Chapter 14
Ticket
Malayo iyong byahe kaya kailangan maaga din kami umalis doon. Kasama namin si Asha na hindi pumasok. Isa din ‘tong pumapasok lang kapag trip niya. Sila ni Mama iyong sa harap at kami naman ni Cupid iyong nasa likod.
“Fan ka ba noon?” tanong ko kay Cupid nang lumingon sa kaniya.
Tumingin naman siya sa akin mula sa pagkakatutok sa cellphone niya.
“Hindi,” diretso niyang sagot. “Sayang iyong ticket.”
Napalabi naman ako. May point naman siya. Ang mahal mahal kaya noon. Nakatulog ako siguro noong mga one-hour na kaming nag b’byahe. Si Cupid lang iyong gumising sa akin noong malapit na.
“Aray ko naman,” daing ko dahil pinitik niya iyong noo ko.
Ngumiti naman siya, “Malapit na tayo.”
Napakunot naman iyong noo ko saka tumingin sa bintana. My heart pumps loudly. Kinakabahan ako dahil na-e’excite ako na ewan. Lumingon ako kay Cupid na parang normal lang na naghihintay doon.
“Hindi ka ba excited?”
Bahagya namang kumunot iyong noo niya at parang nag-iisip pa.
“Required ba ‘yon?”
Hinampas ko naman siya sa sagot niya. Pati si Mama ay natawa doon. Si Asha naman ay lumingon sa amin mula sa harap.
“Baka mahimatay ka doon, Ate?”
Ni-pinch ko naman iyong cheeks niya.
“Kaya nga nand’yan itong si Cupid,” mabagal kong sagot.
“Iiwan kita.”
Hinampas ko naman itong katabi ko sa sinabi niya. Nang makarating doon ay pinaalalahanan lang kami ni Mama mag-iingat. Lalo na doon sa mga brutal na fans. I mean, hindi natin sila masisisi pero baka kasi masaktan daw kami. Huwag kang mag-alala Mama, ako ang mananakit.
Madami nang tao doon. Nagkalahat sila at halos lahat ay babae. May mga dala silang banners and tarpaulin at kung anu-ano pang merch. Hindi ako nagdala ng kahit ano dahil hindi ko naman mahahawakan iyon sa concert. Tatalon talon lang ako doon.
Medyo mainit na ngayon at hindi na gaanong kalamigan iyong hangin pero parang hindi iniinda noong mga tao dito sa labas. Buti nalang naka-white ako, kahit papaano presko. Napalingon naman ako kay Cupid.
“Bakit ka ba naka-white?” tanong ko nang maalala.
“Paki mo?” gaya niya sa akin. Natawa naman siya sa huli.
“Bwisit ka ah? Gaya gaya ka!”
Kung hindi lang may halong pink iyong white sneakers ko, parehong pareho kami. Kinuha ko naman iyong phone ko saka humarap ulit kay Cupid.
“Picture-an mo ‘ko!” sigaw ko sa kaniya saka inabot iyong phone ko. “Gandahan mo ah!”
“Kaya ka masayang may kasama e.”
Ngumisi naman ako saka nag-thumbs up. Hindi naman siya nag-reklamo at ni-picture-an lang ako doon.
“Dito ka,” turo niya pa. At dahil masunurin ako ginawa ko naman. “Tayo naman,” parang malungkot niya pang sabi.
Nagpicture siya gamit iyong cellphone ko saka cellphone niya rin.
“Ang ganda ko,” sabi ko noong tumitingin sa picture.
“Ah, makapal,” bulong naman ni Cupid.
Tinulak ko naman siya gamit iyong balikat ko saka tumingin sa paligid. Mainit! I got my panyo sa bag ko saka nag-punas doon. Ginawa ko din iyong pamaypay. Napatingin naman ako kay Cupid nang lumapit siya sa akin.
Bahagya akong napaatras noong nilagyan niya ako ng cap. Napakunot iyong noo ko saka siya tiningnan na nagtataka.
“Mainit,” bulong niya.
Tinulak niya pa pababa iyong brim noong cap kaya natakpan iyong mukha. Hinabol ko naman siya ng hampas perp hindi ko natamaan.
“Ikaw?” tanong ko kalaunan.
Nag-kibit balikat naman siya. “I’m cool,” sagot niya na may pag-ngisi pa.
Napairap naman ako doon. Nagpapasok din naman agad pagkatapos. Hinintay lang kaming magpawis. Natural malaki iyong loob, kumakabog talaga ang dibdib ko habang papasok doon. I can’t wait!
“Iyong ngiti mo, baka mahanginan ka,” bulong ni Cupid sa tabi.
Sinamaan ko naman siya ng tingin. Balahura talaga ito, panira ng trip lagi. Habang nandoon at naghihintay, hindi ko alam kung anong mararamdaman ko. Alam mo iyong chills kapag papunta ka palang sa destination kapag may outing? Iyong nasa daan ka tapos sobrang excited? But at the same time, kinakabahan kasi baka mayroong masamang mangyari?
Hindi ko maipaliwanag. Ang alam ko lang, may kulugo akong kasama at maingay siya. Kaya medyo napapawi iyong kaba ko.
Nang magsimula na iyong intro for the show, kinilabutan talaga ako. I mean, with the music, drums and all, iyong adrenaline ko, grabe! Si Cupid naman ay tumatawa lang sakin dahil panay ang yugyog ko sa kaniya.
“Cupid! Omg!”
“Medyo masakit!” sigaw naman niya sa akin.
And noong nagpakita si Shawn, wala na! Halo halo na iyong kabog ng dibdib ko, iyong pawis ko, iyong sigaw at kilig ko. It feels like siya lang iyong nakikita ko and wala akong pakialam sa iba.
Noong nakita ko na iyong wide smile siya habang sumisigaw siya ng greetings… hindi ko kaya!
“Cupid!!!” sigaw ko at humarap sa kaniya.
Hawak ko pa iyong braso niya habang nagtatatalon doon. Wala naman siyang ginagawa kundi alalalayan lang ako. I mean? How can I explain this? This is so surreal!
My heart is pounding very hard, para iyong lalabas sa dibdib ko habang hinahabol ko iyong hininga ko at sumasabay sa kanta. Ni hindi ko na nga iniinda si Cupid na nasa likod ko at nakahawak sa balikat ko dahil nagkakagulo na iyong mga fans.
Hinila naman niya ako palapit sa kaniya noong may isang halos mag-histerical doon. Umiiyak pa nga. Buti nalang hindi mababaw iyong luha ko.
“Dito nga ka,” bulong ni Cupid.
Hindi ko naman siya pinapansin. Hinihila hila niya lang ako pero na kay Shawn talaga iyong atensyon ko. Iyong kinakanta? There’s Nothing Holding Me Back! Like, girl! Narinig mo na ba iyong guitar noon?
Mababaliw na talaga ako dito! Ang cute cute noong curly hair ni Shawn!
“Ang gwapo, Cupid!” sigaw ko saka humarap sa kasama.
Nakatingin lang naman siya sa akin nang naka-ngisi habang hawak ako doon.
“Gwapo talaga ako,” bulong niya.
I groaned pero he probably didn’t hear that. Kulugo talaga ‘to. Noong lumapit si Shawn sa audience wala na. Nagkagulo na lalo. Natulak na ako doon dahil hindi ko naman na tinangkang makalapit pa.
“Miss, ano ba,” rinig kong sabi ni Cupid noong may makabangga sa akin.
Tinapik ko naman iyong kamay niyang nakahawak sa akin.
“Sorry po! Sorry!” mabilis na sigaw noong babae na hindi magkamayaw doon.
Nilingon ko naman si Cupid na naka-kunot iyong noo. Ni-try ko talaga siyang harapin doon.
“Ayos lang ano ka ba, ganyan talaga.”
Nagbaba naman siya ng tingin sa akin.
“Nanunulak e.”
Natawa nalang ako at napailing. Wala talaga ito, hindi ‘to pwede sa mga concert. Matutulak ka talaga kapag ganito dahil normal naman na nababaliw iyong mga tao sa pinapanood. Ang pwede mo nalang gawin, manulak nalang din para quits.
Ganoon si Cupid the whole concert habang ako, dedma. Kung wala siya, nasa dulo na siguro ako sa dami nang nagtutulakan kaya thankful pa din ako. Pero siya mukhang hindi nag-enjoy. Hindi ko alam kung bakit tawang tawa ako nang makalabas kami doon.
Naka-busangot kasi iyong mukha niya.
“Ano? Ayos ba?” tanong ko.
Sinamaan naman niya ako ng tingin.
“Napagod ako kaka-alalay sa’yo.”
Natawa naman ako ng malakas. Ang sama sama kasi talaga ng mukha niya. Habang ako, sobrang happy ko. Wala, happy ako hanggang next week feeling ko. Hinubad ko naman iyong cap niya na nasa akin saka nilagay iyon sa ulo niya.
Inayos naman niya iyon pero nakalabi pa din.
“Picture tayo, dali!”
Pumayag naman siya at ang loko naka-ngiti na. Iyong walang mata at malawak na ngiti na pinagmamayabang na naman iyong dimples niya saka perfect teeth.
“Send mo sa’kin ‘yan. Ngayon na.”
“Utos.”
Ginawa ko naman iyon. Nag-story din ako iyong kumakanta si Shawn. Maiingit kayo, followers! May natanggap naman akong notification kay Cupid. Ni-story niya iyong picture namin. Ang cute ko talaga doon.
Nag-reply naman si Ares doon sa story ko.
Ares:
Sumbong kita sa adviser natin! Absent absent ka ha!
Ako:
Panget mo
Ares:
Bakit kailangan may pag-atake? Pangit ka din. Pangit niyo ni Cupid.
Pinakita ko naman kay Cupid iyong chat ni Ares na parang bata. Napangisi naman siya.
“Inngit lang siya.”
May nag-chat na naman doon kaya tiningnan ko ulit.
Zeus:
Magkasama kayo ni Cupid?
Ako:
True
Zeus:
Duga
Napailing nalang ako at tinago na iyong phone. Hindi rin naman nag-tagal dumating na si Mama. Hindi naman sila umuwi ng Batangas, nag-hotel ata sila ni Asha, ang feeling lang. Ngayon palang siguro naka-uwi si Papa niyan. Galing iyon sa mga kapatid niya.
“Ayos lang ba kung sa hotel muna tayo? Parang hindi ko na kayang mag-drive pauwi, nak,” mahinang sabi ni Mama.
Napalingon naman ako sa kasama ko dahil sa akin wala iyong problema. Mabilis naman na tumango si Cupid.
“Basta kukupkupin niyo ako, Tita. Wala po akong pang hotel.”
Sabay naman kaming natawa ni Mama sa kaniya. Mama gestured us to go inside na. Hindi pa ako inaantok dahil na f’feel ko pa don iyong adrenaline rush ko.
“Kamusta naman iyong concert?” tanong ni Mama habang nag d’drive.
“Masaya. Mama! Grabe! Ang pogi na Shawn!”
My Mama chuckled as she looked at the rearview.
“Nag-enjoy ba kayong dalawa?”
“Si Cupid, hindi! Nagagalit siya kapag may nanunulak, Mama!” sumbong ko na para bang normal lang kasi dapat iyon.
“Kung wala ako doon Tita, napalabas na ng pinto sa Psyche sa dami ng tumutulak. Hindi naman siya nagsasalita.”
Medyo gulat naman akong napatingin kay Cupid.
“OA ka!”
“True iyon, Tita. Sa akin pa po nagagalit kapag pinagsasabihan ko iyong tumutulak.”
Hinampas ko naman siya sa braso.
“Mama, nagagalit siya! Pinapagalitan niya iyong mga nanonod!”
Tawa lang naman ang sagot sa amin ni Mama saka iling.
“Nag-enjoy kayo sa lagay na ‘yan?”
Nagkatinginan naman kami ni Cupid na parehong naniningkit iyong mata. Parang tanga ang siraulo. Napanguso nalang ako.
“Hindi ka ba papagalitan sa inyo?” kalaunan kong tanong kay Cupid.
Mabilis naman siyang umiling.
“Wala ngang tao doon. Si Manang lang. Nagsabi naman ako na aalis ako at hindi ko alam anong oras makakauwi.”
Hindi na ako nagtanong pa doon at hinintay nalang makarating kami sa hotel. At noong makarating kami, wala kaming damit ni Cupid. Naka cycling shorts naman ako kaya hinubad ko na iyong pants ko.
Iyong bathrobe nalang iyong ginamit ko dahil hindi naman ako makakatulog ng puno nang pawis iyong soot ko. Si Cupid din ay ganoon ang ginawa. Naningkit pa iyong mata ko ng lumabas siya ng banyo na naka bathrobe.
“Anong soot mo?” pagtataka ko.
Si Asha ay natutulog na habang si Mama ay nasa may veranda. Tumingin naman si Cupid sa katawan niya.
“Bathrobe?” sagot niya pero naningkit iyong mata ko. “Naka cycling shorts ako,” dagdag niya pa.
Okay. Parehas din siya nila Ares na naka cycling shorts kapag nakapants. Mas okay daw iyon sa boys sabi nila. Hindi ko alam kung bakit.
“Oh matulog na tayo!” sabi ni Mama noong sinara na iyong pinto sa may veranda. Nagkatinginan naman kami ni Cupid. Dalawa lang kasi iyong bed. Malaki naman iyon pero paano ba kami matutulog?
“Dito nalang ako sa baba, matulog kana,” bulong ni Cupid. Magkatabi kasi si Mama saka Asha.
“Tabi na tayo,” normal na sabi ko.
Mukha naman siyang nagulat kaya napakunot iyong noo ko. Nakatabi ko naman na matulog sila Ares kaya okay lang naman.
“Ayaw mo?” tanong ko pa.
Narinig ko naman iyong tawa ni Mama.
“Maglagay kayo ng unan sa gitna kung hindi kayo komportable, Cupid,” sabi ni Mama.
Hindi naman din ako komportable na katabi siya pero kawawa naman kung sa lapag siya. Nilagay ko naman iyong isang unan sa gitna namin. Si Cupid naman parang hindi pa din alam ang gagawin.
“Wala ka naman magagawa Cupid, dahil nandito ako,” mahinang bulong ni Mama na hindi ko naintindihan.
Sumagot pa si Cupid pero hindi ko na narinig dahil nahiga na ako at inaantok na. Naramdaman ko nalang na lumundo iyong tabi ko. Umayos naman ako higa doon.
“Goodnight, Psyche…” rinig ko pang sabi ni Cupid.
Hindi naman na ako nakasagot doon. Noong nagmulat ako ng mata, maliwanag na sa kwarto. Mukha ni Cupid iyong una kong nakita noong nagmulat ako. Nakapikit pa ang luko at nakaharap iyong mukha sa akin.
Infairness, mukha siyang tao sa umaga. Nilagay ko naman iyong mukha ko sa unan dahil baka makita niya pa ako. Medyo parang nag-iibang anyo ako sa umaga e. Parang namamaga iyong mukha ko tapos ang cute ng mata. Tinatawag ko lang na cute kasi hindi naman talaga. Sariling appreciation lang.
Sinilip ko naman iyong kama nila Mama at wala na sila doon. Hindi ko alam kung anong oras na pero wala akong balak na tingnan pa iyon. Pumikit ulit ako pero hindi pa ako nakakabalik ng tulog na may tumunog ng cellphone.
I groaned and tossed around, ayaw kong bumangon. Naramdaman ko naman na gumalaw si Cupid. Sinipa ko siya para magising.
“Psy, phone mo ‘yon…” rinig kong sabi ni Cupid.
Muntik ko pa siyang hindi makilala sa boses niya, halatang antok na antok pa.
“Sa’yo ‘yon,” mahina kong sagot.
Ringtone ko talaga iyon pero natutulog pa ako! Sino ba iyong tawag nang tawag? Bakit ba hindi ko na silent iyan kagabi?! Isang malakas na sipa iyong ginawa ko kay Cupid. Narinig ko naman iyong pagkalabog niya.
Sure akong nahulog iyon sa kama dahil dumaing pa siya sa sakit pero inaantok pa ako. Ang alam ko lang huminto na iyong pagtunog.
Si Mama lang iyong gumising sa akin dahil past lunch na. Nang magising ako ay naka-ayos na si Cupid. Kakalabas niya lang ng CR. Papikit-pikit pa naman ako doon habang nakatingin sa kaniya.
“Sino iyong tumawag?” mahina kong tanong.
Lumingon naman siya sa akin.
“Si Ares.” Umupo naman siya sa kama saka inabot iyong cellphone niya. “Magkasama ata sila ni Zeus.”
Hindi naman na ako nagtanong saka tumayo na. Nagpunta akong banyo at tiningnan ko iyong sarili ko. Mukha akong sabog. g**o g**o iyong buhok ko at parang kinagat ng ipis iyong mata ko.
Napahikab pa ako sa harap ng salamain saka naghilamos na. Noon ko lang naramdaman iyong pagod. Medyo masakit din iyong lalamunan ko marahil sa pag-sigaw, pero dahil ginusto ko naman ito, keri lang.
Sa kwarto ako dumiretso noong makauwi para magbihis na. Tapos ay pinagc’chat ko si Ana saka Klein para mag-kwento. Wala akong ginawa buong araw dahil pahinga ko iyon at para pa din akong nananaginip. Pinanood ko lang din iyong mga nakuha kong videos.
Lunes, maaga iyong pasok at medyo late na naman ako. Medyo lang. Halos sabay naman kami ni Mrs. Torres. Kumunot iyong noo ko nang mapansin na wala si Priam doon sa upuan niya noong pumasok ako.
Tumabi ako kay Ares dahil nandoon si Cupid sa upuan niya. Lumingon ako kay Ares, sumensyas ng tanong kung nasaan si Priam. Nag-kibit balikat naman siya. Lumingon naman ako sa kaliwa ko at naabutan si Cupid na naka tingin sa akin.
Tinuro ko naman iyong pwesto ni Priam pero nag-kibit balikat lang din siya. Naghintay namna ako dahil baka late lang since maaga iyong pasok kapag Monday. Pero hindi siya talaga pumasok.
“Nasaan si Priam?” mabilis kong tanong kay Zeus nang lumabas si Ma’am.
Lumingon naman ito sa akin at umayos ng upo.
“Hindi ko rin alam. Wala namang sinabi. Wala ngang nag c’chat sa group.”
“Noong Friday? Nandito ba?” tanong ko pa.
Parehas naman sila ni Ares na tumango. Napa-kurap nalang ako saka mabagal na tumango.
“Baka tinamid lang ‘yon! Ikaw ang mag-kwento! Kamusta iyong concert?” nakangiting tanong ni Ares.
Napangiti naman din ako.
“Ang ganda ganda Ares!” Hinampas hampas ko pa siya doon. Umaray aray naman siya pero kinikilig kasi ulit ako. “Ang gwapo!!!”
“Totoo, sis?” tanong niya pa, nang-iinis pero tango lang ako ng tango.
“Sobra! Ang cute cute niya!”
“Bakit kayo lang?” singit naman ni Zeus. “Hindi kayo nangsasama.”
“Oo nga? Saka akala ko wala kang ticket? Sinungaling ka!” naka-nguso pang sabi ni Ares.
Binatukan ko naman siya.
“Kay Cupid kaya galing iyong ticket. May ambag ka ba ha?” sabi ko.
Natawa naman siya. “Fan ka din?” natatawang tanong ni Ares kay Cupid.
Umiling naman ito. “Tinatamad ako mag-explain. Basta may ticket ako.”
Inirapan naman siya ni Ares saka ambang susuntukin. Ako nalang iyong nag-explain sa kanila since goodmood ako.
Buong araw, hindi nagpakita si Priam. Hindi ko naman masyado nang inisip dahil wala lang daw iyon sabi nila Ares. At dahil happy pa rin kasi ako.
Sabay sabay kaming lumabas noong mag dismiss. Para kaming may susugurin dahil iyong buong section naming ay sabay sabay na naglalakad doon. Karaniwan na maraming tao sa labas kapag ganito pero ngayon, wala at kami lang.
“Aray!” daing ko nang tumama ako sa likod ni Ares nang bigla itong huminto. “Ginagawa mo?” asik ko pa.
Humarap naman siya sa amin na hindi maipaliwanag iyong mukha. Tumingin siya sa akin sa mata. Hindi ko naman alam bakit biglang kumabog iyong dibdib ko doon.
“May nangyari kay Priam.”