WALANG panlasa si Sybilla ngunit pinilit niyang kainin ang mga inihanda ni Corrine. Naghanda ang kapatid ng masarap na pasta, grilled chicken, at salad. Dumalas ang naging pagsimsim niya sa red wine upang malunok nang maayos ang pagkain. Masarap naman ang pagkain, wala lang talaga siyang ganang namnamin ang mga iyon. Being with Corrine and Mathias was pure torture.
Nakita niya kung paano asikasuhin ni Corrine si Mathias. They look sweet and adorable together. Bagay ang dalawa sa pamantayan marahil ng lahat. Pilit niyang kinumbinsi ang sarili na hindi selos at inggit ang kanyang nadarama sa kasalukuyan. Nais niyang hilahin na ang oras. Nais na niyang mapag-isa. Ayaw na niyang makita si Mathias dahil hindi nagmamaliw ang kakaibang epekto nito sa kanya.
Tinanggihan na ni Sybilla ang ice cream. Wala na siyang ganang mag-dessert. Inilabas ni Mathias ang isang manila envelope at iniisod palapit sa kanya. Pormal ang ekspresyon ng mukha nito. Pinagmasdan lamang niya ang envelope at hindi binuksan. Nahuhulaan na niya kung ano ang nasa loob niyon. Tumikhim siya at tumingin kay Corrine na puno ng pananabik ang ekspresyon ng mukha. Kahit na mahirap, ibinaling niya ang paningin kay Mathias. Pinagsumikapan niyang huwag ipakita ang totoong nadarama.
“I like my life here,” sabi ni Sybilla sa malamig na tinig.
Ilang sandaling tumingin lang sa kanya si Mathias kapagkuwan ay tumango. Nabasa ni Sybilla ang pagbalatay ng relief sa mga mata nito. “I understand.”
“What?” bulalas ni Corrine. Hindi nito mapaniwalaan ang itinatakbo ng usapan.
Tumingin siya sa kapatid. “Hindi pa ako handang umuwi ng Pilipinas.” Hindi niya sigurado kung nagsasabi siya ng totoo. May parte sa kanya ang gustong-gusto nang umuwi at makasama ang ina at pamilya, ngunit mayroon ding parte sa kanya ang natatakot at nagtatampo kaya mas pinipili niya ang Amerika. Binalingan niya si Mathias na nakatingin pa rin sa kanya. Nais niyang umiwas ng tingin ngunit hindi niya mapagtagumpayan. Waring may hindi nakikitang puwersa na humahatak sa kanya at habang tumatagal ay lalo siyang nahihirapang labanan iyon.
Tumingin si Corrine kay Mathias. “Tell her, Mat. Tell her you need her.”
Walang sinabing anuman si Mathias, nakatingin pa rin sa kanya. Tila nais matunaw ni Sybilla sa paraan ng pagtingin nito. Kahit na waring malamig ang ekspresyon ng mukha, nakikita niya ang init sa mga mata nito. Mariing nakagat ni Sybilla ang ibabang labi. She wanted him and he wanted her. Inabot ni Sybilla ang wine glass at sinaid ang laman niyon. Ganoon din ang ginawa ni Mathias.
“The hospital needs her,” sabi ni Mathias kay Corrine. Unti-unti siyang nilubayan ng mga mata nito upang tumingin sa nobya. “Pero hindi natin siya mapipilit kung masaya na siya sa buhay niya rito.”
“Mas sasaya siya sa Pilipinas. Naroon ang pamilya niya.” Binalingan siya ni Corrine. “Isa si Lolo sa nagtatag ng DRMMH. He wants you to be there. Hindi ako naging doktor kagaya ng gusto niya kaya dapat ay naroon ka.”
Isang kindergarten teacher si Corrine. Naikuwento na sa kanya ng kapatid ang masidhing pagnanais ng kanilang lolo na maging doktor ito. Nag-iisang anak ni Ramoncito si Damian na mas piniling maging negosyante kaysa maging doktor. Ayon kay Corrine ay labis na nadismaya at nasaktan ang matanda nang igiit ng kapatid ang kagustuhan nitong maging isang guro. Nakatulong na suportado si Corrine ni Damian. Hanggang ngayon daw ay hindi matanggap ni Ramoncito na isang guro “lamang” ang lehitimo nitong apo. Hindi naman hamak na guro lang si Corrine. Pag-aari nito ang center na pinagtuturuan.
Madalas sabihin ni Corrine sa kanya na siya ang pag-asa ng kanilang lolo. Si Sybilla ang katuparan ng mga pangarap ng matanda. Siya ang magtutuloy ng legacy ni Dr. Ramoncito Arqueza. Corrine said their grandfather was very proud of her. Nais paniwalaan ni Sybilla ang mga sinasabi ng kapatid, ngunit hindi niya lubusang magawa. Dahil si Corrine lamang ang nagsasabi niyon. Kailanman ay hindi niya narinig mula kay Dr. Ramoncito Arqueza na tinatanggap na siya nito bilang apo. Hindi niya kailanman nakita na masaya ang abuelo sa kanyang existence. Hindi niya kailanman naramdaman na ipinagmamalaki siya nito.
Many said Sybilla had a rare gift. She was one of the most talented heart surgeons. She would go places. She had a brilliant mind. May mga pagkakataon na naiisip na minana niya ang “gift” na iyon mula sa kanyang lolo. Nais niyang isipin na itinadhana siyang maging siruhano dahil apo siya ng isa sa mga pinakamahuhusay na siruhano sa mundo ng medisina. Ngunit may mga pagkakataon din na mas nais niyang paniwalaang dahil sa sariling sikap at pagpupunyagi kaya siya naging mahusay. She studied hard. She worked harder. She aimed high. She never gave up. Anuman ang tagumpay na tinatamasa niya ngayon, it was all because of hard work.
Naisip din ni Sybilla, kung talagang nais ng lolo niya na magtrabaho siya sa DRMMH, sana ay ang abuelo mismo ang nagsabi sa kanya. Sana ay hindi si Dr. Mathias Mendoza ang kumakausap sa kanya.
“Tell me you’d think about it first,” ani Corrine sa matamlay na tinig. Hanggang maaari ay ayaw nitong sumuko sa kagustuhang mapauwi siya ng Pilipinas.
Tumango na lang siya upang hindi na kulitin pa ng kapatid. Sinikap din niyang huwag nang tumingin sa gawi ni Mathias hanggang sa magpaalam na ang magkasintahan sa kanya. Inihatid niya ang mga ito hanggang sa pintuan. Hinagkan siya ni Corrine sa pisngi at binilinang magpahinga na kaagad. Inilahad naman ni Mathias ang kamay sa kanya.
Nag-aatubiling tinanggap ni Sybilla ang pakikipagkamay ng lalaki. Inasahan na niya ang waring pagdaloy ng kuryente sa kanyang balat sa sandaling magdaop ang kanilang mga palad, ngunit hindi niya inasahan ang sidhi niyon. Waring naging masyadong sensitibo ang lahat ng kanyang pandama. Ramdam na ramdam ng kanyang buong pagkatao ang kakaibang epekto ng binata sa kanya.
Tumingin siya kay Corrine. Hindi niya maaaring kalimutan si Corrine. Ang kapatid na puno ng pagtitiwala ang mga matang nakatingin sa kanya, walang kahit na anong pagdududa sa ekspresyon ng mukha.
Ibinalik niya ang paningin kay Mathias kapagkuwan. “It’s been nice meeting you, Doctor Mendoza.”
Isang munting ngiti ang sumilay sa mga labi ni Mathias. “Yes, it’s been really nice,” tugon nito sa pormal na tinig. Banayad nitong pinisil ang kanyang kamay bago pinakawalan.
Pag-alis ng dalawa ay nanghihinang isinandal ni Sybilla ang sarili sa likod ng pintuan. Nanginginig na ang kanyang mga binti kaya hinayaan na lang ang sarili na dumausdos hanggang sa mapasalampak siya sa sahig. Marahas siyang nagpakawala ng buntong-hininga. Nais niyang makadama ng relief. Nais niyang sabihin sa sarili na tama ang kanyang naging desisyon. Ayaw niyang tawaging duwag ang sarili. Kilala lang niya ang sarili at alam niyang nasa panganib siya. Hindi niya maipaliwanag ang kanyang nadarama para kay Mathias ngunit alam niya na hindi iyon maganda—hindi kailanman magiging tama. Mas maigi nang umiwas sa apoy dahil kapag nilamon siya niyon ay malamang na makapaso at makapanakit siya ng iba.
Alam ni Sybilla na makikita pa rin niya si Mathias kapag pinakasalan nito si Corrine. Ngunit nasisiguro niyang gagawin niya ang lahat upang malabanan at mapuksa ang atraksiyon na kanyang nadarama para sa lalaki.
“Out of sight, out of mind,” sabi niya sa sarili.