Naawa ako sa hitsura ni Sir Errol habang nakatunghay siya sa kanyang ex girlfriend. Hay Sir Errol, pagalingin mo muna iyang jumbo hotdog mo bago ka maglaway sa salawahang ex mo. Iniwan ka n’yan dahil lang ayaw nya sa lupaypay! Gusto kong habulin ang bruhang Gweneth na iyon at kaladkarin palapit kay Sir Errol.
Sir, kapag lumingon ka, akin ka! Lumingon nga si Sir Errol pero malungkot pa rin siya. Matamlay ang kanyang mukha kahit saang anggulo ko tingnan, kasintamlay ng kanyang sexlife.
Gaga ka talaga self! Nalulungkot na nga si Sir mo, pinagpapantasyahan mo pa s’ya! Gusto ko na talagang batukan ang sarili ko sa pagiging mahalay.
Naunang naglakad si Sir Errol papasok sa diagniostic lab. Pumasok kami at kinausap kaagad ni Sir Errol ang technician at inabot ang referral letter. Sinabihan ako na sa labas na maghintay. Kaya, lumabas ako at umupo sa lobby na mayroong steel bench. High tech ang kabuuang diagnostics building. Nagkalat ang mga clinic na nag-o-offer ng sari-saring serbisyo. Meron ding ilang clinic na mahaba ang pila sa bawat pintuan.
Ang ibang pasyente ay halatang galing pa sa mga karatig probinsya. Na kahit may kamahalan ang mga lab fees ay alam kong pinag-ipunan nila ang pagpunta rito. Halos kompleto na kasi dito sa Gensan sa mga diagnostic laboratories.
Nagutom ako bigla at nang makita ko kung nasaan ang isang maliit na canteen ay saglit aong pumunta roon. Bumili lang ako ng cassava cake at isang bottled water. Masarap naman ang napili kong pagkain at hindi ko namalayan na naubos kaagad ang aking pagkain. Bumalik ako sa steel bench at doon ko na lang hihintayin ang aking amo. Nakita kong parating si Doctror Estrella kaya sumabay na ako sa pagbalik sa diagnostic laboratory. Naging topic namin ang mga sintomas ni Sir Errol. Sinabi ko ang lahat ng obserbasyon ko sa kalagayan ni Sir. Kung kelan at papaano lumilitaw ang mga sintomas ni Sir Errol at ang mga ginagawa kong remedyo.
“It’s good to know na nakumbinse mo si Mr. Reeves na magpaopera,” anang doktor.
“Doc, atin-atin lang ito ha? ininsulto ko kasi na sayang ang birdie n’ya. Aba, akalain mo at effective pala ang taktika ko.” Napangiti ako ng alanganin sa huli kong sinabi at bigla akong tinubuan ng hiya.
Puro vascular test at imaging ang ginawang pagsusuri. At kagaya ng aking teorya, pinched nerve ang dahilan ng pag-iiba ng paglalakad ni Sir at stress naman ang dahilan ng palagi niyang muscle cramps. Kung naging tuloy-tuloy daw sana ang physical therapy sa kanya pagkatapos ng minor hip surgery niya ay hindi daw sana umabot sa punto na malapit na siyang maging pilantod.
“Mr. Reeves, my team will be sourcing the most high tech hospital that will do the procedure. If we can't find it here in the Philippines, Singapore will be the best option,” ani Doctor Estrella.
“It’s a simple operation, right?” tanong ni Sir.
“Yes, but unfortunately, bihira ang gumagawa ng ganyan sa Pilipinas. Mostly ay sa Singapore pumupunta ang mga pasyente dahil mas marami silang mapagpipilian.”
Napatango si Sir at tiningnan ako. “Well, I think we have to arrange your passport, Kristine. You have to come with me to Singapore then,” saad ni Sir Errol sa akin.
Ngumiti ako sa sinabi niya. Syempre, bilang therapist niya ay top priority ko na gumaling s’ya. ‘Tsaka ko na iisipin kung paano n’ya ako magugustuhan.
********
Natapos ang mga lab test ni Sir Errol, umuwi kaagad kami. May tinawagan lang siyang isang tao para umasikaso ng aking passport at ng mga kailangang mga papeles para sa kanyang operasyon. Iba na talaga ang mga mayayaman, ito ang napagtanto ko.
“Kristine, iha. Ready ka na ba pumunta ng Singapore?” tanong sa akin ni Ma'am Rosemarie.
“Ready na po, Maam. Kailangan ako ni Sir eh. Tama nga ang hinala ko Ma'am tungkol doon sa nerve niya. Kaya iba ang paglalakad niya. Mataas naman po ang success rate ng operasyon. Ang post operative care po ang mahalaga para manumbalik po ang dating paglalakad ni Sir Errol.”
*******
Kinabukasan, day off ko. Pinayagan akong umuwi para na rin magpaalam kina Lolo Adolfo. Pagdating ko ay kaagad akong sinalubong ni Kristel.
“Ate Tintin, na-miss kita,” sabi ng pinsan ko. Malambing na bata talaga si Kristel. Niyakap niya ako at saka tinawag si Lolo Adolfo. Nagmano kaagad ako kay Lolo at sinabi ang sadya ko.
“Mabuti at nakapalagayang-loob mo na pala ang amo mo, apo,” ani Lolo.
“Naku lolo, muntik ko na talaga nilayasan noong nakaraang araw. Inaway ba naman ang mga kasambahay at ang driver na kamag-anak pa nila. Ayon, nakatikim ng sermon sa akin,” pagmamalaki ko pa.
“Apo, amo mo s’ya. Dapat ay palaging intindihin mo s’ya dahil kasama na sa trabaho ang mapagsabihan ka,’ paliwanag ni Lolo.
Tumayo ako at nilapitan siya. Tumabi ako ng upo sa kanyang paboritong sofa at ginagap ang kanyang kulubot ng kamay. “Lolo, ayaw kong nakikita na ang mga matatanda ay hindi ginagalang ng mas bata. Parang pinipiga ang aking puso. Kung ako lang ang pinagalitan nga amo ko, walang kaso. Hindi ko maaatim na may isang matandang iiyak.”
“Ang bait talaga ng aking apo.” Hinaplos ni Lolo ang aking buhok. Noon pa man ay ugali niyang gawin iyon. Kami na lang ni Kristel ang natitira niyang pamilya. Katulad ko, pawang mga ulila kami ng pinsan ko. Samantalang naulilang ama naman si Lolo.
Sinabi ko sa kanya ang nakatakdang pagbiyahe namin papuntang Singapore oras na maging okay ang aking papeles. Nag-withdraw na ako kanina ang allowance nila para kung sakaling mapaaga ang paglipad namin ay hindi sila kapusin.
Pumasok ako sa aking kwarto at kumuha ng ilang pirasong damit na pwede kong suotin sa byahe namin. Mabuti na lang talaga at kahit papaano ay may nabili rin ako sa aking pagiging Massage Therapist. Kung hindi ay talagang nakakahiya sumama sa amo ko na mukha akong basahan kung itatabi sa kanya.
Isang di kalakihang bag ang naging lagayan ko ng mga damit. At nang papaalis na ako ay inabot ko na kay Lolo ang magiging allowance nila.
“Ang laki naman nito apo. Baka wala ka na rin panggastos sa byahe ninyo,” ani Lolo sa akin. Napakamot siya sa kanyang ulo at ibinalik ang limang libo sa akin. Tinulak ko pabalik sa kanya ang pera at mariin akong umiling.
“Mas kailangan ninyo ‘yan Lolo. Baka matagalan kasi kami doon. Paano na lang ang bayarin sa kuryente at tubig. Allowance pa ninyo,” saad ko.
“Sigurado ka? Basta mag-iingat ka palagi at magpakabait ha?” ani Lolo. Naroon si Aling Lorena at ibinigay ko na rin ang kanyang sahod. Tuwang-tuwa ito lalo pa at malapit na raw ang bayaran sa bill ng kanyang ilaw at tubig. Ibinilin ko sa kanya sina Lolo at Kristel.
Medyo malungkot ako na nilisan ang bahay ni Lolo. Tanaw ko ang mga batang naglalaro sa kalye habang sakay ng traysikel pabalik ng ciudad. Alam ko na matatagalan pa ang muli kong pagbalik sa lugar na kumanlong sa amin.
Napabuntong-hininga ako at inisip na para sa amin ang lahat ng pagsasakripisyo ko na pansamantalang lumayo sa piling ng aking mga minamahal. Hindi ko naisip na isang araw ay kailangan kong pansamantalang iiwan sina Lolo at Kristel para sa trabaho. Kung naging kuntento na ako sa mga pa-raket raket ko sa mga kliyente, hindi ko siguro mararanasan ang lumayo.