Ilang araw ang lumipas na hindi na muling nakita ang nilalang na iyon.
At habang tumatagal ang mga araw, mas lumalala ang mga nararamdaman kong sakit sa katawan.
Parang sasabog na ang ulo ko sa tuwing inaatake ako ng sakit dito. May ilang beses na hindi na ako makakilos, kulang na lang ay hindi na rin ako makahinga. Para akong paralisado. Wala pa akong maalala, ni ang pangalan ko.
Hindi ko rin alam kung totoo pa bang nabubuhay ako sa mundong ito, o isang ilusyon lang ang lahat.
Ilang beses akong umiyak—umiyak nang umiyak dahil sa halo-halong emosyon na nararamdaman ko. Dahil ang sakit na, sobrang sakit mabuhay.
Minsan naman, namamalayan ko na lang ang aking sarili sa hardin namin. Like I'm living my best life. Nagmumuni-muni, sumasayaw, pinagmamasdan ang mga bulaklak, tinitingnan ang sunset, at nagtatampisaw sa lawa—na para bang wala akong nararamdamang kahit na anong sakit.
Iyon ang mga masasayang araw ko.
"Kumusta?" tanong ni Mamá nang matapos niyang ayusin ang mga unan ko. Ngumiti naman ako at tumango.
"Much better," sagot ko. Ibinigay niya kay Esme ang mga gamit na hawak niya. Inilagay naman ni Esme ang mga gamit sa mesa. Umupo si Mamá sa tabi ng kama ko at hinaplos ang buhok ko habang ako ay umayos sa pagsandal.
Narinig ko ang pagbuntong-hininga niya habang pinagmamasdan ako.
Kumpara noon na buong araw siyang nasa hospital dahil sa trabaho niya, ngayon naman ay inilalaan niya ang kalahati ng oras niya sa akin. Patuloy pa rin ang pagcheck nila sa sakit ko.
"I'm afraid, we might go abroad. Para ipacheck ang kondisyon mo," saad niya.
"May mga kaibigan akong doktor na nasa U.S., at gusto ka nilang icheck. Naisip ko na iyon ang best way para matukoy na natin ang sakit mo," tuloy niya. Nanatili akong tahimik.
"Pupunta tayo d'on as soon as possible,"
"Gan'on po ba kalala ang sakit ni Eliz, na sa ibang bansa niyo na po siya ipapatingin?" pagsingit ni Esme. Lumingon si Mamá sa kanya.
"Hindi pa natin 'yan masasabi. You see, maraming sakit ang possible para sa kanya. But we have limited resources para matukoy kung ano ba iyon specifically. Kailangan namin ng mas advanced na tests for her," paliwanag ni Mamá. Bumuntong-hininga na lang si Esme.
Binalik ni Mamá ang kanyang atensyon sa akin, hinaplos niya ulit ang aking buhok. Pero nakikita ko sa kanya ang pangamba at pag-aalala. Siguro, may nalalaman siya at hindi niya pa kayang sabihin sa amin.
Siguro nga, malala na ang sakit ko.
"Sige na hija, magpahinga ka na. I'll let you know kung kailan ang alis natin," malumanay na saad ni Mamá habang nasa tabi ko.
Inayos ko na ang paghiga ko, bagay na dapat na ngang matulog. Isa pa, inaantok na rin naman ako. Marami kasi akong nagawa kanina. Napasobra yata ang pagod ko, buti na lang at hindi ako inatake ng sakit ko kanina at hanggang ngayon dahil kalmado pa naman ako.
Bigla tuloy sumagi sa alaala ko, noong bata pa ako, hindi mawawala ang araw o gabi na bibisitahin ako ni Mamá sa aking paggising at pagtulog. Hihintayin niya muna akong makatulog bago siya umalis. Gigising niya din ako sa pamamagitan ng paghalik niya sa aking noo.
"Sleep tight, my love. Everything will be alright," huli kong rinig bago ako tuluyang tangayin ng aking pagtulog.
—————————————————————————
Bigla akong dumilat.
Napagtanto kong nagising na ako. Naalimpungatan pa nga ako.
Inilibot ko ang aking tingin sa paligid. Madilim ang labas, ibig sabihin ay gabi pa rin. Nakabukas ang mga lampara sa kwarto ko, nakalimutan yata itong isarado ni Esme. Napansin ko naman si Mamá na mahimbing na natutulog habang nakaupo at nakatungo sa aking kama. Mukhang pagod na pagod dahil sa lalim ng kanyang tulog.
Pero mabilis na napukaw ng aking atensyon ang pamilyar na itim na usok.
Ang nilalang na naman na iyon.
Dahan-dahan akong bumangon at umalis sa aking kama. Sinigurado kong hindi ko maiistorbo si Mamá at hindi siya magigising.
Imbis na lapitan siya, dumiretso ako sa may pintuan. Lumabas ako at napagdesisyunang tumungo sa terrace.
Hindi naman ako nagkamali dahil sinundan niya din ako.
Paglabas ko, naramdaman ko agad ang lamig ng simoy ng hangin na dumampi sa aking balat. Hindi ko alam kung anong oras na, marahil ay madaling araw na?
"Talagang kapag nadalaw ka rito ay ginigising mo ako 'no?" saad ko sa kanya nang maramdaman ang kanyang presensya sa malapit.
"Wala akong ginagawa sa iyo," tipid niyang sagot.
Pagkatapos niyang isagot iyon ay nanatili na rin kaming tahimik sa ilang sandali. Dahil din ilang minuto na yata kaming nanahimik, sinubukan kong mag-isip ng bagay na pwedeng pag-usapan. Unti-unti na kasi akong naiilang sa katahimikan namin.
"Uh, ano palang pangalan mo?" bigla kong tanong. Dahil naisip ko kung ano pa nga bang mga bagay na hindi ko alam tungkol sa kanya. Marami naman pero nag-isip pa rin ako ng mga pangkaraniwan na tanong. At naalala ko na hindi ko pa pala alam ang kanyang ngalan.
"Wala akong pangalan," saad niya. Napasinghap ako.
Weh, hindi nga?
"Imposible naman yata iyon. Siguro naman kahit sa impyerno ay may tawag sa iyo," pahayag ko na hindi pa rin makapaniwala. Hindi ko alam kung nagbibiro lang ba siya o ayaw niya lang sabihin sa akin.
"Wala nga. Hindi mo maiintindihan kung paano, pero tatandaan mo rin na magkaiba tayo ng mundo. Kaya hindi porket may isang bagay kang nakasanayan, hindi ibig sabihin n'on na parehas na rin kami sa inyo.
Napatahimik naman ako.
"Haha, chill! Grabe ka naman," tugon ko. Sumingkit ang mga mata niya na parang hindi niya naiintindihan ang reaksyon ko.
"Wala ka talagang pangalan? So paano mo nalalaman kung tinatawag ka ng kapwa mong nilalang sa inyo?" tanong ko.
"Ang dami mong tanong. Hindi ka naman magiging isa sa amin, kaya wala ka na ring karapatan pa na malaman," masungit niyang sagot. Umirap na lang ako.
"Ang sungit mo! Nagtatanong lang naman," mahina kong saad. Nagpatuloy na ulit ang aming katahimikan.
Ano bang gagawin? Mukhang hindi pa ako makakatulog, nawala na yata ang antok ko.
Naisip ko naman bigla si Mamá. Naiwan siya doon sa kama ko at tulog na tulog. Marahil ay sobra siyang pagod. Paano niya kaya iyon nakakayanan 'no?
"Hindi ko alam," sagot niya. Napairap ako at nilingon siya.
"Tapos ngayon ay sasagot-sagot ka," saad ko sa kanya.
"Iyon ba ang iyong ina?" tanong niya at hindi pinansin ang sinabi ko. Hmm, ngayon naman ay gusto niyang makilala si Mamá.
"Oo. Isa siyang kilalang doktor dito sa Las Espadas at sa San Imperial mismo," pagmamalaki ko.
"Ano ang ginagawa ng isang doktor?" blanko niyang tanong.
"Ang doktor ay ang nagpapagaling sa mga taong may karamdaman o sakit. Sila 'yung nagbibigay ng mga payo kung ano ang mga dapat gawin para sa mabuting kalusugan ng katawan," mainam kong paliwanag sa kanya.
"May kapangyarihan ba sila?" tanong niya. Kumunot naman ang noo ko. Anong kapangyarihan?
Nang maintindihan ko na ay saka ako tumawa.
"Haha, ano ka ba? Tao kami, hindi kami katulad niyo," saad ko.
"Sinabi mo na nakakapagpagaling sila ng mga karamdaman, mga sumpa. Ibig sabihin ay mayroon silang mga kakayahang taglay ng isang makapangyarihan," saad pa niya. Hindi ko na pigilan, tumawa na ako nang malakas.
"Hindi, hindi! May kakayahan sila, pero walang kapangyarihan," saad ko. Kumunot ang noo niya na tila hindi nauunawaan ang sinabi ko.
"Ang mga kakayahan na meron sila ay ang talino nila—nag-aral sila ng Medisina at Agham para matutunan ang mga ito, at ang kakayahan sa tulong ng mga teknolohiya at mga kagamitan sa pagpapagamot ng mga tao. Iyon kasi 'yun," paliwanag ko.
"Hindi ba't kapangyarihan na rin 'yun. Hindi lahat ng tao, may taglay na talino o kakayahan para manggamot," saad niya. Napaisip naman ako sa sinabi niya.
"Kung sabagay, magkaiba naman tayo ng mundo. Kung ibabase rito sa aming mundo, maituturing na nga na makapangyarihan si Mamá. Haha!" saad ko.
"Humahanga ako sa galing niya. Isa siyang ina at doktor. Pero minsan, nakakatampo na." malungkot kong salaysay. Hindi naman siya nagreact kaya nagpatuloy ako sa pagkwento.
"Katulad ni Papá, madalas din siyang wala rito sa bahay. Dahil nga sa trabaho niya," kwento ko.
"Ano naman," blanko niyang saad. Lumingon ako sa kanya nang nakakunot ang noo.
"Anong ano naman? Hindi na ba pwedeng magtampo?" saad ko.
"Anyway, kasi nga busy si Mamá sa trabaho niya. Madalang din niya kami dalhin sa hospital dahil hindi niya din naman kami mababantayan," pagtutuloy ko sa aking kwento.
"Manang Estelita, gusto po namin bisitahin si Mamá," saad ko habang nakasakay sa aming kotse. Katabi ko si Eleanor na nasa anim na taong gulang pa lang.
Sumama kami sa pamamalengke ni Manang. Binilhan niya din kami ng mga laruan kaya kasalukuyang abala ang kapatid ko sa bago niyang laruan.
"Ay oo, tamang-tama. May pinapakuha ang Mamá ninyo sa akin. Kaya sige, dadaanan natin siya sa hospital. Manong, tara." saad ni Manang. Sumilay ang ngiti sa aming mga labi dahil makakabisita kami sa wakas kay Mamá. Makikita namin siya sa kanyang trabaho.
Ilang oras ang lumipas nang marating namin ang hospital. Masigla kaming bumaba ng kotse habang dala-dala ni Manang ang iilan naming gamit.
Naglakad na kami papasok at ilang sandali na kinausap ni Manang ang mga tao rito ay dumiretso na kami sa opisina ni Mamá.
"Mamá!" tawag ni Eleanor nang makapasok kami sa kanyang opisina.
Lumingon si Mamá habang may inaasikasong mga papel.
"Oh? Ba't kayo nandito?" saad niya. Linigpit niya ang mga papel saka sinalubong ng yakap si Eleanor. Sumunod naman ako at pinaupo niya kami sa sofa.
"Ma'am, sinabi niyo po kanina sa telepono na may ipapakuha kayo. Ito na po," saad ni Manang at ibinigay ang paper bag kay Mamá.
"Ah, oo nga pala. Muntik ko nang makalimutan nang tuluyan," tawa niyang saad. Inilapag ni Mamá ang paper bag sa gilid at tumabi sa amin.
"How's your day, girls?" tanong ni Mamá sa amin.
"Okay lang po, Mamá. Sumama po kami ni Eleanor sa pamamalengke kasi po nakakabagot na sa loob ng mansion," kwento ko. Natawa naman si Mamá sa reaksyon ko.
Ilang oras kaming nagkwentuhan at naglaro sa loob ng opisina. Sinabi kasi ni Mamá na mayroon na lang naman siyang isang oras para matapos ang trabaho niya kaya sasabay na siya sa pag-uwi. May ilang beses na umaalis siya sa loob ng kwarto dahil may tumatawag sa kanya.
Napansin ko kay Mamá ang pagod sa pabalik-balik niya sa labas at loob ng kanyang opisina.
Nang matapos naman ang trabaho niya, nag-aya siyang kumain sa labas kasama kami. Tuwang-tuwa kami dahil hindi naman namin iyon inaasahan. Masaya kaming kumain kasama si Mamá sa paborito naming restaurant.
At pag-uwi, bagsak sa tulog si Eleanor kaya inilapag na siya sa kanyang kama. Habang ako nama'y naghihintay para balikan ako ni Mamá. Nakasanayan ko na kasi ang kanyang presensya bago ako makatulog. Kung wala siya, hindi ako makakatulog.
"Eliz, let's sleep na," saad ni Mamá. Ngumiti ako at niyakap siya.
"Please rest, Mom," saad ko. Kahit na gustong-gusto kong marinig ang boses niyang nagbabasa o hindi kaya'y kumakanta, bakas sa kanya ang matinding pagod na parang gusto na niyamg bumagsak.
N'ong una ay nagtaka pa siya sa sinabi ko, pero hindi kalauna'y yinakap niya ako at napangiti ko siya.
"Kasi po, you look tired na. You can rest naman," paliwanag ko.
"Sige, anak. Pwede ba tabihan kitang matulog? Dahil namimiss ko nang katabi matulog ang aking prinsesa," gigil niyang saad. Humagikgik ako dahil tinawag niya akong prinsesa. Magiliw naman akong tumango at tumabi siya sa paghiga ko.
Magkayakap kami habang pinagmasdan kong unti-unti ring nakatulog si Mamá. Mas mabilis pa siyang nakatulog kaysa sa akin, at dahil doon ay nakampante na ako.
Ilang taon din pala simula 'yun, at himalang naaalala ko pa. Dumaan din ang ilang taon na nasanay akong matulog nang mag-isa dahil sa sobrang busy ni Mamá.
"Ngayon ko lang ulit naramdaman ang alaga niya," saad ko at ngumiti. Tumingin ako sa kasama ko.
"Ikaw ba, m-may ina ka naman siguro 'no? Hindi naman siguro imposibleng wala kang magulang," saad ko sa kanya. Tumingin naman siya sa akin.
"Meron," tipid niyang sagot. Napasinghap ako, nag-abang ako ng panibagong kwento mula sa kanya.
"Isa rin ba siyang tulad mo?" tanong ko. Umiling naman siya.
"Hindi ko siya nakilala," saad niya. Bumagsak ang balikat ko.
"Uh, gan'on ba.." awkward kong saad. Nako, mali yata na nagtanong pa ako tungkol dito.
"Ngunit katulad niyo siya. Isa siyang tao," saad niya na ikinagulat ko.