Monica’s Point of View
HINDI KO pa rin maalis sa isipan ko ang lahat na nangyari sa akin sa palengke. Kasama ko si Chepai kanina dahil napagplanuhan namin na maghati sa gagastusin na pagkain para sa boarding house.
Nakapag-enroll na rin ako noong nakaraang araw, pati na rin si John, sa St. Joseph University. Kumuha ako ng kursong BS Secondary Education major in Biological Science at si John naman ay Automotive Engineering ang kinuha.
Ang rason niya kung bakit siya kumuha ng kursong ’to ay dahil sa pinakamamahal niyang motor. Mahilig din kasi siyang magkumpuni ng motor niya. Saka balak daw niyang gumawa ng sariling talyer kapag may sarili na siyang pera.
’Di lang niya dinala ’yong motor niya rito sa siyudad. Ipinaiwanan lang niya ito sa mga magulang niya roon sa Quezon.
At ’yun na nga, dahil magsisimula na nga ang first day of school sa Lunes, napag-isipan namin ni Chepai na mamalengke ng konsumo namin ngayong buwan.
Bumili kami ng gulay, prutas, karne, isda, mga rekados at kung anu-ano pa. Mabuti na lang din may pang-ambag ako dahil nakuha ko na ’yong pera sa scholarship ko.
Nasa gitna na kami ng pamimili namin nang biglang may humalbot ng dala kong bag. Napasigaw ako sa takot. Nangangamba rin ako.
Pero dahil matapang akong tao, naibagsak ko ang plastic na hawak ko at doon ko na hinabol ’yong magnanakaw. Nagsisigaw pa ako para makagawa ng atensyon sa mga tao.
Narinig ko pa si Chepai na tinatawag ako pero ’di ko siya pinansin. Hindi puwedeng makuha ng hinayupak na magnanakaw na iyon ang bag ko. Nandoon lahat ng pangangailangan ko rito sa Maynila.
Ang malas ko naman! Hindi pa nga ako nakakaisang buwan dito, nabiktima na ako ng pagnanakaw.
Maya-maya pa ay nadatnan ko na lang na natumba na ’yong magnanakaw roon sa mga basket na puno ng prutas.
Nakita ko kasi na may isang matangkad na lalaki ang malakas na sinipa at hinarangan ang magnanakaw. Dahan-dahan akong lumapit sa kanya kasi hawak na niya ’yong bag ko.
“Salamat. Salamat po, Kuya, sa ginawa niyo po,” pagpapasalamat ko roon sa lalaki. Hingal na hingal pa ako sa lagay na ito dahil sa pagtakbo ko kanina.
Lumingon naman sa akin ang lalaki at doon ako napatuwid ng tayo nang makita ko ang hitsura niya.
“Is this yours?” Ipinakita niya sa akin ang bag na dala niya.
Napalunok na lang ako sa kinatatayuan ko habang nakatulala sa kanya. Sa totoo lang, napatulala na lang ako kasi ’di ko inaasahan na ganito pala ka-guwapo ang lalaking magiging kaharap ko.
’Yong chinito niyang mata, ’yong ilong niyang matangos, ’yong mapula niyang labi, ’yong tingin niya nakakatunay ng puso.
Bakit bigla na lang akong na-attract sa lalaking ’to? Hindi tuloy ako nakasagot sa tanong niya. ’Di ko namalayan na nasa likuran ko na pala si Chepai at kinakalabit na ako.
“O-Opo, Kuya. Sa akin po iyan. Salamat po ulit.” Binigay naman niya sa akin ang bag ko. Nanginginig ang kamay ko nang abutin ko iyon.
Wala na akong ibang narinig pa mula sa kanya. Bago siya umalis, may iniwan pa siyang salita sa akin.
“Don’t let yourself be involved again. Wala ako palagi para tulungan ka.”
Ewan ko. Hindi ko na alam ang sumunod na nangyari sa akin. Hindi ko na rin maipaliwanag ang nararamdaman ko nang mga oras na iyon.
Mas lumalakas ang pintig ng puso ko sa sinabi niya. Natutuwa ako. Masaya ako sa sinabi ng lalaking ’yon. Wala akong ideya kung bakit.
Nang makaalis na siya sa harapan ko, doon na ako kinausap ni Chepai. Hinawakan niya ang braso ko at dinala sa isang gilid upang kausapin.
Namimilog ang dalawang mata niya nang tingnan niya ako. Para siyang gulat na gulat sa nangyari.
“Nandito na siya?” Iyon ang bukang-bibig ni Chepai sa akin kaya nagtaka ako kung ano ang sinasabi niya.
“Ha? ’Di kita maintindihan.”
“Nandito na siya!!” ulit pa niyang sabi sa ’kin. Pagkatapos, narinig ko na lang siyang nagtitili habang nakatakip ang isa niyang kamay sa bibig niya. Para siyang kinikilig.
“Sino’ng nandito na?” nagtataka ko namang tanong.
“Si Kent!”
Hindi ko talaga siya maintindihan. Napakamot tuloy ako sa ulo. “Sino’ng Kent?”
Nang mapansin ni Chepai ang reaksyon ng mukha ko, muli na naman niya akong hinawakan sa kamay.
“Uwi na tayo. May chika ako sa ’yo,” excited pa niyang sabi sa akin habang sabay kaming naglalakad sa sakayan ng tricycle.
Kent? Si Kent? Sino si Kent? sabi pa ng isip ko.
KINAGABIHAN ay naikuwento na nga sa akin ni Chepai kung sino ang Kent na tinutukoy niya.
Napabuntong-hininga siya habang nagluluto ng Adobong Baboy roon sa kawali gamit ang butane gas.
Kasama rin namin ang ibang board mates namin na mga babae. Pero naka-sentro ang atensyon ko kay Chepai na sobrang saya habang nagluluto.
Nililigpit ko naman ’yong ibang plato na ginamit namin kanina.
“Sa wakas, madadagdagan na naman ang school natin ng guwapo!” sabi ni Chepai. Ang ibig niyang sabihin dito ay si Kent.
Hindi ako nagsalita sa tabi niya habang naghuhugas ng pinggan. Kasi totoo naman talaga na guwapo si Kent.
So, Kent pala ang pangalan ng chinitong lalaking ’yon. Pangalan pa lang, nakakalaglag panty—ay este—puso pala.
Saka sa pustura pa lang ng lalaking iyon, masasabi ko na mayaman siya, parang hindi yata kami match sa isa’t isa. Ayy! Ba’t ganito na iniisip ko, ah?
Maya-maya, bigla ko na lang naramdaman ang pagkalabit ni Chepai sa tagiliran ko kaya napasinghap ako ng wala sa oras.
“Ughh! Ano ba!?” saway ko sa kanya habang nakangiti. “May kiliti ako sa tagiliran. ’Wag diyan!” natatawa ko pang dagdag.
Narinig kong natawa siya saka siya muling nagsalita. “Aminin mo nga sa akin, Monics. Guwapo si Kent para sa iyo, ’no?” panunukso niya sa akin.
’Di tuloy ako nakasagot sa tanong niya kasi hindi ko alam ang sasabihin ko. Dahil doon, nagsisimula na siyang tuksuhin ako sa Kent na iyon.
“Uyyy! Si Monics! Na-lab-at-pers-sight kay Kent!”
Hindi ko tuloy napigilan na bigyan siya ng tingin habang nakakunot ang noo ko. Tipid akong ngumiti kay Chepai dahil sa panunukso niya sa akin. ’Di ko pa rin sinubukang magsalita kaya mas lalong tinutukso ako ni Chepai ngayon.
“My God! I have this feeling na may crush ka kay Kent.”
Mas ikinagulat ko iyon kaya nagsalita na ako. “Hindi ’no! Wala akong gusto roon.”
But deep inside, I have that kind of feeling na parang na-attract ako sa chinitong lalaking ’yon. Hindi pa ito ang ‘crush’ na sinasabi nila, na-attract lang ako at kusang mawawala rin naman ito, ’di ba?
“Napaka-defensive, ah! Joke lang. Eto naman. Hindi na mabiro,” natatawa niyang sagot sa akin kaya napailing na lang ako na natatawa.
Nagkaroon muna ng ilang segundong katahimikan bago muling nagsalita si Chepai sa akin.
“But to be honest, mas lalong naging mature si Kent ngayon kaysa noon. Mas naging fresh siya matapos ang pakikipagrelasyon niya kay Bianca.”
Doon ako parang na-curious sa sinabi ni Chepai. Napatigil tuloy ako sa pagbabanlaw ng plato at napatingin sa kanya.
“Bianca?” tanong ko kay Chepai.
“Hmm, selos agad? Don’t worry girl. Isang taon na rin ang nakakalipas nang maghiwalay ang dalawa. At ang nakakalungkot lang…” Nagtitingin muna si Chepai sa paligid bago niya sinabi ng pabulong ang kasunod na sasabihin niya, “…patay na si Bianca.”
Mas ikinagulat ko pa iyon. Kinabahan tuloy ako bigla. Bakit naikukuwento ni Chepai ito sa akin ngayon?
“Hoy! Totoo ba ’yang sinasabi mo?”
Tumango siya. At muli na naman niya akong sinagot ng pabulong upang hindi marinig ng ibang ka-board mates namin ang pinag-uusapan namin ni Chepai.
“’Wag mong ipagkakalat na ako ang nagsabi sa iyo, ah. Last year, naging issue sa SJU ang pagkamatay ni Bianca. Nabangga silang dalawa ni Kent ng sasakyan lulan ng motor na sakay nila. Ligtas na nabuhay si Kent at binawian naman ng buhay si Bianca.
“Naging issue ito sa SJU dahil kilala talaga na couple sina Kent at Bianca noon. Sa pagkakaalam ko nga ay muntikan ng pakasalan ni Kent si Bianca kahit nasa high school pa lang silang dalawa. At kilala rin ang mga pamilya nila pagdating sa business dahil parehong business tycoon ang ama ng dalawa rito sa bansa.
“Magmula ng mamatay si Bianca, nagkasiraan din ang dalawang pamilya. Sinisisi kasi ng pamilya ni Bianca si Kent dahil sa pagkamatay ng babae. Magmula niyon, hindi na nakita pang muli si Kent sa SJU. Grumaduate lang ito ng high school at nag-first year college sa SJU ng ilang buwan. Pagkatapos na nangyaring aksidente, wala na kaming balita sa kanya.
“Kaya nga gulat na gulat ako kanina no’ng makita ko si Kent doon sa palengke. Kaharap mo siya. One year din siyang nawala sa SJU. Saka ’di ako makapaniwala na ang isang rich kid na si Kent ay pupunta sa isang public market na hindi gaanong pinupuntuhan ng mga mayayaman. Nagtataka rin ako kung bakit nandoon siya?”
Sinagot ko ang tanong niya. “Baka naman kasi may binili lang.”
“Hindi rin. Pero maiba tayo ng usapan, I hope sa SJU pa rin siya mag-aaral. Para naman may madagdagan na guwapo sa school na ’yon!” pagrereklamo pa ni Chepai sa huli. Seryoso na siya sa sinasabi niya.
Napabuga ako ng hangin gamit ang ilong ko. Kung anuman ang nangyari sa Kent na iyon, sana okay lang siya. Hindi rin pala naging maganda ang takbo ng buhay ng lalaking ’yon kahit mayaman na.
Tinapos ko na lang ang ginagawa ko saka ako nagpaalam kay Chepai na hihingi ako ng ulam upang hatiran si John.
“Speaking of friend, ’yang lalaking hahatiran mo ng pagkain ay kaibigan mo ba talaga ’yan?” pag-iiba ng topic ni Chepai.
“Oo naman. Ano ba ang iniisip mo?”
“Sure ka ba? Kasi, sa ikinikilos mo… parang boyfriend na ang turing mo sa kaibigan mong iyan. Ayy hindi pala kaibigan. Asawa pala! May pahatid-hatid ka pa ng ulam sa kanya, ah. Wife material ka, teh,” muli na naman niyang panunukso sa akin.
“Eto naman. Hindi ’no. Kababata ko kasi si John. Parang kapatid na ang turing ko sa kanya.”
“Parang kapatid nga lang ba?” sabi pa niya na may kasamang ngiting nakakaloko.
“Hala siya! Iba na ang iniisip mo, Chepai. Kung tama ang iniisip ko, puwes, ang sagot ko ay hindi ko boyfriend si John. At lalo na na wala akong gusto sa kanya. Eh ikaw? Ako naman ang magtatanong sa iyo. May boyfriend ka na ba, Chepai?”
At sa puntong iyon, bigla siyang natahimik. Parang may iniisip siya. Hindi ko alam kung ano. Pero ngumiti lang siya pagkatapos kahit na halata naman na pinipilit lang niyang ngumiti.
Mukhang may naaamoy akong kakaiba, ah. Amoy past.
“Sige na. Ihatid mo na sa kaibigan mo ’yan. Mauuna na akong kumain, ah.”
Tumango na lang ako kay Chepai at saka ko nilagay sa isang plastic ang tupperware na naglalaman ng kanin at ulam para kay John.
Nagpaalam naman ako sa kanya pagkatapos.