“Tanong mo nga,” Utos ni Ash kay Frank. Kasalukuyan silang nag-iikot sa buong lugar upang hanapin ang apartment na tinutuluyan ni Theo. Ngayon ay naisip nilang kailangan na nilang gumawa ng hakbang upang mapigilan si Ellis sa ginagawa nito.
“Wala daw Theo Garido,” Malungkot na sabi ni Frank. Sabay-sabay silang huminga ng malalim dahil ilang apartment na ang pinagtanungan nila ngunit wala pa rin silang makita.
“Saan ba kase nakatira ‘yung lalaking ‘yun?” Naiinis na wika ni Jet. Nagkibit-balikat lang sina Ash dahil hindi nila alam. Iniisip nila kung alam kaya ni Ellis ang bahay ng kaibigan ngunit hindi nila alam kung paano kakausapin ito.
“Tara du’n naman sa kabila,” Pag-aaya ni Frank. Tahimik na umalis duon ang tatlo. Pare-pareho lang ang takbo ng kanilang isipan, ‘Nasaan si Theo?’
Nagtanong ulit sila sa kabilang apartment ngunit wla ring nakatira du’n. Tanghaling tapat na ngunit hindi pa rin sila nagugutom. Maya-maya ay nakasalubong nila si Che-che kasama ang mga kaklase nito. Nagulat pa ang dalaga ng makita silang tatlo.
“Oy! Anong ginagawa n’yo dito?” Tanong ni Che-che habang hawak-hawak ang softdrink na iniinom.
“May hinahanap lang,” Sagot ni Ash. Kasama ni Che-che ang dalawang kaibigang babae at isang lalaki.
“Sino naman? Teka, bakit hindi n’yo pala kasama si kuya?” Nagkatinginan ang tatlong magkakaibigan. Hindi nila alam kung sasabihin ba ang totoo o hindi. Gayun pa man, naisipan pa rin nilang magsinungaling dito dahil paniguradong magiging problema lang ito.
“May pinuntahan,”
“Nga pala, sino hinahanap n’yo?” Tanong muli ng dalaga.
“Si Theo. Hindi kase namin alam bahay ng lalaking ‘yun, e.” Napapakamot na lamang sila Ash dahil sa isinagot. Binigyan lang sila ni Che-che ng nakakairitang tingin dahil du’n.
“Kaibigan n’yo hindi n’yo alam ang bahay? The heck!” Pailing-iling na sabi ng dalaga. Natawa naman sa kaniya ang mga kaibigan kaya pasimpleng tumawa na lang rin sina Ash. Totoo naman ang sinabi ng dalaga kaya hindi na nila itinanggi iyon.
“Anong apelyido po ba?” Singit ng isa sa mga kaibigan ni Che-che.
“Garido. Hindi ko lang alam kung kilala mo ‘yun,” Sambit ni Frank.
“Ay! Nakatira nga rin pala kayo sa apartment, baka may kilala ka.” Wika ni Che-che. Umaktong nag-iisip ang kaibigan nito na mukhang may naalala dahil agad ring nagbago ang expression ng mukha nito.
“Ay may kilala ako, si Kuya Theo. Kaso hindi ko sure kung ‘yun ang hinahanap n’yo.” Napatingin sina Ash sa isa’t-isa at mabilis na inilabas ang cell phone. Kahit papaano ay may larawan sila ng kaibigan kaya iyon ang ipinakita nila.
“Eto ba ‘yung Theo na ‘yun?” Tanong ni Ash. Tumango ang kaibigan ni Che-che ng makumpirmang iyon nga ang kaibigan nila.
Agad na silang nagtungo sa apartment kung saan nakatira ang kaibigan ni Che-che. Pagdating du’n ay nagpaalam ang tatlo dahil pupuntahan nila ang apartment ng kaibigan na nasa second floor.
Pag-akyat nila ay nakita nilang sarado iyon at nakalock. Sa tabi ng apartment ni Theo ay may mga nakatira at saktong nakabukas ang pinto. Mabilis nilang tinanong kung nasaan ang nakatira ngunit nagulat sila ng marinig ang sagot.
“Ahh! ‘Yung binatang nakatira d’yan? Isang linggo ng hindi umuuwi d’yan, e. Sa pagkaka-alam ko, hindi na daw nagbayad ng upa ‘yung nakatira d’yan dahil lilipat na daw.” Nagkatinginan na lamang sin Ash dahil sa narinig. Isang linggo ng wala si Theo. Kasabay pa mismo ng pa-alis ni Avery.
“Marami pong salamat,” Sambit ni Frank.
“Ay teka, naalala ko pala. Dati nu’ng nand’yan pa s’ya, naalala ko na may sumusundo sa kaniyang itim na van. Tapos mga naka-suit na lalaki. Naisip ko tuloy na mayaman ‘yung batang ‘yun.” Wika ng babae habang sinasariwa ang naalala n’ya.
Umalingawngaw sa isipan nina Ash ang sinabi ng babae na naka-suit. Hindi sila maaaring magkamali, mga men-in-black ang mga iyon. Ngunit, iniisip nila na bakit sinusundo ng mga ito ang kaibigan.
“Maraming salamat po ulit,” Wika ni Jet.
Pagbaba nila ay naabutan nila si Che-che na mukhang kanina pa sila inaantay.
“Ano nang nalaman n’yo?” Tanong nito habang kumakain ng poato chips. Lumapit sa kaniya si Frank at pasimpleng kumuha ng potato chips.
“Ayos naman,” Sagot ni Jet. Siningkitan sila ni Che-che ng tingin dahil sa sagot na narinig.
“Ayos naman? Anong klaseng sagot ‘yan? Anong nalaman n’yo kay kuya Theo?” Tanong muli ni Che-che. Nagsimula na silang maglakad. Tahimik pa rin si Ash dahil pilit niyang pinagdudugtong ang mga pangyayare. Iniisip niya kung ano ang kaugnayan ni Theo sa mga men-in-black na iyon.
“Huwag ka na nga makisawsaw babae,” Bulyaw ni Jet kay Che-che. Tinaasan siya ng kilay ng dalaga at saka binatukan. Napa-aray na lamang si Jet dahil sa sakit na naramdaman.
“Huwag mo ‘kong masigaw-sigawan. Tatamaan ka talaga sa akin,” Wika ng dalaga.
“Amazona,” Bulong ni Jet.
“Ano ‘yun?” Kahit na narinig na ni Che-che ang sinabi, tinanong n’ya pa rin ang binata upang mas lalo itong takutin. Hindi naman s’ya nagkamali dahil takot na umiling ang binata sa kaniya na ikinatawa ni Frank. Napansin naman s’ya ni Che-che kaya mabilis din siyang binatukan ng dalaga.
“Luh? Para saan ‘yun?” Wika ni Frank habang hinihimas ang ulo.
“Ubos na chips ko, oh! Bwisit ‘to!” Wika niya. Napanguso si Frank dahil napapansin pala s’ya ng dalaga.
“Amazona,” Bulong rin ni Frank.
“Tsk! Bahala na nga kayo d’yan. Uuwi na ako. Pakisabi kay kuya umuwi s’ya maaga.” Wika ni Che-che at saka lumiko sa kabilang daan. Naiwan ang tatlo na nakatingin lang sa kaniya hanggang sa tuluyan ng mawala sa kanilang paningin.
“We need to talk to Ellis,” Malamig na sambit ni Ash.
***
“Ilahat mo na!” Mula sa labas ng abandonadong warehouse na iyon ay rinig na rinig nilang tatlo ang sigawan ng mga tao du’n. Napagtanto nilang nagsusugal ang mga iyon. Mayroon ring mga matatanda na at ang ilan ay nasa high school pa lang. Mukhang hindi kasali sa gang ang mga naglalarong iyon.
“Talo ka nanaman, ipusta mo na ang bahay mo.” Wika ni Bon sa isang matandang lalaki. Kung pagmamasdan ay mukhang mayaman ang mga ito. Sa isip-isip nila Ash, mukhang lumalaki na ang gang nila Ellis.
“Boss may bisita,” Sambit ng lalaking nasa likuran nilang tatlo. Ito ang nagdala sa kanila sa loob. Napatingin sa kanila si Bon at sumilay ang isang ngiti.
“Hindi ba kayo ‘yung mga dating kaibigan ni Boss Ellis?” Napakunot sila Ash ng noo ng marinig ang salitang ‘dati’.
“Anong sinasabi mo? Kaibigan pa rin namin si Ellis,” Pagmamalaki ni Frank. Natawa naman si Bon dahil sa sinagot sa kaniya ni Frank.
“Talaga ba? Hindi ba’t iniwan n’yo s’ya?” Naalala ni Ash ‘yung nangyare nu’ng isang araw sa pagitan nila ni Ellis. Hindi naman talaga nila iniwan ang kaibigan. Nagpahupa lang sila ng inis sa isa’t-isa.
“Nasaan si Ellis?” Tanong ni Ash. Nawala ang ngiti nito ng makita ang seryosong mukha ni Ash. Sinenyasan niya ang lalaking nagdala sa kanilang tatlo at inutos na dalhin kay Ellis. Bago umalis sa harapan ni Bon ang tatlo, binigyan n’ya ito ng tig-iisang tingin.
“Grabe! May sugalan na rin pala dito.” Wika ni Frank. Pinagmasdan nila ang buong lugar at nakita ang kaliwa’t kanang sugalan. Mukhang malayong makita ito ng mga pulis dahil hindi pansinin ang lugar. Malayo rin ito sa mga kabahayan at sa hi-way.
Mula sa kinatatayuan nila, natanaw nila si Ellis na nasa taas na bahagi ng warehouse. May tila kwarto duon at sirang salamin kaya nakita agad nila si Ellis sa loob nito. Pinagmamasdan ni Ellis ang mga lamesa na puno ng mga nagsusugal. Napalingon lang s’ya sa mga kaibigan ng mapansin niya ito.
“Boss, mga kaibigan mo.” Bungad ng lalaking naghatid sa kanila kay Ellis. Tinanguan n’ya ito at saka inutos na isara ang pinto. Naiwan sa loob ang apat na magkakaibigan. Nakaramdam naman ng pagka-awkward ang apat dahil matapos ang huli nilang pagkikita, ngayon lang ulit sila nagkasama-sama.
Dito na naglakas-loob si Ellis na magsalita. Hindi niya ipinahalata sa mga kaibigan na masaya siya na makita ang mga ito.
“Anong kailangan n’yo?” Tanong nito sa tatlo. Naglakas-loob na rin si Ash na magsalita.
“Let’s talk,” Bungad nito.
“Nag-uusap na tayo,” Mabilis nasagot ni Ellis. Napakuram si Ash ng marealize ang sinabi. Huminga na lamang ng malalim si Ellis at naupo sa sofa. Pinagmasdan nilang tatlo ang loob ng kwartong iyon. Mamahalin rin ang sofa na inuupuan ngayon ni Ellis.
"Ang mahal nito, ah. Saan ka nakakuha ng pera?" Tanong ni Jet. Itinuro ni Ellis ang bintana kung saan matatanaw ang mga taong nagsusugal. Naintindihan naman agad ni Jet ang tinutukoy ni Ellis.
Pinagmasdan naman ni Frank ang itsura ngayon ng kaibigan. Napagtanto n’yang may tattoo ito sa bandang balikat. Namangha siya sa disenyo nito kaya lumapit s’ya kay Ellis.
“Ang ganda naman,” Manghang wika ni Frank. Hinayaan n’ya lang ang kaibigan habang pinagmamasdan iyon. “Alam ba ito ng mama at papa mo?” Dagdag ni rank. Napatingin si Ellis sa kanila at saka nagwika.
“Hindi na ako minor,” Iyon lamang ang sinabi n’ya ngunit sapat na upang iparating ang ibig n’yang sabihin. Hindi na muling nagsalita si Frank.
“By the way, ano palang pag-uusapan natin?” Tanong ni Ellis. Umupo si Ash sa bakanteng upuan na nasa harapan ni Ellis.
“It’s about Theo,” Panimula ni Ash. Hindi naman nagbago ang reaksyon sa mukha ni Ellis na akala mo ay alam na ang ibig iparating ng kaibigan. Ipinagpatuloy na ulit ni Ash ang sasabihin, “Hinanap namin ang apartment n’ya. Sa tulong ng kapatid mo nahanap namin ‘yun. Ang problema, isang linggo na s’yang hindi umuuwi du’n at mukhang lumipat na daw ng apartment,” Sambit ni Ash. Nanatiling nakatingin sa kaniya si Ellis.
“And?” Tanong nito kay Ash. Nagkatinginan naman sina Jet at Frank dahil sa dalawa.
“Hindi mo ba napapansin? Isang linggo na rin simula nu’ng umalis si Avery. Hindi kaya magkasama sila?”
“Bakit mo naman naisip ‘yan?” Mabilis na tanong ni Ellis. Natahimik si Ash. Gusto n’yang sabihin sa kaibigan ang iniisip niya ngunit natatakot siya na baka mali ang bagay na iyon.
“Sabi nu’ng kapitbahay ni Theo, may sumusundo daw sa kaniyang mga men-in-black,” Si Jet na ang nagsalita. Tumayo siya at lumapit sa likuran ni Ash. Hindi naman napalitan ang reaksyon sa mukha ni Ellis. Nanatili lang siyang nakatingin sa mga kaibigan.
“So? Anong gusto n’yong iparating?” Tanong muli ni Ellis. Huminga ng malalim si Ash.
“Sa tingin ko, may kaugnayan si Theo kina Avery.” Diretsong sagot ni Ash. Saglit na napatitig sa kanila si Ellis. Hindi naman maitago nila Ash ang kaba sa kung anong sasabihin ni Ellis. Sa isip-isip niya, malamang na masasaktan ang kaibigan dahil malapit si Theo kay Ellis. Ngunit nagkamali siya. Hindi n’ya manlang nakitaan ng kahit na anong reaksyon sa mukha si Ellis.
Matapos ang ilang segundo ay tumayo si Ellis. Lumapit siya sa bintana at nakitang marami na ring naglalaro sa kanilang sugalan. Humarap siya sa mga kaibigan at pinagmasdan sila isa-isa.
“You have to stay away from this. It’s none of your business anymore,” Malamig na tugon ni Ellis. Napatayo na rin si Ash dahil sa sinabi ng kaibigan.
“What? ‘Yan lang ang sasabihin mo? Kaibigan rin namin si Theo. Anong stay away? Matapos naming malaman ang tungkol kay Avery, it feels like we know everything. We keep that secret, so we are also involved in this,” Matapang na sagot ni Ash kay Ellis. Pumagitna nanaman sina Jet at Frank dahil mukhang magkakagulo nanaman sa pagitan nila.
“Hindi nga ako nagkamali sa’yo,” Wika ni Ellis. Dahan-dahan itong lumapit kay Ash at saka hinawakan ang balikat.
“Calm down,” Bulong nito sa kaibigan.
“Ano bang nangyayare sa’yo Ellis? Hindi ka naman gan’yan, ah?” Tanong muli si Ash. Hindi na sumagot si Ellis. Sinenyasan n’ya si Jet na dalhin na sa labas si Ash. Napapailing na lang rin si Jet dahil sa nangyayare sa kaibigan.
Paglabas ng tatlong kaibigan ay saka naman pumasok si Bon. May dala itong isang kumpol ng papel.
“Here,” Wika niya kay Ellis. Kinuha iyon ng binata at binilang. Habang nagbibilang ay pasimpleng lumapit si Bon at sumilip sa bintana. Natanaw n’ya ang tatlong mga kaibigan ni Ellis na palabas ng warehouse.
“Mukhang may problema kayo, ah.” Wika niya dito. Hindi siya sinabi ni Ellis. Huminga na lamang ng malalim si Bon at lumapit kay Ellis. Umupo ito sa bakanteng upuan.
“Mukhang hindi mo pa sinasabi sa mga tolonggos na iyon ang pakay mo, ah.” Wika ulit ni Bon. Napahinto sa pagbibilang si Ellis at tumingin kay Bon.
“Don’t you dare,” Pagbabanta ni Ellis. Itinaas ni Bon ang mga kamay na para bang sumusuko.
“I won’t, trust me.” Sambit ni Bon. Ipinagpatuloy na ulit ni Ellis ang pagbibilang.