“Theo?” Hindi makapaniwala si Ash ng makita ang kaibigan. Nakangiti ito sa kanila na para bang inaasahan na silang dumating.
“Anong ginagawa mo dito?” Tanong ni Jet. Sinimangutan s’ya ni Theo dahil sa sinabing iyon ni Jet.
“Bawal na ba ako dito? Nakakalungkot naman,” Wika ni Theo. Nagkatinginan ang tatlo at lumapit kay Theo. Walang salita nilang kinutusan si Theo. Hindi naman nagulat si Theo dahil inaasahan na niya ang reaksyong ito mula sa mga kaibigan.
“Masakit,” Sambit n’ya.
“G*go ka kase, e.”
“Bakit bigla ka nalang nawala?”
“Kami nalang tuloy tatlo,” Wika ni Frank. Nagseryoso ng mukha si Theo dahil sa sinabi ng kaibigan. Luminga-linga ito sa paligid na para bang may hinahanap. Naintindihan naman ni Ash ang ibig iparating ni Theo.
“Wala na rin si Ellis, nagbago na s’ya.” Malamig na wika ni Ash. Natahimik sina Jet at Frank dahil hindi nila alam kung ano o paano ipapaliwanag sa bagong dating na kaibigan ang nangyare. Ang totoo n’yan, bigla nalang nagbago ang lahat. Hindi nila alam kung paano o ano ang nangyare dahil ganu’n nalang kabilis ang lahat.
“Nagbago?” Tanong ni Theo. Nagkatinginan ang tatlo na para bang nagtuturuan kung sino ang magsasabi kay Theo.
***
“Napakamahal naman ng restaurant na ito,” Bulalas ni Frank. Hindi niya mapigilang maglaway dahil sa mga pagkaing naka-display.
“Are you sure na dito tayo kakain? Okay lang naman sa amin kahit sa karinderya ni Aling Kusing.” Sambit ni Jet.
“It’s fine,” Sagot ni Theo. Hindi naman mapakali ang tatlo dahil maski ang inuupuan nila ay masyadong mahal din. May mga kakaibang disenyo ito at malambot upuan.
Ang mga ilaw sa paligid na tamang-tama sa pagiging elegante ng lugar. May mga naglalakihan ring chandelier sa bawat parte ng lugar. Maya-maya ay dumating na rin ang in-order nila. Halos tumulo na ang laway ng tatlo dahil sa masarap na pagkaing nakahain sa kanilang harapan.
“Dig in,” Wika ni Theo. Nasa bandang VIP sila kaya naman walang gaanong tao sa lugar nila. Malaya silang kumain sa sarili nilang paraan.
Halo-halo ang kanilang mga kwentuhan at tawanan. Napag-alaman ng tatlo na kasalukuyan palang nag-aaral si Theo sa isa sa mga sikat na paaraan dito sa bansa. Lumipat na rin ito malapit sa tirahan ng kaniyang ina kaya naman umalis na s’ya sa apartment n’ya. Natahimik naman si Ash ng maalala ang sinabi ng kapitbahay ni Theo. Gayun pa man, hindi n’ya iyon ipinahalata kay Theo.
“So, tell me. Anong nangyare kay Ellis?” Tanong ni Theo ng matapos s’yang kumain. Hindi naman s’ya masyadong narinig nina Jet at Frank dahil busy sa pagkain. Marami ba naman ang in-order ni Theo para sa kanila.
“Sa totoo lang, hindi namin alam kung paano nangyare ‘yun. Kinalaban n’ya si Bon, sumunod nalang na nangyare ay s’ya na ang pinuno ng gang ni Bon.” Sagot ni Ash. Natigilan si Theo.
“Bakit n’ya kinalaban si Bon?”
“Hindi ko nga alam sa lalaking ‘yun, e.” Sagot ni Ash. Natahimik si Theo at nag-iisip ng ibang sagot kung bakit ginawa iyon ng kaibigan. Muli namang nagsalita si Ash, “Nang mapunta sa kaniya ang gang ni Bon, binago n’ya ito. Ngayon ay kumikita na sila dahil sa mga sugalan,” Dagdag ni Ash. Hindi nakapagsalita si Theo dahil sa mga narinig. Iniisip niya kung ano ang dahilan at ginagawa ni Ellis iyon. Naniniwala siya na may dahilan ang kaibigan.
“Nakausap n’yo na ba s’ya?” Tanong muli ni Theo. Sa pagkakataong ito, si Jet na ang sumagot.
“Oo pero muntik ng magkasuntukan ‘yang dalawang ‘yan, e.” Sagot n’ya at saka muling kinagat ang fried chicken. Napatingin si Theo kay Ash habang umiiling-iling si Ash.
“Muntik ng magkasuntukan?”
“Well, may pinag-usapan kami pero masyadong iba ang pag-iisip ng lalaking ‘yun.” Diretsang sagot ni Ash. Umiwas s’ya ng tingin kay Theo dahil ang totoo, si Theo talaga ang dahilan ng pag-uusap nila nu’n.
“Gusto ko s’yang makita,” Wika ni Theo. Seryoso na ang mukha nito ngayon dahil mukhang hindi niya nagustuhan ang mga nalalaman sa kaibigan. Gusto niyang kausapin ito dahil mula sa mga kwento nina Ash ay malakas ang kutob ni Theo na hindi maganda ang nangyayare sa kaibigan.
“Nandu’n s’ya sa hideout nila,” Sambit ni Ash.
Matapos kumain ay si Theo na ang nagbayad. Namangha pa ang tatlo dahil puro credit card ang laman ng wallet ni Theo. Biniro pa nila ang kaibigan na baka sa mga susunod na araw ay nakawan nila ito. Natawa nalang si Theo dahil alam n’ya posibleng manyare nga iyon.
Sumakay sila sa kotse ni Theo. Namangha nanaman ang tatlo dahil may sarili ng sasakyan ang kaibigan. Sa tingin pa nila ay mukhang mamahalin ang kotseng iyon dahil sa sikat na tatak nito.
Ilang minuto lang ang itinagal ng makarating sila sa tinutukoy na lugar ni Ash. Walang gaanong traffic dahil madaling araw na halos.
Wala pa sila halos sa pinaka harap ng abandonadong warehouse ay hinarang na agad sila ng ilan sa mga tauhan ni Ellis.
“Anong pakay n’yo dito?” Wika ng isa sa mga tauhan ni Ellis. Pinagmasdan nito ang kotse ng binata at napatango ng mapagtanto na mayaman siya.
“Nandito ka ba para maglaro?” Dagdag na tanong ng isa pa. Nagkatinginan si Theo at Ash. Dahil medyo madilim ang loob ay hindi gaanong naaaninag ng nasa labas si Ash.
“Yes,” Nakangiting sagot ni Theo.
“Pasensya na, sarado pa ang pasugalan ni Boss.” Mabilis na sagot nito. Bumulong si Ash kay Theo, “Palaging bukas ‘yung 27/7,” sambit nito. Tumango-tango si Theo at muling tumingin sa lalaki.
“Where’s your Boss?” Matapang na tanong ni Theo. Napatingin ang lalaki sa kasamahan n’ya na tila nagdadalawang-isip kung sasabihin ba sa kanila ang sagot. Sa huli, sinabi rin nila kay Theo kung nasaan si Ellis.
“Umalis sila, may pinuntahan kliyente,” Malamig na tugon nito. Natigilan si Theo. Hindi siya makapaniwala sa narinig. Hindi rin siya makapaniwala na ganito na ang gang ni Bon. Masyado na itong malaki ngayon.
“Thank you,” sambit ni Theo at saka pina-andar ang sasakyan paalis.
Habang nasa byahe ay tahimik lang silang apat. Ngayon ay samu’t-sariling idea ang pumapasok sa isipan ni Theo. Hindi parin naniniwala si Theo na magiging ganu’n ang kaibigan.
“Sa tingin ko, dahil kay Avery iyon,” Bulalas ni Ash. Hindi nagsalita si Theo. Nakikiramdam rin ang dalawa sa likod. Muling nagsalita si Ash, “Kahit hindi n’ya sabihin, alam kong si Avery ang dahilan.” Wika muli ni Ash. Hindi nagsalita si Theo at patuloy na nakinig.
Inihatid na ni Theo ang mga kaibigan sa kani-kanilang bahay. Mag-alas kwatro na rin ng madaling araw. Huli niyang hinatid si Ash. Pagdating sa tapat ng bahay nila Ash ay hindi muna bumaba ang binata.
“May sasabihin ka?” Tanong ni Theo. Huminga ng malalim si Ash at saka tumingin kay Theo.
“May connection ka ba kina Avery?” Diretsong tanong ni Theo. Napangiti siya at saka binuksan ang bintana. Inilabas ni Theo ang kaniyang sigarilyo at saka ito sinindihan.
“Inaasahan kong si Ellis ang magtatanong n’yan,” malungkot na sabi ni Theo. Natigilan si Ash at hindi makapaniwalang tiningnan si Theo. Nakangiti lang si Theo sa kawalan habang hinihit-hit ang sigarilyo. “Matalino ka rin Ash,” pagpuri niya kay Ash.
“So, may kinalaman ka nga kay Avery?” Tanong muli ni Ash. Umiling si Theo. Pagkatapos ay tumingin kay Ash.
“Wala,” Wika niya. Hindi nakasagot si Ash sa kaniya. Hindi niya alam kung nagsasabi ito ng totoo o nagsisinungaling. Gayun pa man, dahil sa mga tingin iyon ni Theo, medyo nakakampanti na s’ya.
“Salamat kung ganu’n,” wika ni Ash. Hindi na rin siya nagtagal sa loob ng kotse ni Theo at saka lumabas na. Kumaway sa kaniya si Theo bago tuluyang umalis. Pinagmasdan ni Ash ang kotse ni Theo hanggang sa wala ito sa paningin n'ya. Bago pumasok, napa-isip siya tungkol kay Theo.
‘Malihim ka rin Theo,’ Wika ni Ash sa sarili.
***
“Okaerinasai, (Welcome back)” Bungad na isang pamilyar na boses kay Theo pagpasok niya lobby ng resort. Pasikat na ang araw ng makarating siya dito. Hindi niya inaasahan na ito ang bubungad sa kaniya.
“Anata wa koko de nani o shite iru no? (What are you doing here?)” Tanong niya sa pamilyar na tao. Nagkibit-balikat ito sa kaniya at saka ipinakita ang cell phone kung saan nakasulat sa screen ang numero ng ama.
“Pinapunta ako dito ni Dad,” Sagot nito kay Theo. Napatingin saglit sa kaniya ang binata. Tiningnan s’ya ng may halong pagtataka ng taong iyon.
“Dō shimashita ka? (What’s wrong?)” tanong nito sa kaniya.
“Mukhang nagbago si Ellis,” Diretsong wika ni Theo. Hindi umimik ang taong iyon na para bang hindi ito nagulat. Nakatingin lang s’ya kay Theo at pagkatapos ay umiwas.
“Alam ko,” sagot nito. Nagulat si Theo dahil sa sinabi nito.
“You know?” Tumango ang dalaga at saka tumingin sa malayo. Ngayon ay halos pumapasok na sa mga bintana ang sinag ng araw.
“I’m not present physically, but I’m with him always.” Malumanay na sabi ni Avery. Napatingin lang sa kaniya si Theo at hindi nagsalita. Hindi n’ya alam kung ano ang tamang sagot para sa mga sinabi niya. Gayun pa man, kitang-kita ni Theo ang sincere sa mga mata ng dalaga. Mukhang totoo nga ang mga sinabi nito.
“Anong gagawin mo ngayon?” Tanong ni Avery kay Theo. Umiwas ng tingin si Theo.
“Hindi ko alam,” Sagot n’ya. Sabay na napalingon ang dalawa ng bumukas ang elevator at iniluwa nito ang ina ni Theo. Mukhang maglalakad-lakad nanaman ito gaya ng palaging ginagawa tuwing umaga.
“Oh! Nandito kana pala anak,” Bati nito kay Theo. Ngumiti si Theo na para bang walang problema at niyakap ang ina.
“Good morning,” Bati niya dito. Ngumiti ng matamis ang kaniyang ina at saka nagpaalam. Sinabi nito na mag-exercise lang ito sa malapit na court. Pumayag si Theo at saka tinawag ang isang men-in-black. Pinasamahan niya ang kaniya ina dito.
Nang umalis na ang ina ay saka nagsalita si Avery, “So, shall we move on?” tanong ng dalaga sa kaniya. Napatingin si Theo kay Avery dahil sa itinanong nito.
“Move on? From what? Don’t tell me kakalimutan mo nalang sila. Alam mo bang nagtanong sa akin si Ash kung may connection daw ako sa’yo,” Wika ni Theo. Seryosong nakatingin si Avery sa malayo habang pinakikinggan ang mga sinasabi ng binata.
"Do you know who I am, right?” Paglilinaw ni Avery dito. Hindi na sumagot si Theo dahil alam n’ya ang mangyayare kung makikipagtalo s’ya. Ngumiti na lamang sa kaniya si Avery saka tinapik-tapik ang balikat nito. Pagkatapos ay naglakad na ito papasok sa elevator.
Naiwan si Theo na malalim ang iniisip. Ngayon ay gusto n’yang makita si Ellis dahil marami s’yang gustong itanong dito. Marami rin siyang gustong hilingin dito ngunit dahil sa kalagayan ng kaibigan, mukhang malabo iyon.
Huminga na lamang ng malalim si Theo ng maalala ang itinanong sa kaniya ng kaibigan. Pinili n’yang magsinungaling dito dahil alam n’ya ang curiosity ng isang tao. Ayaw niyang maghanap ng sagot ang mga kaibigan upang hindi ito madamay.