Chapter 10

2327 Words
“Hey, Ida. It’s lunch already, kumain ka na muna. Kanina ka pa riyan,” napatigil ako sa paglilinis ng pool. Inayos ko muna ang nakataling buhok saka bumaling kay Sir Vander, at kahit pagod ay nagawa kong ngumiti sa kanya.   “Mamaya na lang po, sir. Tatapusin ko lang po ‘to. Hindi pa naman po ako nagugutom,” napatingin ako sa likod niya nang makitang nakatayo roon ang lalaking kinaiinisan ko. Pinigilan ko ang sariling umirap saka muli na lang ibinalik ang mata kay Sir Vander. “Mauna na po kayo sir.” At baka mauna kong mapatay ‘yang kaibigan niyo! Nakakapanggigil!   “Okay, then. Just go inside if you’re hungry,” tumango siya at nagpasya nang umalis. Sinundan ko ang papalayong likod niya na pumasok na sa loob habang naiwan naman sina Sir Ramses na tila nagmamasid saka ang isang ‘to.   “After that, magbunot ka ng d**o then take those dead leaves off the plants.”   Natutop ko ang bibig at pigil ang sariling samaan siya ng tingin dahil sa mga dagdag na utos niya. Napailing na lang si Sir Ramses na siyang nakarinig sa sinabi niya saka sila umalis upang mananghalian.   Mula nang pangyayaring ‘yon sa kwarto niya ay mas lalo yata akong nahirapan sa mga gawain ko. Mukhang tinotoo niya nga ang sinabing magbabayad ako at ito ang ang kabayarang tinutukoy niya!   Ipinagpatuloy ko na lang ang ginagawa para maisunod ko na ang inuutos niya sa akin. Mahirap na at baka dagdagan niya na naman at hindi ko na talaga magawa pa ang ibang trabaho ko sa loob ng bahay.   Malapit nang mag-ala-una nang matapos ako sa ginagawa at salamat dahil hindi ko siya nakita. Marahil ay naroon siya sa kwarto niya. Baka tuluyan na akong mawalan ng ganang kumain pag nagkataon. Dahil bukod sa kahihiyan sa tuwing naaalala ko ang paglalapit ng mukha namin, naiinis rin ako sa tuwing nagsusungit siya.   Pagpasok sa kwarto ay naupo muna ako sa kama para magpahinga sandali. Hindi ko alam kung ilang segundo akong tulala at kinikwestiyon ang mga desisyon ko sa buhay. Kung wala lang kumatok sa pinto ng kwarto ko ay hindi pa ako matatauhan.   Pagbukas no’n ay bahagya akong nagulat nang makita si Sir Vander, nakangiti at may bitbit na paper bag.   “Sir, bakit po?” nakangiting tanong ko.   Bumuntong-hininga siya.   “Ida, I told you to call me Vander when it’s just the two of us, didn’t I?”   “Eh sir, narito po tayo sa bahay. Saka, nakakahiya naman po kung tatawagin lang kita sa pangalan mo at marinig ng mga kaibigan niyo. Sabihin no’n wala akong galang . . .”   Marahan siyang nailing.   “For sure they wouldn’t mind if you call me by my name, but if that makes you comfortable, okay, sir then. Anyway,” inabot niya sa akin ang paper bag na dala kaya kinuha ko iyon, “I brought you lunch. It’s already past 12 and mas magugutom ka lalo kung magluluto ka pa.”   Napangiti ako habang sinisilip ang loob no’n saka napaangat ng tingin sa kanya.   “Salamat po, sir.”   Dahil sa abala sa pagtatrabaho kanina sa labas ay hindi na ako nakapag-luto kaya hindi ko alam kung anong kinain nila ngayong tanghalian. Pero dahil sa bigay niya ay malamang umorder na lang sila sa labas.   “I have a question, though.”   Kyuryoso akong napatingin sa kanya.   “Ano po ‘yon?”   “What happened to you and Mavi last night?”   Bahagyang nanlaki ang mata ko sa tanong niya pero mabilis ko rin iyong naitago. Nakahalukipkip lamang siya sa may pinto, nakapamulsa at kyuryosong naghihintay ng sagot.   “W-Wala po, sir. Wala naman pong nangyari sa ‘min,” nag-ibabawan lang naman po kami sa kama niya at saka ko naramdaman ‘yung— lihim kong nakurot ang aking braso para lang sawayin ang sarili.   Ano ba ‘yan, Ida? ‘Di ka maka-move on d’yan gurl?   “Are you sure? Because I heard him yelled that’s why I’m worried. Baka may ginawa na naman siya. Sigurado ka ba?” Nakakunot ang kanyang noo at halata nga sa mukha ang pag-aalala.   “Opo, sir. Baka nauntog lang ‘yung hinliliit niya sa paa sa mesa,” pagsisinungaling ko.   Nakakahiya kung malalaman niya ‘yung nangyari kagabi. Muntik niya na akong mahalikan! Ilang oras akong hindi mapakali kagabi kaiisip sa mata at labi niya, at ngayon lang mas rumehistro sa utak ko na malapit niya na nga akong mahalikan dahil sa gahiblang distansya namin. Pag nagkataon, makukuha niya ang first kiss ko!   “Eh ikaw, are you okay? Your face is a bit . . . red.”   Sa sinabi niya ay agad akong napahawak sa kaliwang pisngi gamit ang libreng kamay at hindi ko na kailangan pang manalamin dahil ramdam ko ang pag-iinit no’n.   “A-Ah wala po ‘to. Nasobrahan lang siguro ako sa pagbibilad kanina.”    Tatangu-tango lang siya, walang ideya. Mabuti at hindi na rin siya nagtanong pa ng tungkol sa nangyari dahil baka magmukha na akong ketchup rito.   Matapos umalis ni sir ay mabilis kong nilabas ang pagkaing bigay niya. Laman niyon ay anim na food containers. Isa para sa kanin at tatlo para sa tatlong iba-ibang putahe ng ulam. Mayroon ring maliliit para sa ice cream at slice ng chocolate mousse saka isang bote ng mineral water.   Nakagat ko ang pang-ibabang labi saka naupo sa monoblock chair ng kwarto ko.   Grabe naman si sir. Balak niya ba akong busugin sa kilig o patayin sa tamis ng pagmamahal haha!   Ngingiti-ngiti kong inubos ang pagkaing bigay ni Sir Vander na kahit sa paghugas ay nakaplaster pa rin ‘yon sa mga labi ko. Hay! Parang biglang gumanda ang panahon.   Kaso ang magandang panahon ay agad ring nasalanta ng delubyo nang marinig ko na naman ang mga pagsusungit nitong si Sir Mavi. Nagpatuloy ‘yon ng ilang araw at pakiramdam ko ay wala man lang siyang pakialam sa nararamdaman ko dahil sa pang-aalila niya sa ‘kin.   Grabe na po talaga siya, Lord! Patawarin niyo po nawa siya sa kanyang mga kasalanan!   Kinukulang ako sa tulog! Hindi naman sa nagrereklamo ako dahil kahit anong sabihin ko ay parte naman talaga ‘to ng trabaho ko pero kasi minsan ang sarap niyang hampasin ng tsinelas eh! Alam mo ‘yon?   Laylay ang balikat dahil sa pagod nang lumabas ako sa kwarto ni Sir Mavi. Mag-aalas-onse na ng gabi at katatapos ko lang linisin ang kwarto niya. Pero hindi katulad noong unang pagpasok ko rito, wala siya roon kaya’t tahimik at mabilis akong natapos.   Buti naman.   Pakiramdam ko ay pareho lang kaming umiiwas na mapirmi sa iisang lugar na kaming dalawa lang.   Pagkapasok sa kwarto ay agad akong naghanda para maligo. Kanina pa nanlalagkit ang katawan ko sa pawis at pakiramdam ko ay napakarami ng mikrobyo ang nakakapit sa akin. Matapos maglinis ng sarili ay saka na ako lumabas ulit para siguruhing nakasara na lahat ng dapat isara.   “It’s okay, I already checked it.”   Napatalon pa ako sa gulat nang makarinig ng boses sa aking likuran.   “Sir Vander . . .” usal ko nang malingunan ko siya roon, marahang natawa sa pagkagulat ko. “Ba’t gising pa po kayo?” napalingon ako sa kwartong pinanggalingan niya. “Ah, galing po pala kayo ng music room . . .”   Nagkibit-balikat siya.   “Yeah. Hindi ka na kasi pumupunta ro’n eh. I was actually waiting for you there.”   Marahan akong napakagat-labi at natawa nang mahimigan ang pagtatampo sa boses niya. Sundan pa ng paghaba ng kanyang nguso.   “Pasensya na po kayo. Talagang marami lang pong inuutos iyong abnormal niyong kaibigan. Dinaig pa ‘yung sampung utos ng Diyos. Minsan nga ang sarap niyang ipakain sa vacuum eh.” Nanggigigil kong sabi.   Bahagya siyang natigilan kaya’t napagtanto ko rin ang mga sinabi.   Unti-unting nanlaki ang mata ko sa kanya, kinakabahan na. Maya-maya pa’y natawa na lang siya at nailing pa.   “S-Sorry po—“   “Nah, it’s okay. I understand. Halata namang inis ka eh.”   Napakamot ako sa leeg.   “Kasi naman po si Sir Mavi mas madalas pa yatang topakin kesa ang magsalita. Kung hindi ko nga lang siya amo baka nasaktan ko na ‘yun eh. Biruin niyong inalis niya ‘yong robot dito na katulong ko sa paglilinis? Pati na rin ‘yong lawn mower, ayaw niyang ipagamit sa akin. Dinaig niya pang balita kasi kung makabantay sa ‘kin bente-kwatro oras eh.”   Natawa siya sa sunud-sunod na mga hinaing ko.   “You know what, I know something that will cool you down.”   Matapos sabihin iyon ay natagpuan ko na lamang ang sariling naglalakad-lakad sa kahabaan ng daan kasama siya. Suot ko ang manipis na bestidang naiibabawan lang ng jacket na kinuha niya sa kanyang kotse saka kami tumigil sa playground na nasa loob lang nitong village.   “Bakit nga po pala nasa iisang bahay kayo, sir? Tinakwil po ba kayo ng mga pamilya niyo?” tanong ko matapos naming maupo sa swing. Tatlong swing ang nakakabit sa mahabang bakal sa taas at napaggigitnaan lang namin ang isang bakante.   Umiling siya sa tanong ko.   “Eh ano po? Naglayas o nagrebelde?”   Saglit siyang natawa bago sumagot.   “Well, we are friends ever since we are in high school. Bukod pa roon ay magkakakilala rin ang parents namin dahil sa business. I am not in the position to tell the sole reason but let’s say that Mavi wants to live here and since we are being good friends, we accompanied him, although we have our own condo units already.” Kumibit-balikat siya.   Maya-maya pa ay siya naman ang nagtanong sa akin.   “Ikaw, bukod sa maghanap ng trabaho, what drove you to leave your hometown and go here?”   Sandali akong natahimik sa tanong niyang ‘yon.   Parang sa palabas, agaran kong nakita sina nanay at ate pati na rin ang mga pamangkin ko sa aking isip. Kung paanong bakas sa mga mukha namin ang kahirapan nang dahil sa kakulangang pinansyal, lalo na nang nangyari ang insidenteng ‘yon. Hindi tuloy maiwasang umasim ng mukha ko.   “May utang kasi akong kailangang bayaran.” Kapagkuwan ay napatingin ako sa kanya. “Malaki-laki rin iyon at walong buwan lang ang ibinigay na palugit sa akin ng walang-hiyang ex ko,” matabang kong sabi. Hindi ko na naitago ang paglukot ng aking ekspresyon pagkabanggit kay Jake. Hanggang ngayon nanggagalaiti pa rin ako sa kanya.   “Oh, so you have an ex-boyfriend,” nakangiwing tumango ako.   “Sa kasamaang palad, meron.” Natawa naman siya sa sagot ko.   “What happened? How is he like?”   Napatingin ako sa buwan na kalalabas pa lang sa ulap na pinagtataguan niya habang nag-iisip. Napahawak ako sa dalawang kadena sa magkabilang gilid ko saka bumuntong-hininga. Ngayong natanong niya ‘yan ay mas lalo ko lang napagtantong bukod sa pangalan ni Jake at ang katotohanang taga-Maynila siya ay wala na akong ibang alam tungkol sa kanya. Paano ba naging kami? Seryoso?   Bumaling ako sa kanya, kumibit-balikat at parang baliw na natatawa.   “Hindi ko alam. Ang dami ko pa palang hindi alam sa kanya.”   “Why did you two broke-up?”   “Niloko ako eh. Biruin mo ‘yon, madadatnan na lang namin na sumisisid na pala ng perlas ng silangan sa ibang dagat ang loko.” Napailing ako habang siya naman ay natatawa sa gilid ko. “Sa totoo lang, hindi ko alam kung paanong naging kami eh,” kakamot-kamot kong sagot. “Siguro nga ay totoo ang sinasabi ng kaibigan kong uto-uto talaga ako. Ang bilis ko rin kasing magtiwala. Pakitaan lang ako ng kaunting kabutihan, nakakalimutan ko na agad ang ibang bagay. Hindi na napagtutuunan ng pansin, gano’n.”   Katulad kung paano kong hindi napagtuunan ng buong atensyon ang pamilya ko. Kung paano kong sinisipa palabas sa aking isipan ang mga payo nila sa akin lalo na ni Eva. Gusto ko lang kasing patunayan sa kanila na hindi naman lahat ng taga-Maynila ay lolokohin lang ang isang probinsyanang katulad ko. Na hindi lahat ng nakilala mo lang agad ay sasaktan ka lang. At hindi lahat ng relasyong hindi dumaan sa mahabang ligawan ay maghihiwalay ng bigla-bigla.   Pero ‘yun nga at pahiya ako.   Ilang minuto pa kaming nag-kwentuhan hanggang sa napag-desisyunan na rin naming umuwi.   Naudlot ang balak kong pagluluto ng tanghalian nang marinig kong tumunog ang doorbell. Napakunot-noo ako dahil bukod sa wala ang mga amo ko ngayon ay malamang hindi sila ‘yan. Bahay nila ‘to kaya hindi sila magdo-doorbell.   Hindi kaya si Sir Thomas?   Nagdadalawang-isip ako kung bubuksan ko ba ‘yon at patutuluyin siya gayong alam ko nang magagalit si Sir Mavi. Habang nag-iisip ng mainam gawin ay nagpatuloy ang pagdo-doorbell sa labas kaya naman wala na akong nagawa at pinuntahan na lang ‘yon.   Mas maganda kung sasabihin ko na ‘wag na lang siyang tumuloy dahil magagalit si Sir Mavi. O kaya naman ay sasabihin ko na lang sa kanya ang totoong ayaw siyang papasukin ni Sir Mavi rito. Nakakahiya naman kung paghihintayin ko siya roon sa labas.   Pagkalabas ko ng gate ay napakunot-noo ako nang mapansing hindi si Sir Thomas iyon. Hindi siya kasing tangkad ni sir, mas mababa siya ng kaunti at tipikal na pantalon at polo ang suot nito, iba sa alam kong sinusuot ni Sir Thomas. Nakatalikod siya kaya naman hindi ko masyadong maaninag ang kanyang mukha.   “Hello, sino po kayo?” ang kyuryoso kong ekspresyon ay unti-unting nabahiran ng gulat nang humarap ang bagong dating.   “Hi, Ida. Long time no see,” nakangisi nitong bati, hatid agad ay kaba sa akin.   “Jake . . .”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD