"SALAMAT sa paghatid, pati na rin dito." Sabi ni Kaia kay Izaiah at itinaas niya ang pinamili nila. Ay hindi pala, ang pinamili ni Izaiah para sa kanya. "Ang dami nito. Sana hindi kana nag-abala."
Ilang beses niyang tinanggihan ang mga damit na gusto nitong bilhin para sa kanya pero makulit ang lalaki at nagbantang hindi aalis sa boutique kung saan sila namili kanina pag hindi niya sinukat ang mga damit na pinasusukat nito.
Kaya ang ending ay parang binili nila ang isang buong boutique sa dami ng damit na pinamili nito. Idagdag pa ang binili nitong cellphone na napaka mahal. Kung susumahin ay nasa 500 thousand ang napamili nito para sa kanya.
"Pambawi yan sa mga taon na hindi tayo nagkasama." Sabi naman nito. Saka bumaba sa sasakyan nito upang pagbuksan siya ng pinto.
"Hindi mo naman kailangang bumawi. Wala ka namang naging pagkukulang sa akin." Sabi niya habang bumababa ng sasakyan.
Kinuha nito ang hawak niyang mga paper bag. "Basta, huwag ka na lang makulit at tanggapin mo ito ng buong puso. Ito na ba yung bahay ng kaibigan mo?" Tanong nito habang naglalakad papunta ng gate ng bahay ni Caite.
Sinipat niya ang labas ng bahay. Patay pa ang ilaw. Marahil ay nasa trabaho pa si Caite. Sayang gusto pa naman sana niyang rito ipakilala si Izaiah.
"Oo, gusto mong pumasok? Mukhang wala pa si Caite eh. Baka nasa trabaho pa. Sayang hindi kayo magkikita." Sabi niya rito.
Umiling ito. "Hindi na, may pupuntahan pa din ako. Magpahinga ka na lang dyan. Susunduin na lang kita bukas."
Tumango siya. "Sige, salamat sa paghatid ahh. Mag iingat ka sa pagdadrive."
Kumaway naman ito saka sumakay ng sasakyan nito at umalis. Siya naman ay tinipa ang code ng pintuan upang makapasok sa bahay. Pagpasok niya sa bahay ay dumiretso siya sa kanyang kwarto dala ang mga damit na pinamili ni Izaiah para sa kanya.
"Paano ko ba pagkakasiyahin ang lahat ng ito sa loob ng cabinet na ito?" Tiningnan niya ang cabinet may kaunti pang space pero hindi lahat ng pinamili niya ay magkakasya. Napailing na lang siya.
Napaka galante talaga ni Izaiah. Kahit noong high school sila ay madalas siya nitong ilibre kahit hindi naman ganun kalaki ang ibinibigay na pera dito ni Aling Beth. At ngayong namamahala na ito ng isang malaking kompanya ay mas lalong naging galante pa ito. Tinanong pa siya nito kanina kung kailan daw siya babalik ng probinsya dahil sasama daw ito upang makabawi sa nanay at tatay niya.
Pag naikwento niya sa mga magulang niya na nagkita sila ni Izaiah ay siguradong matutuwa ang mga ito. Parang anak na din kasi ang turing ng mga ito sa lalaki.
Narinig niyang bumukas ang pinto ng bahay, kaya agad siyang lumabas upang salubongin si Caite.
"Nag overtime ka?" Tanong niya rito.
"Oo eh. Ang dami kong kailangang tapusin sa opisina. Parang gusto ko tuloy mag file ng leave." Sabi nito habang hinuhubad nito ang sapatos. "Kamusta naman ang interview mo?"
"May trabaho na ako!" Masayang balita niya rito. "Sa wakas makakapagbayad na ako ng bills natin dito sa bahay."
"Gaga." Binatukan siya nito. "Huwag mong alalahanin ang bills dito. Ako ang magbabayad non. Ang alalahanin mo ay ang pagpapadala mo ng pera sa pamilya mo." Sai nito.
"Nakakahiya kasi ilang linggo na akong nakatira dito. Wala man lang akong maiambag sayo. Hayaan mo na ako." sabi naman niya rito.
Huminga na lang ito ng malalim. Alam nitong hindi siya papatalo hanggang sa pumayag ito. "Ikaw na nga ang bahala. Anyway, bakit hindi ka pa nagbibihis? Kakarating mo lang din ba?" Tanong nito sa kanya nang mapansin nitong hindi pa siya nagbibihis.
"Oo nagkita kami ng kababata ko kanina sa may company na pinag-applyan ko." Kwento niya rito.
"Kababata?" Tanong nito.
"Oo, yung madalas kong ikwento sayo na kababata kong lalaki? Sayang nga at wala ka pa. Gusto sana kitang ipakilala sa kanya eh." Paalala iya rito.
"Gwapo ba?" Tanong muli nito.
Natawa siya. Napahilig din talaga nito sa gwapo. "Oo. Napaka gwapo niya. Kahit naman dati eh. Pero mas gumwapo siya ngayon."
"Sige next time ipakilala mo sa akin ng maakit ko." Sabi nito habang nakangiti.
"Teka kumain kana ba? Gusto mo ipagluto kita?"
Umiling ito. "Hindi na, ang gusto ko na lang ay magpahinga." Sabay humiga ito sa mahabang sofa. Mukhang pagod talaga ito. "Ikaw magpahinga kana lang din alam kong pagod ka din. Papasok na lang ako sa kwarto ko maya-maya."
"Sigurado ka?" paninigurado niya rito.
"Oo, sige na. Magpahinga kana." Pagtataboy pa nito sa kanya. Kaya hinayaan na lang niya itong mag muni-muni sa sala. Pumasok na siya sa kanyang kwarto. Mag hahanda nalang siya ng isusuot sa pupuntahan niya bukas.
'Ano kaya ang pwedeng pa bar na damit?' Tanong niya sa isip.
-----
"MARAMING salamat po manong Carlito sa pag hatid." Pagpapasalamat ni Kaia kay mang Carlito, ang driver ni Izaiah. Ito kasi ang naghatid sa kanya sa bar, kung saan siya inimbita ni Izaiah. Hindi kasi siya nasundo ng binata dahil may importante itong pinuntahan kaya ipinasundo na lamang siya nito sa driver nito.
"Gusto mo bang samahan kita sa pag-aantay kay sir Izaiah hija?" Tanong sa kanya ni mang Carlito nang makababa siya sa sasakyan.
"Hindi na ho. Sabi naman ni Zai ay mapalit na siya." Tinawagan siya nito kanina at sinabi ni Izaiah na malapit na ito sa bar kung na saan siya.
"Oh siya sige at ako'y aalis na ha. Mag iingat ka na lang dito. Tawagan mo agad si sir Izaiah." Nagpaalam na ito at sumakay na sa sasakyan. Kinawayan naman niya ito habang papaalis.
Nang makaalis ito ay inilibot niya ang tingin sa paligid. Maraming magagarang sasakyan ang nakaparada sa parking lot ng establishment na iyon. Halata talagang pang mayaman ang bar kung nasaan siya ngayon.
Inayos niya ang sarili. Nakasuot siya ng black off shoulder dress na hanggang hita niya lang. Hapit na hapit din sa kanya ang damit kaya kitang kita ang hubog ng katawan niya. Nakakulot naman ang hanggang balikat niyang buhok at may kaunti rin siyang make up sa mukha.
Hindi siya mapakali. Hindi siya sanay sa mga ganoong damit. Madalas ay oversize t-shirt at maong pants lang ang pamporma niya. Ngayon ay napilitan siyang isuot ang ganoong damit. Si Caite ang pumili ng damit na iyon dahil isa iyon sa mga damit na pinamili nila ni Izaiah. Sayang naman daw kung hindi ko gagamitin.
Kaya heto siya ngayon, panay ang hila sa dress na suot niya. Idagdag pa ang sandals na suot niya. Ilang minuto palang siyang nakatayo ay feeling niya anumang oras ay matutumba na siya.
"Ganito ba talaga ang sinusuot ng mga mayayaman?" Hinilot-hilot niya ang kanyang paa dahil nangangalay na iyon.
Natawag ang pansin niya nang may dumating na sasakyan sa parking lot. Isang magarang sasakyan iyon. Noong una ay inakala niyang si Izaiah na ang dumating. kaya naisip niyang salubungin na ito, ngunit bigla din siyang napatigil sa paglalakad ng makita ang driver na lumabas sa sasakyan. Agad napakunot ang noo niya ng makilala ang lalaki.
Ito ang lalaking nakaalitan niya noong nakaraang buwan. Sa dinami-rami naman nang makikita niya ngayong gabi ay ito pa ang nakita niya. Hindi pa rin niya nakakalimutan kung gaano kaantipatiko at kayabang ang lalaking ito. Hindi talaga bagay ang hitsura nito sa pag-uugali nito. Napakagwapo kasi talaga nito. Lalu pang nakadagdag sa kagwapuhan nito ang suot nitong eyeglasses. Hindi gaya noong una nilang pagkikita ay naka suot ito ngayon ng maong pants at simpleng polo shirt. Napakalinis tingnan nito at mukhang mabango.
Ipinilig niya ang kanyang ulo. Hindi niya dapat pagnasaan ang lalaking antipatiko na iyon. Naiinis siya rito.
Sinundan niya ng tingin ang lalaki hanggang sa makapasok ito sa loob ng bar. Nang makasigurong hindi na ito lalabas ay agad niyang tinungo ang sasakyan ng lalaki. May naisip na siyang paraan upang makaganti sa lalaki. Pumulot siya ng bato at nagsulat sa sasakyan nito. 'Arrogant asshole' ang isinulat niya sa hood ng sasakyan nito.
"Tingnan natin kung hindi umusok ang bunbunan mo kapag nakita mo to." Sabi niya habang pinapagpag ang mga kamay. Tiyak na malaki-laki ang magagastos nito sa pagpapa-repaint ng sasakyan nito dahil hindi basta-basta ang sasakyan nitong Porsche turbo S. Naglalakad na siya papalayo sa sasakyan ng lalaking antipatiko nang may tumawag sa pangalan niya.
"Kaia? Anong ginagawa mo rito? Akala ko nasa loob kana." Paglingon niya ay si Izaiah pala iyon. Dumating na pala ito. Masyado siyang naging abala sa pag-gasgas sa sasakyan ng lalaking kumag.
"Ahm. Inaantay kita rito sa labas dahil wala naman akong kilala sa loob." Sabi niya rito at hinila na ito palayo sa sasakyan ng lalaking antipatiko.
"Ikaw talaga. Hndi mo naman ako kailangan antayin." Tingnan siya nito mula ulo hanggang paa. "By the way, you look stunning tonight. Bagay sayo ang ayos mo." Komento nito habang naglalakad sila papasok sa loob ng bar.
"Worth it naman pala ang paghihirap ko. Kasi kanina pa ako naiilang sa suot ko ehh." Sabi niya rito.
Natawa naman ito sa sinabi niya. Nang makapasok sila sa loob ng bar ay may tinanaw ito sa di kalayuan at kinawayan. "Sakto ang dating natin. Nandito na ang mga kaibigan ko, tara ipapakilala kita."
Hinala na siya nito patungo sa apat na lalaking nakaupo sa bar counter. Isa-isa niyang kinilatis ang mga iyon at napaka gwapong nilalang ng mga ito. Grabe parang pwede na siyang kunin ni lord.
"Hi! Kanina pa kayo?" Tanong ni Izaiah sa mga lalaki. Agad din naman tumingin ang mga lalaki sa kanila.
Tumayo sa pagkakaupo ang lalaking may green na mga mata. Sa uri ng pagkakatingin nito sa kanya ay para bang huhubaran siya nito.
"And who's this stunning lady?" Tanong nito habang titig na titig sa kanya.
"Don't touch her, Bryzon." May babala na sabi ni Izaiah sa lalaking lumapit sa kanila.
Tumawa naman ang lalaking tinawag na Bryzon. "Take it easy man. Gusto ko lang siyang makilala."
"Hindi siya katulad ng mga babae mo." Nilingon nito ang iba pang kaibigan. "Guys this is Kaia Ramirez. My childhood friend." Pagpapakilala nito sa kanya.
"So you're the legendary childhood friend" Sabi ni Bryzon. "Bryzon Collins at your service." Sabay kindat pa nito sa kanya. Mukhang babaero talaga ito.
Tumayo naman ang lalaking naka purple na polo at medyo wavy ang buhok na may blue eyes. Inilahad nito ang kamay sa harap niya. "Kean Morales. The most handsome in the group."
Tinanggap niya naman ang kamay nito.
"Pwede ba Kean hindi ikaw ang pinaka gwapo sa atin, Ako." Sabi naman ng lalaking may blue green na mga mata? May ganoon bang kulay ng mata? "Hi my name is Xander Ross."
"And I'm Liam Evans." Pagpapakilala naman ng may gray eyes sa kanya. Lahat ng mga kaibigan ni Izaiah ay napaka gwapo talaga at lahat ay mga mestizo pa. Mga modelo kaya ang mga ito? Wala kang itulak-kabigin sa mga ito.
"Mababait yang mga yan mga babaero lang." Natatawang sabi ni Kean.
Kanya-kanya namang tanggi ang mga lalaki.
"Nasaan si Zale?" Tanong ni Izaiah ng makaupo sila.
"May nakitang ka-business partner sa di kalayuan. Alam mo naman yon, Workaholic. Walang pinipiling lugar." Umiling pa si Xander.
'Ano kaya ang hitsura ng Zale na iyon.' Tanong niya sa isip.
"Wala naman sa vocabulary non ang salitang unwind" Iiling-ilng namang sabi ni Bryzon.
"Parehas lang naman si Zale at Izaiah. Kaya magkasundong mag kasundo sila eh." Sabi naman ni Liam.
" You can't blame us. We're businessmen." Apila naman ni Izaiah.
"We are all businessmen pero hindi naman kami katulad niyong dalawa." Sabing muli ni Bryzon.
Hindi na pinansin ito ni Izaiah. Binalingan siya ng binata. "What do you want to have?"
"Ikaw nalang ang pumili, wala akong alam sa mga inumin dito." Sabi niya. Totoo naman iyon. Ngayon palang siya nakapasok sa isang bar. Wala naman kasing ganito sa probinsya nila.
Binalingan nito ang bartender. "One piñacolado Ry. Thank you."
Pinanood niya naman kung paano hinalo ang inumin na in-order para sa kanya ni Zai. Ang galing talaga ng mga bartender. Nakakatuwa silang panuorin.
Maya maya ay natapos na itong maghalo ng inumin niya. "Piñacolada for the lovely lady." Nakangiting sabi ng bartender.
"Thank you." Inabot naman niya ang baso. Inamoy-amoy niya ang baso saka uminum. Masarap ito parang hindi alak ang lasa.
"Oh! Nandito na pala si Zale." Narinig niya sabi ni Kean.
Napalingon naman siya agad. Curious kasi siya kung gaano naman kagwapo ang Zale na iyon. Pero muntik na niyang maibuga ang iniinum niya nang makita ang lalaking nag-ngangalang Zale.
Ito ang lalaking antipatikong nakaengkwentro niya!