9

1948 Words
PINAGMASDAN ni Sybilla ang napakatayog na gusali sa kanyang harapan. Nasa harapan siya ng Dr. Rizalino Mendoza Memorial Hospital. Isa ang ospital sa pinakamalaki at pinakamakabagong pribadong ospital sa Pilipinas. Naroon ang pinakamahuhusay na doktor sa bansa. Naroon din ang mga pinakabagong mga kagamitan at makinarya. Ospital ng mayayaman. Iyon ang taguri sa ospital ng marami. Ngunit alam niya na malaki ang indigent wing ng ospital. Ilang malalalang kaso ang tinatanggap ng ospital para sa mga taong walang kakayahang magbayad. The Mendozas were known for their pro bono surgeries. Naaalala ni Sybilla na nagtungo siya sa ospital noong malaman niya na apo siya ni Dr. Ramoncito Arqueza. Habang nakatayo sa harapan ng gusali kagaya ng ginagawa niya ngayon, ipinangako niya sa kanyang sarili na balang-araw ay magtatrabaho siya sa ospital na iyon. Ipagpapatuloy niya ang legacy ng kanyang lolo. Ipinangako niya na magiging isa rin siya sa mga pinakamahuhusay sa mundo ng medisina. Memoryado na ni Sybilla ang history ng ospital. Dukhang ipinanganak si Rizalino Mendoza, ngunit may masidhing pagnanais na makatapos ng pag-aaral upang maiahon sa sarili sa hirap. Mula pa pagkabata ay nais na nitong maging isang mahusay na doktor. Ngunit dahil nga dukha, hindi nito gaanong inisip na magkakaroon ng katuparan ang mga pangarap. Sapat na para sa lalaki ang makatapos ng pag-aaral. Naging boy si Rizalino sa isang mayamang pamilya, ang pamilya Arqueza. Mababait ang mga among doktor. Nang makita ang pagpupursige ni Rizalino, nagdesisyon ang mga amo na papag-aralin ito ng Medisina kasama si Raul, ang ama ni Ramoncito. Likas ang talento ni Rizalino sa pagiging doktor. He made several medical breakthroughs in his lifetime. He had performed several “miracles.” He won numerous awards here and abroad. Kilala si Dr. Rizalino Mendoza sa kanyang mga pro bono surgical cases, na kalaunan ay naging tatak na ng bawat doktor na Mendoza. Nagkaroon ng apat na anak si Dr. Rizalino Mendoza. Si Dr. Raul Arqueza ay nagkaroon lamang ng isa, ang lolo ni Sybilla. Nagsimula ang DRMMH sa pagiging isang klinika lamang. Unti-unti iyong lumago hanggang sa maging medical center. Iginupo ng cancer si Dr. Rizalino Mendoza. Dr. Raul named the hospital after his best friend. Dr. Rizalino Mendoza’s ideals and passion to medicine embodied DRMMH. Ayon iyon sa nabasa niyang artikulo noong nag-aaral pa siya at nanggaling daw iyon mismo kay Dr. Raul Arqueza. Sina Ramoncito at ang tatlong anak ni Rizalino na naging mga doktor ang mas nagpalago pa sa DRMMH. Mula sa isang simpleng klinika ay naging isa sa pinakamalaki at pinamakabagong ospital sa Pilipinas at Asya. Lumaki nang lumaki ang pamilya Mendoza. Mas dumami ang mga doktor sa pamilya. They had become a dynasty. Kaya naman hindi masisisi ni Sybilla ang kanyang Lolo Monching sa nadarama nitong frustration. Pakiramdam marahil nito ay hindi na nabibigyan ng credit ang Arqueza. Unti-unti nang natatabunan ng mga Mendoza. Natapos na kay Ramoncito ang dynasty ng pamilya. Kung tutuusin ay wala namang mga Mendoza sa mundo ng Medisina kung wala ang mga Arqueza. Sybilla had been her grandfather’s hope. Lomobo ang puso ni Sybilla sa naisip. Yes, she was indeed her grandfather’s hope. Bubuuin nilang muli ang dynasty ng mga Arqueza. Humugot muna si Sybilla ng malalim na hininga bago inihakbang ang mga paa patungo sa entrance ng ospital. Kinakabahan siya. Hindi iyon dahil sa orientation na nakatakda niyang kaharapin. Mas kinakabahan siya sa kaalamang si Dr. Mathias Mendoza ang mismong mag-o-orient sa kanya. Nagkakagulo ang buong sistema niya dahil masisilayan niyang muli ang binata. Muli siyang humugot ng malalim na hininga. Muli rin niyang ipinaalala sa sarili na galit siya kay Mathias Mendoza dahil sa ginawa nito kay Corrine. Magiging civil siya at magalang, dahil iyon nararapat na ipakita sa lalaking magiging superior niya sa susunod na linggo. But, personally, she’d have no respect for the guy. “Really?” Tuya ng isang bahagi ng kanyang isipan. Hindi na iyon gaanong pinansin ni Sybilla. Pumasok na lang siya sa loob ng ospital. Sandali siyang natigil sa gitna ng lobby at manghang napatingin sa paligid. Sandali niyang nakalimutan si Mathias. Minsan na niyang nakita sa magazine ang mga larawan ng ospital, ngunit namangha pa rin siya nang makita sa personal ang loob niyon. Hindi sterile ang lobby na karaniwan na sa mga ospital. Homey at cozy. May mga bulaklak sa paligid at mayroon ding naggagandahang mga paintings sa pader. Malawak at maaliwalas ang paligid. Ilang sofa ang nakakalat sa paligid para sa mga taong naghihintay. Tumuloy na si Sybilla sa elevator. Nasa ika-anim na palapag ang opisina ni Dr. Mathias Mendoza. Sa kanyang pagkakaalam ay ika-anim at ika-pitong palapag ang surgical floors. “I can do this,” sabi niya sa sarili bago lumabas ng elevator. Nais niyang sabunutan ang sarili dahil sumidhi ang nadarama niyang kaba. She had always been confident. “He’s just a guy,” bulong niya habang naglalakad patungo sa opisina ni Dr. Mathias Mendoza. Nasa dulo ng pasilyo ang opisina. Napatitig muna si Sybilla sa nakalagay na pangalan sa pintuan bago niya itinaas ang nakakuyom na kamay upang kumatok. Mathias Mendoza, M. D., F. A. C. S., F. P. C. S. Mathias was also sa cardiothoracic surgeon. He went to Harvard. He was trained at Mayo Clinic. Nagpakasal ang lalaki sa edad na beinte-kuwatro, nakipaghiwalay sa edad na beinte-singko. Umuwi si Mathias sa Pilipinas pagkatapos ng residency nito. Itinuon ang lahat ng atensiyon sa DRMMH. Dinala nito sa Pilipinas ang lahat ng natutunan sa ibang bansa. He introduced modern surgical techniques. He was a cardio god. Ilang sandali na nais kalimutan ni Sybilla ang galit at hangaan ang lalaki. “Come in,” anang tinig ng lalaki sa loob. Naramdaman ni Sybilla ang tila pagkislot ng kanyang puso sa loob ng kanyang dibdib. Nanginginig ang kamay na hinawakan niya ang knob at pinihit. Ipinaskil niya sa mukha ang isang pormal at tipid na ngiti sa mga labi bago niya itinulak ang pintuan at pumasok sa loob ng silid. Kaagad bumungad sa kanya si Mathias na nakaupo sa likod ng isang mahogany desk. Nahigit ni Sybilla ang hininga. Pakiramdam niya ay tila may puwersang biglang sumipa sa kanyang tiyan. Dinig niya ang malakas na t***k ng kanyang puso. Nagsalubong ang kanilang mga mata. Hindi gaanong maipaliwanag ni Sybilla ang sunod na nadama. Mabilis pa rin ang t***k ng kanyang puso ngunit waring may bahagi sa kanya ang nakalma. Waring may nangyaring tama. Tila sa unang pagkakataon sa kanyang buhay ay naging tama ang inog ng kanyang mundo. Sybilla mentally shook her head. Saan nanggaling ang kaisipan na iyon? Kahit na kailan ay hindi uminog ang kanyang mundo sa isang lalaki. Hindi isang lalaki ang dahilan ng kanyang existence. Gayunpaman, hindi niya maiwasang madama na tila mayroong nabuhay sa kanyang kaibuturan. Hindi niya mabigyan ng pangalan. Natatakot siyang alamin kung ano iyon eksakto. Inalis ni Sybilla ang mga mata kay Mathias dahil pakiramdam niya ay natutunaw siya. Pakiramdam din niya ay nababasa nito ang kasalukuyang tumatakbo sa kanyang isipan. Inilibot niya ang paningin sa loob ng silid. The office was almost bare and sterile. Malinis na malinis at masinop na masinop. Tanging isang Chesterfield sofa ang kasangkapang naroon bukod sa mahogany desk at executive chair. Walang kahit na anong nakasabit sa mga pader. Walang mamahaling paintings, diplomas, pictures, o anumang recognition sa kagalingan ni Dr. Mendoza. Halatang hindi nagki-clinic doon ang lalaki. Hindi na marahil nagki-clinic ang doktor. “Welcome, Doctor Torres,” anito sa pormal na tinig. Bakit ganoon na lang ang epekto sa kanya ng malagom nitong tinig? Bakit hindi siya mapakali? Bakit ayaw makalma ng kanyang puso? She could still feel the force pulling her to him. Hindi niya maipaliwanag. Siguro ay guni-guni lamang niya o gawa ng kanyang isipan ngunit ganoon talaga ang kanyang nadarama. Habang tumatagal ay tila mas lumalakas ang puwersa. Napilitan siyang tumingin kay Dr. Mathias Mendoza. “Good day, Doctor Mendoza,” pormal at malamig niyang tugon sa pagbati nito. “Please have a seat.” Habang nauupo sa isa sa dalawang silya na nasa harapan ng opisina nito, ineksamin niya ang masinop nitong desk. Nakapatas sa isang dulo ang ilang folder. Sa isang panig ay nakalagay ang isang iMac. Sa harapan naman nito ay nakalatag ang cell phone at tablet. Inabot ni Mathias ang isang kapirasong puting papel, sinulatan, at inabot sa kanya. Tinanggap niya iyon at kaagad binasa ang nakasulat. “That’s what the hospital is offering,” anito sa pormal pa ring tinig. Sumandal si Mathias sa upuan at nagpakakomportable. He looked like a regal king. He looked like he owned the hospital. Ibinalik ni Sybilla ang kapirasong papel kay Mathias. “That’s okay.” Halos mapantayan na ng ospital ang kita niya sa Amerika. Bale-wala naman sa kanya ang kikitain, sa totoo lang. Marami na siyang naipon sa matagal na pagtatrabaho sa Amerika at ayaw din naman niyang magkaroon ng masyadong mataas na professional fee. Tumango si Mathias. “You have an impressive record, Dr. Torres.” Binalangkas nito ang kanyang naging performance noong internship at residency niya, ang evaluation sa kanya ng ilang doktor, pati na rin ang scores niya sa mga exam. Binalangkas din nito ang ilang impresibong operasyon na naisagawa niya sa kanyang buong karera. Hindi pinigilan ni Sybilla si Mathias kahit na sa totoo lang ay hindi na nito kailangang sabihin ang lahat ng iyon sa kanya. Alam niya ang naging performance niya sa mga nakalipas na taon. Alam niya kung ano ang impresyon sa kanya ng mga superior at mga nakatrabahong doktor sa Maryland. Kabisado rin niya ang mga scores niya. Lalong kabisado ni Sybilla ang mga operasyon na ginawa. Memoryado pa niya ang nangyari noong unang beses siyang mag-scrub in sa loob ng Operating Room noong intern siya. Tila nadarama pa rin niya ang kaba na nadama niya noong una siyang mabigyan ng pagkakataon sa solo surgery. Hindi niya makakalimutan kung paano tumibok ang kanyang puso sa pinaghalong takot at pananabik noong isagawa niya ang unang cardio solo surgery niya. Ngunit hinayaan lamang ni Sybilla si Mathias dahil gusto niya ang tunog ng tinig nito, ang paraan ng pagsasalita. Lalaking-lalaki. Sexy. Pakiramdam niya ay para siyang kinikiliti na hindi niya malaman. Gusto rin niya ang nahihimigang paghanga sa tinig nito habang iniisa-isa ang achievements niya. Tinanong siya ng lalaki tungkol sa ilang makabagong techniques na natutunan niya sa ibang bansa. Tinanong siya nito ng tungkol sa ilang kaso na kanyang nahawakan. Sinagot niya ang lahat ng tanong nang hindi nauutal kahit na medyo nahirapan siya sa kanyang konsentrasyon. Matamang nakatingin sa kanya si Mathias, pinakikinggan ang bawat katagang namumutawi sa kanyang mga labi. “Impressive,” wika ni Mathias kapagdaka. Sinalubong ni Sybilla ang tingin nito. Kaagad niyang nakita ang kislap ng paghanga. “I know. Thanks.” Nais sana niyang sabihin na alam din niya ang impresibo nitong record. Alam din niya ang mga operasyong isinagawa nito. Alam niya kung gaano na karami ang natulungan nitong mahihirap. Ngunit pinigilan niya ang sarili dahil ayaw niyang magkaroon ng impresyon ang doktor na kaharap na labis din siyang humahanga sa kakayahan at talento nito. Kinukumbinsi pa niya ang sarili na hindi niya ito hinahangaan. “I’m—the hospital is lucky to have you.” Hindi nag-iwas ng tingin si Mathias. Nais nang umiwas ni Sybilla ngunit hindi niya magawa. Nahalina siya sa mga mata ni Mathias. Tila inaarok ng mga matang iyon ang kanyang iniisip sa kasalukuyan. Tila mas nagniningas ang paghanga—iba nang uri ng paghanga. The tension in the room was palpable. “Would you like a tour?” tanong ni Mathias habang hindi siya nilulubayan ng tingin. “Yes. Of course.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD