4

1956 Words
“HAVE you ever met someone who made you feel different?” tanong ni Sybilla sa matalik na kaibigang nurse na si Johanna bago humigop ng kape. Nasa nurses’ station sila kung saan abala ang kaibigan sa charting. Johanna was her favorite scrub nurse. Halos kalahating oras pa lamang ang nakakalipas mula nang lumabas silang dalawa sa Operating Room. Isa ring Pinay si Johanna, ngunit mas matagal ang pananatili nito sa Maryland kaysa kanya. She had been fifteen when she migrated. “Kurt,” walang gatol na tugon ni Johanna. Napabuntong-hininga siya. “Except for Kurt.” Kurt was Johanna’s fiancé. Isa ring siruhano ang lalaki, isang general surgeon. “You’ve been together since forever.” Kurt had been Johanna’s boyfriend since she was fifteen. Labing-limang taon nang magkarelasyon ang dalawa. “I’ve got no one else. Si Kurt lang.” “Really?” Ibinaba ni Johanna ang tablet na tangan at matamang tumingin sa kanya. Napansin marahil nito na nababahala siyang talaga sa nadarama. Kanina pa hindi mabura sa kanyang isipan si Dr. Mathias Mendoza. “How different?” “Mahirap ipaliwanag. Basta ibang-iba. Iyong sa unang pagkakataon pa lang na nagtagpo ang mga mata ninyo, may nadama kang... koneksiyon. Your cardiac rate speeds up. You can’t breathe properly. You feel a... sizzle. You feel like something is pulling you towards him.” Nakita ni Sybilla ang kaguluhan at bahagyang pagkamangha sa ekspresyon ng mukha ni Johanna. “Alam kong magulo pero parang ganoon.” Unti-unting sumilay ang isang naaaliw na ngiti sa mga labi ni Johanna. Kuminang ang mga mata nito sa kaaliwan at nabura ang bahid ng antok at pagal. “Gosh. Are you falling in love?” Nasamid si Sybilla na humihigop ng kape. Kaagad siyang inabutan ni Johanna ng tissue. “Love? May binanggit ba ako tungkol sa love? It’s just an attraction. A fatal attraction,” humina ang kanyang tinig sa huling pangungusap. “Woah! I just can’t believe I’m hearing this from you. You’re falling in love with someone.” Nayamot si Sybilla sa kaibigan. “I am not falling in love,” aniya sa mariin at medyo may panggigigil na tinig. Pinandilatan niya ng mga mata si Johanna nang humagikgik ang kaibigan. Ano ang nakakaaliw at nakakatawa sa kanyang sitwasyon? Nais niyang malaman upang makatawa rin siya. “Who’s the lucky guy?” “Corrine’s fiancé.” Biglang nabura ang ngiti sa mga labi ni Johanna at napamulagat sa kanya. “Totoo?” Uminom uli ng kape si Sybilla imbes na sagutin ang tanong ng kaibigan. “Sybilla, you’re bad. You can’t fall in love with your sister’s fiancé! That’s just not right.” “I am not falling in love,” nayayamot niyang tugon. “I just felt something weird. Isang pakiramdam na hindi ko maipaliwanag. You should see the man. He’s absurdly hot. Kapag nakita mo siya, I’m sure you’d feel what I felt.” Nais niyang kumbinsihin ang sarili na ganoon nga ang mangyayari ngunit nais din niyang magduda. Umiling si Johanna. “I’m sure I’d find him hot. But I won’t feel the sizzle, Sybilla.” Wala siyang maitugon. Para siyang sinasakal ng guilt. Hindi niya gusto ang pakiramdam na iyon. Sinikap niyang sabihin nang paulit-ulit sa kanyang sarili kung gaano niya kamahal si Corrine. No man will ever come between them. “How hot was he?” “Ridiculously hot. Heart-stoppingly beautiful.” Nanulas na ang mga katagang iyon bago pa man mamalayan ni Sybilla ang nasasabi. Tila hindi malaman ni Johanna kung mag-aalala o matatawa sa kanya. “My God.” Tumango si Sybilla. “I know. I’m bad. I’m a terrible sister.” Hindi niya maaaring tanggapin ang anumang iaalok na trabaho ni Mathias kahit na gaano pa kaganda ang offer nito. Hindi siya maaaring magtrabaho kasama ang lalaking iyon sa isang ospital. Nasisiguro niyang patuloy siyang magkakasala sa kapatid. Hindi iyon maaaring mangyari. She had been competitive but she was never the woman who could hurt a sister or a friend. HALOS apat na oras pa lamang nakakatulog si Sybilla nang makatanggap siya ng tawag mula sa ospital. Kailangan niyang bumalik kaagad sa ospital dahil nagkaroon ng shoot-out sa isang mall at kailangan ang kanyang serbisyo. She was also trained for trauma. Nagkukumahog siyang bumangon at nagbihis. Papasok ng apartment niya si Corrine habang papalabas siya sa kanyang silid. Kaagad na nagsalubong ang mga kilay ng kapatid. “You’re going out?” Tumango si Sybilla habang isinusuot ang jacket. “Yeah. Kailangan nila ako sa ospital.” Bumalatay ang dismaya sa mukha ni Corrine. “Akala ko pa naman ay makakasama kita sa tanghalian. I thought we can prepare dinner together.” Bahagyang namilog ang mga mata nito nang may mapagtanto. “Tuloy pa rin ang dinner natin mamaya, hindi ba?” Hindi siya nakakasiguro sa maaaring mangyari kaya nilapitan na lang niya ang kapatid at hinagkan ang pisngi nito. “Tatawagan na lang kita.” May bahagi sa kanya ang umaasa na sana ay kailangan niyang manatili sa ospital hanggang sa kinabukasan. Kahit na kailan ay hindi niya inakala na magiging duwag siya. Sinikap na lamang niyang huwag nang gaanong pakaisipin si Mathias Mendoza. Napagtagumpayan naman ni Sybilla ang nais pagdating sa ospital. Dumeretso na siya sa Operating Room at inabala ang sarili sa pagligtas ng isang pasyenteng may multiple gunshot wound sa dibdib. Makalipas ang anim na oras ay naalis din niya ang lahat ng bala at naayos ang dapat ayusin. Habang isinasara ang pasyente, umasa si Sybilla na sana ay mayroon pang pasyente na nangangailangan sa kanya. But she was unfortunate. Kalmado na ang ospital paglabas niya. Wala nang mga pasyente na nangangailangan sa kanya. She could go home. Sumusukong napabuntong-hininga na lang si Sybilla. “Buck up,” pagkausap niya sa sarili habang nagpapalit ng damit. “Hindi ka duwag. He’s just a guy. This weird feeling will pass. Haharapin mo ang lalaking iyon. Everything’s going to be fine.” Habang pauwi ay paulit-ulit niyang sinabi sa sarili ang bagay na iyon. Tahimik ang apartment pagpasok ni Sybilla sa loob ngunit bukas ang ilaw kaya alam niyang naroon si Corrine. Nagtungo siya sa kusina. Nakahanda na sa mesa ang ilang mga pagkain. Binuksan niya ang refrigerator at kumuha ng maiinom. Wala sa sala at kusina si Corrine kaya malamang na nasa silid niya ang kapatid. Bitbit ang isang lata ng Coke, nagtungo siya sa kanyang silid. Nakarinig siya ng ingay sa may banyo. “I’m home,” aniya habang papasok sa banyo. “Bakit madilim dito?” Kinapa niya ang switch sa pader. “Don’t—” Huli na ang babala, napindot na niya ang switch. Nanlaki ang mga mata ni Sybilla nang makitang hindi si Corrine ang nasa loob ng kanyang banyo. Kaagad nagwala ang kanyang puso sa loob ng dibdib niya. Nasa banyo niya si Mathias. Nakatuntong ang lalaki sa isang plastic na bangkito. Hawak nito sa isang kamay ang kanyang flashlight, sa kabila naman ay ang bombilya. Aandap-andap ang ilaw niya sa banyo ngunit hindi gaanong napapansin ni Sybilla. Ang tanging tumatakbo sa isipan niya nang mga sandaling iyon ay nasa loob ng kanyang banyo si Mathias Mendoza. At sila lamang ang naroon, wala si Corrine. Sinasabi ng isang bahagi ng kanyang isipan na umalis na roon, umiwas dahil tila may panganib na nakaamba. Ngunit tila naparalisa ang kanyang buong katawan. Hindi niya maigalaw ang kanyang mga binti, kahit anong gawin niyang utos. Nakatitig lamang siya kay Mathias. Patay-sindi na ang ilaw sa loob ng banyo. Imbes na matakot tuwing nagdidilim ang paligid, mas nakakadama ng antisipasyon at pananabik si Sybilla. Pagsindi ng ilaw ay nakababa na si Mathias sa bangkito. Muling namatay ang ilaw at nagdilim ang paligid. Nang magliwanag ay mas malapit na si Mathias sa kanya. Hindi sigurado ni Sybilla kung si Mathias ang humakbang palapit o siya mismo. Muli silang nabalot ng dilim. Nang magliwanag ay mas lumapit pa si Mathias. Muling nagdilim ang paligid. Sa pagkakataon na iyon ay natagalan nang bahagya. Nag-init ang buong pakiramdam niya. Nahihirapan na siyang huminga. Waring sasabog ang kanyang dibdib sa sobrang lakas ng kabog. Nang biglang magliwanag ay napasinghap si Sybilla. Nasa harap na niya si Mathias. Nagtagpo ang kanilang mga mata. Napalunok siya. Mathias’s eyes were darker, more intense. He was sexy as hell. Namatay uli ang ilaw. Muling napalunok si Sybilla. Nararamdaman niya ang mabangong hininga ni Mathias sa kanyang mukha. He was dangerously close. Nang muling sumindi ang ilaw ay hindi na siya gaanong nagulat na kahibla na lamang ang distansiya sa kanilang mga labi. Ramdam na ramdam ni Sybilla ang malakas na hatak ng atraksiyon. Nais niyang higitin ang kuwelyo ng polo shirt nito upang mawala na ang munting distansiya na naghihiwalay sa kanilang dalawa. Ngunit pilit niyang pinigilan ang sarili. Tila hindi gumagana ang kanyang isipan ngunit hindi pa rin siya lubusang nakakalimot. Nakikita ni Sybilla sa mga mata ni Mathias na nais nitong gawin ang kaparehong bagay. She was certain he wanted to kiss her. And more. Kinilabutan siya. Lalong nanghina ang kanyang mga binti habang nakatitig sa mga mata ni Mathias. Waring may tinig na nag-uudyok sa kanya na pagbigyan na ang sarili sa masidhing kagustuhan. Just a taste. Nothing wrong. Nothing big. Tikim lang. She licked her dry lips. Lalong nag-apoy ang pagnanasa sa mga mata ni Mathias sa nasaksihang ginawa niya. He was ready to give in to temptation. Ibinuka niya ang bibig. “No,” halos magkapanabay nilang usal. “Mat, I’m home!” Pareho silang napapitlag nang marinig ang tinig ni Corrine. Kaagad lumayo si Sybilla kay Mathias. Ganoon din ang ginawa ng lalaki. “Nasaan ka? Nakauwi na ba si Sybilla?” Palapit na nang palapit ang tinig ni Corrine. Mabilis na lumabas ng banyo si Sybilla. Hindi niya alam ang gagawin. Natataranta siya at labis na natatakot. Hindi niya alam kung paano pakikiharapan si Corrine. Napuno ng guilt ang kanyang puso. Nais niyang sabunutan ang sarili at pagsasampalin. How could she do this to her sister? Pumasok sa loob ng silid niya si Corrine at bahagyang natigilan nang makita siya. Halos mawalan ng malay si Sybilla sa sidhi ng takot at nerbiyos na umaalipin sa kanya. Gumuhit ang ngiti sa mga labi ng kapatid. “Good, you’re here na. Akala ko pa naman ay matatagalan ka pa. Maayos ang lahat sa ospital? Nobody died? You look pale. Pagod na pagod ka siguro.” Ibinuka niya ang bibig ngunit bago pa man siya makatugon ay muling nagsalita si Corrine. “Nagkita na ba kayo ni Mat? Nagloko ang ilaw sa banyo mo. Ipinaayos ko habang sumasaglit ako sa grocery para sa ice cream na dessert natin.” Hindi uli siya binigyan ni Corrine ng pagkakataong makatugon, tinungo nito ang banyo. “Hon? Are you done?” Nagliwanag sa loob ng banyo. Steady na ang ilaw, hindi na aandap-andap o namamatay-matay. Lumabas si Mathias sa banyo kasama ang nakangiting si Corrine. Walang kahit na anong mababakas na ekspresyon sa mukha nito. Tila walang anumang kakaiba na nangyari sa pagitan nila. He acted as if everything was normal. Bahagyang nayamot si Sybilla. Hindi pa rin humuhupa ang takot at ligalig na kanyang nadarama. Ngunit wala siyang gaanong magawa sa harap ni Corrine. Hindi niya malaman kung paano pakikitunguhan ang mga nadarama kaya minabuti niyang manahimik na lamang at magpatianod sa mga nais mangyari ni Corrine sa gabing iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD