Hindi ako dinadalaw ng antok ng gabing ito. Pabiling-biling ako sa katre. Kurap ng kurap ang aking mga mata ngunit hindi naman dinadalaw ng antok. Sumuko na ako sa antok at umupo na lamang.
“Sasamahan ang señorito, o hindi? Samahan o hindi?” sabi ko sa sarili.
Bumuntong-hininga ako.
Ang hirap naman kasi magdesisyon! Ginugulo ako ng aking utak! Ginugulo ni Sir Kai! Kung tutuusin ay simpleng tanong lang naman iyon. Mali pala - utos. Utos iyon dahil siya ang aming - aking amo. Dapat ay susundin ko ito sa lahat ng kanyang gusto. Panigurado nga ay ‘oo’ ang aking sasabihin, at sarili ko lang naman ang binabahala.
Mali yata ang magbalik-tanaw sa mga alaala pero paano kung alaala na lang ang mayroon ka?
Kinabukasan ay nagising ako ng alas-kwarto gaya ng nakasanayan. Naligo kahit na sobrang lamig ng tubig at nagbihis.
“Maganda umaga, ‘Nay!” bati ko kay Nanay Merida nang naabutan ko siyang nagluluto ng pambaon.
“Mas maganda ka pa sa umaga, anak.” anito.
Nagtimpla ako ng kape para kay Nanay at inilapag ito sa mesa. Umupo na rin ako para makakakain na. Matapos naming kumain ay nag-urong ako, tapos ay nagpuntang sala kung saan ginagayak ni Nanay Merida ang kanyang asul na bota.
“N-Nanay?” napabasa ako ng pang-ibabang labi.
Nilingon naman ako nito at nginitian. Mas lalo akong kinabahan.
“Bakit, Rina?” aniya.
Lumunok ako. “A-Ano po kasi, nagpapasama si S-Señorito Kai. Ililibot ko raw’ng ho siya sa buong rancho...”
Hindi naman sa bawal ang lalaki sa aking buhay. Lagpas na ako sa legal na edad ng isang taon. Ngunit naalala ko ang mga pangaral sa akin ni Nanay Merida. Tuwing gabi bago matulog ay kinakausap niya ako tungkol sa tamang pagmamahal. Sabi niya, pwedeng-pwede naman akong magmahal. Masarap raw ang magmahal! Ngunit magmahal ka ng tamang tao, tamang oras at tamang pagkakataon. Hindi ko iniisip na magmamahal na kaagad ako, ngunit sa lungsod na ito, pinahahalagahan ang pagka-birhen ng isang babae. At sigurado akong lahat ng tao, lalo na si Nanay Merida, ay alam kung gaano iyon nilapastangan ni Sir Kai.
Tumango-tango si Nanay Merida sa akin at ngumiti ng matamis. “Kung gusto ng señorito ng libot, ilibot! Magkababata naman kayo, Rina? Kaya siguro sa iyo magpapalibot dahil matagal na kayong magkakilala, anak.”
“E ‘di ba, Nanay, hindi na niya ako naaalala. ‘Di ba ay napag-usapan na natin ito nang isang gabi?” tanong ko.
Nagkibit-balikat sa akin si Nanay Merida. Binilinan niya ako na mag-ingat at kumain ng marami mamaya. Umalis na rin siya. Naiwan ako sa quarters.
Pinayagan ako ni Nanay Merida? Pinayagan ako! Siguro ay malaki ang tiwala niya kay Sir Kai. At ako rin naman. May pruweba na ako roon. Tinulak ko na lamang ang lahat ng negatibong pag-iisip dahil sagabal pa ito sa aming lakad.
Nagdiretso muna akong taniman upang tingnan ang aking mga alaga, ilipas ang oras at makausap man lang sina Ava at Amaris na ilang araw ko na ring hindi nakakausap ng matino.
“Magandang umaga, Ava, Amaris!” bati ko nang makitang nakatulungko na sila na kani-kanilang kama ng taniman.
“Mas maganda ka pa sa umaga, Rina!” bati nila pabalik.
Nagpunta ako sa istasyon ko at nagsimulang magbunot ng mga ligaw na d**o.
“Kamusta na kayo, Ava, Amaris?” umpisa ko.
“Heto, Rina. Sa umaga ay ani, d**o at dilig. Sa hapon ay trabaho sa Villa Donofrio.” ani Amaris.
“Masakit sa likod, kamay, paa at ngala-ngala!” humalakhak naman si Ava.
Nagsipaghalakhakan kami ng aking mga kaibigan. Nagkwentuhan lamang kami hanggang sa sumikat na ang araw. Masaya ako na wala silang dalang galit sa akin at ako sa kanila. Bagkus, nagkapalugitan sa isa’t isa.
“Hayaan ninyo, kapag tapos na ang selebrasyon ni Sir Kai, pupunta tayong tilapia-an.” sabi ko.
Sa tilapia-an n rancho ay kahit sino ay pwedeng mamingwit basta ba ay trabahador ka. Isang plantasyon iyon kaya naman ang dami-daming tilapia! Sobrang daming mahuhuli. Marami na kaming pera, may pang-ihaw pa sa tanghalian at mai-uuwi kinahapunan.
“Sige ba! Pero kapag natapos na ang selebrasyon, panigurado kapag dumating na ang lahat ng Donofrio ay panibagong gawa nanaman.” angal ni Amaris.
“Tama si Amaris, Rina.” segunda ng isa.
Tumaas ang aking kilay. “Ngunit kung makikita naman natin si Sir Kai, Sir Ibrahim at Sir Judah na pormado....”
Hindi ko na tinapos ang aking pangungusap dahil hindi na kailangan. Mabilis silang nagtilian at nagsabunutan. Humalakhak ako. Daig pa nila ang mga tilapiang nakikikisay!
“Paano kaya kapag narito na ang tatlong señorito? Uutusan ako, Rina, tapos ay hahaplusin ang aking kamay! Matatanggal ang aking saya!” tili ni Ava.
“Paano kung sa gabi ng selebrasyon ay maisayaw nila ako? Ipapasa sa bawat señorito at bawat pasa ay may kasamang halik?” tili din ni Amaris.
Usap-usap na rin kasi sa buong rancho ang tatlong magkakapatid na ito. Dinig ko ay kung matikas ang bunso, papatikas ng papatikas. Kung gwapito ang isa, panigurado ay lahat sila. Pinipilahan na nga kahit nasa ibang bansa pa!
Hindi kalaunan ay nagpaalam na rin ako dahil alas syete ang aming simula kung saan hindi pa masakit ang tama ng araw sa aming mga balat. Mahaba-haba ring pagpapaliwanag ang aking ginawa bago kumalma ang dalawa.
“Paki-halik si Sir Kai para sa akin, Rina!” kaway ni Ava.
“Paki-haplos ang mala-adonis na katawan naman sa akin, Rina!” hugot ni Amaris.
Kumaway ako at nagdiretso na ng mansion kung saan ko ito susunduin.
Nang makapasok na akong mansion ay kumalabog kaagad ang aking puso. Parang nasisikipan ako kahit na sobrang laki ng mansion. Napatingin ako sa salamin saglit at hinawi ng kaunti ang nagulong buhok.
“Pangakong tatawagan mo ako mamaya kapag tapos ka na sa gagawin mo? Sasabihin ko na kay Papang na ikaw ang gusto kong mapangasawa! Ikaw ang magmamana ng akin!” tunog ng babae iyon.
Lumingon ako at tama ang hinala. Bumababa sa engrandeng hagdanan ang walang pang-itaas na si Sir Kai at isang bagong paligong eredera. Yumuko ako at nanatili sa aking pwesto.
“I promise. Bye, Shae.” aniya sabay nadinig ko ang matunog na bagay. Isang halik.
“Serra ang aking pangalan, Kai.” ani naman ng nagmamaktol na boses.
Napataas kaagad ako ng kilay. Naparaan sila sa harapan ko kaya naman mas iniyuko ko ang ulo. “Magandang umaga ho, señorito, señorita.”
“Mas maganda ka pa sa umaga, trabahadora.” Matamis ang sagot ng babaeng naikama nanaman ni Sir Kai. Singtamis ng kanilang mga boses na bumabanda sa lahat ng pader ng mansion.
“S-Salamat ho, señorita.” sagot ko na lang.
Nag-angat ako ng tingin saglit. Doon ko nasulyapan ang magandang dilag na nakapulupot ang mga kamay sa baywang ng nakangiting si Sir Kai.
“Paalam, mahal ko.” ani ng babae.
“Goodbye, sweet.” Hinaplos ni Sir Kai ang pisngi nito. Sabay humalik ng matagal. Iniwas ko ang tingin at pilit inaalis sa utak ang pangyayaring aking nasaksihan.
Nang sumarado na ang pinto hudyat ng pag-alis ng nalokong dilag ay nag-angat na ako ng tingin. Nasulyapan ko na si Sir Kai na dalawa kung humakbang sa baitang. Napapatingin talaga ako sa kanyang biyak sa katawan na nakalantad nanaman sa akin. Napabasa ako sa labi.
“Wait me for ten minutes, Rina!” sigaw nito mula sa itaas.
“O-Oho, Sir!” sigaw ko pabalik.
Sa totoo lang ay ang laki talaga ng pagbabago ni Sir Kai. Nagbago ang kanyang hitsura at tangkad. Mas umusok at nadepina kung gaano siya kagandang lalaki. Nagbago rin ang pakikitungo nito sa mga babae at pagbigkas ng mga salita. At higit sa lahat, ang pinakanakalulungkot, nalimutan ang itinakda niyang pinakamatalik na kaibigan. Nalulungkot ako roon ng sobra at nasasaktan dahil nalagasan ako ng isang kaibigan. Bagkus, iyon ang bumabagabag sa akin kagabi pa - ang samahan ko ang pinakmalapit na tao sa buhay ko na ni-hindi man lang ako naalala porque nakalipad sa ibang bansa. Sabagay, ano nga bang lugar ng isang napulot at walang pamilyang ranchera?
“Let’s go.”
Nag-angat ako ng tingin upang makita si Sir Kai na pababa ng ng hagdan, pormadong-pormado sa kanyang maong shorts na pang-ibaba at long sleeve na pang-itaas.
“O-opo, señorito,” sagot kong namumula ang pisngi.
Pinauna ko si Sir Kai dahil hindi ko alam kung anong gagamitin naming pang-libot. Sa ganitong paraan, langhap ko ang lahat ng kanyang bango at sulyap ko ang lahat ng kanyang pagka-Adonis. Para akong asong naglalaway sa kanyang likuran.
Huminto ito bigla kaya naman dire-diretso ako’t naumpog ang noo sa kanyang likod. Napa-abante ito ng isa sa gulat. Napaatras kaagad ako at sinapo ang aking noong nananakit.
“Why the hell are you so clumsy, girl?” Iling niya sa akin.
“P-Pasensiya na ho, señorito! H-hindi ko ho kasi nakita...” Kinagat ko ang labi.
Hindi na ako nito nilingon at binaling ang atensyon sa kaharap.
Wala na. Sirang-sira na talaga ang reputasyon ko. Minsan, gusto ko na lang palitan ang aking mukha at maging isang dagang bukid sa hiya.
“Paki-kuha po si Uno at Ace, Kuya Abel. Ililibot ako ni Rina sa Rancho Donofrio.” Naniningkit ang kanyang matutulis na mga mata kay Kuya Abel. Sinilip ako ni Kuya Abel sa likod ni Sir Kai at batid ko ang tanong sa kanyang mga mata. Nag-init ang pisngi ko.
“Sige, señorito. Gusto mo ba ng kasama pang isa? Si Halil, señorito! Kabisado rin niya ang Rancho Donofrio!” Ngumiti ng matamis si Kuya Abel. Kita ko ang pagguhit ng kuno sa noo ni Sir Kai.
“Rina will be just fine—” Naputol si Sir Kai.
“Rina!”
Nilingon ko ang boses upang makita ang isang nakangiting Halil na kumakaripas ng takbo. Ang butas-butas niyang sando at pantalon ay bagay na bagay sa gintong balat. Rancherong-ranchero.
“Magandang umaga, Halil!” ngiti ko.
“Mas maganda ka pa sa umaga, Rina,” ngiti rin niya.
Binati niya rin sina Kuya Abel at Sir Kai. Pansin kong hindi pa rin nawawala ang kunot ni Sir Kai at mas nakatuon ang kanyang mga mata kay Halil. Ramdam ko ang panlalamig ng aking kaibigan.
“Halil! Ililibot daw ni Rina si Sir Kai. Sabi ko ay sumama ka na dahil alam mo rin ang kabuuan ng rancho.” paliwanag ni Kuya Abel.
Tumingin sa akin si Halil at ngumiti ako. Binaling naman niya ang tingin kay Sir Kai, ngunit nakahalukipkip lang ito sa kanyang harapan.
“H-Ho? Kaya naman na ho ni Rina ito, Kuya Abel.” Nangangatal ang kanyang labi.
Napanguso ako.
Kung sasama kasi si Halil sa aming paglilibot ay tiyak na mas makagagalaw ako. Mas kumportable ako kapag kasama si Halil dahil sa kasawiang palad, hindi na ako naaalala ng kababata.
“Ayaw niya po sumama, Kuya Abel. Let this boy be—”
“S-Sumama ka na, Halil! Kung maaari? Sige na!” singit ko. Kinagat ko ang labi at ngumiti sa pinagpapawisang kaibigan.
“R-Rina?” tanong niya pa. Tumango ako sa kanya.
Isang singhal ang ginawa ni Sir Kai bago dinuro ang isang walang kamalay-malay na trabahador. “Paki-kuha si Uno at Ace. Paki-bilisan.” Naniningkit ang mga mata ni Sir Kai. Nagtitinginan kami nina Kuya Abel at Halil.
Dumating na ang dalawang kabayo at wala sa dalawang lalaking aking kasama ang may kayang kwestyunin ang kanilang kunot-noong mahal na señorito. Kaya naman ako na ang nagtanong.
“S-Señorito Kai? S-Sasama na raw ho si Halil sa paglilibot.” Lumunok ako.
Sumakay si Sir Kai sa kabayo at nagkibit-balikat sa akin. “Sige, Rina. Kung gusto niyang sumama ay sasama siya. Pero dalawang kabayo lang ang para sa ating tatlo. Sasakay ka sa akin, at siya ay mag-isa. Capisci?”
Napanganga ako. Tumingin ako kay Halil na laglag rin ang panga habang si Kuya Abel ay nawala na.
Ayokong mapag-isa kay Sir Kai kaya isasama si Halil, ngunit may kundisyon siyang magtatabi kaming muli. Mararamdaman ko nanaman ang init ng kanyang dibdib at hininga. Ang maskuladong mga braso at hita. Ngayong naaalala ko nanaman ay hinahabol ko nanaman ang hininga.
“K-Kayo na lang ho, señorito. P-Pasensiya na ho.” ani Halil na para bang nababasa ang aking nasa isip.
Tumango si Sir Kai roon at hindi na nagsalita pa.
Lugo-lugo akong sumakay, sa pagalalay ni Halil, sa puting kabayong nagngangalang ‘Ace’. Pinatakbo ni Sir Kai ang kanyang itim na kabayo.
“Hya!” At pinatakbo ko na rin ang akin.