Una kong dinala si Sir Kai sa mga burol.
“Medyo tuyot po ang mga burol, Sir Kai. Mahina po kasi ang tag-ulan ngayong Mayo, pero tiyak na babagsak rin ang tubig. Nakikita niyo ho ba ang malawakang tubig doon?” Dinuro ko ang isang malaking gusaling natatanaw. “Doon ho ang patubigan. Marami hong espasyo para sa tubig kaya wala na ho tayong problema kung mag-El Niño at La Niña,” sabi ko.
Tumatango lang sa akin si Sir Kai habang naniningkit ang mga mata sa malaking gusali sa malayo.
Hindi ko nanaman maiwasan ang titigan ito. Umaalon ng kaunti ang humabang buhok sa ituktok ng ulo. Bagay na bagay ang kauntis balbas sa kanyang meztizong mukha. Nakapirmis lang ang kanyang mga mata na para bang malalim ang iniisip. Sa dulo ng kanyang mga mata ay may kaunting pungay ngunit sa unahan ay matulis na. Litaw na litaw ang dugong italyano sa kanya. Totoong isang hari si Sir Kai at luluhod ang lahat sa kanyang kakisigan.
Iniwas ko na kaagad ang tingin. Dinuro ko naman ang mga nakikita mula rito sa itaas ng burol.
“I-Iyon ho ang kwadra ng mga kabayo, tilapia-an at kanang quarters. Papa-hacienda na ho kung bababa tayong burol, Sir Kai.” sabi ko.
“I’ve been to the stables, Rina. Na-check ko na ang halos lahat ng kabayo doon. I like horses, remember?” sagot niya.
Halos malagutan ako ng hininga sa kanyang huling sinabi. Kakaunti lamang ang nakuha ko sa kanyang ingles ngunit ang dulong pangungusap ang mas tumatak sa isip ko. Iyon ang madalas niyang sabihin sa akin dati nang mga bata kami.
“S-Sa isdaan na lang ho ngarod,” sabi ko, pilit kinakalma ang dibdib.
Ako ang nauuna sa pagpapatakbo dahil hindi alam na Sir Kai. Minsan na lang ulit akong nakasakay ng kabayo dahil maraming ginagawa. Kung wala si Sir Kai ay kanina ko pa pinakaripas ng takbo si Ace. Mabilis na mabilis!
Nang malagpasan na namin ang kwadra ng mga kabayo at daan papa-hacienda ay narating na namin ang mga fishpond. Bumaba kaagad ako ng kabayo.
“Tatay Dado! ‘Tay!” Inilagay ko ang dalawang palad sa tabi ng bibig.
Napatingin kaagad sa akin ang mga trabahador sa isdaan. Kumaway ako at kumaway rin sila. Matagal na rin kasi akong hindi nakabibisita rito. Sobrang init kasi kapag tanghaling tapat, ngunit ngayong umaga ay kasarapan ng sinag ng araw.
May isang nakabalanggot na matanda ang naningkit ang mga mata sa akin. Ngumiti ito bigla ay nagpunta sa amin.
Nilingon ko si Sir Kai na pinaniningkitan ang kanyang paligid pati na rin ang tao. Bumabati pa rina ng iba sa kanya at tango laman ang kanyang ibinibigay. Humalukipkip si Sir Kai at binalingan ako ng tingin. Kinagat ko ang labi.
“Rina? Ikaw ba iyan, bata ka?” Binalik ako ni Tatay Dado na siyang namamahala sa pala-isdaan.
“Opo, Tatay Dado. Magandang umaga ho!” sabi ko at nagmano.
“Anak, mas maganda ka pa sa umaga. Bakit ngayon ka lang napunta rito at sino ba ireng kasama mo? Kay gwapo naman ng iyong nobyo! Pwedeng-pwede na mag-asawa!” halakhak niya
Nanlaki kaagad ang mga mata ko. Pulang-pula ang pisngi kong bumaling kay Sir Kai na nginitian lang ng tipid ang matanda at walang tinutol.
“Tatay Dado! H-Hindi ko ho siya nobyo! Siya ho si Sir Kai? Señorito Malachi Donofrio?” subok ko.
Pulang-pula pa rin talaga ang aking pisngi. Napapatingin ako sa mga trabahador na nakatingin din sa amin at para bang nagpipigil ng tawa.
“Biro lang, Rina. Ikaw naman, hijang maganda. Ay, hindi na mabiro ire! Kilala ko naman ang ating gwapo at binatilyong señorito. Magandang umaga ho, Sir Kai.” halakhak muli ni Tatay Dado. Doon na rin naghalakhakan ang mga kanina pa nagpipigil na tumawang mga trabahador. Miski si Sir Kai ay umangat ang isang dulo ng labi. Natulala ako roon saglit.
“Good morning din po. Nililibot lang ako ni Rina.” sagot ni Sir Kai.
“Ganoon ba? O siya. Halikayo at ipapasyal ko kayo sa buong isdaan. Isang pasyal para sa magnobyo at nobya.” Humalakhak ulit si Tatay Dado.
Pulang-pula ang pisngi ko. Wala talagang alam si Tatay Dado kung hindi ang mang-asar. Sa sampung minutos na humapyaw kami rito sa isdaan ay panay ang asar ni Tatay Dado sa amin. Humahataw naman ang dibdib ko at nagtatago na lang sa isang sulok dahil pati dibdib ko ay pulang-pula. Nang matapos na ay nagmamadali akong sumakay sa kabayo at kamuntik pang mahulog.
Napasulyap ako kay Sir Kai na iiling-iling sa akin.
“Magmadali ka ulit para mahulog ka na, Rina. At para mailantad ulit ang orange underwear mo.” aniya. “Hya!” sabay patakbo ng kabayo paalis.
Saglit akong natulala sa kaniyang sinabi. Tapos ay napanganga na lamang ako at natulala. Nakakita ko ang isang tatig na mukhang naliligaw. Sana ay maging tatig na lamang ako! Ang panty ko! Ang mga hita ko!
“Hya, Ace!” Kinalabit ko na ang renda. Mangiyak-ngiyak ako nang nagsabay ulit kami ni Sir Kai.
Hindi na kmi nagkikibuan kung hindi naman importante. Kikibo na lamang ako kung magbibigay ng kaunting impormasyon. Dahil una sa lahat, nahihiya ako. Pangalawa, marami siyang kausap. At pangatlo, masama ang titig sa akin ng ‘mga babae’ niya. Nakayuko na lamang ako. Inikot ko si Sir Kai sa maliliit na parte ng kanilang taniman ng mais, palay, sibuyas, pinya at kung anu-ano pa. Tapos ay kumaliwa nang nasa mansion na. Roon, nilibot ko si Sir Kai sa kanilang factory at bodega kung saan nakalagay ang mga treser, kagamitan, fertilizer at kung anu-ano pa.
“P-Pasensiya na ho, Sir Kai. Medyo mainit ho rito.” pahayag ko nang nasa bilaran na kami ng palay. Isang malaking semento ang aming kaharap at mga nakatakip mukha na trabahador. Uminit na rin kasi dahil lumipas na ang oras.
“Mainit ho, señorito? Paypay ho? Ikaw, kumuha ka ng malamig na tubig!” sabat naman ng isang namamahala.
Tinitigan siya ni Sir Kai mula ulo hanggang paa. Unti-unting umangat ang dulo ng kanyang labi.
“Sure, pretty.” Kumindat si Sir Kai.
Tumahimik na lang ako sa isang tabi at hindi na nakinig sa kanilang paglalampungan.
Halos parang wala na rin akong kausap tuwing may bababaan kaming destinasyon dahil panay ang hablot sa kanya ng mga babae. Para silang mga lintang nakadikit sa señorito habang humahalakhak. Gusto kong sabihin na trabahadora lang sila at ang amo nila ay babaero’t walang galang. Bagsak sila sa putikan kung paaasahin ang sarili. Ngunit hindi na lamang ako kumibo. Yumuko na lang ako ulit.
Sunod ay dinala ko si Sir Kai sa mga babuyan, bakahan at manukan at kung anu-ano pa. Medyo may amoy nga lang. Naaalala ko nanaman nang hindi ko sinasadyang matapunan ang señorito. Namumula ang aking pisngi habang nagdedetalye.
Matapos sa mga hayop ay umakyat kami sa orchard. Ito ang pinakalikod ng rancho at pinakaituktok. Narito rin nakapwesto ang plantasyon ng kanilang ubas pang-alak at plantasyon ng mga pukyutan.
Bumaba kaagad ako ng kabayo kahit na mamaya ay mahulog nanaman ako. At sinigurado ko talagang hindi na ako makikitaan kahit nakasaya lang. Tinali ko ito sa kalapit na puno. Ganoon rin ang ginawa ni Sir Kai.
“Para ho sa akin ay ito ang pinakamagandang plantasyon ng hacienda. Marami ho kayong bunga tulad ng mansanas, oranges, dalandan, chico....” Naniningkit ang aking mga mata sa nakikita.
Isang malaking arko muna ang aming pinasadahan. Nakasulat doon ang ‘Donofrio’. Diniretso ko ang tingin at doon nakita ang totoong ibig sabihin ng salitang paradiso.
Hile-hilera ang mga puno ngunit nangingibabaw ang iba’t ibang kulay na mga bunga. Hitik sa luntian ang maiiksing d**o. Dahil ito ang pinakaituktok ng Hacienda Donofrio, kitang-kita mo rin ang lahat rito. Ang palayan, ang villa, ang mansion, ang resthouse, ang lahat-lahat! Dito masarap sumigaw ng iyong problema. Sumabay sa hangin na para bang isa kang ibon!
“Maganda ho talaga rito sa orchard, señorito! Gusto niyo ho ng tikim?” ani ng isang malamyos na boses.
Tamad kong nilingon ang isang babae at si Sir Kai na naglalakad na papasok. Kung makalingkis ang babae ay tela mo ahas. At ang kanyang señorito ay kinukuha ang lahat ng pagkakataon makasilip lamang sa dibdib nitong nakalantad!
“Sige. Anyway you like.” ani Sir Kai at sumulyap ng isa sa kanyang likuran - sa akin. Kinagat nito ang labi at binalik ang tingin sa kausap.
Sumunod ako dahil iyon ang gustong iparating ng kanyang titig.
Titig na titig ako sa kanilang bultong naglalampungan. Kung papaano bumababa ang mukha ni Sir Kai sa tainga ng magandang trabahador upang bumulong. Hahagikgik naman ang babae. Paulit-ulit na ganoon. Nahagip ng tingin ko ang kamay ni Sir Kai sa likod ng babae na ngayo’y dumampi na sa pang-upo nito! Napanganga ako! Nasaan ang hiya!
Muling sumulyap sa akin si Sir Kai tapos ay nakipag-usap nanaman sa babae. Napanganga akong lalo. Sobrang laki na nga talaga ng kanyang pinagbago. Burado na ang Kuya Kai ko, dahil binahiran na ng pambabastos ng señoritong ito.
Aminin ko man o hindi, nasasaktan ako sa kanyang pagbabago. May parte sa akin na unang tapak pa lang niya sa hacienda ay ako kaagad ang kanyang mapapansin, yayakapin at kakamustahin. Imbes, isang tango lamang para sa iilang taong nabuklod. Pakiramdam ko ay nasayang ang aking mga luha nang araw na umalis siya, mga panahong nangungulila ako at nagmamaktol. Ang makitang mas malapit pa siya sa ibang babae ay parang asin lamang sa sugat. Alam kong wala akong karapatan, ngunit hindi niya ba talaga maalala ang natatanging kaibigan na pinangakuang babalikan?
Umalis ang kanyang babae saglit upang ipalam yata na bumisita ang kanilang mahal na señorito, kaya naman naiwan ako kasama nito.
“You are silent, Rina. Bakit?” aniya.
“B-Bakit ho ako tahimik?” paninigurado ko. Pumula ang pisngi ko sa hiya.
Tumango si Sir Kai roon.
“Kasi....” Umabot ako ng isang mansanas na hinog. Pinunasan ko iyon gamit ang dulo ng aking damit. Kumagat ako ng isa upang maibsan ang kuryente sa aking sistema.
Tinaasan ako nito ng kilay. Ang tangos ng kanyang ilong, ang nipis at pula ng labi, ang kaitiman ng buhok, kilay at pilik-mata. Sobrang ganda ni Sir Kai.
“Wala ho, señorito.” Dahan-dahan akong umiling.
Kumunot naman ang kanyang noo.
May bumati sa kanyang isang may kagandahan at morenang babae. Tumango siya roon at ngumiti ng kaunti.
“Wala ho kayong respeto sa lahat ng babae.” pabulong kong tuloy sa sinabi.
Nauna na akong naglakad dahil kinakausap pa niya ang magandang dilag. Ilang segundo rin ay bahagya itong tumakbo patungo sa aking pwesto. Nagulat nga ako nang hablutin nito ang mansanas na aking hawak-hawak sabay kagat.
“I heard that, Rina. Pero huwag mo namang lalahatin dahil ang laki pa rin ng respeto ko sa iyo. I want to see the honey plantation now, please.” aniya.
Bahagya akong napatigil. Nag-angat ako ng tingin sa kanya. Mariin ang titig niya sa akin habang panay ang kain sa mansanas.
“O-Oho, Sir Kai.” Yumuko ako.