Chapter 9
Silly
Parang tanga namang natameme sa akin si Cupid. Para talaga siyang naestatwa. Gulat na gulat naman itong inlababo na ‘to, ingudngod ko to e.
I flicked my finger in front of him and made face. Pumaywang ako doon sa harapan niya.
“Oh ano?” Nilapit ko pa iyong mukha ko sa kaniya. “Gulat ka diyan? Huwag kag masyadong ma-touch, hindi tayo sure kung type ka noon.”
Noon lang naman siya nag-react at ngumiti. Hinawakan niya iyong mukha ko tapos ay ginulo iyong buhok ko. Sinigawan ko naman siya at minura na din.
“Siraulo naman nito. Tutulungan na nga!”
Tumawa naman siya nang bahagya saka tumitig sa akin.
“Dapat pala matagal ko nang binigay sa’yo iyong ticket,” marahan niyang sabi saka nagsimulang maglakad patalikod.
Umismid naman ako, “Pasalamat ka lang talaga.”
Hindi naman nawala iyong tawa niya. Muntik pa siyang madapa noong maapakan niya iyong nakaharang na bato.
“Ay gago,” mura niya.
Napailing nalang ako, “Bakit kaya kasi nag papa-cool ng ganoon?”
Ngumiti lang naman siya ng malawak sa akin at sinabayan akong maglakad. Kung hindi lang masama iyong dating talaga ng mukha niya, matutuwa ako sa smile niya. Ang laki kasi tapos ang ganda pa ng teeth niya. Pero hindi ko sasabihin iyon sa kaniya.
“Paano mo naman ako tutulungan? Akala ko hindi kayo close?”
“Hindi nga.” Lumingon ako sa kaniya at nag-taas ng kilay. “Akong bahala. Dahil mabait ako, akong bahala.” I raised my eyebrows two times.
Tumingin naman siya sa akin na parang hindi naniniwala. Sinimangutan ko naman siya.
“Ikaw bahala, ako kawawa?”
“Stop. Ibahin mo ako.”
“Talaga ha?” pang-iinis niya pa.
“Talaga! Sure ako, magiging kayo bago matapos itong school year!” pagyayabang ko pa kahit hindi naman ako sure. Pero kasi, feeling ko magugustuhan naman siya ni Thalia.
I mean, may itsura naman talaga si Cupid, objectively speaking pero dahil pangit ang impresyon ko sa kaniya, hindi siya gwapo sa akin.
“Ha?” tanong ko nang hindi marinig iyong sinabi niya.
“Hatdog,” sagot niya.
“Hago.”
“Iyang bibig mo talaga.”
“Kala mo naman siya.”
Hinintay muna namin si Klein maka balik bago pumasok. Hindi naman na nag tanong iyong instructor namin dahil kasalukuyan siyang nag d’discuss. Iyong mga classmates naman namin naka tingin na parang nagtatanong anong nangyari. Mga marites talaga.
“Ano balita?” hindi mahina na tanong ni Ares. Parang walang instructor sa harap.
Siniko ko naman siya saka sinenyasan sila Priam na tumingin sa harap.
“Ano sabi?” hindi naman nagpapigil na sabi ni Priam.
Napataas nalang ako ng kilay saka sumandal at nag buntong hininga.
“Ni-resbakan mo ba?” dugtong pa ni Zeus.
“Mr. Mendoza, Mr. Cuico,” tawag ni Ma’am kay Priam saka Zeus.
I pursed my lips habang iyong dalawa naman ay humarap kay Ma’am.
“What is our ratio analysis?”
“Ratio? Ratio…” parang naliligaw na tanong ni Priam. “Zeus,” tawag niya saka pinilig pa iyong ulo sa harap.
“Bakit ako?” tanong ni Zeus nang hindi gumagalaw iyong bibig.
Tutuktukan ko na tong mga ‘tong, mga tamad mag-aral. Hindi naman na ako nakapakinig sa discussion since hindi ko naman naumpisahan, hindi ko masundan kahit pa nag overview na kami doon kahapon.
“Psyche bilis!” sigaw ni Ares na naghihintay na sa may pinto.
Tapos na iyong klase namin at time na para doon sa pag yayaya ni Ares sa Wings Spread. Excited kumain ng manok ang bwisit.
“Sandali, hindi naman lilipad iyong mga manok doon,” sagot ko saka nilagay iyong notebook sa bag ko.
“Hindi mo sure,” sagot ni Priam saka tinulak palabas si Ares.
Sumunod naman si Zeus saka Cupid tapos ay lumabas na ako. Sinuklay ko naman iyong buhok ko ng fingers ko at pinusod iyon. Kinuha ko rin iyong phone ko saka iyong liptint ko sa bulsa saka nag lagay noon sa lips.
“Ayos lang ba iyong pusod ko?” tanong ko at hinawalan sa braso ni Zeus.
Tumingin naman siya sa akin saka tumango.
“May pilik mata ka sa pisngi,” tukoy niya.
“Sino?” sigaw ni Ares. Tinuro naman ako ni Zeus. “Nasaan?” lumapit naman siya sa akin kaya napahinto ako.
Sapilitan niyang kinuha iyon sa mukha ko saka ngumiti.
“Anong kalokohan na naman iyan?” tanong ko.
“Mag wish ka!” sagot ni Priam.
“Dali,” segunda pa ni Ares habang hawak iyong pilik mata ko sa gitna ng index saka thumb finger niya.
Kinunot ko naman iyong noo ko.
“Sana pumasa tayo sa entrance exam,” mahina kong sabi.
Sabay sabay naman silang umalma. Parang na disappoint habang ako nagtataka doon. Mali ba iyon? Bawal bang mag wish ng ganoon? Isa isa ko pa silang tingnan.
“Ano?” masungit kong tanong.
“Ang boring ng wish mo,” sagot ni Zeus.
“Wow ha? Ano ba dapat?”
“Manalo sa lotto?” si Priam.
“Hindi maka tapak ng tae sa daan?” hindi pa siguradong suggestion ni Ares.
“Ew!” sabay sabay naming sabi.
Nag trike lang kami papunta doon sa Wings Spread. Lima kami kaya nag dalawang trike na kami, gusto pa ni Ares iyong naka sabit pero hampas ang inabot niya sa akin. Kung malaglag siya doon, ako iyong iiyakan niya.
Napansin ko naman iyong anino namin na mahaba na hudyat na mababa na iyong araw. Kulay kahel na din iyong kapaligiran. At dahil malamig ngayon, iyong pang hapong hangin ay nakadagdag pa.
May mga estudyante din doon na kumain, pero hindi naman puno. Excited si Ares na pumasok na talaga namang halos tumalon talon sa paglakad. Parang bata talaga.
“Okay, order na tayo!” sabi ni Priam na may pag basa pa ng lips niya. Naglalaway na.
Nang maka order na ay sabay sabay humarap samin ni Cupid iyong tatlong kulugo. Napahinto naman ako sa pagaayos ng mesa at paglalagay ng plastic gloves sa mga pwesto nila.
“Ano?”
“Kwento niyo na! Iyong nangyari sa guidance,” pinatong pa ni Ares iyong elbow niya sa table.
Napa buga naman ako sa bangs ko saka lumingon kay Cupid.
“Ikaw na mag kwento.”
Pumwesto naman si Cupid na akala mo talaga mahalaga iyong sasabihin. Parang mga tanga. Pinagpatuloy ko naman iyong pagaayos noong pinggan nila saka utensils na inisprayan ko muna ng alcohol saka ko pinunasan ng tissue. Mahirap na, mas okay iyong nag-iingat. Itong mga ‘to naman walang pakialam.
“Walang binatbat mga pare,” simula ni Cupid.
Tiningnan ko naman siya masama pero nginisihan niya lang ako.
“Sinagot sagot niya iyong Mama ni bebe number two saka iyong counsellor.”
“Hoy tigilan mo ha, hindi ko sinagot sagot,” pagtutol ko.
“E ano?”
Napakurap naman ako, “Ano lang, uhm…” I raised my one eyebrow, nag-iisip. “Sinagot ko lang.”
Humampas pa sa table ang siraulo.
“Sinupalpal niya, mga pars.”
Tinuktukan ko naman ng kutsara sa ulo si Cupid.
“Tigilan mo ngang kulugo ka. Kung anu-ano sinasabi e.”
Natawa naman si Priam saka inalo iyong si Cupid habang si Ares at Zeus ay ako naman iyong tinanong.
“Sinabi ko lang na hindi ako mag s’sorry pero nag sorry naman si Klein dahil nga siya iyong unang nanakit,” paliwanag ko din naman.
“Ay award ‘to pre. Hindi nag s’sorry. Ikaka-proud ni Tita iyan! Ikwento natin mamaya!”
“Stop.” Pinanlakihan ko ng mata si Zeus. “Huwag niyo lang talagang susubukan sabihin kay Mama.”
Nginisihan ako noong apat kaya bahagyang nanlaki na iyong mata ko. Kung hindi nga naman puro kalokohan itong mga ito. Tinutok ko sa kanila iyong tinidor.
“Sinasabi ko sa inyong apat ha, bawal sabihin kay Mama!”
Patuloy lang naman sila sa ngisi at hindi ako sinasagot. Tinusok ko iyong tagiliran ni Cupid saka Zeus na nasa tabi ko.
“Oo naman, Psy. Satin satin lang.”
Sinamaan ko pa sila ng mukha bago tumingin doon sa nagdala noong pagkain. Madami pa din silang kwento habang kumakain kami kaya ang tagal namin doon.
Madilim na noong paglabas namin at lahat kami ay busog na busog. Ang lamok sa labas infairness. Panay ang hawi ko sa labas ng lamok. Inaantok na din ako!
“Ang bwisit ng mga lamok na ‘to!” reklamo ko.
“Damot mo daw kasi konting dugo lang naman,” bulong ni Cupid.
Sinamaan ko naman siya ng tingin saka tinulak doon. Muntik naman siya matumba.
“Ikaw mauubusan ng dugo sa’kin, kita mo.”
“Palagay ko din,” sagot niya naman.
“Lakad nalang tayo ha,” sabi na naman ni Ares. “Kailangan bumaba noong kinain ko.” Hinimas himas pa niya iyong tyan niya. “Iyong abs ko…”
“Maka reklamo naman ‘to akala mong hindi siya iyong nag-aya dito,” sabi ko sabay batok sa kaniya.
Ngumiti lang naman siya sa akin saka ako inakbayan.
“Aray! Kadiri naman nito!”
“Hala? Si Psyche talaga sinungaling,” sagot niya at umakto pang nasasaktan.
Bahay namin iyong unang madadaanan kaya mauuna akong umuwi sa kanila. Well si Cupid din dahil halos magka tapat lang naman kami. Nang makarating sa may gate namin at naabutan namin doon si Mama.
“Tita Claire!” sigaw ni Ares, Priam saka Zeus.
Napa ayos nalang ako ng bangs. Binati nila si Mama at ako naman ay kinuha iyong isang plastic bag na bitbit niya. Galing siyang grocery store.
“Oh? Ngayon lang kayo?” nakangiting tanong ni Mama.
“Kumain po kami diyan sa may Wings Spread,” sagot ni Zeus.
“Ay taray ha? Ano meron? Sayang paghahanda ko sana kayo ng dinner.”
“Nako, Ma, huwag na. Sayang ang gas. Tara na sa loob.” Tinulak ko na nang bahagya si Mama.
“Ikaw talagang bata ka! Hindi ko pa nga naiimbitahan si Cupid o nakakausap manlang. Bago niyo pala siyang recruit,” makulit na sabi ng Mama ko.
“Ang sarap niyo pong mag bake, Tita,” magalang naman na sabi ni Cupid.
“Hala, Tita? Pinag bake mo si Cupid?” madramang tanong ni Priam.
Natawa naman si Mama. “Noon pa iyong noong bagong lipat siya. Huwag na kayong magtampo, ipag b’bake ko kayo! May gagawin ba kayo sa sabado? Bumisita kayo dito! Sasabihin ko sa Mama niyo!”
“Mama!” tutol ko.
“Gusto ko ‘yan, Tita!” sabay na sabi ni Zeus at Priam.
“I love you talaga, Tita!”
“Bawal! Hindi pwede, Mama,” tutol ko ulit.
“Ay ‘te, ikaw ba may ari noong bahay?” lingon sa akin ni Ares.
Narinig ko naman iyong tawa noong tatlo. Hinablot ko naman iyong buhok ni Ares saka tinulak siya palayo sa Mama ko.
“Tama na iyan, sige na. Gabi na. May mga pasok pa kayo bukas. Sa Saturday ha? Cupid, make sure na pupunta ka!”
“Yes, Tita.” He flashes his big smile at ganoon din si Mama ko na parang kinilig pa.
Sure naman akong hindi maipaliwanag iyong mukha ko.
“Alis na! Bye!”
“Puro ka talaga sama ng loob! Bye!” sigaw ni Priam.
“Nakakautot iyan!” habol pa ni Ares.
“Bye, Psyche! Linisin mo na iyong kwarto mo,” nang-iinis na sabi ni Zeus.
Inirapan ko lang naman silang tatlo.
“Good night, Psyche…” habol ni Cupid saka sumaludo pa sa akin.
Napailing nalang ako at tinulak na si Mama sa loob ng bahay.
“Aray ko naman anak, dahan dahan,” natatawang sabi sa akin ni Mama.
Sinimangutan ko naman siya. Saka binaba iyong bag sa may dining dahil sinundan ko siya doon para ilagay iyong mga pinamili niya.
“Ma, nasusuya na ako sa pag mumukha nila Ares!”
Mas lalo naman siyang natawa.
“Ikaw talaga, e’di huwag kang bumaba sa Sabado. Ako naman iyong nag imbita.”
“Hindi naman pwede iyon. Pupuntahan pa rin noong mga iyon.”
“Sabihin mo, hindi mo rin matiis,” nakangising sabi ni Mama. “Love na love mo iyong mga iyon.”
Ngumuso nalang ako kay Mama. Syempre, love ko iyong mga iyon. Kahit na madalas sumasakit ang ulo ko sa kanila.
“Nasaan pala si Asha?”
“Nakila Lolo mo. Kaya nakapag grocery ako ngayon. Ihahatid nalang daw nila mamaya dito. Baka papunta na iyon.”
Tumango naman ako saka nilagay iyong mga itlog sa refrigerator. Matapos noon ay pumanhik na ako sa kwarto dahil feeling ko ay sobrang pagod ko ngayon araw. Pero ang totoo, busog lang ako kaya inaantok na ‘ko.
Buti nalang walang homework ngayon. Iyong thesis lang pero bukas ko na iyon p’problemahin dahil bukas naman iyong pasahan ng thesis title. Kapag na-approve, saka ko na kukulutin iyong mga ka group ko.
Nang matapos akong makapag linis ng katawan ay dumiretso ako sa study table ko doon. Tumingin pa ako sa bookshelves at humanap ng notebook na hindi ko pa nagagamit. Kung mayroon man.
Nakakita naman ako kaso ang cute noon. Gagamitin ko lang naman para kay Cupid. Hindi effective ang pagtulong kung walang notes. Kailangan ko ding ihanda iyong sarili ko na maging close kay Thalia.
Well, hindi naman ako sobrang didikit sa kaniya pero I should start to converse more to her. Lalo na at madalas na ang practice ng Heart Sparks. Kailangan kong makakuha ng information gaya ng mga gusto niya saka type niya sa lalaki para naman may ambag ako kay Cupid.
Kung hindi lang talaga dahil sa concert ticket na iyon, luluha ng dugo si Cupid pero hindi ako papayag. At dahil doon, kinuha ko na naman iyong concert ticket na binigay niya at pinaka titigan iyon. Kinikilig talaga ako kapag naiisip kong makakapunta ako!
Tinabi ko na ulit iyon pagkatapos sa taas ng shelves ko kung saan walang makakakita. Tapos ay binuksan ko iyong notebook na cute na nakakahinayang gamitin saka binuksan iyon. Nag-isip pa ako kung anong pwedeng isulat o ilagay doon. Hmm.
Things To Know
Psyche x Cupid
xxx
Natawa naman ako noong matapos kong i-calligraphy iyon. Itatanong ko si Cupid ano pa pwedeng ilagay doon. Things to know dahil, doon ko isusulat lahay ng malalaman ko kay Thalia at lahat ng pwede naming gawin para main love siya kay Cupid!
Hindi ko alam bakit na-e’excite ako ng very slight.
Kinuha ko naman iyong cellphone ko saka tiningnan iyong i********:. Nang makitang online si Cupid ay nag type kaagad ako doon.
Ako:
Cupid! Cupid! Cupid!
Mabilis naman siyang nag seen at nag send ng GIF na nakataas iyong kilay. Sinend ko naman iyong front page noong notebook ko.
Ako:
(Photo)
Rule #1: Ako ang boss.
Lumabas naman iyong tatlong dot, indicating na nag t’type siya.
Cupid:
Ikaw lang talaga.
Ako:
Good.
Rule #2: Dapat alam ko lahat.
Cupid:
May balata ko sa pwet.
Nasamid naman ako doon kahit wala akong iniinom. May saltik talaga ‘tong balahurang ‘to.
Ako:
I mean sa partnership natin!
Cupid:
Partnership? I like thawt.
Ako:
Wala kang kwentang kausap.
Nag send naman siya ng GIF na tumatawa. Gawin kong GIF mukha nito e.
Cupid:
Wala kang magawa ‘no? Tulungan mo ko sa 21st.
Ako:
Kapal mo naman. Hindi ako help giver.
Naka sad face na GIF naman ngayon. Ang ginawa ko, nag send ako ng picture ko na nakadila. Iyong dila na nakaturo sa ilong nasa naka silly face. Walang talab iyang GIF mo sa’kin.
Hindi naman kaagad siya naka reply doon. Siguro nag p’picture din. May pagka gaya gaya ‘to e.
Cupid:
Psy.
Ako:
O?
Cupid:
Nakakasira ka ng gabi.
Tarantado talaga.