NAGPATULOY ang buhay para kay Sybilla pagkatapos siyang bisitahin nina Corrine at Mathias. Naging abala siya sa ospital. Paminsan-minsan ay hinahayaan niya ang sarili na isipin si Mathias Mendoza. Mientras kasi na pinipigilan niya ang sarili ay lalo lamang niyang iniisip ang lalaki. Lalo niyang tinatanong kung ano ang mayroon sa lalaking iyon upang maligalig na lang nang ganoon ang kanyang buong mundo. Hinahayaan na lang niya ang sarili sa paniniwala na lilipas din ang anumang kakaibang nadarama.
Tila epektibo naman ang kanyang plano dahil pagkalipas ng ilang linggo ay hindi na niya madalas isipin si Mathias Mendoza. Tahimik na uli ang kanyang mundo. Balik na sa dati ang kanyang buhay.
Hanggang sa isang umaga ay nakatanggap siya ng tawag mula sa kanyang abuelo. Bihira iyong mangyari kaya kaagad siyang kinabahan at bahagyang natakot. Nanginginig ang kanyang kamay nang sagutin niya ang tawag. Nagpapasalamat siya na tapos na siya sa operasyon nang matanggap niya ang tawag.
“I want you to reconsider Mathias’s offer.”
“Po?” Sa iilang beses nilang paghaharap at pag-uusap, alam na ni Sybilla na hindi mahilig magpaligoy-ligoy ang kanyang lolo. Kaagad nitong sasabihin sa kanya ang gusto. Walang pangungumusta sa kanya o anuman. Nasanay na siya, tanggap na. Hindi na siya dapat nagdaramdam dahil wala namang magbabago talaga sa pakikitungo nito sa kanya.
“You heard me. I want you to accept the job.”
“Wala pa po ba siyang nakukuha—”
“I don’t care,” anito bago pa man niya matapos ang sinasabi. “Wala akong pakialam kahit na gawan ka niya ng bagong slot. I want you in DRMMH.”
“Pero, Lolo—”
Muli, hindi siya nito pinatapos sa pagsasalita. “Tender your resignation the soonest possible. Pauumpisahan ko na ang pag-aayos ng mga papeles mo para makapag-practice ka sa Pilipinas.”
“H-hindi ko po puwedeng basta-basta na lang iwan ang buhay ko rito.”
“Of course you can. Wala naman diyan ang buhay mo. Hindi kita ipinadala riyan upang pagsilbihan ang mga Amerikano habang-buhay, Sybilla. I want you here.”
“Lolo—”
“I need you in DRMMH. I have to have a representative. I helped build that hospital. It does not bear my name but I helped in building that hospital from a lowly clinic. I worked hard for that hospital. It had been my life for so long. So I’m telling you again, tender your resignation and come home.”
Hindi na nakatugon si Sybilla dahil naputol na ang linya ng koneksiyon. Hindi malaman ni Sybilla ang mararamdaman habang nakatitig sa kanyang cell phone. Dr. Ramoncito Arqueza needed her. Kailangan siya nitong maging doktor sa Dr. Rizalino Mendoza Memorial Hospital dahil apo siya nito. Hindi niya sigurado kung ikasisiya niya ang bagay na iyon o ano.
Noon, madalas sabihin ni Sybilla sa sarili na wala siyang pakialam sa kanyang ama o sa pamilya nito. She survived without them for the first twenty years of her life. Ngunit kailangan din niyang aminin na inaasam niya ang ganap na pagtanggap sa kanya ni Dr. Ramoncito Arqueza. Mas mahalaga para kay Sybilla ang tingin sa kanya ng lolo niya kaysa sa kanyang ama. She looked up to the great doctor.
Lumabas si Sybilla sa ospital at naupo sa isa sa mga bench. Mataman siyang nag-isip. Inalam niya ang totoong nararamdaman. Paulit-ulit niyang tinanong sa kanyang sarili kung ano ang talaga nais niya sa kanyang buhay. Nais na ba talaga niyang bumalik ng Pilipinas? Handa na ba siyang iwanan ang magandang buhay at karera sa Amerika upang magsimula ng panibago? Kaya ba niyang makatrabaho sa iisang ospital si Mathias?
Naiinis na nagpakawala ng buntong-hininga si Sybilla. Kailangan ba talaga ay kasama si Mathias Mendoza sa gagawin niyang desisyon? Hindi. Nagmaliw na ang anumang kakaibang damdamin na binuhay nito sa kanya—iyon ang paulit-ulit niyang sinabi sa sarili.
Pagbalik ni Sybilla sa loob ng ospital ay kaagad niyang hinanap si Dr. Luke Stottlemyer, ang chief of surgery. Ang lalaki ang naging mentor niya sa mahabang panahon. Ang mahusay na siruhano ang naging ama niya sa loob ng ospital na iyon. He practically bullied her into being one of the best surgeons in the hospital. She owed him so much.
Nahanap niya ang chief sa opisina nito. Kaagad siyang pinapasok ng sekretarya. Nakasuot pa ng scrub suit si Dr. Stottlemyer kaya malamang na kalalabas pa lamang nito sa Operating Room. Isa rin itong cardiothoracic surgeon. Dr. Luke Stottlemyer had been one of the biggest influences of her life. She would miss him so much.
“I have to go home,” aniya matapos nilang magbatian at magkumustahan tungkol sa mga naging operasyon nang araw na iyon.
Kaagad nanamlay ang ekspresyon ng mukha ng matandang doktor. Noon pa man ay nabanggit na niya ang kagustuhang makabalik at makapag-practice sa Pilipinas. Alam nito na darating ang araw na iyon—ang araw na iiwanan na niya sa wakas ang ospital kung saan siya nahasa at nalinang bilang isang mahusay na siruhano.
“You’ve always known what’s best for you, Doctor Torres.”
“Thank you so much for everything.”
“If you change your mind, the hospital is always here to welcome you back.”
Bahagyang namasa ang mga mata ni Sybilla ngunit sinikap pa rin niyang ngumiti. “I’m that good?”
Nakangiting tumango si Dr. Luke Stottlemyer. “You’re that good.”
I’m a good surgeon. Iyon ang sinabi ni Sybilla sa sarili. Madalas na alam naman niya ang bagay na iyon. Pagdating nga lang kay Ramoncito Arqueza ay bahagya niyang nakakalimutan, bahagya siyang nakadarama ng pagdududa.
Pagpasok ni Sybilla sa loob ng kanyang apartment ay tumunog ang kanyang cell phone. Pangalan at larawan ni Corrine ang bumungad sa screen. Napapabuntong-hininga na naupo muna siya sa couch at inisip kung sasagutin ba ang tawag o hindi. May mga pagkakataon na sadya niyang hindi sinasagot ang tawag ng kapatid. Madalas niyang sabihin na abala siya o masyado na siyang pagod kaya hindi niya nasasagot ang mga tawag nito. Waring natatakot siya sa balitang dala nito. Tila hindi pa siya handang marinig na nag-propose na si Mathias at ikakasal na ang dalawa.
Naiinis si Sybilla sa sarili dahil nagkakaganoon siya. Hindi dapat. Hindi maaari. Humugot siya nang malalim na hininga bago niya sinagot ang tawag. “Hey!” aniya sa masiglang tinig.
Hikbi ang naging tugon ng nasa kabilang linya.
Kaagad nagsalubong ang mga kilay ni Sybilla. “Corrine? What’s wrong?”
“He... He b-broke up with me,” tugon ni Corrine sa gumagaralgal na tinig.
“W-what?” Hindi sigurado si Sybilla kung tama ang kanyang pagkakaintindi sa sinabi ng kapatid.
“Mathias broke up with me!” she cried. Wala nang ibang narinig si Sybilla pagkatapos niyon kundi ang iyak ni Corrine. Siya naman ay napatulala sa pader ng kanyang apartment, hindi malaman kung ano ang mararamdaman.