Kabanata 4
Z A C H I A
Parang mahihimatay ako sa kinauupuan ko sa mga oras na iyon. Sino ba naman kasing mag-aakalang ang lalaking sinapak ko kanina ay siya palang bagong instructor namin. Ang malas naman talaga, o! Bakit ko ba kasi sinuntok ang lalaking ito? Okay, nadala lang ako ng galit ko kanina kaya ko nagawa iyon. Pero anong gagawin ko ngayon?
Hindi ka talaga nag-iisip kahit kailan, Zachia! Puro kasi ‘yong Caleb na ‘yon ang laman niyang kukote mo kaya ayan kung ano-anong gulo ang napapasok mo. Sana hindi na pala ako pumunta doon kung alam ko lang. Hindi ko na sana nakabangga ang lalaking ito na instructor pa pala namin.
Nagpakilala ang bago naming instructor at nag-discuss ng mga rules niya sa klase. Di ko na masyadong inintindi ang mga pinagsasabi niya dahil busy ako sa pagtatago sa pwesto ko. Kabadong-kabado ako na makilala niya ako kapag nakita niya ako. Sana hindi niya ako mamukhaan? Pero kanina lang nangyari ‘yon imposibleng makalimutan niya agad ang mukha ng taong sumuntok sa kanya. For sure tandang-tanda pa ako nito.
Napabuntong hininga ako habang hindi magkamayaw sa pagtatago.
"Miss, are you okay there?" dinig kong sabi nito. Hindi ako sigurado kung ako ang tinutukoy niya pero nang magsipaglingunan sa pwesto ko ang mga kaklase ko ay agad kong napagtanto na ako nga ang tinutukoy nito.
Damn!
"Uy Chia, tawag ka ni sir." Kalabit sa akin ni Moira. Agad na nawalan ng kulay ang mukha ko.
Shit!
"Miss?"
Dahan-dahan kong tinanggal ang nakatakip na libro sa mukha ko at nagpeke ng ngiti.
"Yes, sir?" Nakangiwing bati ko, sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko sa kaba.
Bigla siyang natigilan nang makita ang mukha ko.
Damn it! Nakilala niya ako! Hindi ako pwedeng magkamali. Base sa naging reaksyon niya ngayon alam kong nakilala niya ako. Walang duda doon.
Ngumisi siya nang siguro ay mapagtanto niyang ako ang babaeng sumuntok sa kanya kanina.
"What is your last name?" tanong niya.
"Walcott, sir,” sagot ko.
Tumingin siya sa list niya at tumango-tango.
"Zachia Walcott, huh?" anas niya.
"Yes, sir."
"Are you sleeping at my class?"
"No, sir!" agad na apila ko.
"Kung gano’n bakit mo tinatakpan ng libro ang mukha mo? Are you hiding from me?"
Bwisit na lalaking ito! Kumukulo talaga ang dugo ko sa kanya sa hindi ko malamang dahilan kahit pa professor ko siya. Ewan ko ba. Normal lang bang makaramdam ng ganito sa isang tao? I think so…
"No, sir. Bakit naman po ako magtatago sa inyo?"
Really, Chia?
"Mabuti naman kung gano’n, but still I want to talk to you after class," anya at nagpatuloy na sa pag-didiscuss ng mga rules niya sa klase.
Bwisit. Anong gusto niyang gawin sa akin mamaya? Gusto niya din akong sapakin gano'n? Tsk! Hindi naman siguro masakit 'yong sapak ko sa kanya kanina, di ba? Pero paano kung mag-report siya sa guidance? For sure makikick-out ako kapag nangyari 'yon. Nakasapak lang naman ako ng isang instructor nang wala namang malalim na dahilan. Damn it!
Hindi pwedeng mangyari 'yon. Hindi ako pwedeng ma-kick-out. Lagot ako sa parents ko kapag nangyari 'yon. Saka ano na lang ang iisipin sa akin ni Caleb kung mapapatalsik ako sa eskwelahan. Nakakahiya. Hindi ko kayang humarap sa kanya kapag nangyari iyon. Ano na lang ang sasabihin niya sa akin? Na pala-away ako at walang respeto sa mas nakakatanda sa akin kaya ako na kick?
No! Hindi pwedeng mangyari 'yon. Kailangan kong makaisip ng paraan para hindi ako ma-kick-out pero ano naman bang magagawa ko? Magmamakaawa sa lalaking ito na huwag akong isumbong sa guidance sa ginawa ko sa kanya? Pakikinggan naman kaya niya ako? Parang ipapahiya ko lang ang sarili ko kung ganoon. Bahala na nga!
Nang matapos ang klase ay susubukan ko pa sanang tumakas ngunit agad akong tinawag ni sir.
"Ms. Walcott, sumunod ka sa akin sa office ko."
Inis na sinunod ko na lamang ang gusto niya. Nagpaalam muna ako kay Moira at nagtungo na sa faculty office upang harapin si bakulaw. Oo, mula ngayon iyon na ang itatawag ko sa kanya.
Ewan ko. Kumukulo talaga ang dugo ko sa kanya kahit wala naman siyang ginagawa sa akin.
Nakasimangot ko siyang hinarap ngunit nginisian niya lamang ako. Agad nanaman tuloy nag-init ang ulo ko sa kanya. Siguro dahil badtrip na badtrip ako sa naabutan ko sa unit ni Caleb tapos siya ang una kong nakasalubong kaya ganito, kaya sa kanya ko napasa ang inis ko.
"Ano bang kailangan mo? Kung gusto mong mag-sorry ako sa ginawa ko sa'yo kanina, then, I'm sorry," walang kagana-ganang sabi ko.
Lalong lumawak ang ngisi ng bakulaw.
"Ganyan ka ba makipag-usap sa instructor mo, young miss?"
Young miss mo mukha mo! Minsan naiisip ko, totoo nga yata talagang magka-ugali kami ng kuya ko. Sabi kasi ni Ate Kira, mabilis daw mainis si Kuya Zach. Siguro sa kanya ko naman ang pagiging mainitin ng ulo ko.
"Ano pa bang gusto mo?"
"Ms. Walcott, alam mo ba ang kahahantungan mo sa school na ito kapag nakarating sa guidance ang ginawa mo sa akin?"
"Talaga lang? Pwede kong sabihin na self-defense lamang ang ginawa ko. Napakadaling itanggi noon."
"Really? Meron akong condo unit sa building na iyon kaya siguro naman may karapatan akong humingi ng copy ng CCTV. Nakalimutan mo yatang may CCTV sa buong building na 'yon? Isa pa, may CCTV din dito, ibig sabihin recorded lahat ng mga pinag-uusapan natin ngayon. Anong gusto mong mangyari sa'yo? Sawa ka nang mag-aral? Gusto mo ng makick-out?"
Bigla akong pinanlambutan ng tuhod sa kaba. Oh, no! Damn it!
"No, please! I'll do everything you want just don't report me to the guidance! Hindi ako pwedeng makickout dito sa school. Please…"
"You'll do everything, huh?"
Desperado akong tumango ng sunod-sunod.
"Be my girlfriend then."
"Be your what?" Gulat na gulat na tanong ko.
"I need someone to be my girlfriend kahit isang gabi lang."
"Huh? Nababaliw ka na ba? At bakit naman ako papayag na maging girlfriend mo ng isang gabi?"
"Because I say so." Ngumisi siya.
At ngayon parang ipinaparating niya sa akin na hawak niya ako sa leeg at wala akong karapatang magreklamo sa anumang sasabihin niya. Inirapan ko siya at sandaling nag-isip ng maigi bago nagpasya.
Pero may choice pa ba ako?
"Fine then! Pero isang gabi lang okay? Pagkatapos noon ay hindi mo na ako pwedeng i-blackmail ulit! Nagkakaintindihan ba tayo?"
"Iba ka talaga," aniya at ngumisi.
"Kailan ba 'yan at nang mapaghandaan?"
"Tomorrow night. I'll pick you up at your place so you better send me your exact address, o doon ka lang din sa building na iyon nakatira?"
Inirapan ko siya sa kanyang tanong.
"Okay, ite-text ko na lang ang address ko, and no, hindi ako doon nakatira. May kakilala lang akong dinalaw doon kanina. Akin na ang number mo. Ako na ang mag me-message sa'yo."
Ibinigay naman niya agad ang contact niya sa akin.
"See you tomorrow night, Ms. Walcott!" Paalam niya at inirapan ko lang siya bilang tugon at saka na umalis.
Ewan ko ba pero inis na inis talaga ako sa kanya sa hindi ko malamang dahilan.
Pagkatapos nang pag-uusap naming iyon ay nagtungo na ako sa sunod naming klase. Tinanong pa ako ni Moira kung anong pinag-usapan namin ni sir at sinabi ko na lamang na pinagsabihan lang ako ni sir dahil akala nito ay natutulog ako sa klase niya. Hindi naman na ako kinulit pa ni Moira after no'n.
Nang mag-uwian ay agad akong nagtungo sa parking area kung saan nag p-park si manong ngunit sa halip na ang family driver namin ang maabutan ko doon ay si Kuya Caleb ang dinatnan ko. Napangiti ako bigla ngunit nang maalala ko ang nangyari kaninang umaga ay biglang napawi ang ngiti sa mga labi ko.
Lumapit ako sa sasakyan niya at kaagad naman niya akong pinagbuksan ng sasakyan habang malawak ang kanyang ngiti. Walang sabi-sabing pumasok ako sa loob.
"How's your day?" agad na tanong niya nang makaupo na sa driver's seat.
"Okay naman," walang gana kong sagot.
Biglang nagsalubong ang mga kilay niya na animo'y nagtataka kung bakit gano'n ang naging asta ko.
"Why?" tanong ko nang titigan lamang niya ako na parang takang-taka siya.
"Are you okay?" tanong niya.
"Yeah," matipid kong sagot.
"Mukhang hindi naman. Come on, tell me what's wrong?"
"Wala, Kuya. Gusto ko na lang umuwi."
Damn! Ano bang karapatan kong mag-inarte dito, eh, hindi naman kami. Wala siyang kasalanan sa akin kaya hindi dapat ako umaarte ng ganito ngayon.
"Ayaw mong kumain muna sa labas? I'll treat you to your favorite coffee shop.”
"I'm sorry, Kuya Caleb, but I have many things to do first. Sa ibang araw na lang siguro."
"Oh! Kung gano’n may maitutulong ba ako d’yan?"
"No, Kuya Caleb. Wala naman. Kaya ko na iyon mag-isa. Madali lang naman iyon kaya hindi mo na ako kailangang tulungan pa. Ihatid mo na lang ako sa mansyon kung ayos lang."
"Okay." Iyon na lamang ang tangi niyang nasabi at nagmaneho na patungo sa mansyon.
"Umalis nanaman ang ate Kira mo. Hindi namin alam kung saan siya nagpunta ang sabi ni mom ay madami daw bagaheng dala na parang isang linggong mawawala."
Nagsalubong ang mga kilay ko.
"Baka magkasama lang sila ni Kuya Sander,” sabi ko.
"No. Maging si Sander ay hindi alam kung saan nagpunta si Kira. Hindi nga man lang daw ito nagpaalam sa kanya. Hindi ko na talaga alam ang gagawin ko sa isang iyon. Napaka tigas ng ulo."
"Posible kayang ipinagpatuloy nanaman niya ang paghahanap kay Kuya Zach?"
"I don't know. Maybe." Nagkibit balikat si Caleb.
"How about Kuya Sander? Hindi ba ay sinagot na siya ni ate? Okay lang ba sa kanya na hinahanap ulit ni ate ang kuya ko?" May pag-aalalang tanong ko.
Gustong-gusto ko si Ate Kira para sa kuya ko pero kung lahat sila nagsasabi na hindi na babalik si kuya, siguro tama lang na kalimutan na din ni Ate Kira si kuya dahil masasaktan lang siya ng paulit-ulit kahihintay dito. Masasaktan lang din niya si Kuya Sander na laging nariyan para sa kanya.
Kitang-kita naman kung gaano siya kamahal ni Kuya Sander, sana makalimutan na niya si kuya at mag focus na lang siya kay Kuya Sander, para hindi na ito masaktan pa.
"Of course not. Hindi bato si Sander. For sure nasasaktan din iyon ngunit wala naman na tayong magagawa kay Kira. Alam mo naman kung gaano katigas ang ulo ng babaeng iyon. Kahit ako wala na din talagang magawa pa sa kanya. Lahat na ginawa ko para lang matauhan siya."
Hindi ko din naman masisisi si Ate Kira. Kahit ako hindi ko pa din matanggap ng mabuti ang nangyari kay Kuya. May parte sa akin na umaasang buhay pa siya kahit sinasabi nilang wala na talaga siya. Pero mas lamang sa akin ang nagsasabing wala na nga talaga si kuya. Limang taon na din kasi ang lumipas.
"Ganoon naman yata talaga kapag mahal mo ang isang tao. Hindi ka mapapagod na umasa." Wala sa isip kong nasabi.
Napalingon sa akin si Caleb.
"How about you, Chia? Umaasa ka pa din ba na maaring buhay pa nga ang Kuya Zach mo?"
"Huwag kang magagalit, ah. Pero, oo, may konting parte sa akin na umaasang buhay pa siya. Kahit ang malaking parte ng isip ko sinasabing wala na talaga siya. I don’t know, pero sana nga tama si Ate Kira na talagang buhay pa si kuya."
Bumuntong hininga lamang si Caleb at nagfocus na lamang sa pagmamaneho. Agad akong bumaba ng sasakyan niya nang makarating kami sa mansyon. Bumaba na din siya at sumunod sa akin papasok ng mansyon.
Naabutan namin sina dad and mom sa sala. Agad akong humalik sa pisngi nila habang bumati naman si Caleb sa kanila.
"Good evening po, tito, tita."
Ngumiti sila mommy sa kanya bilang tugon. Hindi naman na iba sa kanila si Caleb. Para na din nilang anak si Caleb kung ituring. Madalas na nga siyang dito magpalipas ng gabi, eh. Kahit naman noong narito pa si kuya, madalas na talaga silang mag overnight dito sa bahay magkakaibigan.
"Tara na at kumain muna tayo," aya ni mom at iginiya kami sa kusina.
Gusto ko na sana tumaas sa kwarto ko upang mapag-isa dahil hanggang ngayon ay hindi pa din naghihilom ang sakit sa dibdib ko sa mga narinig ko kaninang umaga. Kapag nakikita ko si Caleb naaalala ko iyong mga ungol nilang dalawa no’ng babaeng kasama niya kung sino man iyon.
Ang swerte-swerte naman ng babaeng iyon. Oo, alam kong masyado pa akong bata para isipin ang mga ganitong bagay pero hindi ko lang naman maiwasang isipin. Wala naman sigurong masama doon.
Habang nag hahapunan ay tahimik lang ako sa pwesto ko. Hindi masyadong umiimik. Kapag nagtatanong sila ay matipid ko lamang itong sinasagot hanggang sa matapos kaming kumain. Alam ko naman na walang kasalanan sa akin si Caleb dahil wala naman kaming relasyon, ni hindi niya nga alam na gustong-gusto ko siya, eh. Pero ewan ko ba. Ang hirap lang talagang tanggapin na may ibang babae siyang ginagawan ng gano’n!
Ugh! Kailan ba kasi ako tatanda? Gusto ko nang tumanda agad para naman pwede ko na siyang mahalin at pwede niya na din akong mahalin. Malay mo kung medyo magkaka-edad ako magkaroon na ako ng pag-asa sa kanya? Hays, nangangarap nanaman ako.
Nagpaalam na ako sa kanilang aakyat na sa kwarto ko upang makapagpahinga.
Agad akong naglinis ng katawan at nagbihis bago ako sumalampak sa kama ko. Bakit hanggang ngayon ay hindi pa din mawala sa isip ko ang nadatnan ko kaninang umaga? Bumuntong hininga ako. Ano ba naman kasing iniisip ko? Lalaki siya at normal lamang sa kanila iyon. Isa pa hindi naman kami para magselos ako ng ganito. Hindi naman din magiging kami dahil nakababatang kapatid lang ang turing niya sa akin. Hindi dapat ako nasasaktan ng ganito.
Habang nagmumuni muni ay nakatanggap ako ng message galing kay Sir Lawrence. Iyong bago naming instructor na gusto akong magpanggap na girlfriend niya. Tsk! Naiinis pa din talaga ako sa kanya. Ewan ko ba.
Lawrence:
Send me your exact address asap.
Napairap ako at labag sa loob ko namang sinend sa kanya ang address namin. Wala naman kasi akong magagawa pa.
Lawrence:
Good. See you tomorrow night. Dress nicely!
Wow! Anong akala niya sa akin? Hindi marunong manamit ng matino?
Zachia:
Ano ba ang dapat kong suotin?
Lawrence:
Kung saan ka komportable.
Napapitlag ako nang biglang bumukas ang pinto ng kwarto ko at pumasok si Caleb mula doon. Agad kong itinabi ang phone ko. Nagulat ako na narito pa siya. Akala ko nakaalis na siya kasi kanina pa siya nagpaalam.
"What are you doing?" tanong niya tinatanaw ang phone kong isiniksik ko sa unan.
"May tinanong lang ako sa classmate ko about our project. I thought nakaalis ka na?” I asked.
"Hindi ako makaalis."
"Why?" tanong ko ulit.
"Ang hirap umalis kapag ganito ka. Come on, Zachia, mula pagkabata ay nasa tabi mo na ako kaya alam ko kung may iniisip ka. May problema ba tayong dalawa? Galit ka ba sa akin? Kilalang-kilala na kita at alam kong may hindi ka sinasabi sa akin. Ano ba ‘yang iniisip mo?"
Nagulat ako. Agad akong naantig sa mga sinabi niya pero hindi ko iyon ipinahalata sa kanya.
"Wala naman akong iniisip. Pagod lang talaga ako."
"Zachia, kailan ka pa nagsinungaling sa akin?" may halong diing tanong niya.
"Totoo nga kasi. Okay lang talaga ako. Napagod lang siguro ako sa activities na ginawa namin kanina. Gusto ko lang mapag-isa."
"Are you sure?"
"Yes, Caleb… I mean Kuya Caleb… ayos lang ako." Iniwas ko ang tingin ko sa kanya.
Tumango lamang siya at nagpaalam na din kahit alam kong hindi pa din siya kumbinsido sa sinabi ko. Humalik pa siya sa noo ko bago tuluyang lumabas ng kwarto. Napabuntong hininga na lang ako nang nakalabas na siya.
And just like that nawala na lang na parang bula ang tampo ko sa kanya kanina.
Napaka-unfair naman kasi! Bakit ba kasi may paghalik pa siya sa noo na nalalaman? Hindi ko tuloy mapigilan ang sarili kong kiligin. Sino ba naman kasi ang hindi kikiligin kapag halikan ka sa noo ng taong matagal mo ng gusto? Kahit pa alam kong wala lang sa kanya ang halik na iyon ay ayos lang. Ang mahalaga sa akin ay hinalikan niya ako kahit ano pa man ang ibig sabihin no’n sa kanya.
Oo na, ako na ang masyadong patay na patay sa kanya. Masisi niyo ba ako kung napaka sweet naman kasi niya talaga sa akin? Sino bang babae ang hindi mai-inlove kung gano’n niya ako tratuhin at alagaan?