That night, maganda ang mood ni Sir Errol. Palagi siyang nakangiti at minsan ay nahuhuli kong nakatanaw sa aking gawi. Epekto na ba ng massage session kanina? tanong ko sa aking sarili. Sa sarap ng ngiti ni Sir ay para siyang pasyenteng constipated ng ilang dekada na ngayon ay magaling na. Sinuklian ko ang kanyang mga ngiti sa akin at baka akalain niya na suplada ako. At least pala, marunong siyang tumawa. Kulang lang siguro talaga sa dilig si Sir! Napailing ako at lumapit na sa dining table. As usual, kailangan ko sanayin ang sarili sa kanya. Kahit naiilang ako sa presensya ni Sir ay kailangan propesyonal pa rin.
“Nagpahanda ako ng tinolang native na manok, Kristine. Alam ko na napagod ka sa laki ng katawan ni Errol,” sabi ni Ma'am Rosemarie sa akin. Napangiwi ako sa choice of words na ginamit ni Ma'am. Mukhang nagiging mahalay na yata ako! sermon ko sa sarili.
“Sanay na po ako Ma'am. While doing home service sa mga clients ko before, merong mas malaki pa kaysa sa katawan ni Sir Errol,” Iyon ang naging sagot ko kay Ma'am. Napansin kong may kung anong kislap ng kapilyuhan ang gumuhit sa mata ni Sir. Putik! Pinag-iisipan talaga ako nito ng mga mahahalay eh! Nais kong magrebelde dahil paano na yan? Crush ko si Sir at may masamang impression siya sa akin.
“O, siya Kristine, humigop ng maraming sabaw para makabawi.” Si Ma'am pa mismo ang nagbigay sa akin ng mangkok na puno ng sabaw ng tinolang manok. Hinigop ko iyon at masarap nga naman ang lasa noon.
Busog na busog ako dahil nakailang mangkok ako ng sabaw ng manok. Natatawa si Sir Errol sa akin sa dami ng mga buto na nasa gilid ng aking pinggan. Paki mo Sir! Nagutom kaya ako sa pagmasahe sa katawan mo! Buti na lang yummy ka! sigaw ng utak ko.
Sa kabusugan ko ay nagpasya akong maglakad-lakad muna sa hardin nila Ma'am. Ang ganda roon lalo at may mapanglaw na ilaw na nagmumula sa bawat poste. Gusto ko tuloy magsisi sa dami ng nilamon ko. Mayamaya pa ay dumighay na ako. Para akong baka sa aking dighay. Nagulantang ako nang may nagsalita sa likod ko.
“You burp like a cow,” pansin ni Sir Errol sa akin. Naglakad siya papalapit sa akin at tumigil mismo sa harapan ko. Napaatras ang ulo ko ng bahagyang s’yang yumukod para magpantay ang mga mukha namin. “That’s because you ate like a horse.” Ginulo ni Sir ang buhok ko. As if close kami?, maktol ko sa isip ko.
“Ibawas mo na lang po sa sahod ko Sir kung sumobra ang kinain ko,” nakanguso kong sabi sa kanya. Papansinin ka nga, sa negatibong bagay pa!
“Hey, that's not what I meant. Well, it's obvious na pagod ka sa massage session. Kaya ka siguro kumain ng marami.” Muli ay may pahabol nanaman na munting tawa si Sir Errol. Tumirik na lang ang mata ko at tumikwas ang nguso habang pinapanood siya na naa-amuse sa naging asal ko.
Sa asar ko sa kanya ay iniwan ko na siyang mag-isa. Hmmp, antipatiko! Porke sosyalin ang nobya, pagtatawanan na ang pagiging walang kiyeme ko! Diretso ako sa silid ko at sinarado ko iyon ng mabuti. Mahirap na baka hanggang doon ay habulin pa niya ako ng tukso.
Nagpunas lang ako at nagpalit ng underwear. Okay lang naman sana maligo. Kaso lang ay tinatakot ako ni Lolo na baka mapasma ang mga ugat ko. Though wala naman talagang scientific basis iyon, sinusunod ko na lang ang bilin niya.
Presko na ang pakiramdam ko suot ang pajama at tanktop na itim. Masarap sa pakiramdam ang malamig na buga ng aircon at napakalambot ng comforter. Pumikit na ako at ilang sandali pa ay nilamon na ako ng antok.
*******
Hindi pa man tumunog ang alarm ko sa cellphone, nagising na ako. Alas singko y medya ang tumatak na oras sa aking cellphone na may kalumaan na. Minsan pa nga tumitirik na ito. Kaya, hindi naman siguro kalabisan kung bibili ako ng bago, oras na matanggap ang una kong sahod sa mga Reeves.
Bumangon na ako pero dama ko ang pananakit ng dulo ng daliri ko. Expected ko na iyon, since maskulado si Sir Errol at karaniwan ko na iyong nararamdaman. Pumasok ako sa banyo at nag-cold shower ako. Perfect pantanggal ng muscle pain. Habang sinasabon ang katawan ay naiisip ko ano kaya ang gagawin ko ngayong araw? Andito lang kaya si Sir sa bahay? O tulad ng dati ay may lakad nanaman siya?
Nagbanlaw na ako ng katawan at kaagad tinuyo ang sarili gamit ang tuwalya na naroon. Doon na ako sa banyo nagbihis at scrub suit ang gamit ko. Lumabas na ako ng kwarto ko at kaagad bumaba sa komedor. Naroon na si Nanay Luding at abala na sa pagluluto. Kumuha na ako ng tasa sa gilid at nagtimpla na ako ng kape. Coffee with creamer lang ang nakasanayan kong inumin sa umaga. Pero, kung galing ako sa pangmalakasang massage therapy session ay fresh mik ang iniinom ko. Sinisigurado palagi ni Lolo na sapat ako sa sustansya kahit bugbug ako sa trabaho.
“Ang aga mo naman nagising Hija. Sasama ka ba sa alaga ko papuntang fishport mamaya?” tanong niya sa akin.
Nilunok ko muna ang kape bago ko siya sinagot. “Wala naman po siyang nabanggit sa akin kagabi Nanay Luding.”
“Ganoon ba? Nagpapahanda kasi siya ng pandalawahang pananghalian eh.” Napakunot ang mukha ni Nanay Luding at napalingon kami ng bumati si Sir Errol.
“Good morning Yaya Luding and to you, Kristine. Maghanda ka dahil isasama kita sa fishport. Gusto kong ilibot kita doon. For sure, hindi ka pa nagagawi doon.” Lumingon siya kay Nanay Luding at muling nagsalita. “Yaya, damihan mo ang kanin ha! Tiyak magugutom itong si Kristine. Mapapalaban naman siya sa lakaran ngayong araw.”
Umalis na si Sir Errol pero ang tawa niyang nakakainsulto ay parang batingaw na paulit-ulit na umiikilkil sa aking pandinig. Ang aga-aga ang pang-aalaska ang inaatupag! Nag-init ang aking pisngi sa sinabi ni Sir Errol. Ang sarap niyang habulin at bambuhin ang maumbok niyang puwetan.
“Hija, anong ginawa mo sa alaga ko at mukhang may sapi? nagtatakang tanong ni Nanay Luding.
“Epekto ng masahe ko Nanay Luding. Mukhang nailabas na niya ang ebak na matagal na nakaimbak sa kanyang bituka kaya bugnutin siya.” Nakasimangot ako nang sinagot si Nanay Luding kaya maging siya ay natawa sa hitsura ko. Sinara na niya ang huling baunan na dadalhin namin ni Sir Errol sa fishport. Kumpleto na iyon sa dalawang set ng utensils. Sa isang thermal bag niya ito nilagay at binitbit na patungo sa dining area.
Sinundan ko si Nanay Luding habang sipsip pa rin ang kape ko. Siya naman ang pagbaba ni Ma'am Rosemarie mula sa hagdanan. Binati ko siya at tumango siya bilang sagot.
Nang nag-almusal na kami ay parang de-numero ang aking kilos pati ang pagsubo. Nababanaag pa rin kasi sa mata ni Sir Errol ang amusement. Gusto ko na siyang irapan pero baka magtaka si Ma'am Rosemarie. Kaya, natapos ang almusal ng tahimik. Sumunod ako kay Sir dahil isasama niya ako sa trabaho niya pero tumaas ang kilay nito.
“Please, change your clothes to something more appropriate. Sa fishport ang punta natin, hindi sa isang spa,” sabi niya sa akin.
Laglag ang balikat na nagmamadali akong umakyat sa kwarto ko. Buti na lang talaga at nagdala ako ng ilang damit na spare. Isang teal na baby tshirt ang sinuot ko at komportableng jogger ang pang-ibaba. Puting cookie sneakers ang pangyapak ko at nagdala na rin ako ng ilang gamit, just in case mapagod si Sir at pulikatin nanaman.
Bumaba na ako at dumiretso na sa garahe kung saan naghihintay na si Sir Errol at ang driver na si Manong Ben. Napawang ang labi ko dahil ang itim na Hummer pick up ang sasakyan namin. Nang pumasok ako sasakyan at tumabi kay Manong Ben ay kumunot ang noo ni Sir Errol.
“Sit beside me,” utos niya sa akin.