12

1231 Words
“NOT BAD,” sabi ni Sybilla sa sarili pagpasok niya sa loob ng unit na siyang magiging tahanan niya sa lungsod. Fully-furnished na ang unit kaya isang malaking maleta na lamang ang kanyang bitbit. Ang ilan sa kanyang gamit at abubot ay ipinadala na roon ng kanyang ina. Sa pamantayan ni Sybilla ay malaki para sa iisang tao ang condominium unit. Hindi naman niya kailangan ng space dahil hindi siya nasanay sa ganoon. Ang nais lang niya ay tahimik na lugar na maaari niyang pagpahingahan kapag pagod siya. Hindi rin kailangang magara ang kanyang maliit na espasyo. Kung siya ang masusunod, hindi niya pipiliing manirahan sa high-rise condominium building na iyon. Ngunit paano niya tatanggihan ang regalo sa kanya ng kanyang lolo? Maghahanap pa lang sana siya ng isang disenteng apartment na malapit sa ospital nang ipadala sa kanya ang lock codes at titulo ng unit. Binigyan din siya nito ng isang kotse na gagamitin niya sa pagpasok at pag-uwi. Nang magkaharap sila ng kanyang lolo ay sinabi niyang hindi nito kailangang gawin ang mga bagay na iyon. Hindi siya nito kailangang bigyan ng kung ano-ano. “Humingi ka ng bahay kay Damian bilang kapalit sa dalawampung taon na sustento. Ganoon mo na rin ikonsidera ang unit at kotse.” Napalunok si Sybilla. Nais niyang sabihin na hindi na siya ang dating Sybilla na sabik sa mga ganoong bagay. Noon, nanghingi siya dahil wala pa siyang kakayahang bumili ng bahay. Noon, bata pa siya at alipin ng mga emosyon. Noon, pakiramdam niya ay napagkaitan siya. Iba na siya ngayon. Ngunit wala siyang anumang nasabi sa abuelo. Tumango na lang siya. Hindi niya magawang sabihin ang ilang bagay na tumatakbo sa kanyang isipan. Tanging kay Ramoncito Arqueza lamang ganoon si Sybilla. “You have no right to screw up, Sybilla.” Napabuntong-hininga si Sybilla nang maalala ang particular na bilin na iyon ng kanyang lolo noong magkita silang dalawa. Tumuloy siya sa silid at itinabi ang maleta bago naupo sa kama. “You are my granddaughter and it’s your obligation to be one of the best.” Pagkatapos ng brief niya palagi ng laman ng kanyang isipan si Mathias Mendoza. Natatagpuan niya ang sarili na madalas nagtatanong kung kakayanin ba niya talagang makasama ang lalaki sa iisang ospital. Naiinis siya sa sarili dahil nagpapadaig siya sa isang lalaki. Nagpapakaduwag. She was never that kind of woman. Nasabi na rin sa kanya ng kanyang lolo na sa susunod na taon ay magiging abala si Horacio Mendoza sa research. Maaaring kailanganin nitong magbitiw sa DRMMH at manatili sa ibang bansa. Nais ng lolo niya na paghusayan niya upang siya ang sunod na mahirang na head ng cardio department. She had to impress everyone. Ngayon lang nakadama ng ganoong klaseng pressure si Sybilla. Lubos ang tiwala niya sa sariling kakayahan. Alam niya na mahusay siyang doktor. Hindi lamang siya sanay na may umaasa sa kanya. Hindi siya sanay sa kaisipan na kailangan niyang paghusayan dahil inaasahan siya ng Lolo Monching niya. Dahil nais nitong magkaroon pa rin ng lugar ang mga Arqueza sa dinastiyang pag-aari na ng mga Mendoza. May bahagi sa puso ni Sybilla ang natatakot at nangangamba. Paano kung hindi niya maibigay ang mga hinihingi sa kanya? Paano kung magkaiba ang pamantayan nila ng “best” ng Lolo Monching niya? Ngunit mayroon din namang bahagi ang bahagyang naliligayahan. Ramoncito expected so much from her. Pakiramdam niya ay importante siya sa abuelo. Pakiramdam niya ay ganap na siya nitong natanggap. “Buck up, Sybilla,” pagkausap niya sa sarili matapos magpakawala ng buntong-hininga. “You can do it. You can do anything as long as you put your mind to it.” Imbes na mag-isip, tumayo na siya sa pagkakaupo at inumpisahan ang pag-aayos ng kanyang mga gamit. Gumagana na ang kanyang ref ngunit wala pang laman kaya napagpasyahan niyang lumabas muna upang bilhin ang lahat ng kanyang mga kailangan. Naglista muna siya bago lumabas upang wala siyang makalimutan. Sandali niyang pinagdebatehan kung gagamitin niya ang bago niyang sasakyan na nasa basement parking lot. Marami siyang bitbit mamaya ngunit hindi pa niya gaanong gamay ang pagmamaneho sa Maynila. Hindi niya sigurado kung kakayanin niya. Habang hinihintay ang elevator ay inilabas niya ang cell phone at idinagdag ang gourmet tuyo sa kanyang listahan ng bibilhin. Paborito niya ang tuyo. Regular siyang pinadadalhan ng kanyang ina sa Maryland noon. Naalala niya ang ilang pagkaing Pinoy na nais niya kaya sunod-sunod ang kanyang naging paglilista. Bumukas ang elevator. Hindi inaalis ang mga mata sa cell phone na pumasok siya. Sandali siyang tumingin sa mga button. Nang makitang nakailaw na ang buton ng ground floor ay binalikan ng kanyang mga mata ang ginagawa sa cell phone. “Hey.” Kamuntikan nang mahulog ni Sybilla ang hawak na cell phone nang manuot sa kanyang diwa ang pamilyar na tinig na kanyang narinig. Napalunok siya. Ilang sandali muna ang kanyang pinalipas bago siya naglakas ng loob na lingunin ang lalaking kasama niya sa elevator. Si Mathias nga ang may-ari ng pamilyar na tinig. Kampanteng nakasandal sa isang sulok ang lalaki. May tipid na ngiting nakaguhit sa mga labi nito. Nakatingin ito sa kanya. Muling napalunok si Sybilla. Bakit ganoon? Bakit tila lalong kumikisig ang lalaking ito sa tuwing kanyang makikita? Nakasuot si Mathias ng simpleng maong na pantalon at abuhing V-necked T-shirt. Tila hindi pa napapadaanan ng suklay ang alon-alon nitong buhok. He looked so perfect, so dazzling. Lumapad ang ngiti sa mga labi ni Mathias. Nagniningning sa kaaliwan ang mga matang nakatingin sa kanya. “Sybilla,” pormal nitong sambit bilang pagbati. “Mathias,” ganti niya sa kaparehong tinig. Kailangan niyang papurihan ang sarili dahil hindi siya nautal. Sinikap niyang magpakakaswal. Nais niyang maipakita sa lalaking ito na hindi siya naaapektuhan ng presensiya nito kahit na ang totoo ay nais na niyang lumabas sa elevator na iyon na pakiramdaman niya ay sobrang bagal sa pag-usad pababa. Nais ni Sybilla na manahimik hanggang sa marating nila ang ground floor. Ayaw niyang makipaghuntahan sa lalaki. Kapag nasa loob sila ng DRMMH, kakausapin niya si Mathias tungkol sa trabaho. Babatiin niya ito dahil ito ang Chief of Surgery. Sa labas ay maaaring hindi niya iyon gawin. Ngunit hindi pa rin niya napigilan ang sarili na lingunin ang lalaki. Kampante pa rin itong nakasandal, tila hindi apektado sa kanyang presensiya. “Ano ang ginagawa mo rito?” hindi niya napigilang itanong. Nilingon siya ni Mathias. “I live in the penthouse.” Sandaling natigilan si Sybilla. Mas sumidhi ang nadarama niyang pagkaligalig. “P-penthouse?” Tumango si Mathias, hindi siya nilulubayan ng tingin. “Mendozas own the building.” Siyempre ay alam na iyon ni Sybilla. Hindi lang ang Dr. Rizalino Mendoza Memorial Hospital ang emperyo ng mga Mendoza. Ang ilan sa kapamilya ng mga ito ay dinodomina rin ang ibang sector ng negosyo. Ngunit hindi naman niya alam na nakatira si Mathias sa penthouse. The elevator dinged. Kaagad na lumabas si Sybilla kahit na hindi pa nila nararating ang ground floor. Isang lalaking papasok ng elevator ang nakabangga niya sa kanyang pagmamadali. Hindi na siya nagkaroon ng pagkakataong makahingi ng paumanhin. Bakit nangyayari ang bagay na iyon kay Sybilla? Anong klaseng biro iyon? Makakasama na niya sa trabaho si Mathias at makikita pa rin niya ang mapanganib na lalaki sa inuuwian niya? If Sybilla was like Corrine, she’d think this was fate. Destiny. Was it?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD