kalayuan sa kabilang team. Puro halos lalaki sila roon at dalawa lang ang babae. Doon ko nakita si John na mukhang masaya naman sa bagong mga kakilala niyang kaibigan. Nakikita ko siya na nakikipag-usap sa mga lalaki roon. Minsan nagtatawanan, at kung minsan naman nagkukuwentuhan lang. Hindi sinasadyang napabaling ng tingin ni John sa akin kaya masaya siyang kumaway. Bumawi ako ng ngiti sa kanya at saka kumaway. Matapos niyon, naibaling ko na ang pansin ko kay Jackie nang magsalita na siya kumpleto na raw ang grupo namin. Napatingin ako roon sa bakanteng upuan na katapat ko lang, hindi kalayuan sa kinauupuan ko rin. Automatic na parang naging mas masaya pa ako nang makita ko kung sino ’yong nadagdag sa grupo ni Jackie. Sino pa ba? Wala ng iba kundi si Kent. And as usual, nasa mukha pa rin nito ang pagkaseryoso. Tahimik lang siya at walang kibo. Ni hindi man lang siya ngumingiti habang nagsisimula ng magsalita at bumanat si Jackie ng mga joke sa gitna. Naka-crossed arm lamang siya habang seryosong nakikinig doon sa leader namin na si Jackie. Ako naman ay hindi maka-focus sa sinasabi ng leader namin kasi nakatuon lang ang pansin ko kay Kent. Bigla akong nanigas ng aksidenteng tumingin siya sa akin. Nahihiyang kinawayan ko siya ng mahina pero hindi naman niya ako pinansin. Instead, napailing lang siya ng makita niya ako at saka niya itinuon muli ang tingin niya kay Jackie upang makinig muli sa sinasabi nito. “…Okay. So let’s start with… Monica.” Muntikan na akong matalon sa kinauupuan ko dahil sa gulat ng tawagin ni Jackie ang pangalan ko sa gitna. Nakanganga akong napatingin kay Jackie at naguguluhan ako kung bakit niya ako tinatawag. “Ha? Bakit?” tanong ko pa sa kanya. “It’s time to introduce yourself.” Mabilis na kinabahan ako sa sinabi niya. Takte! May ganito rin pala sa college!? Akala ko sa high school lang merong ganito! Napatayo na lang ako sa upuan ko at doon ako nagpakilala sa kanilang lahat. “Hi. Ako nga pala si Monica Bautista. Puwede niyo po akong tawagin sa pangalang Monica.” Matapos kong sabihin iyon, masaya silang tinawag ang pangalan kong ‘Monica’. Except kay Kent na matamang nakatingin lang sa akin habang nananatiling naka-crossed arm siya. “Taga-Quezon po ako at kumukuha ako ng kursong BS Secondary Education major in Biological Science. Sana maging kaibigan ko kayong lahat,” matapos kong magpakilala ay nagpalakpakan naman silang lahat, and as usual, walang kibo pa rin si Kent sa upuan niya. Hindi ba marunong makipag-interact ang lalaking ito? “Thank you, Monica. Next will be… ahmm… Kent,” ani ni Jackie nang mapadako ang tingin niya roon kay Kent. Walang karea-reaksyong tumayo siya sa upuan niya at nagpakilala. Narinig kong nagbulungan ’yong dalawa kong katabi na babae habang kinikilig ang mga itong nakatingin kay Kent. “Hi everyone. I’m Kent Fuentabella. You can call me Kent for short and I hope you guys are doing fine today.” Matapos niyang magpakilala ay kaagad naman siyang umupo. Naging awkward lang ’yong sumunod na katahimikan ng matapos siyang magpakilala. Walang pumalakpak kasi sobrang seryoso lang talaga ni Kent. Nakakadala ng mood ang pagiging seryoso niya. Kaya pinutol na ni Jackie ang katahimikang iyon at nagpatuloy sa susunod na magpapakilala. Habang nangyayari ang kaganapan, nakatuon pa rin ang tingin ko kay Kent. Walang pinagbago. Ganoon pa rin siya sa mga sumunod na ilang minuto. Tahimik at ayaw magsalita. Ayaw rin niyang pumalakpak kapag may natatapos na estudyanteng nagpapakilala. Ano’ng problema ng lalaking ’to? nasabi ko na lang sa sarili ko. Nang mapansin ko na napatingin muli si Kent sa akin, nagawa ko na itong iwasan pa dahil baka mukhang nahahalata na niya na lagi ko siyang tinitingnan. Mahirap na at baka kung ano pa ang masabi niya sa akin. Baka isipin nito na may pagnanasa ako sa kanya. Natuon ko na lang ang sarili ko sa dalawang babaeng katabi ko. Patuloy pa rin silang nagbubulungan at naririnig ko naman ang pinag-uusapan nila. “’Di ko ini-expect na mag-aaral ulit si Kent dito sa SJU, girl,” narinig kong sabi no’ng isang babae na katabi ko mismo sa kanan. “Sinabi mo pa, girl. Nakakalungkot lang talaga no’ng nangyari sa kanilang dalawa ng girlfriend niya ’no. Imagine-nin mo nga, hindi ka ba makukunsensya na ikaw ang dahilan kung bakit namatay ang girlfriend mo? Kahit ako mababaliw na rin kapag alam ko sa sarili ko na ako ang may dahilan kung bakit namatay ’yong partner ko, ’no?” sagot naman ng katabi nitong babae. “Tama. Sinabi mo pa. But I feel pity on him. Kitang kita ko ngayon kay Kent kung paano siya nagbago. Tingnan mo nga, hindi naman siya ganiyan katahimik noong high school pa tayo, ’di ba? Why would he suddenly been so quiet? Baka hindi pa siya nakaka-move on sa past.” “Siguro. Kung nakinig lang siya sa girlfriend niya noon, hindi dapat mangyayari ang nangyaring aksidente. Kaya, ayan, pati pamilya ng dalawa ay nagkalabuan. Sayang! Bet ko naman silang dalawa,” hirit pa no’ng isang babae. Naputol lang ang pag-uusap ng dalawang babae sa tabi ko nang tawagin ang isa sa mga ito ni Jackie upang magpakilala na. Naging malaking palaisipan sa aking ang mga narinig ko sa dalawa. Naikuwento na rin naman kasi sa akin ni Chepai ang tungkol sa nangyari noong nakaraang taon kay Kent. Namatay ang girlfriend nitong si Bianca dahil sa pagkaka-aksidente sa motor at nagkagulo ang both sides ng kanilang pamilya dahil sinisisi ng mga magulang ni Bianca si Kent dahil sa pagkamatay nito. Iyon lang ang nalalaman kong kuwento tungkol kay Kent. Kaya pala maraming nagtitinginang mga estudyante kay Kent kanina pa dahil alam ng mga ito ang kuwento niya. At bilib ako sa lalaking ’to kasi hindi man lang siya naaapektuhan sa tingin ng mga estudyante sa kanya. Pero nang tingnan ko ulit siya at nang mapatingin din siya bigla sa akin, doon ko na huli ang mga mata niya na parang may nakatagong masamang alaala. Alaala na alam kong hirap siyang kalimutan iyon dahil kunsensya niya ang laging humahabol sa kanya sa pagkamatay ni Bianca. Doon ako biglang naaawa kay Kent. Kahit hindi ko pa siya ganoon kakilala, nakikita ko na nasasaktan pa rin siya sa nangyari sa kanyang girlfriend noon. At alam ko na sobrang bigat na pakiramdam iyon para sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD