“Si Halil ang nararapat na magdadala sa iyo ng roba, Rina. Ngunit bago pa man namin masabihan si Halil, pinaratangan na kami ng kaparusahan ng señorito.” ani Amaris.
“Katuwaan lang ngunit nauwi sa pahirapan, Rina.” malungkot na saad ni Ava.
Tumalon ako sa kabilang pilapil nang nauuna ang unat na paa, habang nakadipa ang dalawang kamay. Pinantay ko sa ulo ang dulo ng kaliwang paa at unti-unti rin itong binaba sa kabilang pilapil hanggang sa naka-split na ako. Inunat ko ang dalawang kamay nang pa-arkong istilo.
Pinakatitigan ko lamang ang dalawa kong kaibigan at hindi sila kinibo.
Nagkatinginan silang pareho bago pinagdaop ang mga palad. “Pasensiya ka na, Rina. Pasensiya na!” anila.
Bumuntong-hininga ako.
Kamalian ang nagawa, ang nararapat ang pantuwid. Nang iniwan nila ako sa Lunes kasama ng iba pa naming mga kaibigan, naisip ba nilang maraming pwedeng mangyari sa akin? Lalo pa at isa akong babae, isang birhen. Nakuha nila akong kuhanan ng saplot - natiis. Ang kanilang may katangahang kaibigan, naisahan nanaman. Maling-mali.
“Hindi ko alam kung anong mayroon sa aking dugo at ako palagi ang punterya ninyo sa asarin at kuladyaan. Pero sige, Ava at Amaris. Pinatatawad ko na kayo.” pagsuko ko.
Dahil kahit ilang asar o tudyo pa ang gawin nila sa akin, kaibigan ko pa rin sila. Itinuturing ko na silang kadugo at mga kapatid - pamilya, ang buong rancho ang aming tahanan.
Lumuhod sina Ava at Amaris sa aking tabi. Sabay silang ngumiti sa akin at nagsabi ng pasasalamat. Nangako silang hindi na muli iyon gagawin. Tatanawin ko ang pangakong iyon.
“Rina, patanong?” ani Ava nang nagbalik na kami sa kanya-kanyang trabaho.
Biniba ko ang bilao ng bataw. “Oo, Ava.”
Miski si Amaris ay nalimutan na rin ang binubugkol na sigarilyas at tinutok ang atensyon amin.
“Sino ang naghatid sa iyo pabalik? Nakita kong walang pang-itaas na saplot si Sir Kai. Rina, sino ang tumulong sa iyo?” Kumislap ang bilugang mga mata ni Ava. Pumalakpak naman si Amaris sa kanyang tabi.
Naalala ko ang nangyari kahapon ng hapon. Kung papaano ako namumutlang umaatras sa talon habang hawak-hawak ang aking dibdib. Ang mga huni ng ibon na sumasang-ayon sa aking kahihiyan. Doon lumabas si Sir Kai na nagligtas sa akin. Binigyan ako ng damit at pinasakay sa kanyang kabayo. Hinding-hindi ko malilimutan ang bangong nagmumula sa polo at sa kanya mismo, at sa umuusok na bulto ng katawan pati ang anim na pandesal sa tyan.
“H’wag na h’wag kang lalapit ulit kay Rina! Ipapakita ko sa’yo ang abs ko! Tataob ka sa akin, batang batchoy!” Umuusok sa galit ang mga mata ni Kuya Kai.
Ang kanyang kaharap na si matabang si Boye ay ngumunguya ng mansanas. May iilang putik sa mga braso at mukha nito. At ang damit na puti ay nagiging kape na. Humalakhak ito at nakipagtinginan sa mga alipores bago tinitigan si Kuya Kai.
“Ang liit-liit mo, Kai! At pinulot ka lang sa tae ng kalabaw! Hindi ka Donofrio!” halakhak nito.
Humigpit ang hawak sa akin ni Kuya Kai. Kita ko ang pag-iigting ng kanyang panga. Hinila ko ang kanyang lalayan ng damit kaya tumingin ito sa akin.
“K-Kuya Kai? H-Hindi ka Donofrio? sabi ko.
Umiling ito at ngumiti sa akin. “Donofrio ako, Rina. Balang-araw, ikaw rin. At may abs din ako!”
Pinunasan niya ang mga luha sa aking pisngi gamit ang laylayan ng damit. Sobrang bango ni Kuya Kai! Inayos niya ang putikan kong buhok dahil dinapa ako ni Boye habang nag-eensayo ng baley.
“Tatakbo ka ha, Rina? Pupuntang mansion at mag-wash at bihis. Tapos paglabas mo ng bathroom andoon na ako. Maglalaro na tayo! Tapos ipapakita ko rin sa’yo ang abs ko.”
“Wala ka namang abs, Kuya Kai! Patingin nga!” Ngumiti ako ng matamis. Hindi sa akin pinakikita ni Kuya Kai ang kanyang abs kasi sabi niya tuwing may kaaway lang raw lalabas iyon.
“Hmmmm. Next time! Takbo na, Rina!” Kumindat ito sa akin.
“S-Si Sir Kai, Ava.” Si Sir Kai ulit.
Dumaan ang mga araw na abala ang lahat para sa nalalapit na engrandeng selebrasyon. Puros trabaho ang ginagawa ng lahat at miski ako pagod din kapag umuuwi. Nang umamin ako sa aming magkakaibigan na ang kanilang Sir Kai ang tumulong sa akin, pilit nilang pinadedetalye ang lahat. Ngunit dahil na siguro sa pagiging abala ay nawalan na kami ng oras upang pag-usapan pa iyon. Hindi tulad ng dati na tatlo kami nina Ava at Amaris sa aming pilapil, isa na lamang ako dahil abala sila sa buong villa. Lungkot na lungkot ako dahil sila ang pinakapagod sa lahat ng manggagawa.
“Rina? Bata ka, hindi mo ito pang-itaas.” puna sa akin ni Nanay Merida minsan.
Hawak-hawak niya ang lilang polo ni Sir na ginamit at binigay niya sa akin. Pulang-pula ang pisngi ko!
“B-Binili ko ho sa sentro, Nay! Binili ko ho!” katwiran ko.
Naningkit sa akin ang mga mata ng Nanay bago binalik ang trabaho sa pagtutupi ng nilabhan kong damit. “O siya, anak. Matulog na at pagod nanaman tayong lahat kinabukasan.”
Doon ako napabuntong-hininga at sumagot ng oo.
Sa pagdaan ng mga araw, doon ko napapansin ang pag-iiba ng hitsura ng buong rancho. Parang nanunumbalik ang dati nitong sigla at galak. Marahil, nagkaroon muli kami ng dahilan upang manilbihan. Minsan, kapag napapatingin ako sa loob ng mansion ay nahuhuli kong nakatingin sa akin si Sir Kai. Nasa tainga pa nito ang telepono, o ‘di kaya’y may hawak na libro. Sobrang init ng pisngi ko kapag ganoon! Naalala ko ang tigas ng kanyang dibdib at ang kanyang natatanging pabango!
Minsan nang magkaroon ako ng sariling oras ay nagpunta ako sa burol. Pumikit ako ng mariin at hinayang dalhin ako ng himig ng hangin. Pagkatapos kong magsayaw ay nakita ko si Sir Kai na nakasakay sa kanyang kabayo. Nasa ibaba ito ng burol at nakahalukipkip habang nakatingin ng matulis sa akin. Bago pa man ako makasalita ay kinalabit na niya ng renda. “Hya!” At pinakaripas ng takbo ang kabayo.
Kumakalabog ang puso ko habang pinagmamasdan si Sir Kai na nangangabayo paalis. Ang buhok ay sumasabay, ang tikas ay nadedepina. Malaki ang kanyang braso at naninindigan ang mga balahibo ko tuwing makikita iyon.
Kinabukasan ay nagtrabaho ako na parang walang nangyaring hulihan.
“Magandang umaga, Halil!” bati ko kay Halil nang magkita kami.
“Mas maganda ka pa sa umaga, Rina!” sagot naman niya.
“Mabigat iyang dala mo, ha, Halil.” sabi ko. Kargada kasi nito ang mga punong kahoy siguro ay tatabasin at huhulmahin.
“Ang mga ito? Sisiw, Rina! Kung gusto mo ay sumakay ka pa sa balikat ko.” Kumindat ito sa akin.
Namula kaagad ang pisngi ko. Humalakhak ang iba pang nakakita sa aming trabahador.
“Pilyo! Kamusta naman—” Naputol ang aking sasabihin.
“Rina! Halil! H’wag maglandian sa trabaho! Galaw!” Sumigaw sa amin si Madame Lourdes. Nagkatinginan kami ni Halil bago kumaripas ng takbo sa kanya-kanyang destinasyon.
Hindi sinasadyang napatingin ako sa bukas na sala ng mansion. Naroon si Sir Kai na nakahalukipkip at madiin ang titig sa akin. Tumingin pa ako sa aking likod at lumihis ng galaw. Ngunit nasa akin pa rina ng titig. Pulang-pula ang pisngi kong umalis.
Panigurado ay iisipin nitong naglalandi ako sa trabaho at baka parurusahan rin ako!
“Rina!” tawag sa akin ni Madame Lourdes kinahapunan.
Mabilis akong tumakbo papunta sa aming mayordoma. “Po?”
Iniabot nito sa akin ang kalahating timba ng kung ano. Mabigat ng kaunti ngunit kakayanin naman. “Ibigay mo iyan kay Abel. Nasa taniman na ito. Siya na ang bahala d’yan sa pataba.” aniya.
Pataba? Sinilip ko ang timba upang makita ang pinahalong tae at ihi ng baka. Hindi naman ganoon kasangsang ang mga ito hindi tulad ng baboy, ngunit mayroon pa rin kahit papaano.
“Opo, Madame. Mauuna na ho ako.” sagot ko.
Habang naglalakad paalis ng mansion ay iniilagan ko ang mga taong palakad-lakad. Magkarugtong kasi ang villa at mansion. Sa garahe ako dumaan upang huwag makaabala. Sakto namang nakabukas ang gate ng mansion dahil aalis yata si Sir Kai.
Namataan ko itong papalabas ng mansion. Nawala ang lahat ng hangin sa aking sistema.
“Kay gwapo nga naman ng ating señorito, Rina?” tudyo sa akin ng isang driver.
Nakapantalon ito na may gupit-gupit at may humihinang kulay. Ang belt nito ay may imahe ng leon sa gitna. Wala pa kasing pang-itaas si Sir Kai at nasa balikat pa lamang ang itim na polo. Ang bagal ng oras habang sinusuot niya ito habang naglalakad. Pumupungay sa dulo ang kanyang kilay at nakakagat sa pang-ibabang labi. Iniwan nitong bukas ang tatlong butones ng polo kaya naman sumisilip ang kanyang umuusok na dibdib.
“What’s that smell?” anito nang makalapit na.
Sinarado ko ang bibig at namumulang tumingin sa timba.
“P-Pasensiya na ho, Sir Kai! Tae ho at ihi ng baka!” Lumunok ako.
Kinunutan niya ako ng noo. Tumingin ako sa iba. Binalik ang tingin rito at nakatingin pa rin siya sa akin.
“B-Bakit ho, señorito?” tanong ko.
Hindi ito sumagot imbes humalukipkip sa aking harapan.
Kinalabit ako ng kanyang driver. “Rina, nasa harapan ka ng pintuan. Aalis kasi kami ni Sir Kai.”
Matapos madinig iyon ay pulang-pula ang mukha kong lumihis sa kanyang daan. Hiyang-hiya ako! Bakit kasi hindi ko alam kung saan ako pupunta! Hindi na niya ako muling tinitigan, imbes binuksan ang pinto ngunit sapat iyon para maabot ang timba at malaglag sa aking mga kamay.
Napanuod ko kung papaano tumalsik sa kanyang suot at mukha ang pinaghaling tae’t ihi ng kalabaw. Nabasa ang kanyang damit! At ang buhok ay nasira sa pagkakaayos!
“S hit!!!” sigaw ni Sir Kai. Pati siya ay nagulat!
Napatakip kaagad ako ng bibig.
“Señorito Kai!” Tumakbo ang kanyang driver papunta rito ngunit tinakpan ang ilong dahil sa panghi at amoy. Hinawi ni Sir Kai ang mga kamay nito at nag-igting ang panga sa akin. Gustong-gusto ko nang lamunin ako ng lupa sa kahihiyan!
“The date is cancelled, Manong Angelo!” Mabilis itong naglakad pabalik ng mansion.
“S-Sir! P-Pasensiya na ho....” Kagat-kagat ko ang labi.
Binalingan ko si Kuya Angelo na nalulukot ang mukha sa akin. Humalakhak siya. “Mukhang namumuro ka, Rina. Ang baho!”
Nahampas ko ang sariling noo. Parang gusto kong pakiusapan si Kuya Angelo na paandarin ang sasakyan at sagasaan ako. Ano na lang ang iisipin sa akin ni Sir Kai? Sobrang malas ko! Nakakahiya na!
Mabait naman si Kuya Angelo para hindi sabihin sa iba ang nangyari. Ngunit hiyang-hiya pa rin talaga ako. Ni-hindi man lang ako nakahingi ng tamang paumanhin. Pati si Nanay Merida ay nagtataka sa akin kung bakit inuumpog ko ang sariling ulo sa pader ng quarters.
Dumaraan nanaman ang mga araw. Doon ay sobrang abala na. Pinipilit kong huwag magkrus ang landas namin ni Sir Kai dahil hindi ko na talaga alam kung saan ako pupulutin. Nariyang makikita ko siyang may iuuwi nanamang babae ngunit hindi na lang ako susulyap.
Napunta na lamang akong burol para mawala sa isip ko ang kahihiyan. Ngunit bago pa man ako makapagsimula ay nakadinig na ako ng takbo ng kabayo. Nilingon ko si Sir Kai na nangangabayo nanaman. Nang hininto nito ang kabayo malapit sa akin at umatras ako.
“S-Señorito?” bati ko. Gulat at nakanganga dahil sa tikas nitong dala. Hindi ko alam kung saan niya ito kinukuha. Tuwin tititigan ako, hirap akong huminga. Tuwing madaraanan, hirap rin. Sobrang pula na ng pisngi ko! Ano ang gusto ng isang Donofrio?
Bumaba si Sir Kai sa kabayo at hinarap ako ng may kunot noo. “Rina.”
“P-po?” Lumunok ako.
“Can you tour me around the whole ranch, Rina?” Naniningkit ang kanyang mga mata sa akin.