"Alam mo, lately parang feel ko hindi na kita nakikita or nakakasama," saad ni Esme sa akin. Kasalukuyan akong nagbuburda ng panyo. Balak kong gumawa ng panibagong set para pan-regalo sa mga tao rito.
Tumingin ako kay Esme na siyang nagbuburda rin. Tinuruan ko siya noon at hanggang ngayon, ito na ang nagsilbi naming libangan.
"Paano mo naman 'yan nasabi?" tanong ko.
"Kasi paminsan-minsan, late ka na nagigising tapos makikita na lang kita sa labas ng kwarto mo—sa hapag-kainan o 'di kaya sa may hardin," paliwanag niya. Nagpatuloy lang ako sa pagbuburda habang nakikinig sa kanya.
"Tapos nitong mga nakaraang araw, pansin ko namang hindi ka inaatake ng mga simptomas o sakit mo. Parang normal ka na, okay na gan'on ba. Maayos na ba ang pakiramdam mo?" saad niya sa akin.
Napaisip naman ako dahil doon. Oo nga, nitong mga nakaraang araw ay mukhang maayos nga ang kalagayan ko.
"Hindi ko rin alam haha," tawa kong saad. Parang payapa ang isip ko ngayon. Walang sakit at pangambang nararamdaman. Pero minsan, makakalimutin pa rin haha.
Nagpatuloy kami sa pagkukwentuhan habang tinatapos ang aming pagbuburda. Nang dumating ang kapatid kong si Eleanor. May hawak siyang isang baso ng orange juice habang nasa likod naman niya ang isang kasambahay na may dala ng isang tray ng pagkain at inumin.
"Nandito lang pala kayo eh," bungad niya at umupo sa katapat kong upuan. Ibinaba niya ang baso sa lamesa. Tumayo naman si Esme para tulungan ang kasambahay na ihain ang dala nito.
"Ano ba 'yan, nagbuburda ka na naman? Buti hindi ka nasusugatan," sarkastiko niyang saad sa akin. Napatingin naman ako nang matagal sa ginagawa ko.
Unti-unti kong nakakalimutan kung paano ko ulit gagawin ito.
"Ano ba, Eleanor? Nakita mo nang nanahimik ang Ate mo sa pagbuburda eh," suway ni Esme sa kanya. Lumapit sa akin si Esme at kinuha ang karayom at sinulid. Kumunot ang noo ko nang gawin niya iyon.
"Magpahinga na muna tayo. Heto, may meriendang inihain si Inay para sa atin," saad niya at inilapit ang merienda sa harap ko. Marahil ay napansin din niyang nakalimutan ko nga ang pagbuburda, at kailangan ko na muna ng pahinga.
Tinanggap ko ang pagkain at tahimik na kumain. Pinagmasdan naman ako ni Eleanor na umiinom ng kanyang juice. Tumingin sa kanya nang nagtataka.
"Bakit?" tanong ko. Umiwas na siya ng tingin at hindi sinagot ang aking tanong. Itinuon niya ang kanyang sarili sa pag-inom ng kanyang inumin.
Lumipas ang oras na nagkwentuhan lang kami ni Esme habang tahimik lang na nakatambay dito si Eleanor. Kung ano-anong bagay ang aming napag-usapan hanggang sa napunta na naman sa aking karamdaman.
"Hay, sigurado talaga akong mami-miss kita kapag umalis ka na papunta sa ibang bansa. Kahit pa alam ko namang hindi ka aabutin nang isang taon doon," biglang sabi ni Esme sa akin. Ilang segundo pa akong natulala dahil nakalimutan ko kung ano ang pinupunto niya, pero mas naguluhan ang kapatid ko dahil sa reaksyon niya.
"Bakit, anong meron? Saan pupunta si Ate?" tanong ni Eleanor.
"Ay hindi mo alam?" sarkastikong saad ni Esme. Tumingin ako sa kanya para ipaliwanag pa ang tungkol doon.
"Batid kong nakalimutan ni Eliz, oh s'ya ganito kasi 'yon. Sabi ng Mamá niyo, pupunta kayo sa ibang bansa para doon ka ipatingin. Hindi raw kasi kumpleto ang teknolohiya dito sa bansa natin, eh siyempre mas mahihirapan kang mapaigaling n'on, kaya sa ibang bansa ka na lang ipapagamot. Ayon, kaya baka sa mga susunod na araw ay mapagtanto mo na lang Eliz na nasa ibang bansa ka na," tawang salaysay ni Esme sa aming magkapatid. Tumingin sa akin si Eleanor.
"Gan'yan na ba ka-lala ang sakit mo para ituon na naman ng lahat ng atensyon nila sa'yo? Haha," saad niya. Pareho kami ni Esme na nanahimik sa inasal niya. Pagkatapos niyang sabihin iyon ay tumayo na siya't iniwan ang kanyang baso. Mabagal siyang naglakad paalis dito sa hardin.
"Iyong kapatid mo talaga, napakasutil! Parang kulang sa aruga!" malakas na saad ni Esme kaya hindi na ako magtataka kung naririnig na ito ng aking kapatid. Habang ako ay tahimik lang siyang pinagmamasdan.
Hindi kami close, pero alam kong may bumabagabag sa kanya. Dahilan para madagdagan ang aking problema.
Ilang sandali at dumaan na ang paglubog ng araw, inaya na ako ni Esme na pumanhik sa loob ng mansion.
"Tara na, Eliz. Malapit nang dumilim ang paligid at saka malapit na rin ang hapunan," saad niya habang inililigpit ang mga kagamitan na nandito sa lamesa.
"Sige, mauna ka na. Gusto ko munang mapag-isa't magpahangin," tugon ko.
"Pero baka mamaya na naman ay magwala ka't kung saan-saan magpunta. Ako pa ang mapapagalitan nito eh," saad niya sabay marahas na pagkamot sa kanyang ulo.
"Ayos lang ako, kaya ko ang sarili ko. Dito lang ako, promise. Sunduin mo na lang ako kapag oras na nang hapunan," malumanay kong pakiusap sa kanya. Wala naman siyang nagawa kun'di sumunod. Umalis na siya dala ang mga materyales na ginamit namin sa pagbuburda, pati na rin ang mga pinagkainan namin kanina.
Ilang minuto akong nagmuni-muni, unti-unti kong napagtanto na hindi ko na muling nakikilala ang sarili ko.
"Hala, ba't nga ba ako nandito?"
"S-sino ako?"
Pinagmasdan ko ang mga braso ko at nakakunot ang noo, pilit na inaalala kung sino at ano bang ginagawa ko sa lugar na ito.
"Nakalimutan mo na naman ba kung sino ka," rinig kong saad ng kung sino. Agad akong napalinga-linga sa paligid. Hanggang sa natanaw ko ang pamilyar na itim na usok.
Nakilala ko na agad siya, kahit pa hindi ko alam ang pangalan niya.
Napangiti ako. Dahil kasabay ng paglapit niya, ay unti-unti ring bumalik ang mga alaala ko. Para bang mahika. Para ding gamot sa pagkalimot ko, haha.
"Nandito ka na naman," Hindi ko napigilang ngumiti dahil sa tuwing nag-iisa ako, sumusulpot din siya sa aking tabi.
"Hindi naman ako nawala," malalim niyang saad. Sumabay naman ang ihip ng malamig na hangin na dumapo sa aking balat.
Dahan-dahan siyang lumapit, at umupo sa katapat kong upuan. Unti-unti ring bumukas ang mga ilaw na nagbibigay ng liwanag sa paligid ng mansion.
"Kapag talaga nag-iisa ako, saka ka nakakahanap ng paraan para malapitan ako eh 'no," kantyaw ko sa kanya.
"Kapag malapit ako sa'yo, saka ka lang malayang nakakaalala. Ang kaluluwa mo ay nakakalaya sa pagdudusa at kamatayan," matalinhaga niyang saad na ikinagitla ko.
"A-anong ibig mong sabihin?" tanong ko. Kapag kamatayan kasi ang pinag-uusapan, iyon ang pinaka-ayaw kong marinig.
"Mahihirapan ka lang intindihin," saad niya. Inirapan ko siya.
Bakit, ano bang tingin niya sa akin? Isang mangmang? Kahit pa'y may sakit ako, matalino pa rin naman akong tao 'no!
"Pansin kong may bumabagabag din sa iyong isipan," tuloy niya.
"Hindi mo ba alam ang salitang privacy? Pwede ba, lubayan mo ang aking isipan!" suway ko sa kanya.
"Tungkol sa iyong kapatid, tama?" pagbabalewala niya sa mga sinasabi ko.
"Aba, ba't parang interesado ka sa kapatid ko? Natitipuhan mo ba siya?" singhap kong tanong. Napagtanto ko kasi na may isang beses na nagtanong din siya tungkol kay Eleanor.
Nakita ko ang pagkunot ng kanyang noo.
"Anong sinasabi mo?" tanong naman niya.
"Natitipuhan! 'Yung gusto mo siya, gan'on!" paliwanag ko sa kanya. Gan'on pa rin ang reaksyon ng kanyang mukha.
"Hindi ko alam ang sinasabi mo. Kung isa man 'yang pakiramdam ng mga tao, ay hindi ko talaga iyan mauunawaan. Dahil hindi naman kami nakakaramdam," saad pa niya.
"Hmm, hindi ako naniniwalang hindi kayo nakakaramdam," mahina kong saad.
Dahil lahat ng nabubuhay, may pakiramdam. Kahit ano pang nilalang iyon.
"Pero ano nga?" dagdag ko nang hindi na siya sumasagot.
Bumabagabag sa iyo
"Ay, 'yung kapatid ko?" saad ko.
"Kasi naman, feel ko may gusto siyang sabihin sa akin kanina. Kaso wala lang siyang lakas ng loob dahil hindi niya ako nakakausap nang solo," kwento ko.
"Sa tingin mo, mahalaga iyon?" tanong naman niya. Napaisip ako, siguro naman mahalaga 'yun. Hindi siya maiilang nang gan'on kung wala lang.
"Kahit pa hindi ko naman talaga siya kilala dahil madalas kaming hindi nagkakasundo. Ewan ko ba, kakaiba talaga kaming magkapatid," tuloy ko.
"Magkalapit lang ang aming edad, kaya madalas kaming napagkakamalang kambal. Pero ang totoo, marami talaga kaming pagkakaiba. Sobrang bilang lang sa daliri ang mga bagay o sitwasyon kung saan ay magkasundo kami. Palagi siyang ilag at pranka pagkausap niya ako, kaya walang matinong usapan ang nagaganap sa aming dalawa. Hindi ko maintindihankung bakit siya gan'on sa akin. Ginagawa ko naman ang lahat para makasundo ko siya," salaysay ko.
"Happy birthday to you, happy birthday to you! Happy birthday, happy birthday.. Happy birthday to you!" pagbati ng mga tao sa akin. Ngayon ang aking kaarawan, at 12 years old na ako.
Maraming mga tao ang imbitado—mga kamag-anak at mga kaibigan ko. Marami din silang regalong ibinigay sa akin. Nakakatuwa dahil marami na naman akong mabubuksan at magagamit.
Habang nasa kalagitnaan ng celebration, nakita ko si Eleanor na nakatingin sa mga regalo ko. Kaya linapitan ko siya para samahan akong buksan ang mga ito.
"Halika, Eleanor! Samahan mo akong buksan 'yung mga gifts ko," ngiti kong pag-aya sa kanya. Tahimik lang din siya sumunod sa akin. Ang suot niyang dress ay mas magarbo pa sa akin, hindi ko ikakaila. Mas kikay kasi siyang manamit kumpara sa akin.
Busy ang mga bisita sa pag-kain at pakikipagkwentuhan sa isa't-isa kaya malaya kaming makapagliwaliw at maglaro.
Sa pagbubukas namin ng mga regalo, may ilang gamit na nagustuhan si Eleanor. Kaya naman ibinigay ko na lang sa kanya ito para hindi na kami mag-away, at saka alam ko rin namang gusto niya ang mga iyon.
"Mga hija, what are you doing? Nagbubukas na ng mga regalo? Ay nako Eleanor, sa Ate mo 'yan!" suway ni Tita Amelia. Kinuha niya ang relo na regalo sa akin. Nalaman ko rin na galing pala 'yun kay Tita Amelia kaya niya nasuway si Eleanor.
"It's okay, Tita. Gusto po ni Eleanor kaya she can have it," saad ko.
"No, hija. I gave you that watch, it's special! Kaya dapat sa'yo lang 'yan," tugon ni Tita, dahilan para mapahiya ang kapatid ko. Malakas kasi ang pagkakasabi n'on ni Tita, napalingon pa tuloy ang ibang mga bisita.
Padabog namang hinagis ni Eleanor ang relo sa akin. Tumayo siya at biglang umalis.
"Hay nako, sutil na bata! Hindi na lang tumulad sa Ate niyang disiplinado," saad ni Tita habang paalis ang kapatid ko. May hinuha akong narinig niya pa ito, malamang nasaktan siya.
I feel bad for my sister. Kaya agad ko rin siyang sinundan sa labas. Alam ko ang paborito niyang lugar dito sa hacienda—ang lawa.
Mabilis akong tumungo sa lawa para aluin siya dahil alam kong umiiyak na 'yun ngayon.
Nang marating ko naman ang lawa, hindi nga ako nagkamali. Dahil mula sa 'di kalayuan, nakita ko siyang nakaupo sa damuhan malapit sa lawa.
"Ba't ka na naman nandito?" saad niya sa akin nang makalapit ako sa kanya.
"Pati ba naman ang favorite spot ko kukunin mo na rin," tuloy niya. Umupo naman ako sa tabi niya at tumingin sa lawa.
Ang lawa na ito ay maganda talaga—nakakakalma at masarap sa pakiramdam ang ihip ng malamig na hangin, kaya hindi ako nagtataka kung ba't nandito siya palagi.
Masigla ko namang binigay ang relo na gusto niya sa kanya. Napatingin siya dito, at hindi niya iyon tinanggap.
"Sa'yo 'yan, bakit ibibigay mo? Tss." saad niya. Nangalay naang braso ko kaya inilagay ko na lang sa may binti niya ang relo.
"Dahil alam kong gusto mo," sagot ko naman sa kanya. Tumingin siya sa akin.
"Ano ka diyan? Paka-bayani ka na naman? Porket birthday mo lang at para sa lahat ay perpekto ka?" pranka niyang saad. Inaamin ko, nasaktan ako sa mga sinabi niya.
"Elea, gan'yan ba talaga ang tingin mo sa akin? Gusto lang naman kitang maging kaibigan eh," malumanay kong sambit.
"Hindi tayo magkaibigan, Elizabeth" saad niya. Napasinghap ako dahil hindi na naman niya ako tinawag na Ate. Hindi ko rin maunawaan kung bakit ayaw niya akong maging kaibigan.
"Bakit?" tangi kong tanong.
"Ayaw kong mapalapit sa kagaya mo," huli niyang saad habang humihikbi at agad na rin siyang lumisan. Hindi ko namalayan na umiiyak na pala siya.
"Hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam kung ba't ilag siya sa'kin," saad ko.
"Mayroong hindi sinasabi sa iyo ang iyong kapatid," saad niya sa akin. Tumingin ako sa kanya at naging mausisa dito.
"Oo nga, ano ba iyon? Alam mo ba? Hindi ba't nakakabasa ka ng iniisip ng tao?" sunod-sunod kong tanong. Umiling naman siya.
"Hindi ako ang karapat-dapat na magsabi, dahil wala naman akong kinalaman diyan." malalim niyang paliwanag. Sinamaan ko siya ng tingin pagkat pinaasa niya lang ako.
"Eliz, hija? Sinong kausap mo?" rinig kong tawag ni Mamá. Nagitla ako kaya mabilis akong nagpalinga sa paligid.
Nakita ko si Mamá na palapit pa lang sa akin.
"Narinig ko ang boses mo, may kausap ka ba?" tanong ni Mamá sa akin. Doon ka lang napansin na hindi man lang umalis ang nilalang na ito sa aking harapan.
"Uh, wala po Mamá." tangi kong sagot. Inakbayan ako ni Mamá at inaya nang pumasok sa loob upang kumain nang hapunan.
Hindi na rin ako nakatanggi pa dahil iyon naman talaga ang hinihintay ko. Hindi na rin ako nakapagpaalam sa kanya.
Sinubukan kong lumingon para tingnan siya, at nakita ko ang unti-unting paglaho ng kanyang katawan na parang alikabok.