7

1619 Words
NAPAPITLAG si Sybilla nang biglang pumailanlang ang masigabong palakpakan sa loob ng Operating Room. Nagtatakang sinulyapan niya ang mga kasama. Lumakad na siya paatras sa table at huhubarin na sana ang gown pagkatapos niyang panoorin ang pagsasara ng isa niyang residente sa pasyente. She had just done a valve replacement on a patient. It was her last day on the hospital. It was her last procedure. Namamasa ang mga matang nilinga ni Sybilla ang lahat ng naroon. Pamilyar sa kanya ang lahat, mula sa anesthesiologist hanggang sa mga nurses. Noon lang niya napagtanto na ang OR na iyon ang unang OR na kanyang napasok noong intern siya. Sa OR na iyon niya ginawa ang kanyang unang solo surgery—appendectomy. Sa OR din na iyon niya unang ginawa ang kanyang unang cardio solo surgery—valve replacement. Karamihan sa mga naroon ay nakasama na niya nang maraming ulit—mula nang unang beses siyang nakahawak ng retractor hanggang sa unang beses siyang puwesto sa lugar ng lead surgeon. Karamihan sa mga naroon ay nasaksihan hindi lamang kahusayan niya, pati na rin ang kanyang mga kamalian. Hindi sentimental na tao si Sybilla, ngunit nang mga sandaling iyon ay napuno ng pinaghalong lungkot at saya ang kanyang puso. “Thank you so much, everyone,” aniya sa tinig na bahagyang may garalgal. “I’m gonna miss you all.” “What a way to say goodbye.” Nakangiting nilingon ni Sybilla si Johanna habang tinutulungan siyang alis ang kanyang surgical gown. “Yeah. Unreal. Parang napakabilis ng panahon.” “I’m gonna miss you so much, Sybilla.” “Lalo na ako. Makakahanap pa kaya ako ng perpektong scrub nurse sa Pilipinas?” “I don’t think so. There’s only me.” Nagyakap silang dalawa. Nagpaalam na si Sybilla bago pa siya tuluyang maluha. Ayaw niyang maluha. Hindi siya ganoong uri ng babae. Pagkalabas niya sa Operating Room ay hindi muna siya nagtungo sa locker room upang ayusin ang kanyang mga gamit. Nilibot muna niya ang surgical wing. Pinuntahan niya ang ilang lugar na paborito niyang puntahan mula noong intern year niya. Sandali niyang inalala ang kanyang mga pinagdaanan. This hospital held so much fun memories. She grew up there. Maraming bagay ang naituro sa kanya ng ospital na iyon. Hindi hinayaan ni Sybilla na lunurin siya masyado ng lungkot. Magsisimula na siya ng panibagong buhay sa Pilipinas. Makakasama na niya ang kanyang ina na hindi masukat nang kaligayahan nang malamang uuwi na siya. Mapapatunayan na niya ang sarili sa kanyang Lolo Monching. Magiging mahusay siya. Iyon ang ipinangako ni Sybilla sa kanyang sarili. Hindi niya bibiguin ang kanyang abuelo. Ipapakita niya na apo siya nito. Hindi niya hahayaan na makaapekto sa kanya ang ilang hindi mahahalagang bagay, tao, at pangyayari. Hindi niya gaanong iisipin ang naging hiwalayan nina Corrine at Mathias. Walang-wala iyong kinalaman sa kanya. Tinungo na ni Sybilla ang locker room. Nakalagay na sa kahon ang kanyang mga kagamitan dahil inunti-unti na niya ang pagliligpit noong mga nakalipas na araw. Pagkatapos niyang magbihis at mailagay sa hamper ang hinubad na surgical scrubs ay naupo siya sa mahabang bench at kinandong ang kahon. Nasa ibabaw niyon ang kanyang paboritong stethoscope. Paborito niya ang partikular na stethoscope na iyon dahil iyon ang unang stethoscope na iniregalo sa kanya ni Dr. Ramoncito Arqueza. Ipinadala nito iyon sa kanya pagkatapos niyang ibalita ang pagkapasa niya sa internship program sa ospital na iyon. Make me proud. Iyon ang mga katagang nakasulat sa card na kalakip ng regalo. Hindi maipaliwanag ang nadama ni Sybilla nang araw na matanggap niya ang stethoscope. Nangako siya sa kanyang sarili na gagawin niya ang lahat upang maipagmalaki siya ng kanyang lolo. Hindi pa niya naririnig ang mga salita. Hindi pa siguro siya umaabot sa pamantayan ng isang Dr. Ramoncito Arqueza. Patuloy pa ang kanyang pagsusumikap. Natagpuan niya ang sarili na nangangakong mas pag-iigihan niya pag-uwi niya ng Pilipinas. Sisiguruhin na niyang magiging proud sa kanya ang kanyang lolo. Maipagmamalaki na siya nito sa mundo bilang apo nito. ANG HIGPIT-HIGPIT ng pagkakayakap ng ina ni Sybilla sa kanya. Hindi naman niya iyon alintana dahil mahigpit rin ang pagkakayakap niya rito. Ang ina ang sumundo sa kanya sa airport. Kaagad napuno ng kaligayahan ang puso ni Sybilla nang makita ang ina. Si Analiza ang tipo ng tao na nais manatili sa lugar na kinalalagyan. Hindi mahilig bumiyahe ang ina kaya naman hindi siya nito madalas na nabibisita sa Amerika. Hangga’t may libreng oras si Sybilla ay tinatawagan niya ito. Pinaturuan din niyang gumamit ng Skype ang ina upang magkitaan naman sila. Ngunit iba pa rin kung personal na nakikita ang mahal sa buhay. Iba pa rin ang yakap ng isang ina. “Na-miss kita nang husto, `nak,” anang ina habang maluha-luha ang mga mata. “Ako rin po, Mama.” Masasabing walang gaanong ipinagbago ang hitsura nito. Klasiko ang ganda ng kanyang ina na sinasabi ng marami na kanyang namana. Hindi pagsasawaang titigan. Hindi pinagmamaliw ng panahon. Napuno ng kaligayahan ang kanyang puso. Nasabi tuloy ni Sybilla sa sarili na tama ang kanyang naging desisyon. She belonged there. She was needed there. Sa Tagaytay na namamalagi ang ina ni Sybilla. Ibinenta nila ang bahay na ibinigay sa kanila ni Damian at dinagdagan na lang niya iyon upang makabili sila ng magandang two-storey resthouse na may magandang view. Nais na kasi ni Analiza ng tahimik na buhay. Regular ang pagpapadala ni Sybilla sa ina ngunit hindi nito gaanong ginagalaw ang pera sa bangko. Hindi naman daw nito gaanong kailangan. Sapat na na hindi na nito kailangang magtrabaho upang makaraos sa araw-araw. Walang kawaksi ang ina kahit na madalas niyang igiit na kumuha na ito. Wala na raw itong gagawin kundi humilata kung may gagawa pa sa bahay at ikababaliw na raw nito iyon. Palagi pa rin niyang iginiit upang may makasama naman ang ina sa bahay. Hindi mapuknat ang kuwentuhan nilang mag-ina. Ipinahanda nito ang lahat ng paborito niyang pagkain at noon lang nabusog nang ganoon si Sybilla. Labis siyang nangulila sa ina: sa luto nito, sa yakap nito, at sa pag-aasikaso nito. “Masaya akong nakauwi ka na sa wakas,” anito habang nakahiga sila sa kama. Nais nitong matulog na kasama siya sa unang gabi niya sa Pilipinas. “Pero sigurado ka bang gusto mong magtrabaho sa ospital na iyon?” May bahid ng pag-aalala sa tinig nito. Hindi nagsasabi si Sybilla sa ina, ngunit alam nito kung gaano kasidhi ang kagustuhan niyang paluguran ang pasayahin si Ramoncito Arqueza. Alam niya na alam nitong naghihintay pa rin siya sa approval ng abuelo kahit na minsan ay lakas loob siyang nagsisinungaling at sinasabing hindi niya kailangan niyon. Alam niya na alam ni Analiza na nagpunyagi siya hindi lang para sa sariling kaunlaran pati na rin upang makamit ang approval na iyon. “Opo naman. Ang DRMMH ang isa sa mga pinakamahuhusay na ospital sa Asya. Magiging magandang experience po para sa akin.” “Akala ko ba ay masaya ka sa buhay mo sa Baltimore?” “Mas magiging masaya po ako rito. Pakiramdam ko naman po ay nagawa ko na ang lahat ng dapat gawin sa Amerika.” Nais mapailing ni Sybilla nang maalala ang ilang bagay na naiisip noong mas piliin niya ang Amerika. Desidido siyang manatili sa ibang bansa. Talaga nga bang nagpasaklaw siya sa kakaibang epekto ni Mathias Mendoza sa kanya? O sa kanyang abuelo siya nagpasaklaw at hindi kay Mathias? Umuwi siya dahil narinig niya sa kanyang lolo na kailangan siya nito. Niyakap si Sybilla ng ina. “Natutuwa talaga ako na narito ka na uli.” Gumanti siya ng yakap. “Ako rin po.” Kailangan niyang umupa ng apartment o condominium unit dahil masyadong malayo ang bahay sa ospital, ngunit kaya na niyang umuwi tuwing weekends o kahit na anong araw na kanyang gustuhin. Maaari na rin siyang bisitahin nang madalas ng kanyang ina. “Hindi ko lang maiwasang mag-alala nang bahagya, Sybilla,” anang ina matapos magpakawala ng isang malalim na buntong-hininga. “Bakit naman po?” Muli munang napabuntong-hininga ang kanyang ina bago sumagot. “Siguro dahil parang tuluyan ka nang papasok sa mundo ng mga Arqueza. Siguro ay natatakot akong masaktan ka. Alam kong marami kang expectations at natatakot akong mabigo ka kung hindi man mangyari ang mga expectation na iyon. Natatakot akong masaktan ka.” Napangiti si Sybilla. “Hindi po ninyo kailangang mag-alala. Hindi po ako masasaktan. Sa palagay po ba ninyo ay hahayaan ko ang sinuman na saktan ako? Kilala naman po ninyo ako.” Napangiti na rin ang kanyang ina. “Oo nga naman. Hindi mo kailanman hahayaan na may manakit sa `yo. Hindi ka basta-basta na lang yuyuko at tatanggapin ang mga atake, lalaban ka. Gaganti ng atake. Hindi ko lang talaga maiwasang bahagyang mag-alala kahit na alam ko ang bagay na iyon. Nanay mo `ko, eh.” “Hindi naman nila ako sasaktan, Mama. Matagal na tayong parte ng buhay ng mga Arqueza, gusto man nila o hindi. Maayos ang relasyon ko kay Corrine.” Maituturing din na maayos ang relasyon niya sa asawa ng kanyang ama. Hindi sila malapit sa isa’t isa ngunit wala rin namang ipinapakitang masama ang ginang sa kanya. Wala na rin naman kasi itong ibang pagpipilian kundi tanggapin ang kanyang presensiya dahil hindi naman siya mawawala. Anak siya ni Damian bago pa man mabuo si Corrine. Isa pa, hindi naman nila inaagaw mag-ina si Damian. Halos hindi nakakausap ni Sybilla ang ama. Hindi na nito sinubukan pang makabuo ng relasyon sa kanya. Maituturing silang estranghero sa isa’t isa. “Magiging maayos ang lahat, Mama,” aniya sa masiglang tinig. Ganap iyong pinaniniwalaan ni Sybilla.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD